Total Pageviews

Thursday, August 19, 2010

Si Lorenzo Ruiz Bilang Pop Icon

Enzo Santo (Ang Istorya ni Lorenzo Ruiz), the Musical
Produksyon: Philippine Stagers Foundation
Libretto at Direksyon: Vincent Tañada
Musika: Pipo Cifra
Mga Nagsiganap: Kierwin Larena, Patrick Libao, atbp.

ISTORYA

Ikinuwento ang buhay ni Lorenzo Ruiz (Kierwin Larena), mula sa kanyang Filipino-Chinese na pamilya, sa kanyang pagiging ampon ng isang pari sa isang simbahan sa Tondo hanggang sa pagiging martir sa Japan matapos isagawa ang isang misyon. Ang buong saga sa buhay ng kauna-unahang Pilipinong santo ay isinalaysay ng Saksi (Patrick Libao).

STIFF NECK NI LORENZO RUIZ

Ito siguro ang unang pagkakataon na nakanood ako ng play na napakaaga (7am). Marami kasing pagtatanghal ang isasagawa sa araw na ‘yun at hindi ko alam kung ano ang set-up ng marketing at promotion tungkol sa mga pagtatanghal. Baka naman merong ugnayan sa pagitan ng mga eskwelahan at ng produksyon at marahil ay pre-sold na rin ang mga tickets. Hindi ito kamukha ng ginagawa ng karamihan na merong nakahandang dula para sa isang season. Sa katunayan ng pagiging self-sustaining ng pagtatanghal, ang musical ay gagawin hanggang December. Ang pinakamalapit na yata sa ganitong arrangement ay ang Gantimpala Theater Foundation kung saan ang mga nakasalang na dula, bago pa man itanghal, ay meron nang audience. Ipinagkaiba lang ng “Enzo Santo” (o iba pang produksyon ng Philippine Stagers Foundation) ay paikot-ikot ito ng lugar ng paggaganapan sa pagnanais na i-reach out nito ang mas maraming audience. Ang pinanooran ko, halimbawa, ay sa Tanghalang Pasigueño sa likod ng Pasig City Hall na, para sa akin, kung hindi lang malayo sa gitna ng Metro Manila, ay isa sa pinaka-functional na teatro.

Mistulang mga high school student ang target audience ng produksyon. Dahil sa kabataan ng crowd at kawalan marahil ng sapat na exposure sa arts (at etiquette na rin), mahigpit na ipinaalala ng stage manager ang mga dos and don’ts sa panonood ng dula. Minsan ay medyo discriminating ito depende sa mga eskuwelahan na imbitado pero nakuha ko naman kung ano ang purpose. Una, kadalasang nire-require ang mga ganitong performing arts sa mga bata kahit na wala naman talaga silang hilig dito. Bahagi na siguro ito ng pagtuturo. Ang kapalit nga lang ay ang ilang inaasahang pagsuka ng mga bata sa kanilang pinapanood. Nariyan ang paghiyaw at pagpapatawa nang wala sa oras at nariyan ang hindi matatawarang hirit upang maging cool para sa mga kaklase. Ikalawa, nagkakaroon ang ganitong set-up ng kumpromiso sa kabuuan ng dula. Maaaring ihabi ang pagtatanghal hindi bilang bahagi ng expression ng mandudula at artista kundi upang maging pleaser sa mga manonood na mabilis manakaw ang maiksing attention. Para sa akin, wala itong ipinagkaiba sa mga mainstream movie producer natin.

Mabuti na lang at mainam ang pagkakabuo ng dula. Dahil dito, nais ko na munang kalimutan ang kumpromisong aking nabanggit at ang mahigit isang oras na paghihintay habang inaayos ang technical difficulty.

Musical ang pangunahing devise na ginamit para ikuwento ang banal na buhay ni Lorenzo Ruiz. Magkakahalo ang impluwensya na ginamit dito mula sa gospel (na tila literal na ginamit sa temang pansimbahan), pop, dance (na minsan ay techno pa) at maging rap. Radio-friendly ang mga napiling kanta at nakatulong naman ito upang makuha ang puso ng mga high school students na bumubuo ng crowd. Napansin ko ang kanilang pananahimik sa mga eksenang umaantig ng puso ang mga kantang inawit at pumapalakpak kapag maindak ang isang number.

Hindi lang sa pamamagitan ng mga awit nakuha ang kiliti ng target audience nito. Ang pag-inject ng humor sa isang material na madalas ay seryoso ang adaptation ay isang malaking tulong sa vision na ma-engage ang mga high school students. Sa isang bahagi ay umiiyak si Lorenzo Ruiz sa tono ng isang popular na kanta. Sa umpisa rin ay na-demystify ang imahen ng santo sa kanyang iconic na larawan. “May stiff neck ba s’ya?”, tanong ng Saksi. Mapaglaro rin ang atake ni Kierwin Larena sa role o maging ang buong ensemble. Tila alam nila kung anong daan ang gustong puntahan ng dula. At para makarating ito sa mga manonood (partikular sa mga hindi talaga mahilig sa arts), kinakailangan ang isang malaking distraction. Napatunayan ang tagumpay nito sa huling bahagi kung saan tinanggal ang awit at humor at iniwan ang isang babad na melodrama upang maipakita ang redeeming value. Dito lang, para sa akin, nadiskaril ang dula pero para naman sa target audience nito, sigurado akong nakarating ang mensahe nang mapansin ko na nakatutok ang lahat habang ang iba ay nagpupunas ng luha.

