Total Pageviews

Tuesday, April 05, 2011

Mahabang Proseso

The 39 Steps
Produksyon: Repertory Philippines
Direksyon: Ana Abad Santos
Mandudula: Patrick Barlow (halaw mula sa nobela ni John Buchan at pelikula ni Alfred Hitchcock)
Mga Nagsiganap: Michael Williams, Liza Infante-Robinson, Juliene Mendoza at Rem Zamora

ISTORYA

Tungkol sa adventure ni Richard Hannay (Michael Williams) matapos n’yang masangkot sa isang hindi maipaliwanag na krimen. Mula sa kanyang apartment sa London hanggang Scotland , hinarap ni Richard ang misteryo na nakatago sa likod isang sindikato. Samu’t saring karakter ang kanyang nakasalubong sa daan (na pinagpalit-palitang ginampanan nina Liza Infante-Robinson, Juliene Mendoza at Rem Zamora).

HITCHCOCKY

Uunahan ko na: hindi ko nagustuhan ang dula. Ang pangunahing timpla ng dula, ang pagpapalit ng mga karakter sa napakabilis na blocking, ay hindi na bago. Nagawa na ito ng ilang materyal kamukha ng “The Mystery of Irma Vep”. At dahil hindi na bago, umasa akong may makikita man lang sanang kakaiba sa produksyon. Wala akong natagpuan kung hindi ang kuryosidad na mapanood ang film version nito sa lalong madaling panahon.

Hubad halos ang entablado. Ang dalawang tore sa magkabilang bahagi, na s’yang nagsilbing permanenteng props, ay nagamit lamang sa dalawa o tatlong eksena. Lahat ay papasok-lalabas ayon na rin sa hinihinging gag ng kuwento (eksena sa train, sa isang hotel, sa isang bahat at iba pa). Masaya ito sa ilang pagkakataon pero dumating ang punto na nakakasawa na at nakakabagot.

Ang bentahe ng dula ay ang pagpapalit-palit ng karakter ng mula sa tatlong aktor dito (si Michael Williams ay Richard Hannay lang mula umpisa hanggang matapos). Pinanindigan naman ng mga nagsiganap ang challenge na nakaatang sa kanila at nagtanghal sila nang sakto lang sa inaasahan. Dahil matagal kong hindi napanood sa isang dula si Liza Infante-Robinson, para sa akin, nangibabaw s’ya. Masayang masaksihan ang kanyang pagbabalik-entablado kahit sa limitadong panahon lang.

Hitchcocky ang ipinangako ni Ana Abad Santos. Nasabi n’ya sa program na ang bawat eksena ay magpapaalala sa atin ng mga ginawa ni Alfred Hitchcock. May pagka-“Psycho” ang isang eksena sa hotel samantalang literal na naglagay ng ibon sa bintana sa isang apartment upang maalala natin ang “Birds”. Maraming nagawang pelikula si Hitchcock (sa imdb, merong 67 na titulo, kasama na ang ilang telemovie) at hindi ko pa lahat napapanood kaya siguro hindi ako masyadong nasiyahan.

KONKLUSYON

Para sa ganitong estilo ng pagsasadula, simple at nakasalalay sa husay at wit ng mga aktor, mas nanaisin kong mapanood sa mas intimate na venue (na huli kong naramdaman sa staging ng “Tatlong Maria” ng TP). Kumbaga, masyadong magarbo at malaki ang Greenbelt Onstage para sa kapayakan ng dula. Sa mas maliit na venue, kung saan mas engaged ang manonood, mas mabibigyan ng tutok ang husay ng mga nagsiganap kahit na mukha itong isang mahabang proseso.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...