Tuesday, January 18, 2011

Pagdating sa Dulo

Senior Year
Direksyon: Jerrold Tarog
Iskrip: Jerrold Tarog
Mga Nagsiganap: RJ Ledesma, Ina Feleo, Arnold Reyes, Dimples Romana, atbp.

ISTORYA

Rekoleksyon ng huling taon sa high school ang pelikula. Inumpisahan ito sa isang pagharap sa sarili ni Henry Dalmacio (RJ Ledesma) kung nararapat bang harapin pa o hindi na ang mga batchmates sa isang reunion na kanyang dadaluhan. Ikinuwento ng mga sumunod na eksena kung gaano kakulay ang buhay sa pagtatapos ng huling taon ng isang mag-aaral sa high school.

PAGBALIK AT PAGKABUO

Ito na siguro ang pinakamadaling maabot na full-length feature ni Jerrold Tarog pagdating sa tema at execution. Hindi ito kasing playful at mind-blowing kamukha ng “Confessional” at hindi naman kasing bigat ng “Mangatyanan” (na pareho kong nagustuhan at nakitaan ng mataas na uri ng craftmanship). Ang pinakamalapit na siguro pagdating sa ambiance ay hindi ang kanyang short film na “Faculty” (na prequel ng “Senior Year”) kundi ang mas nauna rito na “Carpool”. Kung tutuusin, puwedeng ihanay sa mainstream ang tema na gustong tahakin ng pelikula pero naniniwala akong walang mainstream director ang makakalikha ng ganitong klase ng obra. Sumakto rin sa subject ang musika at editing na sa tingin ko ay makakakuha ng atensyon mula sa younger generation.

Natural at walang palamuti ang pagkakalahad ng iba’t ibang kuwento ng mga high school students dito. Inilitanya ang magkakahalong sentimyento sa paraang madaling maamoy at makita ang mga karakter bilang buhay na bahagi ng society. Para kang nakatingin sa salamin. At anu-anong reflection nga ba ang ipinakita? Isang running for valedictorian na mas inuna ang utak kesa puso (na karaniwang issue ng mga thinking person). Isang sosyalera na nais makapasok sa La Salle at nabigo. Isang nagnanais makuha ang pagiging graceful ng sosyalera at isa namang naiinis sa sosyalera. Isang bading na nagnanasang matulungan ang gurong babae. Isang lesbian na nag-uumpisang bumukadkad. Isang batang oppressed sa pagtingin ng dalawang magulang at marami pang iba.

Hindi ko alam kung malaki ang naiambag ng pagkuha sa mga non-actor (na para sa akin ay isa sa pinakamahusay na ensemble sa pelikulang Pinoy para sa 2010). Nai-imagine ko habang nanonood ang ilan kong kapit-bahay na high school students na araw-araw sumasakay ng jeep o ‘yung mga naglalagay ng powder sa mukha sa kalamigan ng mga naglalakihang mall sa Metro Manila. Naalala ko rin ang mga classmates ko n’ung high school, ang bawat kakulitan at paglalambing nila, mga away-bata o maging ang amoy ng pawis matapos ang CAT class. Matapos kong mapanood ang pelikula, naisip ko na sana’y mas nakilala ko pa sila n’ung high school, mas nagkaroon pa sana ako ng pagkakataon na “makita” sila. Alam kong sa kabila ng mga bagong plantsang uniporme ay ilang gusut-gusot na buhay.

May isang linya sa pelikula ang hindi ko makalimutan at parati ko ring tinatanong sa aking sarili. Bakit nga ba gustung gusto nating balikan ang high school sa kabila ng kaibahan ng pagkatao natin noon? Halimbawa, kung paano tayo mag-isip. May ilang tala ang Time Magazine dati tungkol sa “Secrets of the Teen Brain” na tumalakay sa structure ng pag-iisip ng mga kabataan. Gusto lang i-summarize nito ang kasariwaan ng pagbuo ng desisyon (o sa ibang salita, immaturity) ng isang teenager. Iba pang usapan ang taste sa pananamit, mga pananaw sa buhay, mga angst at mga pangarap. Kapag sumasapit ang reunion, na kadalasan ay sampung taon ang kinakain bago maganap, hindi maiiwasang mapansin ang malaking pagkakaiba. Kini-claim natin na mas mature na tayo matapos maka-graduate sa college at mag-umpisang magtrabaho. Sa aking sariling experience, halimbawa, naninibago na rin ako sa ilang high school classmates. Oo, nand’un pa rin naman ang core na una mong napansin n’ung high school pero malaki na ang itinalon, pisikal man o sikolohikal. Minsan, napapaisip ako na, siguro kung bibigyan kami ng isa pang pagkakataon na magkasama-sama ulit sa isang matagal na panahon, baka hindi na kami magkaintindihan. Baka ang maging circle of friends ko na ay ibang grupo naman na hindi ko dati madalas nakakasama noon sa campus.

Sa dulo, ako rin naman ang makakasagot kung bakit masarap balik-balikan ang buhay-high school. Siguro dahil immature tayo noon, mas malaya tayong gawin ang mga bagay na maaaring magmarka sa ating pagkatao. Kumbaga, meron tayong excuse na magkamali, maging tama o magpakabaliw. Lahat ay justified dahil sa kabataan. May isang eksena sa “Senior Year” sa volleyball court kung saan pinatamaan ng bola ang sosyalera at naospital pa ito. Mga ganito ang excuse na gusto kong i-highlight. Mga excuse na valid pang gawin kapag bata pa pero hindi na nararapat kapag sumapit na sa adulthood. Ang maganda lang sa pelikula, hindi nito binigyan ng tuldok kung hanggang saan dapat mag-mature (o maging normal) ang isang tao. Kahit ang iilang eksena sa reunion ay hindi indikasyon na nakabalik nga nang buo ang mga karakter sa kani-kanilang sarili.

KONKLUSYON

Kakaunti ang mga pelikulang lokal man o foreign na tumalakay sa high school ang nagkaroon ng ganitong rekoleksyon at kontemplasyon sa akin. Hindi humimpil sa glitter ng kabataan ang pelikula. Hindi ito ipinagdiwang at mas lalong hindi ito itinama. Walang opresyon, socio-political relevance at kung anu-ano pang statement. Mas nagtanong ito kesa nagpaliwanag. Pagdating sa dulo, ang gusto lang tanungin ng pelikula ay ang konsepto ng pagbalik sa isang bahagi ng buhay na hindi pa buo at sadyang marupok pa. Sapat na ba itong conviction sa kung ano ang meron tayo ngayon? O ang buhay, kamukha ng isang klase sa high school, ay isang constant learning?

No comments:

Post a Comment