Sunday, January 30, 2011

MMFF 2010: Makalipas ang Isang Buwan




Hindi ko namalayan na nakalipas na ang isang buwan at wala pa rin akong nasasabi tungkol sa nakaraang Metro Manila Film Festival. Hindi naman talaga kailangan na merong masabi, considering na nagbago na rin ang kalidad ng criteria sa pagpili ng mga kasali na nagbunsod upang mabago rin ang kalidad ng line-up at pagpili ng mga nanalo.

Kung meron mang kapansin-pansin na pagbabago, ito na siguro ‘yung pagkakaroon ng tatlong pelikula mula sa Star Cinema. Hindi ko makalimutan ‘yung gumawa pa sila dati ng ingay laban sa pagkakaroon ng tatlo o apat na entry mula kay Mother Lily. Pero ngayon, sabi nga, “If you can’t beat them, join them.” Binago rin ang hanay ng mga hurado dahil sabi nga ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa MMFF commercial, magkakaroon ng isang guro, isang bus driver at iba pa. In short, mga hurado na maaaring wala talagang kinalaman sa pelikula. Mainam sana ang ganito kung ang pagpaparangal ng MMFF ay isang malaking Viewers’ Choice Award. Pero hindi nga ba?

Nag-introduce din para sa 2010 ng indie film category bilang, ayon muli sa MMDA, pagbibigay ng tribute sa kahusayan ng Pinoy sa ganitong larangan. Ang nakakalungkot lang, invitational ang screening at isang beses lang (6:30pm) sa iisang sinehan (Robinsons Galleria) para sa bawat isang pelikula. Pakiramdam ko, mas lalong bumaba ang tingin ng gobyerno sa indie film industry.

Oh well, sa ibaba ay, para sa akin, listahan ng nararapat na manalo. Hindi ko na tinangkang panoorin ang “Si Enteng at si Agimat” (dahil sigurado naman akong kikita ito) at naubusan naman ako ng sinehan para sa “Father Jejemon” ni Mang Dolphy.

BEST PICTURE: RPG: Metanoia

Hindi ko inaasahan na ang kauna-unahang Pinoy film sa 3D ang makakapag-deliver ng kuwento nang buo at maayos sa lahat ng mga entry. Natumbok ang argumento tungkol sa mga larong-batang kailangan at hindi kailangan ng pisikal na interaction (na marahil ay concern ng nakararaming mga magulang ngayon). Hindi nakakagulat nang makita ko ang pangalan ni Jade Castro sa kredito. Isa s’ya sa mga nagbigay buhay sa kredibilidad ng mundo ng network game at sa pagkabusilak ng mga batang kasali rito. Sa aspetong biswal, hindi rin nagpatalo ang pelikula. Lahat ng hinahanap ng isang batang Pilipino mula sa Pixar o Dreamworks ay nandito rin bagama’t hindi kasing rangya.

Special Mention: Shake, Rattle and Roll 12’s “Punerarya” episode. Bihirang bihira na tayong makanood ng mga dekalidad na episode sa franchise na ito ng Regal Films (na ang huli ko yatang nagustuhan ay ‘yung LRT episode ni Mike Tuviera). Simple lang din kung tutuusin ang tema subalit ang bawat technical aspect ay nagpiyesta sa detalye.

BEST DIRECTOR: Louie Suarez

Dalawa lang ang stand-out para sa akin, sina Louie Suarez (RPG: Metanoia) at Jerrold Tarog (Shake, Rattle and Roll 12’s “Punerarya”). Nanaig ang una dahil sa tingin ko, mas challenging sa Pinoy film culture ang makapagbigay ng isang buong animated feature na maaari ring ihanay sa labas ng bansa. Matino ang voice talents, siksik sa Pinoy values at magara ang mga biswal. Ang mapagsama ang mga aspetong ‘yan ay isang malaking achievement para sa isang filmmaker.

Special Mention: Maliban kay Jerrold Tarold, ang ambisyosong pagsasabuhay ni Albert Martinez ng isang bahagi ng nakalipas na kasaysayan sa mata ng isang nagkamaling babae at ina ay hindi dapat isantabi.

BEST PERFORMER: Carla Abellana at ang bumubuo ng “Punerarya”

Hindi ako fan ni Miss Carla Abellana pero nagalingan ako sa kanya rito bilang isang guro na nasadlak sa lihim na taguan ng mga aswang. Napatingkad n’ya ang kahinaan na hinihingi ng karakter, gan’un din ang pagsusumamong maitakas n’ya sa pagkakasadlak ang batang si Nash Aguas. Ang bumubuo ng clan sa pangunguna ni Sid Lucero at Odette Khan ay malaki rin ang naiambag.

