Sunday, August 01, 2010

Punk’d!

Possible Lovers
Direksyon at Iskrip: Raya Martin
Mga Nagsiganap: JK Anicoche at Abner Delina

ISTORYA

Ang unang lima sa 95 minuto ng pelikula ay nagpakita ng rare footage ng Manila sa turn of the century. Inilagay nito sa context na ang mga susunod na eksena ay tungkol sa pagsasa-video ng mga prolonged emotion. Ginugol ang nalalabing 90 minuto sa dalawang tauhan na parehong nakaupo sa isang sofa. Nakatingin ang lalakeng nakasuot camiso chino (JK Anicoche) sa isa pang lalakeng natutulog na naka-Amerikana (Abner Delina).

ISA PANG PAGHIHINTAY KAY GODOT

Dalawang klase lang ang puwedeng verdict sa movie: poetry o madness. Dahil nagustuhan ko naman ang ibang ginawa ng direktor, minabuti kong lagyan ng title ang blog na ito ng may kakulitan sa halip na seryoso o artsy. Hindi ko rin maestima ang aking evaluation sa movie kung nalaliman ba ako o natawa.

Uulitin ko, ang eksena sa sofa ay tumakbo ng 90 minuto. Wala itong dialog at walang movement maliban sa pagkurap ng mata at paggalaw ng kanang kamay ng lalakeng nagmamasid. May ilang tunog (o musical score) ng paulit-ulit na tila mga yabag ng kabayo sa kalye at ang ilan naman ay parang sumasabog. Lumipas ang gabi at sumapit ang araw (hindi ko alam kung natural light ito o pekeng ilaw), natutulog pa rin ang lalakeng naka-Amerikana habang ang isa naman ay dinadalaw na ng antok.

Ang tawag ng iba sa ganito ay “babad scene” dahil sa haba ng cut at dahil sa kawalan ng nangyayari. Ayon naman kay Noel Vera, ito ay “comatose movie”. Kayo na ang bahala kung anong mas appropriate na term para sa mga ganitong pelikula pero para madaling ma-define, alternative cinema na lang ang itatawag ko sa experience. Hindi ko inaasahan ang buong pelikula, na sa loob ng ganoong tagal ay nainda ko ang poetry ni Raya Martin. Halos makabisado ko na nga ang buong frame: may tatlong poster sa likod na sa gitna ay isang kulay berde na illustration ng isang aso na lumalabas sa isang bahay, sa kaliwa ay merong video camera na nakakabit pa sa cable at ang kanan ay isang shelf na merong video tape at isang putol na picture frame. Sa unang pagbabad ng sequence ay umasa pa ako. Ganito rin naman ‘yung eksena sa kama dati sa “Maicling pelicula nañg ysañg Indio Nacional”. Akala ko ay meron pang darating subalit wala. Ginawa ko na lang memory enhancer ang eksena upang mas madaling hintayin si Godot, na katulad ng obra ni Samuel Beckett ay hindi rin dumating.

Kung pipigain ang cinema sa “Possible Lovers”, hindi naman ito mauupo sa row four. Naaliw ako r’un sa transition ng gabi at umaga upang maipakita ang haba ng biyahe ng lalakeng nagmamasid. May kakaibang charm din ang musical score ni Teresa Barrozo (“Kinatay”, “Rekrut”, atbp.) na nagsa-suggest na ang lahat ay maaring panaginip lang. Gusto ko ring i-note na kahit absent ang script ay meron naman itong nais ikuwento. Ang lalakeng gising na nagmamasid ay walang ipinagkaiba sa kung sino mang mangingibig sa mga pelikulang mainstream o indie. Katulad ng mga leading man, nais n’ya ring ipakita ang pagmamahal sa kanyang katabi sa pamamagitan ng walang sawang pagmamasid mula gabi hanggang umaga. Kung tutuusin, ang subject ng kanyang pagmamasid ay walang ibang ginagawa kundi matulog. Dito ko na siguro puwedeng isingit na “it must be love”.

KONKLUSYON

Hindi madaling bigyan ng konklusyon ang mga ganitong first time na experience. Siguro ay sasabihin ko na lang ang mga personal kong pakikibaka sa panonood ng pelikula. From time to time ay sumisilip ako sa relo ng aking celfone. Gusto ko sanang orasan kung gaano katagal ang babad pero buong pelikula na pala ‘yun. Nawawala rin ang pagkabagot ko kapag may nakikita akong lumalabas ng mini-auditorium. Naisip ko, para lang itong final challenge sa isa sa mga paborito kong TV show na “Survivor” at nananalo ako! Ang iba, in fairness sa kanila, ay bumabalik naman. Marahil ay nag-CR break lang. Humikab ako sa ilang eksena dahil na rin siguro sa mahigit limang oras kong biyahe mula Lopez, Quezon papuntang The Fort. Kung bakit ko tiniis ang iisang eksena sa loob ng 90 minuto ay hindi ko alam. Ang nakikita kong culprit ay ang mismong tema nito na one-way love affair. Kinamayan ako ni Dodo paglabas at nagpapasalamat sa pagsadya (you are welcome, sir). Lumabas ako ng Fully Booked na nakangiti. At sa aking pag-uwi ay nakasalubong ko pa ang isang officemate na parang naghihintay ng kanyang possible lover na ayon sa kanya ay late na raw sa kanilang pinag-usapan. Mas lumawig ang aking ngiti.

No comments:

Post a Comment