Total Pageviews

Monday, April 11, 2011

Awit ng Valium

Next to Normal
Produksyon: Atlantis Productions
Direksyon: Bobby Garcia
Libretto: Brian Yorkey
Musika: Tom Kitt
Mga Nagsiganap: Menchu Lauchengco-Yulo, Jett Pangan, Jake Macapagal, Felix Rivera, Bea Garcia at Markki Stroem

ISTORYA

Isang maybahay si Diana Goodman (Menchu Lauchengco-Yulo) na unang ipinakita bilang isang mapag-arugang ina sa kanyang dalawang anak na sina Gabe (Felix Rivera) at Natalie (Bea Garcia) at isang butihing asawa kay Dan (Jett Pangan). Ang mga sumunod na pahina ng kanyang pang-araw-araw na buhay ay nagpakilala sa kanyang bipolar disorder at sa pagbisita sa papalit-palit na doktor na sina Dr. Fine at Dr. Madden (Jake Macapagal). Isa sa naging susi sa pagbukas ng pinto ng kanyang kondisyon ay ang kasintahan (Markki Stroem) ng kanyang anak na si Natalie.

SINO ANG BALIW?

Bagama’t payak ang kabuuang produksyon ng dula (walang koro, walang malalaking choreography, walang stage set na bumubukas o bumababa at iba pa), malaki ang naging impact nito sa akin. Sa katunayan, hindi rin naman ako direktang nakaka-relate sa lead character pero ang depression ni Diana ay isang bagay na lahat ng adult ay maaaring makakuha ng pagmumuni. Tumutok ang materyal sa pinagdadaanan ng isang nilalang (partikular sa isang ina na walang ibang nanais kung hindi ang mapalaki nang matino ang kanyang pamilya) at wala na itong ibang tinahak pa. Ipinakitang walang ibang hanap-buhay si Diana kung hindi ang pagiging maybahay, hindi s’ya office worker o businesswoman. Siguro, kahit na pahapyaw, ay may gustong sabihin dito ang may-akda tungkol sa trabaho bilang isang housewife, kamukha ng nanay ko at ng karamihan, na madalas nag-oopisinang mag-isa sa apat na sulok ng isang bahay.

Sa isang bahagi ng dula, ipinakita ang dilemma ng asawang si Dan sa pag-aalalaga ng asawa na may bipolar disorder. Umabot sa pagtatanong kung hanggang saan ang dapat isukli sa kanyang aruga. Mula rito ay bumalik s’ya sa sarili upang suriin na baka s’ya ay may sakit na rin na hindi n’ya namamalayan. Isa itong kritikal na bahagi para sa akin upang ibalik ang tanong na ginamit ni Dan. Baka hindi ako normal. O, baka mas normal ang iba kesa sa akin. Baka mas normal ang iba sa akin na sa tingin ko ay abnormal. Sa dulo, katulad ni Diana, iisa lang din ang gusto kong maratnan, ang maging next to normal kahit papaano.

Kamukha ng nabanggit ko na payak ang produksyon pagdating sa stage set, hindi naman ibig sabihin na bumigay si Lex Marcos sa challenge na ito. Simple nga ang kanyang imahinasyon pero may isang piraso rito na matatas ang significance at hindi ko makakalimutan. Ito ay ‘yung isang pinto sa itaas na bahagi sa kaliwa na bumubukas at sumasara pero walang hagdan na nakikita ng audience. Parang wala itong pupuntahan. Madalas itong gamitin ng performer kapag merong gustong sabihin ang kanyang iniisip. Siniguro ko talaga (sa tulong ng Google) na hindi ito kinopya sa Broadway counterpart nito dahil para sa akin, isang gintong ambag ito sa kaganapan ng dula.

May kakaibang expectation ang isang produksyon kapag ang isang lead role ay ibinigay kay Menchu Lauchengco-Yulo (“Sweeney Todd”, “Kiss of the Spider Woman”, etc.). Kung hindi emotionally stressful ang character, mas malamang kesa hindi na kumplikado ang mga awit na kasali rito. Ang kanyang responsibilidad bilang Diana, ang malapatan ito ng sapat na conviction sa parehong aspeto bilang aktres at singer, ay isang malaking dahilan upang maging excited ako sa proyektong ito ng Atlantis (maliban siyempre sa pedigree ng dula: Tony Awards, Pulitzer). At hindi nilipad ng hangin ang aking excitement. Ang kanyang Diana ay cool na cool sa umpisa na dumudulay sa dahan-dahang pagkadurog sa gitna hanggang sa dulo. Nakadagdag siguro ang pagiging ina n’ya sa totoong buhay at ito na siguro ang pinakamalapit sa reyalidad na kanyang ginampanan (dalawa ang kanyang anak, isang babae at isang lalake, parehong teenager). Ibang usapan na pagdating sa paninimbang sa belting ng ilang notes at ang character singing na idine-demand mula sa kanya. Hindi ko matandaan kung kelan ako huling nakarinig ng pagbirit na banayad pa rin sa tenga.

Ito na siguro ang pinaka-audience friendly na dula mula sa Atlantis. Napansin ko lang na marami itong puwedeng maabot. Ang take ay maaaring nanonood lang ng isang melodrama o soap opera, habang sinusubaybayan natin pagtawid ni Diana sa bipolar disorder. Ang ilang awit at pathos sa dulo ay isang malaking boksing sa pagpipigil umiyak (sino ba rito ang walang nanay?). Puwede rin namang bilang theater spectacle dahil ilan sa mahuhusay sa industriya ay nandito: Jett Pangan (walang pagdadalawang-isip na mahirap pantayan ang kanyang presence bilang aktor at bilang singer), Felix Rivera (na pinatawa at pinahanga tayo bilang komikero sa “Avenue Q”), Bea Garcia (na ilan sa atin ay matatandaan ang kanyang contribution sa “Faculty” ni Jerrold Tarog), Jake Macapagal (nami-miss na yata s’ya ng indie filmmaking) at ang baguhang si Markki Stroem (hindi nagkamali ang “Pilipinas Got Talent” para sa kanya, sa tingin ko). Puwede rin namang ma-appreciate maging ng mga manonood na wala sa mga nabanggit.

KONKLUSYON

Tagumpay ang local staging na ito ng Atlantis Productions. Para sa akin, isa ito sa pinakamagandang nagawa nila mula nang nag-umpisa silang buhayin sa Pilipinas ang ilang produksyong sa Broadway lang maaaring masaksihan. Hindi man kasing posh ng orihinal na pagtatanghal, kahit papaano ay nabibigyan ng pagkakataon ang mga Pinoy upang magamit ang dula bilang isang kapani-kapaniwalang reference. Ibang iba ito sa na-Google lang o nabasa lang sa libro. Ang “Next to Normal” ni Bobby Garcia ay kuminang sa maraming paraan at sa maraming beses. Nilampasan nito ang vision ng Atlantis na makapag-stage ng imported na dula. Nakuha nito ang puso ng mga manonood. Nalinlang nito kahit pansamantala na ang buhay ay isang dula o vice versa. Naitanong nito nang buo kung ano ang normal at kung ano ang abnormal. Hindi man ito nagbigay ng tahasang sagot, nakapagbahagi naman ito ng ilang rason na magbubunsod sa ating tuluyang pagkilala sa sarili.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...