Tuesday, April 12, 2011

Humihinga pa ang Mangangatay


Screen: Macbeth
Produksyon: The Department of English & Comparative Literature (UP Diliman) at World Theater Project
Direksyon: Anton Juan
Mandudula: Judy Ick (halaw mula sa dula ni William Shakespeare)
Mga Nagsiganap: Teroy Guzman, Judy Ick, Ron Capinding, Ricardo Abad, Romnick Sarmenta, atbp.

ISTORYA

Bumalik si Macbeth (Teroy Guzman) sa kanyang asawang si Lady Macbeth (Judy Ick) matapos ang isang matagumpay na giyera. Baon nito ang mga propesiya ng tatlong bruha tungkol sa kanyang paghahari mula sa pagiging Thane of Glamis. Ang mga balakid sa daan ay magkabrasong nilandas ng mag-asawa upang maisakatuparan ang inaasam-asam na kapangyarihan, buhay at kamatayan man ang kapalit.

GLORYA

Hindi ko na tatalakayin si Shakespeare dito dahil hindi naman kami sangang-dikit. Wala sa hinagap ko ang gumawa ng mabusising pangungumpisal sa kanyang mga ginawa o ipangalandakan kung nabigyan ba ng karampatang panukat ang adaptation ni Judy Ick sa orihinal na akda. At baka hindi ko rin ito mapanindigan. May ilang Macbeth na rin akong napanood (sine o maging dula rin) at wala akong panahong alalahanin ang bawat eksena rito at ihanay sa tabi ng bagong pagsasadula. Sumugod ako sa UP kahit gabi ang screening (extension na lang ito mula sa unang run) dahil sa credential ng mga tao sa likod at harap ng produksyon: Dr. Anton Juan, mag-asawang Teroy Guzman at Judy Ick (na tila mahirap tibagin pagdating sa maalab nilang rendition ng madilim na karakter dito), Romnick Sarmenta, Ron Capinding, Ricardo Abad o maging ang mga nakilahok sa installation video kamukha nina Frances Makil-Ignacio at Eugene Domingo. Kung isusuma, sila ang mga piling-piling pambato mula sa DUP (at Tanghalang Ateneo) na huli ko yatang nasaksihan sa “Frustrations” sa Wilfrido Ma. Guerrero Theater n’ung late 90’s. Hindi ako magugulat kung ang cast ng dulang ito ay mapupuri at magiging nominado sa mga darating na parangal para sa teatro.

Hubad ang teatro nang nakisabay ako sa pagpasok ng kahabaan ng pila. Ang direktor nito ang isa sa mga naghanap ng upuan para sa mga manonood (at isang karangalan para sa akin na s’ya ang nagbigay ng puwesto sa isang sulok). Tila isang bakanteng warehouse ang Media Center ng College of Mass Communication. Mataas ang kisame at ang apat na bahagi ay nilatagan ng malalaking puting kurtina para sa 360 degrees na video installation. Ang nakaangat na stage ay dalawang ramp na naka-cross sa gitna at sa mga espasyo nito nakatahan ang mga manonood. Maliban sa mga dulo ng ekis na entablado, may isa ring hagdan sa isang kanto na madalas gamitin sa paglabas-masok ng mga artista. Malayang nakakagalaw ang mga performer at mahusay ang pagkaka-optimize upang maipakita ang gubat, ang kaharian at iba pa sa kabila ng kawalan. Isa ito sa mga snagustuhan kong sahog sa pagtatanghal. Hindi napinid sa “screen” part ang bentahe at lumitaw rin nang todo ang pagiging theatrical sa tulong ng blocking at direksyon kahit na payak ang stage set ni Ohm David.

N’ung napanood ko ang “Three-Penny Opera” ni Dr. Anton Juan, lumabas ako ng teatro n’un na damang dama ang protesta nito laban sa pamunuang PGMA. Nariyan ang tirada sa pagiging National Artist ni Carlo J. Caparas at marami pang ibang nai nitong kalampagin. Halos hindi ko na nga nakilala agad kung ano (o sino) ang Bertolt Brecht sa dula. Hindi naman ganito ang naranasan ko sa “Screen: Macbeth”. Nakatutok sa pagiging Shakespeare ang pagtatanghal at walang tahasang patama sa kasakiman sa gobyerno maliban sa mga nahuhulog na sapatos mula sa langit sa isang eksena ni Lady Macbeth. Pero hindi nakatiis ang direktor. Sa panghuling pananalita, matapos ipakilala ang mga nagsiganap, binalaan n’ya ang mga manonood na hindi pa patay ang slayer at nasa kongreso pa nga ito.

KONKLUSYON

Kung babalik-balikan natin ang Macbeth at pag-aaralan ang mga motibo rito, hindi natin maiiwasang lumingon sa sarili nating political history upang makatisod ng paghahambing. May dalawang bagay na nais tumbukin: una, ang maintindihan ang giyerang kanilang pinagdaanan bago sumapit sa kasakiman at ikalawa, ang turuan tayo ng leksyon sa pagkilatis at pangungutya sa mga ganitong uri ng mga namumuno sa gobyerno. Ang pagtatanghal na ito ng “Screen: Macbeth” ay isang rarity sa kabi-kabilang produksyon na matalas ang mass appeal o pop art. Nakapagbigay ito ng silid para sa mga mag-aaral upang masaksihan ang mga dulang sa literary textbook lang mahahagilap at kaalinsabay nito ay nakapagturo rin ng totoong leksyon. Isa itong paalala na buhay pa ang mga mangangatay, humihinga at handang dumaluyong sa susunod na biktima.

No comments:

Post a Comment