Ang Post Office
Produksyon: The Philippine Educational Theater Association (PETA)
Direktor: Gardy Labad
Mandudula: Rustom Bharucha (halaw mula sa “Dak Ghar” ni Rabindranath Tagore)
Pagsasalin: Rody Vera
Mga Nagsiganap: Abner Delina, Bembol Roco, Bodgie Pascua, Jack Yabut, Jojo Atienza, Ian Segarra, Ness Roque, atbp.
ISTORYA
Bittersweet ang kuwento ng dula tungkol sa isang batang may sakit na si Abel (Abner Delina), sa pangangalaga ng kanyang tiyo Pedring (Bembol Roco), at ang paghahangad nito na makatanggap ng sulat mula sa isang post office. Sa bingit ng paghihintay, nakilala n’ya ang mga taong naging bahagi ng kanyang pananabik sa buhay: Poldo (Bodgie Pascua), Tanod (Jojo Atienza), Magtataho (Ian Segarra), Hepe (Jack Yabut), flower vendor na si Celia (Ness Roque) at ilan pang mga bata. Upang maigapang ang pangarap ng naghihingalo sa karamdaman na bata ay kinuntsaba ang isang pagpapanggap.
MAGNIFICO
Hindi ko alam kung sinong hindi maho-hook sa main theme ng dula na kamatayan. At hindi lang basta kamatayan, iniatang pa ito ng mandudula sa isang ulilang inosente na sabik na sabik mabuhay kamukha ng batang si Magnifico sa pelikula ni Maryo J. delos Reyes. Sa katunayan ay walang ibang hinangad ang bata kung hindi ang makatanggap ng sulat. Aliw na aliw s’ya sa tono ng pagsisigaw ng magtataho na tila naging paalala rito kung gaano kasaya ang maghanap-buhay. Ang batang babaeng nagtitinda ng bulaklak ay sumasayaw pa sa kanyang pagdaan at ito ay pinansin at pilit ginaya ni Abel bilang pagpupugay sa paggalaw na isa mismong metaphor sa buhay. Ang pakikipagdebate ng bata sa tanod ng kampana tungkol sa pagpigil ng oras ay nakakatuwa ring pagnilayan. Tayo nga ba ang kinokontrol ng oras o tayo ang kumokontrol dito? Hindi kailanman naisip ng inosenteng bata ang karamdaman at wala ni anino ng paghihirap. Nabuo sa ganitong pagkukwento ang contrast na masarap mabuhay, na may mga dahilan ang bawat manonood na namnamin ang kung anumang hininga na nalalanghap at kung anumang haba ng oras na nalalabi. Ito marahil ang kinang ng poetry ni Rabindranath Tagore na tinitingala bilang kauna-unahang Asyano na nagkamit ng Nobel Prize.
Wala akong masabi sa PETA pagdating sa mga produksyon. Siguro ay hindi pa naiisaentablado ang isang dula na pipigil sa akin sa paghanga sa kanilang mga ginagawa. Sa kaso ng “Ang Post Office”, mahuhusay ang mga aktor na kasali rito. Ang role ni Abel ay isang sampung taong gulang na bata pero ang gumanap na si Abner Delina ay isa nang teenager (na nagawa na ring pumapel bilang matanda sa “Huling Habilin ng Sirena”). Nadala n’ya nang tama at sa inaasahan ang walang muwang na karakter (na tingin ko ay naipakita na n’ya dati sa “Batang Rizal” at sa obra ni Rene O. Villanueva na “Bertdey ni Guido” para sa Virgin Labfest dati). Kung sa “Possible Lovers” ay wala s’yang ginawa kung hindi matulog, dito ay buhay na buhay n’yang naisabuhay ang batang nahaharap sa kamatayan. Malaki rin ang naiambag ng supporting cast. Walang itulak-kabigin sa kanilang munting kontribusyon sa pagdugtong sa buhay ng ating bida.
Hindi lang sa pag-arte tumahan ang brilliance ng pagtatanghal. Ang set ni Lex Marcos na ipininid ang isang kubo sa halos kalahati ng stage at ang kalahati naman ay isang pathway na tila papuntang langit ay nakagatong sa nais tumbukin ng dula. Nagmistulang isang maliit na hawla ang kubo para sa batang patuloy na lumalanghap ng buhay. Sa kalagitnaan ay iniikot ito upang magkaroon ng panibagong perspektibo at sa isang pagkakataon ay hinubaran upang magpakita ng pagtanggap at paglaya. Ang musika na nilikha ni Jeff Hernandez ay may kakaiba ring pakikipag-usap sa pagitan ng tema at sa mga manonood. Isa sa malalaking bagay na nagpaigting sa pagsasadula ay ang live na rendition ng mga awit mula sa Kilyawan Choir (sa ibang pagtatanghal ay Loboc Children’s Choir naman) na nakaistasyon sa mga tagiliran ng stage. Nilagyan nito ng kaluluwa (o katawan) ang anumang ninanais ng puso ni Abel. Hindi rin maiikaila ang kulay na nilikha ng ideya (ng pagkakaroon ng koro) sa paghimok sa mga panonood upang siyasatin ang klase ng stage musicality mayroon tayo. Bonus na lang siguro, kung hindi man kalabisan sa binayarang ticket, ang animation mula sa filmmaker na si Ellen Ramos.
KONKLUSYON
Hindi ko masasabing feel good ang dula habang pinapanood ito. Naisip ko rin na baka hindi ito ganap na makuha ng mga batang manonood sa kabila ng pagkakaroon ng front na ito ay dulang pambata. Sa katunayan ay naiyak ako sa isang bahagi. Hindi ko na napigilang hindi maantig sa dilemma ni Abel kahit hindi n’ya ito namamalayan. Naging feel good na lang sa akin ang dula noong naglalakad na ako sa Eymard Drive at napansing bigla ang lago ng mga puno rito. Sa totoo lang ay therapeutic ang maglakad sa kahabaan ng kalye na ‘yun pabalik ng E. Rodriguez. Doon ko naisip ang iksi at haba ng buhay at ang kawalan ng halaga ng itinagal kung naupos naman ito sa dami ng mga taong nakasalubong at napasaya. Naalala ko ang mga pamangkin ko at kung gaano nila kasayang hinaharap ang buhay ng pagiging bata. Naalala ko rin ang sarili ko at ang mga taong makakasalubong ko sa pagbili ng shampoo sa katabing sari-sari store o ang mga crew sa fast food chain at maging ang mga manang na nagpapasa ng basket para sa limos sa simbahan. Hindi man tayo biniyayaan ng mahabang panahon upang makapag-usap at mangumusta man lang pero alam natin ang alon na maaaring idulot ng ganitong pagkakataon sa iba.
It's nice reading your personal thoughts. =)
ReplyDeleteThank you, sir. Malaking bagay 'yan lalo na't nanggaling sa inyo. Cheers! :D
ReplyDelete