4C
Produksyon: Philippine Stagers Foundation (PSF)
Direksyon: Vincent M. Tañada
Mandudula: Jomar Bautista (Fan), Vincent Tañada (Romeo Loves Juliet), Alex Dorola (Judas’ Lair) at Patrick Libao (Felipa)
Mga Nagsiganap: Kierwin Larena, Glory Ann Nacional, Jordan Ladra, Vincent Tañada, atbp.
ISTORYA
Isang koleksyon ng apat na one-act play ang pagtatanghal. Upang magkaroon ng isang nagbibigkis na tema, lahat ay tumalakay sa pag-ibig. Ang “Fan” ay tungkol sa isang batang bakla na humahanga nang head-over-heels sa kanyang paboritong pop icon. Sinilip naman ng “Romeo Loves Juliet” ang mundo ng eyeball at cyber romance. Pag-ibig sa bayan ang gustong sundutin ng “Judas’ Lair” samantalang inter-racial affair naman ang tinahak ng “Felipa”. Ang bawat act ay sinabawan ng ilang dance number at monologo tungkol sa ilang pananaw sa pag-ibig.
HALO-HALONG PALABAS
Hinabol ko ang napakaagang (8am) staging sa Cinema 9 ng SM City – North EDSA. Hindi pa talaga bukas ang mall ng ganitong oras at hindi gan’un kadali ang ma-interogate ng babaeng guwardyang nakapinid sa side entrance. Bakit daw wala pa akong ticket. Dapat daw ay kinontak ko na ang eskwelahan. Dito pa lang ay alam ko na ang target audience ng produksyon. Huli kong naramdaman ang ganitong agam-agam noong manood ako ng “Noli Me Tangere” ng Gantimpala Foundation dati nang mapagkalaman ako na isang titser sa high school. Inaasahan ko na na ang mga ganitong pagtatanghal ay tumatarget lamang sa mga estudyante at pinatunayan naman ito sa dami ng mga nanood mula sa Bestlink Colleges.
Sa loob ng teatro, naabutan kong naglelektyur ang isa sa mga staff ng PSF tungkol sa inaasahang respeto at disiplina mula sa mga manonood. Ganito rin ang umpisa n’ung mapanood ko ang kanilang “Enzo Santo”. At muli, nalungkot ako na kinakailangang gawin ang mga ganitong paalala sa art appreciation para sa mga mag-aaral, mga paalalang una kong inaasahang naituro na dapat ng mga magulang at mga guro.
Nagdilim ang teatro sa takdang oras ng pagtatanghal. Bumulaga ang mga performer suot ang isang post-apocalyptic get-up at umindayog sa isang trance music (dispensa pero ang una kong naisip ay ang mga contestant sa “Showtime”). Pagkatapos nito ay ipinakilala ang “leading man” ng PSF na si Kierwin Larena at nagbigay ng kanyang pananaw tungkol sa pag-ibig bago ipakilala ang unang dula (ganito ang itinakbo ng buong pagtatanghal: isang sayaw muna, monologo at one-act play na).
Hindi ko masyadong maintindihan ang gustong landasin ng “Fan”. Tungkol ba ito sa sekswalidad ng mga bata? Tungkol ba ito sa nag-uumapaw na pop culture? O tungkol sa isang busilak na pagkakaibigan ng dalawang bata? Sa aking pagkakaintindi, ang redeeming value na gustong sabihin ay, higit sa lahat, sa sekswalidad man o pagiging avid fan, mas nananaig ang pagkakaibigan. Siguro ay masyadong limitado ang iksi ng one-act play upang matalakay lahat ang mga nasabing tema.
Ang “Romeo Loves Juliet” naman ay gagana sana kung ginawa itong purong monologo mula sa pananaw ni Juliet na isang call center agent na hindi masyadong mapalad sa larangan ng pag-ibig. Muling pinaigting ang kanyang destiny ng isang pagkasawi na hindi masyadong nabigyan ng sapat na timbang at paliwanag. Sana’y mas pinalawig pa kung ano talaga ang kulay ng anino ni Romeo at hindi hinayaang nagtatanong ang mga tao kung ano ang kanyang mga pinaghuhugutan.
Isang retelling naman ng conflict sa pagitan ng magkaibang pananaw na political ng dalawang magkapatid ang binagtas ng “Judas’ Lair”. Ang una kong naisip ay ang Palanca-winning piece na “Sa Ngalan ng Ama” na sinulat ni Roberto Jose de Guzman. Gan’un din ang atake: politics, paternal, confrontation at trahedya. Promising sana ang pagkakasulat pero mukhang kailangang gupitin na ang mga punchline tungkol sa Lady Gaga song at Belo Medical Group. Hindi ito masyadong nagpakita ng focus at mas lalong hindi ito nakatulong sa tono ng dula. Malabo rin sa akin ang pag-devise ng confrontation scene sa harap ng burol at ng maraming tao.
Stand-out naman para sa akin ang huling dula tungkol sa eksorsismo ni “Felipa” na naganap sa turn of the century noong panahon ng mga Kastila. Ang staged na pagsapi ng demonyo ay isang magandang metaphor sa bawal na pag-iibigan ng isang Pinay at isang dayuhan. Bagama’t nadapa pa rin ito sa ilang gimik upang maabot ang target audience nito, nand’un pa rin ang kinang at ito ang mas mahalaga. Kung meron man akong hindi matanggap, ito na siguro ‘yung British accent ng aktor na si Jordan Ladra na gumanap bilang Kastila.
