Cyrano: Isang Sarsuwela
Produksyon: Dulaang ROC at Talinhaga Theater Collaborative
Direksyon, Mandudula at Libretto: Pat Valera (halaw mula sa dulang “Cyrano de Bergerac” ni Edmon Rostand)
Musika: William Elvin Manzano at Happy Days Ahead
Mga Nagsiganap: Nicco Manalo, Ava Santos, DJ Cuasay, Paul Jake Paule, atbp.
ISTORYA
Sabi nga sa titulo ng musical, isa itong sarsuwela adaptation ng literary work na “Cyrano de Bergerac”. Ginawang lokal ang setting, partikular sa panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas. Si Cyrano (Nicco Manalo), na may malaking ilong, ay isang kawal ng isang hukbo. Iniibig n’ya ang kababatang si Roxanne (Ava Santos) kasabay ng kanyang kapwa kawal na si Christian (DJ Cuasay). Dalawang lalake ang kambal na umiibig kay Roxanne. Ang isa ay matipuno at masigasig, ang isa naman ay makata mula sa buwan.
PANGAKO NG ISANG TESIS
Isang tesis ang musical. Ibig sabihin, may ilang graduating students ang sumubok sa mapangarap na proyektong ito upang makakuha ng inaasam na grado at maka-graduate. Sa kasamaang palad, walang naglipanang program sa pagsasaentablado ng dula sa GSIS Theater at hindi sila lahat mabibigyan ng kredito (maging ang kabuuhan ng mga nagsiganap). Kiinakailanang sumilip sa Google o sa Facebook upang ganap silang makilala. At mapuri.
Maraming ambisyon ang dula. Una, nais nitong bigyang-pugay ang pagiging obsolete ng mga sarsuwela sa bansa. Sa iilang sarsuwela na napanood ko, nakuha naman nito ang feel na hinihingi. Tumalakay rin ito sa pag-ibig at, base sa panahon na isinasabuhay, pangkasalukuyang tema. Maaari ring tingnan ang dula bilang isang rock opera sa tradisyon ng “Jesus Christ Superstar” o maging “Spring Awakening”. Sa dulo, maaari rin itong ibilang na isang simpleng musical.
Umuwi akong bitbit ang OST. Radio-friendly halos lahat ng mga awit mula sa Happy Days Ahead. Kumbaga, kahit wala ang context ng dula, maaaring ibenta ang CD bilang koleksyon ng mga rock song na tumalakay sa kabaliwan at pag-ibig. Sa katunayan, sa sobrang “pagkabaliw” ko sa OST ay pinapakinggan ko ito habang nagsusulat. Ang paborito ko rito ay ang “Ikaw” na isa na siguro sa mga pinakamatamis na awiting pandula na naisulat sa kasaysayan ng Pinoy musical theater. Pero ‘wag masyadong itaas ang pag-asam. Kamukha n’ung live performance, may ilan akong napansin na pangangapa sa pagkanta. Halimbawa, sa kaso ng bidang si Nicco Manalo, hindi ko masasabing kayang makipagsabayan ng kanyang boses sa mga musical actor natin ngayon. Sa ilang falsetto n’ya sa song selection, halimbawa, kinabakahan ako na kahit anong sandali ay mababasag ito.
Hindi pa rin sapat na buo ang dula pagdating sa pagtatanghal. May ilang pagkakataon na lumilitaw ang pagiging amateurish sa delivery ng ilang aktor pero madali na itong maitama pagdating ng tamang panahon. Ang mahalaga ay nakapagtanghal sila ng musical na nag-uumapaw ang pangako. Ang set design ni Ohn David, bagama’t simple at minsan ay walang context maliban sa isang bintana na hugis buwan, ay kaaya-ayang tingnan kapag binubuhusan na ng ilaw. May tendency rin na maging melodramatic sa pagbabad ng isang number sa panimula ng ikalawang bahagi. Natahi lang ito nang maayos ng direktor sa paglatag ng contrast mula sa huling frame ng unang bahagi. Si Nicco Manalo, na tingin ko ay pinaka-beterano sa lahat (pangalawa si Paul Jake Paule bilang Tato na sa ilang pagtatanghal ay ginaganapan ng mahusay na aktor na si Alchris Galura), ang nagtaas ng level sa pag-arte. Nilamon n’ya nang buo ang karakter ni Cyrano na sa bawat atake ng tikas at pagdurusa ay kanyang inangkin. Sa eksenang nakalatag na ang babaeng iniibig subalit hindi pa rin masarili dahil sa dahan-dahang pagkawala ng kanyang poesiya ay isa sa pinakamalungkot na eksena sa mga dulang napanood ko, straight play man o musical.
KONKLUSYON
Ito na yata ang definitive na sarsuwela para sa mga hopeless romantic. Si Cyrano, na itinakwil ng kanyang malaking ilong sa kabila ng pagiging makata, ay hindi ganap na tagumpay sa pag-ibig. Matapos n’yang ipinagpalit ang karanasang manatili ang kaligayahan sa buwan, pinili n’yang mabuhay. Amateurish man ang pagsasalaysay ng adventure ni Cyrano, naihatid naman nito ang kabaliwan na gustong ipahawa sa manonood. Nakakasabik na mga kanta at mahusay na pagganap ng lead karakter ay ilan lamang sa mga pangako ng tesis na ito. Hindi ako magugulat na kahit anong pagkakataon sa mga susunod na theater season ay isa na itong ganap na dula na bukas sa publiko. Sa ngayon, nanamnamin ko muna ang dula nang nakalutang sa buwan.
No comments:
Post a Comment