Total Pageviews

Thursday, August 12, 2010

Ang Magiting na Sayaw sa Pagitan ng Pag-ibig at Digmaan

Orosman at Zafira
Produksyon: Dulaang UP
Direktor: Dexter Santos
Mandudula: Anril Tiatco, Katte Sabate at Pat Valera (halaw mula sa komedya ni Francisco Baltazar)
Musika: Carol Bello
Mga Nagsiganap: Tasy Garrucha, Jay Gonzaga, Reuben Uy, Tao Aves, Jean Judith Javier, Gabs Santos, Roeder Camañag, Acey Aguilar, Ronnie Martinez, atbp.

ISTORYA

Tungkol ito sa tunggali ng tatlong kaharian. Ang Marueccos na pinamumunuan (tinatawag itong pacha) ni Mahamud na ama ni Zafira (Tasy Garrucha) at irog ni Gulnara (Jean Judith Javier) na lihim na nakikipagkita kay Aldervesin (Gabs Santos). Ang Tedenst naman ay sakop ni Boulasem (Roeder Camañag) na ama ng magkapatid na Orosman (Jay Gonzaga) at Abdalap (Reuben Uy). Ang kanyang kanang kamay ay si Ben Asar (Ronnie Martinez) na s’ya namang ama ni Zelima (Tao Aves) na nagsilbing tagapagkuwento ng dula. Ang ikatlong kaharian naman, ang Duquela ay kinabibilangan ni Zelim (Acey Aguilar).

Umikot sa politika at digmaan ng tatlong kaharian ang dula. Sa gitna nito ay umusbong ang pag-iibigan nina Orosman at Zafira.

Sigalot

Matapos kong mapanood ang pagtatanghal na ito ng Dulaang UP, noon ko lang napagkasunduan ang dahilan kung bakit hindi ito kasing popular ng iba pang nagawa ni Francisco Baltazar na “Florante at Laura” at “Ibong Adarna”. Madugo ang tunggalian at halos umibabaw ito sa mas mainstream o feel-good na tema ng romansa sa pagitan ng dalawang bida. Kung tutuusin ay ganito rin naman ang sinusundot ng “Florante at Laura” pero mas binigyang pansin nito ang pag-iibigan kesa sa karahasan sa paligid. At kamukha naman ng “Ibong Adarna”, may pahapyaw na konsiderasyon din ito tungkol sa koneksyon ng ama sa kanyang mga anak o ang anak sa kanyang mga kapatid. Bagama’t tinalakay rin ng “Orosman at Zafira” ang mga ganitong maliliit na subject, mas nagpugay ito sa pagkakagulo ng mga kaharian, kawalan ng unawaan, pagkaganid sa kapangyarihan at ang karumaldumal na epekto ng digmaan, ilang usapin na marahil ay hindi pa hinog ipabasa sa mga high school students.

Dahil madugong digmaan ang malaking pitak na gustong bunsurin ng pagtatanghal na ito ng DUP, minabuti ng direktor, mandudula at ang naglapat ng musika nito na ilatag ang contrast sa pamamagitan ng neo-ethnic na live music at ang intense na choreography. World music ang musika na ang pinakamalapit na sigurong comparison ay ang discography ni Grace Nono. Sa ganitong sukatan na rin inalon ang paraan ng pagkakakanta ng mga aktor, partikular ang bersyon ng pagsasalaysay ni Tao Aves bilang Zelima o maging ang singing ni Jean Judith Javier bilang Gulnara. Isa marahil ang dulang ito sa mga nais kong ulit-ulitin upang mapakinggan muli ang mga awit (na huli kong ginawa sa “Emir”). Lumabas ako ng teatro na nangangarap na ang ganitong song selection ay ma-immortalize ng isang OST recording.

Ang maigting na pagsasayaw naman, sa kabila ng luxury ng kaliitan ng stage ng Wilfrido Maria Guerrero Theater, na kadalasang nag-uumapaw sa tuwing magkakaroon ng digmaan sa dula, ay hindi matatawaran. Para sa akin, na-optimize ang pagiging choreographer – director ni Dexter Santos sa adaptation na ito. Wala akong ibang naisip na direktor na maaaring humawak sa ganitong material nang may sapat na conviction at conceit. Lutang na lutang at nakakahawa ang sigla ng ensemble sa mga eksenang nagpupugay at nagdidiriwang samantalang marahas ang bawat galaw sa mga sequence ng tila walang katapusang lagim ng digmaan. Bago para sa akin ang ganitong experience na malinaw na naipakita ang sayaw bilang kahalili sa anumang teksto ng salaysay. Ang sayaw sa dulang ito ay nabigyang buhay bilang karagdagang karakter sa anumang agenda na nais ihain ni Francisco Baltazar.

Nasa ganitong vision din marahil ang mga nagsiganap. Ang medyo baguhan sa larangan ng teatro na si Jay Gonzaga ay nagpamalas ng tikas na hinihingi ng karakter na Orosman. Kung itong staging ang huhusgahan, ang kanyang pag-awit at pagsayaw ay hindi nabahiran ng pagiging amateurish. Pero ang kanyang kapartner na si Tasy Garrucha (na una akong pinahanga sa “Basilia ng Malolos”) bilang Zafira ang nag-uumapaw sa presensya mula sa pag-awit hanggang sa pagsayaw. Marahil ay ito naman ang hinihingi ng kanyang karakter bilang isa sa mga kababaihan na naglunsad ng digmaan bunga ng pagpaslang sa ama. Sa isang sequence kung saan nais ipakita ang sikolohikal na aftermath ng digmaan, buong buo na inangkin n’ya ang entablado habang isinasagawa ang isang kumplikadong choreography. Si Reuben Uy sa kanyang offbeat na Abdalap ay madalas magnakaw ng espasyo pagdating sa pagbibigay-buhay sa mga angst na kanyang kinakaharap. Nakakapaso ang isang rock number (a la “Jesus Christ Superstar”) na kanyang inawit sa isang sequence. Para sa akin, ang aktor na ito ay mahusay pumili ng mga proyektong kinabibilangan. Ang kanyang Stanley Kowalski sa “Streetcar Named Desire” para sa Tanghalang Pilipino ay isang pruweba.

KONKLUSYON

Kasalukuyang itinatanghal ngayon ang “Cats” sa CCP. Naiintidihan ko ang ilang mga katoto na hindi titikim sa mga ganitong grandeur ng isang Broadway production. Marahil ay iniisip nila na kaya rin naman nating gumawa ng mga ganitong musical na lokal ang tunog at Pinoy ang mood. Ang “Orosman at Zafira” ang isa mga ganitong matibay na pagpapatotoo. Aaminin ko na bahagi ng aking pananabik manood ng pagtatanghal nito ay ang masilayan ang akda sa orihinal na hugis. Ito ay sa kadahilanang gusto kong maranasan ang anumang pagkukuwento ni Francisco Baltazar na pinalitan ng mga nag-uumapaw na emosyon sa ritmo ng awit at sayaw. Ibig sabihin lang nito, matagumpay na naisiwalat ng adaptation ang isang kuwento sa ibang paraan ng pagluwal. At sa aking sarili, hindi ako magugulat kung babalik ako sa Palma Hall upang masaksihang muli at muli ang ganitong antas ng pagkilala sa sining at panitikang Filipino.

Ang larawan sa itaas ay kinuha mula rito

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...