Monday, August 09, 2010

Mga Turo ni Maria Callas

Master Class
Produksyon: Philippine Opera Company
Direktor: Michael Williams
Mandudula: Terrence McNally
Mga Nagsiganap: Cherie Gil, atbp.

ISTORYA

Wala talagang kuwento ang dula. Isa itong reimagining ng isang klase kung saan ang sikat na opera singer na si Maria Callas (Cherie Gil) ang guro at ang audience ang klase. Tatlong estudyante ang binigyan ng leksyon sa araw na ‘yun.

LEKSYON

Napanood ko na ‘to dati. Sa William J. Shaw Theater sa Shangri-la yata ‘yun. Hindi ko matandaan kung Repertory Philippines ang nag-stage pero sigurado akong si Baby Barredo ang gumanap na Maria Callas. Simple lang ang set, may isang table sa kaliwang bahagi na nakaharap yata sa audience, hindi ko na maalala. Ang alam ko lang, isa ako sa mga itinuro ng “guro” upang bigyang diin ang aral tungkol sa pagkakaroon ng presence. At mula sa puntong ‘yun ay gising na gising akong nakikinig sa kanyang mga itinuturo.

Walang masyadong ipinagbago ang staging ng Philippine Opera Company. Maliban syempre na ang Maria Callas ngayon ay ang napakahusay na movie actress na si Cherie Gil na nakuha ang aura ng diva na kanyang isinasabuhay. Mula sa kanyang walang kaabog-abog na pagpasok sa stage, na-optimize agad ang kanyang sikat na karakter na Lavinia (ironically, ang isa sa mga estudyante n’ya ay may pangalang Sharon). Nagreklamo ito tungkol sa ilaw at gustong padiliman nang konti ang bahaging nakatutok sa kanyang klase. Naghanap din s’ya ng foot stool at cushion para sa kanyang high chair. Mahusay ang execution sa bahaging ito dahil hindi napaghandaan ng audience na umpisa na pala ng dula.

Maliban sa mga nagsiganap, ang isa pang add-on sa bagong pagtatanghal na ito ay ang paggamit ng clips na naka-project sa malaking dingding ng classroom. Sa pagitan ng ilang lecture sa mga estudyante, hindi matakasan ni Maria Callas ang kanyang mga nakaraan. Dito nagamit ang visual upang ilagay sa context ang mga imahen na marahil ay naiisip lang ng opera singer. Sa ilang pause at pagdilim ng malaking bahagi ng stage upang ituktok sa paggunita, dito pumapasok ang footnote sa mga leksyon sa buhay ng guro sa kanyang estudyante. Nagustuhan ko ang mga ganitong desisyon ng direktor.

Hindi ko man ganap na nakita ang theatrics ni Ms. Gil (marahil ay kahinaan ito ng mga artistang mas madalas gumanap sa telebisyon o pelikula), tanggap ko ang kanyang dedikasyon upang isabuhay ang isang karakter. Hindi mahirap ang magsaulo ng isang dula, dalhin ito nang halos walang katuwang at ibagsak sa tamang pulso ng pagbibigay ng punchline. Mahusay rin ang mga gumanap (at umawit ng aria) na mga estudyante. Sila naman talaga ang pangunahing dahilan kung bakit ang dula ay ginawa ng Philippine Opera Company.

KONKLUSYON

Ano bang mga natutunan ko sa master class na ito? ‘Yung iba ay narinig ko na kung saan, sa loob man ng totoong classroom o sa labas. Pero ibang klase kung si Maria Callas ang magpapaalala. Sa isang pagtuturo, tahasan n’yang sinabi na ayaw niya ng salitang “act”. Tumataliwas nga naman ito sa natural na hugis ng talento, na ang lahat ng himig ay malaya. Isa dapat itong dalisay na pakikipag-usap sa pagitan ng sinumang umaawit at sinumang nakakarinig ng awit. ‘Yung iba, sabi ko nga, ay hindi na bago katulad ng pagmamahal sa craft, respeto sa sining at sa gumawa nito at ang pagiging masinop sa detalye.

No comments:

Post a Comment