Sa kabila ng ganitong direksyon ng pagtatanghal, hindi naman nito iniwan ang crowd na nanood hindi dahil requirement sa school o kung ano pa man. Ang koro sa mga awit dito ay isang malaking ambag. Maganda ang blending at mararamdaman mo ang effort sa aspetong ito. Marangya rin ang mga ginamit na costume at props, sapat na upang maging visual experience ang dula. Maging ang choreography ay nag-uumapaw at masasabi kong ganito ang klase ng mga sayaw na maaaring makita sa iba pang big league production. Ang dalawang aktor na sina Kierwin Larena at Patrick Libao ang nagdala ng gravity. Intelligent actor para sa akin si G. Larena at nakakaaliw ang kanyang take sa pag-humanize kay Lorenzo Ruiz. Ang estilo naman ni G. Libao (na tingin ko ay hiningi naman ng iskrip) ay parang pinagsamang Greek chorus at stand-up comedian sa Punchline.

Nag-umpisa ang dula sa isang seryosong overture/opening number. Nagulat na lang ako nang biglang tumawid ang awit sa isang hiphop. Dito na nakuha ang attention ko. Mula riyan ay alam ko na ang pag-mock ng boses ng taga-kuwento sa kanyang subject na huli ko yatang na-experience sa panonood ng “Bayaning Third World” ni Mike de Leon. Idinagdag pa ang paggamit sa Saksi bilang direktor sa kung anumang storytelling meron ang mandudula. Nariyang baguhin n’ya ang blocking ng ensemble, nariyang batukan ang isang karakter na nagmamarunong at minsan naman ay nagbabagsak ng ad lib upang mas maging nakakatuwa ang narration. Kahit pa sobrang self-serving sa subject ang dula, pinilit naman nitong i-contest ang kanyang kuwento upang maging valid ang pagkabanal na nasaksihan sa dulo. Kung meron man akong nais idagdag, mas makakatulong siguro kung maglalagay ng isang eksena na magpapakita kay Lorenzo Ruiz na nakikipag-usap sa Diyos. Sa ganitong “unguarded moment”, mas makakapagbigay ito ng character build-up upang makita sa ating bida ang kanyang dalisay na pananampalataya.

KONKLUSYON

Hindi maiikaila na pop o mainstream ang pagsasadula ng “Enzo Santo”. Hindi rin maitatago na nakatutok talaga ito sa isang target audience. Masyadong mapangarap ang pagbabahagi ng inspirasyon mula sa isang martir na namatay sa pagkapit sa pananampalataya at ang salamin ng pangkasalukuyang buhay. Wala ring masyadong ipinakita sa wisdom ng santo maliban sa kanyang pagiging matatag sa anumang pagsubok o pangungutya. Kumbaga, hindi ko alam kung sino sa mga manonood ang lalabas ng teatro na mas buo ang pananalig sa Diyos at handang mamatay para rito. Baka masyadong high profile si Lorenzo Ruiz para sa mga bata. Pero hindi ko na ito masyadong concern. Ang mahalaga para sa akin ay nag-enjoy ako sa dula. Nag-enjoy ako sa mockery. Nag-enjoy ako sa mga awit. Nag-enjoy ako sa mga punchline. Nag-enjoy ako sa akting at iba pa. Sigurado ako na ganito rin ang experience ng mga katabi kong high school students, isang milagrosong pagpapatotoo na ang teatro, higit sa lahat, ay walang pinipiling profile.

2 comments:

Unknown said...

Maraming Salamat sa iyong "review" tungkol sa aming dula. Bagamat huli na ng nabasa ko ito, makakatulong pa rin ang ilang obserbasyon mo tungkol istorya, sa execution at sa pagpapatakbo ng dula, lalo na't magkakaroon Ito ng extended run mula Jan 15 hanggang March 13 (Sabado't Lingo lamang). We also have a play entitled Ako Si Ninoy, the multi-award winning play of our humble theater company and we will be staging this on January 8, so I hope you won't miss it. Add me in FB. Maraming salamat sa iyong suporta-Vince Tanada

Manuel Pangaruy, Jr. said...

Sir, wala pong anuman. Isang playdate lang po ba para sa "Ako si Ninoy"? Matagal ko nang gustong mapanood 'yan. Mukhang sobrang hiyang po ang PSF kapag musicals. Kailangan ko po yatang umuwi ng Quezon sa January 8 at baka hindi ako makanood. Gusto kong ulitin ang Enzo Santo dahil meron yata akong na-miss dahil sa technical problem n'un.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...