Joy Luck CLub
Produksyon: Repertory Philippines
Direksyon: Anton Juan
Mandudula: Susan Kim (halaw mula sa nobela ni Amy Tan at pelikula ni Wayne Wang)
Mga Nagsiganap: Pinky Marquez, Frances Makil Ignacio, Jay Valencia Glorioso, Rebecca Chuaunsu, Ana Abad Santos, Cris Villonco, Jenny Jamora, Lily Chu, atbp.
ISTORYA
Kung napanood mo ‘yung pelikula (hindi ko nabasa ang libro), halos ganito rin ang naratibo ng dula. Apat na ina (Pinky Marquez, Frances Makil Ignacio, Jay Valencia Glorioso at Rebecca Chuaunsu) ang kasapi ng isang maliit na club kung saan nagkikita-kita sila at naglalaro ng mah-jong. Ang kanilang buhay ay isinadula sa kanilang pinagdaanan sa pagpasok sa America mula China. Sa pagpanaw ng isa, nabuksan ang koneksyon sa pagitan ng mga ina at mga anak (Ana Abad Santos, Cris Villonco, Jenny Jamora at Lily Chu).
DUGTUNGAN
Ang una kong napansin sa staging ay ang set design ni Ohm David. May isang glaring na tulay sa likod na halatang Asian ang architecture. Wala naman itong iniambag talaga bilang tulay, maliban sa minsanang paggamit bilang structure para sa crowd, pero malaki ang naipinta nitong imahe para sa tema ng dula. Tila gustong ipamukha na ang kawalan ng linya sa pagitan ng mga ina at mga anak dahil sa magkaibang pinagdaanan ay pinagdudugtong ng tulay na ito. Ang generic na kuwadradong piyesa rin na madalas makita sa mga Rep plays ay napakinabangan sa isang eksena na ginamit bilang dining table. Ang bawat kanto ay kinasasadlakan ng isang karakter ay maaari ring representation ng apat na direksyon (Hilaga, Silangan, Timog at Kanluran) na para sa mga Chinese ay may malaking kahulugan. Napakalaki nito para maging dining table subalit nagkaroon ito ng kulay upang maipakita, bagama’t madalas maghuntahan, ang pagkakalayo ng bawat isa.
Siyempre, hindi puwedeng hindi mapansin ang direksyon ng guest director na si Anton Juan. Sa umpisa pa lang, ang mabagal na tableux sa pagdaong sa Amerika ng apat na ina ay mararamdaman mo nang hindi ito definitive Repertory Philippines play (sa katunayan, malaki ang text sa program cover na “Guest Director”). Maging ang transition ng pagkukwento mula sa nakalipas hanggang contemporary ay hinanapan ng direktor ng butas upang makapagkwento nang mas artistic at hindi nasa plato. Ang dulo, kung saan ang mga upuan sa airport ay nagsilbing piraso ng mah-jong ay isa pang indikasyon. Napakaganda ng exucution ng finale scene na ‘yun.
Ang nawala para sa akin ay ang drama ng pelikula. Parati kong hindi naalala ang “Joy Luck Club” ni Wayne Wang bilang isa sa mga nagpaiyak sa akin sa sinehan n’ung college (ewan ko, naalala ko yata ang nanay ko n’un). Maliban sa iilang rekoleksyon ng karakter ni Ana Abad Santos sa kanyang namayapang ina, wala na akong matandaan masyado sa dula na makirot panoorin (o siguro ay tumatanda na rin ako). Sa mga nagsiganap, wala namang itulak-kabigin (Ana Abad Santos, Frances Makil Ignacio, Rebecca Chuaunsu, atbp.). Siguro ay mas naging teknikal lang ang pagkaka-stage at hindi nakuha ang biwas na ginawa, halimbawa, ng “Tuesdays with Morrie” noon.
KONKLUSYON
Ang una kong nasambit sa dula ay “first good straight play for 2011”. Hindi man nito nakuha ang inaabangan kong drama at minsan ay nakakapagod na ang paulit-ulit na pagpanhik-manaog sa nakaraan, pinaghusayan naman ang kung anong natira sa stage adaptation. Matipuno ang direksyon, competent ang mga aktor at namamayagpag ang set design.
No comments:
Post a Comment