Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Sunday, January 30, 2011
MMFF 2010: Makalipas ang Isang Buwan
Hindi ko namalayan na nakalipas na ang isang buwan at wala pa rin akong nasasabi tungkol sa nakaraang Metro Manila Film Festival. Hindi naman talaga kailangan na merong masabi, considering na nagbago na rin ang kalidad ng criteria sa pagpili ng mga kasali na nagbunsod upang mabago rin ang kalidad ng line-up at pagpili ng mga nanalo.
Kung meron mang kapansin-pansin na pagbabago, ito na siguro ‘yung pagkakaroon ng tatlong pelikula mula sa Star Cinema. Hindi ko makalimutan ‘yung gumawa pa sila dati ng ingay laban sa pagkakaroon ng tatlo o apat na entry mula kay Mother Lily. Pero ngayon, sabi nga, “If you can’t beat them, join them.” Binago rin ang hanay ng mga hurado dahil sabi nga ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa MMFF commercial, magkakaroon ng isang guro, isang bus driver at iba pa. In short, mga hurado na maaaring wala talagang kinalaman sa pelikula. Mainam sana ang ganito kung ang pagpaparangal ng MMFF ay isang malaking Viewers’ Choice Award. Pero hindi nga ba?
Nag-introduce din para sa 2010 ng indie film category bilang, ayon muli sa MMDA, pagbibigay ng tribute sa kahusayan ng Pinoy sa ganitong larangan. Ang nakakalungkot lang, invitational ang screening at isang beses lang (6:30pm) sa iisang sinehan (Robinsons Galleria) para sa bawat isang pelikula. Pakiramdam ko, mas lalong bumaba ang tingin ng gobyerno sa indie film industry.
Oh well, sa ibaba ay, para sa akin, listahan ng nararapat na manalo. Hindi ko na tinangkang panoorin ang “Si Enteng at si Agimat” (dahil sigurado naman akong kikita ito) at naubusan naman ako ng sinehan para sa “Father Jejemon” ni Mang Dolphy.
BEST PICTURE: RPG: Metanoia
Hindi ko inaasahan na ang kauna-unahang Pinoy film sa 3D ang makakapag-deliver ng kuwento nang buo at maayos sa lahat ng mga entry. Natumbok ang argumento tungkol sa mga larong-batang kailangan at hindi kailangan ng pisikal na interaction (na marahil ay concern ng nakararaming mga magulang ngayon). Hindi nakakagulat nang makita ko ang pangalan ni Jade Castro sa kredito. Isa s’ya sa mga nagbigay buhay sa kredibilidad ng mundo ng network game at sa pagkabusilak ng mga batang kasali rito. Sa aspetong biswal, hindi rin nagpatalo ang pelikula. Lahat ng hinahanap ng isang batang Pilipino mula sa Pixar o Dreamworks ay nandito rin bagama’t hindi kasing rangya.
Special Mention: Shake, Rattle and Roll 12’s “Punerarya” episode. Bihirang bihira na tayong makanood ng mga dekalidad na episode sa franchise na ito ng Regal Films (na ang huli ko yatang nagustuhan ay ‘yung LRT episode ni Mike Tuviera). Simple lang din kung tutuusin ang tema subalit ang bawat technical aspect ay nagpiyesta sa detalye.
BEST DIRECTOR: Louie Suarez
Dalawa lang ang stand-out para sa akin, sina Louie Suarez (RPG: Metanoia) at Jerrold Tarog (Shake, Rattle and Roll 12’s “Punerarya”). Nanaig ang una dahil sa tingin ko, mas challenging sa Pinoy film culture ang makapagbigay ng isang buong animated feature na maaari ring ihanay sa labas ng bansa. Matino ang voice talents, siksik sa Pinoy values at magara ang mga biswal. Ang mapagsama ang mga aspetong ‘yan ay isang malaking achievement para sa isang filmmaker.
Special Mention: Maliban kay Jerrold Tarold, ang ambisyosong pagsasabuhay ni Albert Martinez ng isang bahagi ng nakalipas na kasaysayan sa mata ng isang nagkamaling babae at ina ay hindi dapat isantabi.
BEST PERFORMER: Carla Abellana at ang bumubuo ng “Punerarya”
Hindi ako fan ni Miss Carla Abellana pero nagalingan ako sa kanya rito bilang isang guro na nasadlak sa lihim na taguan ng mga aswang. Napatingkad n’ya ang kahinaan na hinihingi ng karakter, gan’un din ang pagsusumamong maitakas n’ya sa pagkakasadlak ang batang si Nash Aguas. Ang bumubuo ng clan sa pangunguna ni Sid Lucero at Odette Khan ay malaki rin ang naiambag.
Special Mention: Sid Lucero at Ricky Davao (para sa “Rosario”), at Ai-Ai delas Alas, Alwyn Uytingco at Eugene Domingo (para sa “Ang Tanging Ina Mo: Last Na ‘To”).
At hindi ko yata mapapalampas na hindi mabanggit ang mga ito:
BEST ACTING PIECE: Mr. Pringles-inspired na Bigote ni Philip Salvador (“Rosario”) at Pekpek Shorts ni Alwyn Uytingco (“Ang Tanging Ina Mo: Last Na ‘To”)
Lahat yata ay nakatingin sa bigote ni Ipe, kinakabahan na hinihintay itong mahulog. Hindi tuloy masyadong napansin ang special participation ng mahusay na beteranong aktor. Sa sobrang iksi naman ng mga shorts ni Alwyn, hindi rin maiikailang mag-debut ang kanyang tattoo na sinubukan namang takpan ng make-up upang lumuwa ang karakter n’yang bading. Sa pagitan ng bigote at shorts, ang isa ay nakakatuwa na nakakaawa at ang isa ay nakakatuwa na nakakatawa.
BEST CGI: Rosario
Bago matapos ang pelikula, sa panahong nag-uumpisa nang maging teenager ang anak ni Jennilyn Mercado, bumulaga ang half-naked na aktres na tila nakainom ng pampabata. Ang ganda-ganda n’ya r’un. Mas mukha pa s’yang bata r’yan kesa sa umpisa ng pelikula kung saan isa pa lang s’yang estudyante. Walang panama ang “The Curious Case of Benjamin Button”.
BEST CAMEO: MVP (“Rosario”)
Si Piolo Pascual (“Ang Tanging Ina Mo: Last Na ‘To”) lang naman ang kakumpetensya rito pero mas agaw-eksena si Manny Pangilinan. Nakuha pang isurpresa ng kamera. Sa umpisa ay hindi masyadong ipinapakita kung sino ang kausap na importanteng tao ni Mang Dolphy (na hindi ko maintindihan kung bakit ginawa ng direktor) pero kalaunan ay ini-highlight din. Parang ang gusto yatang sabihin ng pelikula, kahit na bigatin ang pangalan ni MVP, meron din itong hindi masyadong masaya na kwento ng nakaraan.
Special Mention: Joy Ortega bilang secretary ni MVP. Natatandaan n’yo pa ba s’ya? Iisa lang naman noon ang nagi-spoof kay Kris Aquino at ang balita ko, hindi masaya ang presidential daughter/sister sa panggagaya ni Miss Ortega. Maliban sa kanyang claim-to-fame na role sa “Bongbong at Kris” ng PETA, mas sumikat s’ya sa pagho-host ng Lunchdate sa GMA7 (na katapat noon ng “Eat Bulaga” sa ABS-CBN).
Best Cameo si Ara Mina as zombie nurse in a period piece.
ReplyDeleteHahaha. Oo nga pala. Taob lahat ng cameo kay Ara Mina.
ReplyDelete