Total Pageviews

Thursday, January 27, 2011

Ang Fight Club at ang Tutu ni Natalie Portman

Black Swan
Direksyon: Darren Aronofsky
Iskrip: Mark Heyman, Andres Heinz at John J. McLaughlin
Mga Nagsiganap: Natalie Portman, Mila Kunis, Vincent Cassel, Barbara Hershey, Winona Ryder, atbp.

ISTORYA

Isang ballet dancer si Nina Sayers (Natalie Portman) na inaasam na matanso ang prestihiyosong pangunahing papel sa Swan Lake. Bahagi ng demand ng artistic director na si Thomas Leroy (Vincent Cassel) ay ang dilim at rahas na hinihiling ng Black Swan na kabaliktaran naman ng puro at immaculate na Swan Queen. Sa gitna ay mga balakid sa mga pangarap ni Nina: si Beth Macintyre (Winona Ryder) na dating musa ng direktor, si Lily (Mila Kunis) na kanyang kumpetisyon sa trono at ang kanyang overprotective na ina (Barbara Hershey).

KASING-DILIM NG ANINO

Kamukha ng ilang materyal ni Darren Aronofsky, tumalakay rin sa human condition ang pelikula, partikular sa sikolohikal na aspeto. Kung ang “Requiem for a Dream” ay kumatok sa pinto ng kawalan ng pag-asa ng mga karakter doon dulot ng drugs at ipinamalas naman ng “The Wrestler” ang pagdaan sa impiyerno ng isang tumatandang ama, masusi namang nahukay ang masalimuot at madilim na eskinita ng human mind sa “Black Swan”. Malinaw ang pagkakakuwento tungkol sa isang babaeng pinatiklop ng ambisyon dulot na rin ng kanyang environment (pamilya, peers at pangarap). Kung tutuusin, ito naman ang pangunahing layunin ng pelikula, ang akayin tayo sa isang pagtawid mula sa normal na pag-iisip papunta sa hindi normal. Dito pa lang, para sa akin ay nagtagumpay na ang obra. Bonus na lang na halos lahat ng eksena ay nababalutan ng salamin (sa rehearsal room, sa dressing room, mga gamit sa bahay at kuwarto) na tila masugid na paalala sa manonood ng pag-usisa sa ating sarili (na huli kong natunugan nang mapanood ko ang “Fight Club” ni David Fincher).

Nakita ko rin dito ang ilusyon ng “Requiem for a Dream”. Ang ilang magical na pangitain dulot ng droga ay pinalitan naman dito ng halusinasyon mula sa schizophrenia. Nariyang nagsalo sa isang frame ang dalawang Nina Sayers, sa isang sidewalk kung saan sila nagkasalubong at minsan naman ay mga eksena ng repleksyon sa salamin na may sariling buhay. Upang mabigyang-diin ang self-destruction, nagamit din ang ilusyon sa mga eksenang sinusugatan ni Nina ang kanyang katawan (ang kanyang likod na nagdurugo at ang sugat sa kuko na nagbunsod sa kanya, sa isang nakakapangilabot na eksena, na balatan ang sarili). Hindi rin tumahan dito ang ilusyon. Sa dulo, upang makarating sa kanyang katauhan bilang Black Swan, ipinakita ang literal na metamorphosis ng kanyang anyo: ang pagtubo ng kulay itim na balahibo, ang magarang pakpak at ang pamumula ng mga mata.

Hindi ko makakalimutan si Natalie Portman sa pelikulang ito. Kapani-paniwala ang kanyang pagsayaw bilang ballet dancer. Napaka-virginal din n’ya sa kanyang puting tutu, isang katangian na hinihiling ng kanyang karakter na stiff. “Loose yourself”, sabi nga ng kanyang mentor. At sa kanyang paglaya sa pagiging frigid, natumbok din ng aktres ang dilim na inaasahan mula sa kanya. Napagana n’ya nang sabay ang pagiging vulnerable at pagiging fierce.

KONKLUSYON

Kasing itim ng pamagat ang tema ng pelikula. Marahil ay ilang ulit na itong natalakay sa mga pelikula pero hindi maiikailang isa sa pinakaepektibo ang vision ni Darren Aronofsky rito. Hindi man kasing luho ng “Black Swan” ang ilang pagtapak natin sa dilim pero pinag-isip ako ng ilang pagkakataon na nagkaroon ako ng sariling itim na pakpak at lumipad nang taliwas sa tono. Siguro ay nasa kanya-kanyang pagtawid lang ‘yan ayon sa mga tao sa paligid natin o sa socio-economic na kalagayan ng bansa. May mga kakilala akong hindi nakarating at may ilan din namang mabulaklak ang pagkapanalo. Mapalad na ako, na matapos mapanood ang pelikula ay kaya kong balikan nang nakangiti ang aking pagkalampas.

2 comments:

Sanriel said...

I like the line 'masusi namang nahukay ang masalimuot at madilim na eskinita ng human mind sa “Black Swan”'

Made me think of that particular scene in a dark alley where Nina passed by her alterego. Onga, pwede siyang metaphor ng human mind. Dun na nagsstart magcross yung paths nung ideas/behavior/personality (however you may want to call that) nya.

Welcome to Cinematon :D

Manuel Pangaruy, Jr. said...

Salamat, Sanriel. Buong pelikula eh 'yun ang naisip ko, na tungkol sa human mind.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...