Special Mention: Sid Lucero at Ricky Davao (para sa “Rosario”), at Ai-Ai delas Alas, Alwyn Uytingco at Eugene Domingo (para sa “Ang Tanging Ina Mo: Last Na ‘To”).

At hindi ko yata mapapalampas na hindi mabanggit ang mga ito:

BEST ACTING PIECE: Mr. Pringles-inspired na Bigote ni Philip Salvador (“Rosario”) at Pekpek Shorts ni Alwyn Uytingco (“Ang Tanging Ina Mo: Last Na ‘To”)

Lahat yata ay nakatingin sa bigote ni Ipe, kinakabahan na hinihintay itong mahulog. Hindi tuloy masyadong napansin ang special participation ng mahusay na beteranong aktor. Sa sobrang iksi naman ng mga shorts ni Alwyn, hindi rin maiikailang mag-debut ang kanyang tattoo na sinubukan namang takpan ng make-up upang lumuwa ang karakter n’yang bading. Sa pagitan ng bigote at shorts, ang isa ay nakakatuwa na nakakaawa at ang isa ay nakakatuwa na nakakatawa.

BEST CGI: Rosario

Bago matapos ang pelikula, sa panahong nag-uumpisa nang maging teenager ang anak ni Jennilyn Mercado, bumulaga ang half-naked na aktres na tila nakainom ng pampabata. Ang ganda-ganda n’ya r’un. Mas mukha pa s’yang bata r’yan kesa sa umpisa ng pelikula kung saan isa pa lang s’yang estudyante. Walang panama ang “The Curious Case of Benjamin Button”.

BEST CAMEO: MVP (“Rosario”)

Si Piolo Pascual (“Ang Tanging Ina Mo: Last Na ‘To”) lang naman ang kakumpetensya rito pero mas agaw-eksena si Manny Pangilinan. Nakuha pang isurpresa ng kamera. Sa umpisa ay hindi masyadong ipinapakita kung sino ang kausap na importanteng tao ni Mang Dolphy (na hindi ko maintindihan kung bakit ginawa ng direktor) pero kalaunan ay ini-highlight din. Parang ang gusto yatang sabihin ng pelikula, kahit na bigatin ang pangalan ni MVP, meron din itong hindi masyadong masaya na kwento ng nakaraan.

Special Mention: Joy Ortega bilang secretary ni MVP. Natatandaan n’yo pa ba s’ya? Iisa lang naman noon ang nagi-spoof kay Kris Aquino at ang balita ko, hindi masaya ang presidential daughter/sister sa panggagaya ni Miss Ortega. Maliban sa kanyang claim-to-fame na role sa “Bongbong at Kris” ng PETA, mas sumikat s’ya sa pagho-host ng Lunchdate sa GMA7 (na katapat noon ng “Eat Bulaga” sa ABS-CBN).

Thursday, January 27, 2011

Ang Fight Club at ang Tutu ni Natalie Portman

Black Swan
Direksyon: Darren Aronofsky
Iskrip: Mark Heyman, Andres Heinz at John J. McLaughlin
Mga Nagsiganap: Natalie Portman, Mila Kunis, Vincent Cassel, Barbara Hershey, Winona Ryder, atbp.

ISTORYA

Isang ballet dancer si Nina Sayers (Natalie Portman) na inaasam na matanso ang prestihiyosong pangunahing papel sa Swan Lake. Bahagi ng demand ng artistic director na si Thomas Leroy (Vincent Cassel) ay ang dilim at rahas na hinihiling ng Black Swan na kabaliktaran naman ng puro at immaculate na Swan Queen. Sa gitna ay mga balakid sa mga pangarap ni Nina: si Beth Macintyre (Winona Ryder) na dating musa ng direktor, si Lily (Mila Kunis) na kanyang kumpetisyon sa trono at ang kanyang overprotective na ina (Barbara Hershey).

KASING-DILIM NG ANINO

Kamukha ng ilang materyal ni Darren Aronofsky, tumalakay rin sa human condition ang pelikula, partikular sa sikolohikal na aspeto. Kung ang “Requiem for a Dream” ay kumatok sa pinto ng kawalan ng pag-asa ng mga karakter doon dulot ng drugs at ipinamalas naman ng “The Wrestler” ang pagdaan sa impiyerno ng isang tumatandang ama, masusi namang nahukay ang masalimuot at madilim na eskinita ng human mind sa “Black Swan”. Malinaw ang pagkakakuwento tungkol sa isang babaeng pinatiklop ng ambisyon dulot na rin ng kanyang environment (pamilya, peers at pangarap). Kung tutuusin, ito naman ang pangunahing layunin ng pelikula, ang akayin tayo sa isang pagtawid mula sa normal na pag-iisip papunta sa hindi normal. Dito pa lang, para sa akin ay nagtagumpay na ang obra. Bonus na lang na halos lahat ng eksena ay nababalutan ng salamin (sa rehearsal room, sa dressing room, mga gamit sa bahay at kuwarto) na tila masugid na paalala sa manonood ng pag-usisa sa ating sarili (na huli kong natunugan nang mapanood ko ang “Fight Club” ni David Fincher).

