Total Pageviews

Sunday, March 13, 2011

‘Sandosenang Griyego

Hercules 12
Produksyon: Young Artists Foundation
Libretto at Direksyon: George de Jesus III
Musika: Jeff Hernandez
Mga Nagsiganap: Geoff Taylor, Anna Luna, atbp.

ISTORYA

Isang retelling ng Greek mythology ang musical. Tungkol ito sa pakikipagsapalaran ni Hercules (Geoff Taylor) sa 12 na pagsubok na ibinigay sa kanya ng mga diyos upang maibalik ang kanyang pinatay na asawang si Megara (Anna Luna).

EKSPERIMENTAL

Kapag merong isang bagay na kakaiba, sinasabi natin ang katagang “It’s Greek to me.” Batay sa description ng dula na “an emo musicale”, ganito ang nais tahakin ng proyekto. Ninanais nitong maglatag ng isang bagong porma ng musikal na hindi pa masyadong pamilyar ang mga manonood. Kung tutuusin, isa itong magandang suhestiyon upang magkaroon naman ng bagong liwanag ang mga nakasanayan na natin. Pero hanggang saan nakarating ang eksperimento?

Ang pagkakaalam natin sa salitang “emo” o pinaiksing “emotional” ay tungkol sa isang genre, partikular sa music, mula sa mapapait na tema ng pag-ibig at kasawiang dulot nito. Siguro, ito ‘yung mga angsty rock music ni Alanis Morissette dati, binigyan lang ng mas makabagong kulay o hugis para sa mga kabataan. Sa ganitong argumento, nai-deliver naman ng mga awit sa dula ang klase ng tunog at tema. Dahil ang buong itinakbo ng dula ay tungkol sa pagnanais ni Hercules na bumalik sa pagkabuhay si Megara, pumasok ito sa bitag tungkol sa mga emo na nais makipagbalikan sa kanilang kasintahan o mangingibig. Nakatulong din ang paminsan-minsang pag-project ng mga lyrics sa screen na para sa akin ay climax ng pagiging kuwalipikado sa genre na nais tawirin.

Pero may isa pa akong nakita sa eksperimento. Kung ang emo music ay kadalasang nakabiwas sa kabataan, isa ring marketing strategy ito upang madaling maabot sila sa pagkukuwento ng Greek mythology. Sa iksi ng attention span ng mga teenager ngayon, malaking ambag ang makahabi ng isang literary piece sa medium na hindi masakit sa tenga para sa kanila. Bagama’t hindi ito isang kumplikadong retelling kamukha ng ibang kuwento (Greek man o hindi), sigurado akong makakarating naman sa kinauukulan ang vision ng pagsasadula. Nakatulong pa rito ang feel ng dula na para lang nagdaraos ng isang gig sa isang bar na tambayan ng mga kabataan.

Sa preview staging na napanood ko, walang masyadong detalye tungkol sa production staff. Gusto ko mang banggitin ang ilang papuri, halimbawa sa goth feel ng mga costume at iba pa, wala akong pangalang nakuha. Ang dahilan ng isang usherette doon ay sa darating na lang daw na pagtatanghal sa July ihahanda ang lahat. Ang sigurado lang ako sa kredito ay ang bidang si Hercules na, para sa isang baguhan, ay nalampasan naman ni Geoff Taylor nang maayos. Halata pa minsan ang kanyang paninibago sa entablado pero pagdating sa kantahan at inaasayang pagka-emo ay naihatid naman n’ya. May kakaibang presence din ang kanyang kaparehang si Anna Luna subalit kokonti lang ang kanyang eksena. Sa dulo, si George de Jesus ang dapat bigyan ng nararapat na papuri rito. Ang kanyang kawalan ng pagsuko na makapag-anak ng isang konsepto upang makarating sa nakakalimot na audience ay hindi matatawaran. Sana magkaroon pa tayo ng mga ganitong deconstruction effort upang mas marami ang madatnan ng ganitong klase ng panitikan.

KONKLUSYON

Naglalaro sa pagiging musical at pagiging rock gig ang dula. Mas mainam sigurong mapanood ito sa isang maliit na bar, halimbawa, sa Quezon City, upang mas mabuo ang konseptong inilatag. Nand’un pa rin ang inaasahan mula sa Greek myth pero mas masaya sigurong panoorin ito kapiling ng isang malamig na bote ng San Miguel beer. Hindi man natin kailangang sagupain ang ilang halimaw sa 12 na pagsubok ni Hercules pero minsan, sa isang bahagi ng ating buhay, ay may ganito na tayong bundok na pinagdaanan upang maitulay ang puso sa patuloy na pagtibok nito.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...