Malinaw naman para sa akin ang layunin ng PSF sa pagsasadula nitong 4C. Nais nilang magkaroon ng platform ang mga manunulat upang mai-showcase ang mga akda na maaaring hindi mag-qualify sa panlasa ng mga bumubuo ng Virgin Labfest sa CCP. Nais din nilang mabigyan ng pagkakataon ang mga high school students na magtanghal at mapaligaya sa pinakamabisang paraan upang makaiwas ang mga ito sa droga at kung ano pa mang bisyo (at ito para sa akin ang pinakaimportante). Hindi rin naman maiikailang isang ensayo ito para sa mga resident actor, stage manager, choreographer at costume designer ng PSF upang mapagbuti pa ang kanilang ginagawa. Sa katunayan, nandito pa rin naman sa 4C ang pangako ng mga nauna nilang produksyon. Maliksi pa rin ang choreography at maigting pa rin ang talent na pinamalas dito. Halimbawa, ang atake ni Kierwin Larena sa isang aktibista na namalagi sa US ay napakamental, kontrolado at tila isang malalim at tahimik na ilog. Mahusay rin si Glory Ann Nacional subalit kakarampot at stereotypical ang role na naibigay sa kanya. Ang gumanap na Romeo at Juliet ay nakasabay sa challenge ng emotional shift at blocking na nakakapagod. Pinag-aksayahan din naman ng panahon ang mga set at halata namang nage-enjoy ang audience nito at maging ang mga performer.
KONKLUSYON
Ang una kong impresyon ay maraming excess at palamuti ang 4C na kailangang isantabi. Nariyan ang paggamit ng mga good looking performers (na minsan ay kailangan pang gumiling at magpakilig). Nariyan ang nag-uumapaw na punchline mula sa script at maging sa direksyon. Nariyan ang theatrics na brutal na pinakita sa “Felipa” sa paggamit ng mga nahuhulog na picture frame at gumagalaw na mga upuan. At iba pa na ang tanging nais maabot ay ang kiliti ng target audience nito. Kung tutuusin, hindi gan’un kadali ang kanilang ginagawa dahil mahirap sabayan ang psyche at humor ng pangkaraniwang high school student ngayon. Ang mas mainam dito, seryoso silang makarating sa kabataan ang ligaya ng performing arts. Sa katunayan, magkakaroon sila ng libreng acting workshop sa mga nagnanais linangin ang kanilang talento sa pagganap. Siguro ay magmumukha rin namang pretentious kung sa isang iglap ay magtatanghal sila ng isang Shakespearean play sa kabuuhan ng teksto, konteksto at panahon nito. Pero hindi sana ito maging isang limitasyon pagdating ng panahon.
2 comments:
napanuod ko ang 4C na ito, magaganda ang mga dula na kasama dito, bagamat tama ka, may mga sobrang bagay sa direksyon, pero as a theater artist, sa tingin koy napakahusay ng pagkakagawa sa apat na dulang napasama dito, bawat sobrang ginawa nila ay tumpak lamang para sa audience nila at sa panahong kasalukuyan, balanse ang lahat ng aspeto. Sa tingin ko rin, malayo ang kalidad ng apat na dula na ito sa sinasabi mong mga dula ng Virgin labfest na kung panunuorin mo talaga lahat, ay iilan lamang ang tunay na maganda. Ang mga baguahang mandudula ay may mga entry na din pala sa Virgin Labfest kung kayat pagpapatunay na mali ka sa sinabi mong hindi papasa ang gawa nila doon. Ang kababawan at kalaliman ng pagkkakasulat at may malaking potensyal at kagalingan taglay, malalman mo ito kung ikaw at nagsusulat din. Mahusay na obserbasyon para sa iyong panlasa.
Sir Ton 1, marami pong salamat sa comment n'yo sa blog ko. Nakakatuwa pong malaman na theater artist kayo at nagustuhan ng panlasa n'yo ang apat na palabas bagama't hindi gan'un kadetalyado kung bakit. Nasabi ko na ang mga puntos ko kung bakit hindi ko nagustuhan ang naunang tatlong dula at hindi ko na ito uulitin.
Wala po akong natatandaang dulang Fan, Romeo Loves Juliet, Judas' Lair at Felipa sa Virgin Labfest (o baka absent ako n'ung taong 'yun dahil sa trabaho). O mga dulang kamukha nito ang pagkakasulat at pagkaka-stage. Ang natatandaan ko lang po ay ang "Isagani" na isinulat ni Alex Dorola at idinirehe ni Sir Vincent M. Tañada. Sa kabila ng hindi pagkagusto ng ilang kaibigan sa dulang iyon, isa naman po ako sa naka-appreciate noon. Tama ka rin naman na may bulok din sa Virgin Labfest pero hindi ko babawiin ang sinabi ko sa aking blog tungkol sa mga dulang "maaaring hindi mag-qualify sa panlasa ng bumubuo ng Virgin Labfest sa CCP". Mas matutuwa ako kung mali nga po ako.
Sa ngayon po ay wala akong planong magsulat. Masaya na ako, na bilang manonood na nagbabayad ng ticket ay may sarili nang sukatan ng malalim at mababaw. At kung papalarin naman akong maging isang playwright, iko-consider ko ang mga ganitong klase ng sukatan upang mapagbuti pa ang aking mga akda.
Muli, maraming salamat at mabuhay ang dulaang Pinoy.
Post a Comment