Nakita ko rin dito ang ilusyon ng “Requiem for a Dream”. Ang ilang magical na pangitain dulot ng droga ay pinalitan naman dito ng halusinasyon mula sa schizophrenia. Nariyang nagsalo sa isang frame ang dalawang Nina Sayers, sa isang sidewalk kung saan sila nagkasalubong at minsan naman ay mga eksena ng repleksyon sa salamin na may sariling buhay. Upang mabigyang-diin ang self-destruction, nagamit din ang ilusyon sa mga eksenang sinusugatan ni Nina ang kanyang katawan (ang kanyang likod na nagdurugo at ang sugat sa kuko na nagbunsod sa kanya, sa isang nakakapangilabot na eksena, na balatan ang sarili). Hindi rin tumahan dito ang ilusyon. Sa dulo, upang makarating sa kanyang katauhan bilang Black Swan, ipinakita ang literal na metamorphosis ng kanyang anyo: ang pagtubo ng kulay itim na balahibo, ang magarang pakpak at ang pamumula ng mga mata.

Hindi ko makakalimutan si Natalie Portman sa pelikulang ito. Kapani-paniwala ang kanyang pagsayaw bilang ballet dancer. Napaka-virginal din n’ya sa kanyang puting tutu, isang katangian na hinihiling ng kanyang karakter na stiff. “Loose yourself”, sabi nga ng kanyang mentor. At sa kanyang paglaya sa pagiging frigid, natumbok din ng aktres ang dilim na inaasahan mula sa kanya. Napagana n’ya nang sabay ang pagiging vulnerable at pagiging fierce.

KONKLUSYON

Kasing itim ng pamagat ang tema ng pelikula. Marahil ay ilang ulit na itong natalakay sa mga pelikula pero hindi maiikailang isa sa pinakaepektibo ang vision ni Darren Aronofsky rito. Hindi man kasing luho ng “Black Swan” ang ilang pagtapak natin sa dilim pero pinag-isip ako ng ilang pagkakataon na nagkaroon ako ng sariling itim na pakpak at lumipad nang taliwas sa tono. Siguro ay nasa kanya-kanyang pagtawid lang ‘yan ayon sa mga tao sa paligid natin o sa socio-economic na kalagayan ng bansa. May mga kakilala akong hindi nakarating at may ilan din namang mabulaklak ang pagkapanalo. Mapalad na ako, na matapos mapanood ang pelikula ay kaya kong balikan nang nakangiti ang aking pagkalampas.

Tuesday, January 18, 2011

Pagdating sa Dulo

Senior Year
Direksyon: Jerrold Tarog
Iskrip: Jerrold Tarog
Mga Nagsiganap: RJ Ledesma, Ina Feleo, Arnold Reyes, Dimples Romana, atbp.

ISTORYA

Rekoleksyon ng huling taon sa high school ang pelikula. Inumpisahan ito sa isang pagharap sa sarili ni Henry Dalmacio (RJ Ledesma) kung nararapat bang harapin pa o hindi na ang mga batchmates sa isang reunion na kanyang dadaluhan. Ikinuwento ng mga sumunod na eksena kung gaano kakulay ang buhay sa pagtatapos ng huling taon ng isang mag-aaral sa high school.

PAGBALIK AT PAGKABUO

Ito na siguro ang pinakamadaling maabot na full-length feature ni Jerrold Tarog pagdating sa tema at execution. Hindi ito kasing playful at mind-blowing kamukha ng “Confessional” at hindi naman kasing bigat ng “Mangatyanan” (na pareho kong nagustuhan at nakitaan ng mataas na uri ng craftmanship). Ang pinakamalapit na siguro pagdating sa ambiance ay hindi ang kanyang short film na “Faculty” (na prequel ng “Senior Year”) kundi ang mas nauna rito na “Carpool”. Kung tutuusin, puwedeng ihanay sa mainstream ang tema na gustong tahakin ng pelikula pero naniniwala akong walang mainstream director ang makakalikha ng ganitong klase ng obra. Sumakto rin sa subject ang musika at editing na sa tingin ko ay makakakuha ng atensyon mula sa younger generation.

