Total Pageviews

Sunday, March 06, 2011

Si Ninoy Bilang Tubig sa Tsokolate


Ang larawan ay kinuha mula rito.

Ako si Ninoy
Produksyon: Philippine Stagers Foundation at Benigno S. Aquino Jr. Foundation
Direksyon at Libretto: Vincent Tañada
Musika: Pipo Cifra
Mga Nagsiganap: Vincent Tañada, Cindy Liper, Jordan Ladra, Kierwin Larena, Glory Ann Nacional, Patrick Libao, Alex Dorola, atbp.

ISTORYA

Ikinuwento ang highlight ng buhay ni Ninoy (Vincent Tañada) sa koneksyon ng bayani sa mga pangkaraniwang mamamayan. Si Noli (Jordan Ladra) na isang OFW ay naging ama kasabay ng birthday ni Ninoy. Maging ang kanyang pagkakalayo sa pamilya ay ikinumpara sa pagkakalayo nina Ninoy at Cory (Cindy Liper). Ang ilan pang karakter na nagkaroon ng pagkakadugtong ay ang matinee idol na si Yosef (Kierwin Larena), ang manggagawang si Andeng (Glory Ann Nacional), ang reporter na si Oscar (Patrick Libao), ang aktibistang si Quentin (Alex Dorola) at marami pang iba.

POP ART

Pangatlong produksyon ko nang napanood ito mula sa PSF. Graduate na ako sa pagtalakay kung ano ang target audience ng produksyon dahil kung ano ang mga napanood ko sa unang dalawang dula (“Enzo Santo” at “4C”), gan’un din ang primerong sangkap dito. At sa ganitong aspeto ay selyado na ang vision ng PSF.

Ang napansin kong kakaiba, mas literary ang take ng pagkukuwento kumpara sa ibang supling ng foundation. ‘Yung paggamit ng pangkaraniwang mamamayan upang umangat ang pagkabayani ng isang bayani, hindi na ito masyadong bago. Meron nang gumawa ng ganito, maging sa TV o pelikula man. Ang naging karagdagang sahog, na isang magandang devise, ay ang pagkakadugtong ng mga karakter. Halimbawa, ang rallyista na si Andeng ay biyenan pala ni Noli, ang artistang si Yosef ay naging kasintahan ng inabusong estudyante na ipinagtanggol naman ng isang guro laban sa isang principal na suot ang iconic na Filipiniana ni Imelda at marami pang iba. Dahil sa pagtatahi ng mga karakter, naging simbolo ito ng isang komunidad, isang bayan na nagsilbing diorama para sa isang bansa. Sa perspektibo ng mga pangkaraniwang mamayan, walang nabanggit na presensya ni Ninoy. Ipinakita na ang kabayanihan ay inherent sa kanila at hindi nila ginagawa ang inaasahan mula sa kanila dahil kay Ninoy o dahil sa ibang bayani. Dulot ng iba’t ibang representasyon ng bawat sektor (ang middle class na doctor at ang guerilla sa US, ang upper class na estudyante, ang pop icon na artista at ang lower class na rallyista at aktibista), nagmistulang isang sektor lang din ang nais katawanin ng main subject ng materyal. Nagkaroon lang ng hierarchy ang lahat nang mabaril si Ninoy na ikinadurog ng kabayanihan ng pangkaraniwang mamamayan. Sa pagdanak ng pulang ilaw, tumakbo ang batang anak ni Noli at nakisimpatiya sa pagkamatay ng isang bayani. Tulad ng isang phoenix, nabuo ang alab sa bata at naging presidente ng bansa sa isang epilogo tungkol sa isang optimistic na kinabukasan.

Naging madulas ang pagkukuwento ng kabayanihan sa tulong ng inaasahang pangako mula sa direksyon ni Vincent Tañada. Nandito pa rin ang pagbaha ng pagpapalit ng costume, ang magarbong ensemble singing at familiar tunes (isang number ay katunog ng “Right Now” ni Akon), at ang kabila-kabilang ad lib at punchline. Sa unang pagtatagpo nina Ninoy at Cory, halimbawa, maraming beses na ginawang gag ang eksena. Bagama’t wala itong ambag sa kabuuhang tema, nakatulong naman ito upang mapahid ang anumang maaaring ikabagot ng manonood na high school student.

Pagdating sa mga nagsiganap, impressive ang singing ni Vincent Tañada bilang Ninoy. Ngayon ko lang nakita ang aktor/direktor sa ganito kalawak na vocal range ng pagkanta. Ang kanyang Cory ay hindi naman nagpatalo. Gan’un din ang halos bumubuo ng cast (Kierwin Larena sa kanyang acceptance speech bilang Best Actor mula sa isang award-giving body, ang pagiging probinsyano ni Jordan Ladra at iba pa).

KONKLUSYON

Sigurado akong nakarating sa mga kinauukulan (high school students) ang nais tumbukin ng materyal. Ito ay ayon na rin sa kanilang reaksyon sa mga eksenang hinihintay silang tumawa o sa mga eksenang hinihingi ang katahimikan. Hindi man ganap na maging bayani ang lahat ng nakanood, magkaroon sana ito ng maliit na butil ng pagmamalasakit sa bayan. Dito pa lang sa aspetong ito, naluto na ng PSF ang isang bareta ng tsokolate gamit ang sangkap na tubig na si Ninoy.

2 comments:

Vince Tanada said...

Thank you very much for the beautiful review.

Anonymous said...

very very very veryn very TRUE!!!!
i agree po!!!

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...