Thursday, April 14, 2011

Makinang

Kaos
Produksyon: Resorts World Manila
Direksyon: Sviatlana Burkun
Libretto: Walang kredito
Musika: Walang kredito
Mga Nagsiganap: Gian Magdangal, Martha Joy, Joel Trinidad, atbp.

ISTORYA

Uunahan ko na na katiting lang ang partisipasyon ng istorya sa buong pagtatanghal. Ang bentahe talaga nito ay mga circus act. Ganoon pa man, ang musical na bahagi ay tumalakay sa paghahanap ng prinsipe (Gian Magdangal) sa kanyang pangarap na babae (Martha Joy) mula sa kanyang kasalukuyan hanggang sa makabagong panahon. Hindi lahat naging madali sa pangingialam ng kanyang Tagapayo (Joel Trinidad).

VEGAS

Ganito ang takbo ng produksyon: merong pagkukwento (o kantahan) sa umpisa (sa tulong na rin ng subtitle sa dalawang video wall sa tagiliran) at susundan ito ng circus act, babalik sa kuwento (o kantahan) at susundan muli ng isang acrobat. Ito ang ruta hanggang matapos ang dula. Sa unang tingin, puwede na talagang tanggalin ang musical part. Maaaring ma-enjoy ang buong extravagance kahit sunud-sunod na circus act lang. Pero naisip ko rin, bakit naman hindi.

Walang kredito ang libretto o maging ang naglapat ng musika dahil wala naman talaga itong orihinal na akda. Ang mga kanta ay sinungkit mula sa iba’t ibang musical at tinugtog nang live ng mahusay na Manila Symphony Orchestra (na litaw na litaw sa mga kredito mula sa poster maging sa website ng Resorts World). Duda ko lang naman na lahat ng piyesa ay kinuha sa ibang musical. Nakilala ko rito ang “Where is Love?” mula sa "Oliver" at isang kanta ng Queen na marahil ay hinugot naman mula sa musical na “We Will Rock You”. Kung ang buong repertoire ay hango sa ibang obra, masaya sana itong experience para sa mga musical theater buff. Para kang nasa isang guessing game at huhulaan mo kung saang dula nanggaling ang inaawit ng performer. Sa isang eksena kung saan naghahanap ang prinsipe ng kanyang mapapangasawa, isang Pilipina ang umawit ng kundiman (na kung hindi ako nagkakamali ay “Mutya ng Pasig”). Dahil walang kredito, hindi ko nasiguro kung s’ya rin ang napanood ko sa “Basilia ng Malolos” ng DUP noong 2007.

Ang serye ng circus act ay halo-halong sahog ng acrobat mula sa ibang bansa kamukha ng Spain at China na marahil ay nakita na natin sa ibang pagtatanghal na madalas gawin sa Araneta Coliseum tuwing Christmas season. Wala namang bago talaga pero masarap ulit maging bata. Ilan ito sa mga bagay na hindi yata maluluma. Marami namang hindi makakalimutan dito, partikular sa akin ang motorcycle act sa bandang dulo ng produksyon kung saan pinagkasya sa malaking bola ang limang motorsiklista. Nakakita na ako ng ganito sa old Vegas, sa isang kalye roon. Unang beses ko ring makakita ng puting leon pero nakakita na ako ng white Bengal tiger sa isang zoo sa Singapore. Ang naisip ko n’ung panahong ‘yan, sana kasama ko ang tatlo kong maliliit na pamangkin. Pihadong kasabay ko silang nag-enjoy.

Sumasang-ayon naman ako sa promotional stint na “Broadway meets Vegas” ang produksyon. Maging ang entablado ay nag-uumapaw sa state-of-the-art set na bihirang bihira, kung hindi man wala pa talaga, nating makita sa Philippine theater scene. Magara ang costume, higante ang mga video wall sa likod (na kamukha ng nakikita natin sa “ASAP” tuwing Linggo) at marami pang ibang visual spectacle. Bonus na lang na nandoon din ang Philippine All-Star. “Reprezent!”, sabi nga.

KONKLUSYON

Wala akong makitang argumento na purong pampamilya nga ang pagtatanghal. Mas nais nitong abutin ang mga bata (o nagpapanggap na bata) at itinimpla na lang na atraksyon ang musical para sa karagdagang audience. Ito na siguro ang pinakagandang halimbawa ng popcorn play (kung meron mang ganitong term). Mas mainam na gumastos ng pera para sa dulang ito ng walang bahid ng mataas na expectation pagdating sa storytelling. Mas mainam din na isama ang mga bata kung hindi man kayang bitbitin ang pusong bata.

No comments:

Post a Comment