Natural at walang palamuti ang pagkakalahad ng iba’t ibang kuwento ng mga high school students dito. Inilitanya ang magkakahalong sentimyento sa paraang madaling maamoy at makita ang mga karakter bilang buhay na bahagi ng society. Para kang nakatingin sa salamin. At anu-anong reflection nga ba ang ipinakita? Isang running for valedictorian na mas inuna ang utak kesa puso (na karaniwang issue ng mga thinking person). Isang sosyalera na nais makapasok sa La Salle at nabigo. Isang nagnanais makuha ang pagiging graceful ng sosyalera at isa namang naiinis sa sosyalera. Isang bading na nagnanasang matulungan ang gurong babae. Isang lesbian na nag-uumpisang bumukadkad. Isang batang oppressed sa pagtingin ng dalawang magulang at marami pang iba.

Hindi ko alam kung malaki ang naiambag ng pagkuha sa mga non-actor (na para sa akin ay isa sa pinakamahusay na ensemble sa pelikulang Pinoy para sa 2010). Nai-imagine ko habang nanonood ang ilan kong kapit-bahay na high school students na araw-araw sumasakay ng jeep o ‘yung mga naglalagay ng powder sa mukha sa kalamigan ng mga naglalakihang mall sa Metro Manila. Naalala ko rin ang mga classmates ko n’ung high school, ang bawat kakulitan at paglalambing nila, mga away-bata o maging ang amoy ng pawis matapos ang CAT class. Matapos kong mapanood ang pelikula, naisip ko na sana’y mas nakilala ko pa sila n’ung high school, mas nagkaroon pa sana ako ng pagkakataon na “makita” sila. Alam kong sa kabila ng mga bagong plantsang uniporme ay ilang gusut-gusot na buhay.

May isang linya sa pelikula ang hindi ko makalimutan at parati ko ring tinatanong sa aking sarili. Bakit nga ba gustung gusto nating balikan ang high school sa kabila ng kaibahan ng pagkatao natin noon? Halimbawa, kung paano tayo mag-isip. May ilang tala ang Time Magazine dati tungkol sa “Secrets of the Teen Brain” na tumalakay sa structure ng pag-iisip ng mga kabataan. Gusto lang i-summarize nito ang kasariwaan ng pagbuo ng desisyon (o sa ibang salita, immaturity) ng isang teenager. Iba pang usapan ang taste sa pananamit, mga pananaw sa buhay, mga angst at mga pangarap. Kapag sumasapit ang reunion, na kadalasan ay sampung taon ang kinakain bago maganap, hindi maiiwasang mapansin ang malaking pagkakaiba. Kini-claim natin na mas mature na tayo matapos maka-graduate sa college at mag-umpisang magtrabaho. Sa aking sariling experience, halimbawa, naninibago na rin ako sa ilang high school classmates. Oo, nand’un pa rin naman ang core na una mong napansin n’ung high school pero malaki na ang itinalon, pisikal man o sikolohikal. Minsan, napapaisip ako na, siguro kung bibigyan kami ng isa pang pagkakataon na magkasama-sama ulit sa isang matagal na panahon, baka hindi na kami magkaintindihan. Baka ang maging circle of friends ko na ay ibang grupo naman na hindi ko dati madalas nakakasama noon sa campus.

Sa dulo, ako rin naman ang makakasagot kung bakit masarap balik-balikan ang buhay-high school. Siguro dahil immature tayo noon, mas malaya tayong gawin ang mga bagay na maaaring magmarka sa ating pagkatao. Kumbaga, meron tayong excuse na magkamali, maging tama o magpakabaliw. Lahat ay justified dahil sa kabataan. May isang eksena sa “Senior Year” sa volleyball court kung saan pinatamaan ng bola ang sosyalera at naospital pa ito. Mga ganito ang excuse na gusto kong i-highlight. Mga excuse na valid pang gawin kapag bata pa pero hindi na nararapat kapag sumapit na sa adulthood. Ang maganda lang sa pelikula, hindi nito binigyan ng tuldok kung hanggang saan dapat mag-mature (o maging normal) ang isang tao. Kahit ang iilang eksena sa reunion ay hindi indikasyon na nakabalik nga nang buo ang mga karakter sa kani-kanilang sarili.

KONKLUSYON

Kakaunti ang mga pelikulang lokal man o foreign na tumalakay sa high school ang nagkaroon ng ganitong rekoleksyon at kontemplasyon sa akin. Hindi humimpil sa glitter ng kabataan ang pelikula. Hindi ito ipinagdiwang at mas lalong hindi ito itinama. Walang opresyon, socio-political relevance at kung anu-ano pang statement. Mas nagtanong ito kesa nagpaliwanag. Pagdating sa dulo, ang gusto lang tanungin ng pelikula ay ang konsepto ng pagbalik sa isang bahagi ng buhay na hindi pa buo at sadyang marupok pa. Sapat na ba itong conviction sa kung ano ang meron tayo ngayon? O ang buhay, kamukha ng isang klase sa high school, ay isang constant learning?