Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Friday, March 04, 2011
Ang Showtime ng mga OFW sa Israel
Caredivas
Produksyon: PETA
Direksyon: Maribel Legarda
Mandudula: Liza Magtoto (halaw mula sa documentary na “Paperdolls” ni Tomer Heymann)
Libretto at Musika: Vincent de Jesus
Mga Nagsiganap: Melvin Lee, Vincent de Jesus, Ricci Chan, Jason Barcial, Phil Noble, Myke Salomon, Paul Holme, Angeli Bayani, atbp.
ISTORYA
Account ng isang grupo ng limang Pilipinong bading na OFW sa war-stricken na Israel ang dula. Sina Chelsea (Melvin Lee), Shai (Vincent de Jesus), Kayla (Ricci Chan), Thalia (Jason Barcial) at Jonee (Phil Noble) ay nakikipagsapalaran bilang caregiver sa umaga at humahataw naman bilang drag queen sa gabi sa isang bar. Umikot ang musical sa kanilang pagtulay sa alambre ng pagkilala, pagtanggap at pansariling retribusyon.
KANYA-KANYANG KINANG AT PILANTIK NG EYELASHES
Noong una ay nagmistulang multiple character study ang materyal. Ipinakita ang pagkakaiba ng personalidad at biyahe ng grupo. Si Chelsea ang Miss Goody-two-shoes sa kanila samantalang si Shai naman ang pinakamapusok at mataas ang ambisyon. Si Kayla ay may sariling kahinaan sa pagiging caregiver subalit mataas ang performance level pagdating sa pagiging drag queen. Si Thalia ay may issue sa pangungupit ng gamit at si Jonee naman ay nag-uumpisa nang salubungin ang kanyang twilight. Ang lahat ng pagkakaibang ito ay ibinuhol ng unang awit ng dula habang ang kanilang inaalagaan na matanda ay mag-isang ginampanan ni Paul Holme (na malamang ay tumatak sa atin sa kanyang kamukhang portrayal sa pelikulang “Caregiver” ni Chito Roño). Highlighted ang kanilang pagiging isa sa unang awit bilang mga drag queen sa gabi.
Sa gitna, inilatag ang kanilang litanya na patuloy na sumusubok sa kanilang pagkatao. Si Chelsea ay nakatagpo ng illegal alien na nagpatibok sa kanyang puso (at sumubok sa kanyang pagiging prim and proper). Si Kayla ay nabilanggo dahil sa pagiging TNT at si Shai ay madalas dalawin ng alaala ng kanyang ina na nagsilbing skeleton mula sa kanyang sariling aparador. Dito na sa bahaging ito binigyan ng mandudula ng parallel ang mga karakter at ang mga manonood.
Ang dulo naman ang nagbigay ng ilang katotohanan tungkol sa kanilang pagiging OFW. Minsan ay kailangan nating magsugal ng buhay sa gitna ng sigalot na hindi naman natin talaga giyera. Isa na ritong pagpapatunay ang mga Pinoy sa Libya na hanggang ngayon ay wala tayong kasiguraduhan kung makakauwi nang ligtas. May mga isyu rin ng pagtanggap, partikular sa isang chunk ng kuwento na nangarap silang maging bahagi ng pinakaglamorosong bar sa lugar. Ang maganda sa puntong ito ay hindi tahasang ginamit ang homosexuality o ang pagiging Pinoy sa pagkawala ng pag-asang makarampa sa mas malaking stage. Sinuguro lang ng mandudula na ang layer tungkol sa sexuality at pagiging third world ay nariyan upang magkaroon ng karagdagang kapal at kulimlim ang materyal.
Napanood ko ang “Paperdolls” na documentary noon. Kung hindi ako nagkakamali, isang Israeli ang filmmaker nito. May isang eksena roon na nagtangka s’yang i-make over ng mga totoong Pinoy “care divas” (kung saan hinango ang kuwento). Inayos ang kanyang kilay, pinakapal ang eyelash at nilagyan ng makapal na make up. Iyon para sa akin ang core na gustong talakayin ng docu mula sa perspektibo ng isang outsider (hindi bading, hindi Pinoy at hindi caregiver). May kamukha itong eksena sa dula kung saan sinubukang ayusan ni Chelsea ang kanyang mangingibig upang maitago sa mga pulis. Mas maganda sana kung nagkaroon ito ng mas matimbang na impact kamukha ng ginawa sa pelikula.
Sa mga dulang inartehan ni Melvin Lee, ito yata ang pinaka-stand out sa akin. Nakuha n’ya nang tama sa timpla, hindi nangingibabaw at hindi rin nagpapasapaw, ang dine-demand ng karakter. Si Vincent de Jesus, para sa akin, sa dulang ito, ay mas litaw bilang aktor kesa pagiging musikero (na magaling din naman, base sa mga awit pandula na kanyang inihabi rito). Hindi rin ako umuwing bigo sa presensya ni Ricci Chan na para sa akin ay pinakamahusay na gumanap na Angel sa local staging ng “Rent”. May mga awit na kailangan ng kanyang vocal prowess at may mga eksenang nangangailangan din ng kanyang sensibilidad sa pagganap.
Kung meron pa man akong nais idagdag, ito na siguro ‘yung kapuna-punang bumaha ng ad lib ang dula. Minsan, ang feel ay parang nasa comedy bar (o nasa “Showtime” ni Vice Ganda) pero nakatulong naman ito sa linya ng dark comedy. Dito pa lang ay sulit na ang aking ibinayad upang makatawa nang malakas, tumahimik kung kinakailangan at makinig nang bukas ang loob sa bawat agony na binalutan ng malutong na punchline.
KONKLUSYON
Kailangang panoorin ng nakararami ang dulang ito. Sa layer ng social relevance, bagama’t trite na minsan, marami pa ring nais sundutin ang materyal. Hindi na kailangang ulit-ulitan pa, at alam na naman natin, na nasa ganitong patintero ang mga care divas dahil sa kawalan ng opurtunidad sa bansa. At ang prusisyon ay hahaba pa mula rito: edukasyon, kahirapan, korupsyon. Sa layer naman bilang isang entertaining piece, marami ring puwedeng landasin: drag show, biritan, pag-ibig sa sarili at iba pang tagisan at laglagan ng wit. Muli at muli, hindi binigo ng PETA ang kanyang mga manonood sa pagiging “educational” at pagbibigay-aliw.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment