Total Pageviews

Thursday, August 12, 2010

Ang Anatomiya ng Demokrasya

Trilohiya: Oresteia
Produksyon: 2567 Productions (bahagi ng De La Salle College of Saint Benilde School of Design and Arts Technical Theater Program)
Direktor at Tagasalin: George de Jesus (halaw mula sa trilogy na “The Oresteia” ni Aeschylus)
Mga Nagsiganap: Peter Serrano, Paul Jake Paule, Tuxqs Rutaquio, Xeno Alejandro, atbp.

ISTORYA

Dahil trilohiya ito, tinadtad ang tragedy sa tatlong bahagi o kuwento. Ang una, ang Agamemnon, ay tungkol sa haring matagumpay na bumalik mula sa sampung taong digmaan sa pagitan ng mga taga-Troya at taga-Argos. Ito’y upang humantong lamang sa madugong paghihiganti ng asawang si Klytemnestra (Peter Serrano) na nakikiapid kay Egisto (Xeno Alejandro). Ang ikalawang bahagi, ang Choepori (The Libation Bearers), ay tumalakay naman sa paghihiganti ng anak nina Agamemnon at Klytemnestra na si Orestes (Paul Jake Paule) sa kanyang ina at sa kaluguyo nito. Ang panghuli, ang Eumenides, ay tumalakay sa paglilitis kay Orestes matapos itong sukulin ng mga Furia (o mga elemento na ipinanganak, ayon sa aking pagkakaintindi, mula sa galit ng namatay na si Klytemestra). Ang paghahatol ay pinangunahan ng diyosa na si Athena (Tuxqs Rutaquio).

Ang Unang Paglilitis

Isa si Aeschylus sa mga naunang tragedian bago kina Sophocles at Euripedes. Kung itong trilogy lang ang pagbabasahehan, madali lang maintindihan kung bakit kinikilala s’ya ng ilan bilang Father of Tragedy. Sa umpisa pa lang ng trilogy, na-establish na agad ang malaking contrast sa pagitan ng victorious na hari at ang kanyang kamatayan sa piling ng asawa. Kung sa unang bahagi ay kinitil ang buhay nina Agamemnon at ang kabit nitong si Kassandra, sa ikalawa naman ay ang magkalaguyo ring sina Klytemestra at Egisto. Hindi masyadong madugo ang ikatlong kuwento pero ito na siguro ang pinaka-enriching pagdating sa ideya (na isa sa mga dahilan kung bakit nananatiling imortal ang mga Greek tragedy).

Bago sa akin ang konsepto ng mga Furia na isang representasyon ng anumang poot ng isang mortal. Ang pisikal na anyo nito, ayon sa dula, ay tatlong nilalang na nakasuot ng kulay itim at may kulay pulang maskara. Bilang gumagalaw na simbolismo ng guilt ni Orestes, mahusay ang isang sequence kung saan gumapang ang mga Furia sa mga upuan mula sa likuran o gitnang bahagi ng teatro papuntang stage. Bagama’t maiksi ang paglapit nito sa audience, nagsilbi naman itong isang reminder na timeless at nanatiling relatable ang mga ganitong uri ng human condition. Sa gitna ng ikatlong bahagi ay nasambit ni Athena na ang pagtimbang ng guilt ni Orestes ay nagluwal sa pinakaimportanteng haligi ng ilang bansa ngayon, kabilang ang Pilipinas, ang demokrasya. Sa halip na ipataw ng diyosa ang kanyang hatol kay Orestes, ipinasa n’ya ang desisyon sa 12 mamamayan na nagsilbing hurado na duminig ng kaso. Bago rin para sa akin ang ganitong alamat.

Sa teatro ng School of Design and Arts ng CSB ginawa ang pagtatanghal. Isang experience para sa akin ang pumasok sa napaka-posh na gusali na ito ng La Salle. Mahigpit ang seguridad at kailangan pang mag-iwan ng ID upang makadiretso sa fifth floor. Ang paalala ng reception staff ay kailangang papirmahan ang ibinigay na pass (na kulay green siyempre) sa sinumang usher sa harap ng tanghalan. Maaliwalas ang teatro at comparable ang lugar sa ilang performance space sa Metro Manila. Sa kabila ng kapayakan nito, nailatag naman ng set design ni Tuxqs Rutaquio ang hinihinging atmosphere ng dula. Ang center piece ay isang malaking gate na merong mukha ng isang hari o mandirigma. Sa tabi naman nito ay mga pader na sa sobrang functional ay nagsilbing kinatawan ng mga huradong mamamayan. Karagdagang gilas na lang ang paglipat ng ilang props upang magsilbing pedestal ng mga imortal. Kung tutuusin, ang mga naunang pagtatanghal ng mga ganitong tragedy sa Athens ay ginugol lamang sa mga stadium na yari sa bato at hindi nagde-demand ng mas dynamic na theatrics.

All-male ang cast ng nasabing dula (na tingin ko ay may pagka-Greek ang ideya) at nakadagdag naman ito sa palabok ng pagkukuwento. Ang isa sa mga pinaka-visible na karakter na si Klytemnestra, ay napaka-graceful na nagampanan ni Peter Serrano. Gan’un din si Tuxqs Rutaquio na magkakasunod na binuhay ang mga karakter nina Kassandra, Elektra at Athena. Kung bibilangin, lahat ng sampung kasali sa cast ay hindi lang nagkasya sa iisang role. Nariyang bahagi sila ng Greek chorus o isa sa mga karakter na nakasuot maskara. Si Paul Jake Paule na huli nating nakita sa dalawang dula sa kakatapos lang na Virgin Lab Fest noong Hunyo ang gumanap bilang Orestes. Bilang isang fragile na mortal sa dula, nagampanan naman n’ya ang hinihingi ng karakter. Kailangan kong humingi ng pasintabi na naaalala ko ang aktor na si Neil Ryan Sese sa kanyang character choice at voice projection.

KONKLUSYON

Hindi ko na matandaan kung kailan ako huling nakapanood ng Greek tragedy na may Filipino translation. Ngayon ko lang tuloy napansin na bihira na nga pala tayong maka-experience ng ganitong pagtatanghal mula sa ilang “malalaking” theater group kamukha ng Dulaang UP, PETA, Repertory Philippines at Tanghalang Pilipino. Ang pagsasadula na ito ng trilohiya ni Aeschylus (na bihira rin nating mapanood kumpara sa mga obra nina Sophocles at Euripedes) mula sa isang “maliit” na produksyon ay isang refresher para sa mga estudyante man o theater buff. Umaasa akong ang ibang kolehiyo ay maglaan din ng programa para sa mga ganitong makabuluhan at educational na pagtatanghal. Ang ganitong ensayo, katulad ng pagiging imortal ng akda, ay nagsisilbing salamin upang patuloy tayong kumilatis ng ating sarili at maging mapagpaubaya sa anumang iniaatang sa atin ng mga diyos ayon sa demokrasya ng saloobin.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...