Hindi ako masyadong mahilig umulit ng film o play pero hindi ko yata mapapalampas ang pagkakataon na mapanood muli ang mga dula sa ibaba. Sa kaso ng “Amphitryon”, nagustuhan ko talaga ito nang unang ipinalabas n’ung panahon ng Ondoy. Kokonti ang nakanood at may pagkakataong nakansela ang pagtatanghal. Ang “Orosman at Zafira” naman ay malaki rin ang iniukit sa akin pagdating sa pagpapakilala ng orihinal na Pinoy musical. Naging kapanapanabik na lumipat ito mula sa Wilfrido Ma. Guerrero Theater papuntang Centerstage sa SM Mall of Asia. Isang malaking hamon kung anu-ano ang mga karagdagang gilas ang puwede nitong isampay. Ang “Zsazsa Zaturnnah, Ze Muzikal” naman, tila hindi tinutuyuan ng sumusuporta. Heto at sa huling minuto ay binuhay ulit ng TP ang kanyang kapa na pumalit sa “My Brother, My Executioner” sana ni F. Sionil Jose (na nagkaroon yata ng problema sa ilang dokumento).
Pero ano ba’ng bago?
AMPHITRYON (DUP, February 2011). Ganitong ganito ang staging na napanood ko n’ung September ng 2008. Si Neil Ryan Sese pa rin ang nasa title role subalit si Diana Malahay na ang napanood ko (hindi na si Gilleth Sandico). Kung meron man akong napansin na bago (o baka nand’un na rin dati pa pero hindi ko lang napansin), mas interactive lalo ang dula. Mas kinakausap na ang mga manonood at mas napapasagot naman sila. Entertaining. ‘Yan ang kabuuan. Entertaining na literary piece. Nangingiliti pero alam mong naka-peg ito sa ilang reference na maaari rin nating makita sa mga textbooks. Ganitong ganito pa rin ang tinahak ng dula. At sino naman ang hindi makakalimot sa mga huling minuto nito, kung saan ang kaganapan ng mga pangyayari ay hinipan ng isang engkantadong hangin? Salamat sa napakagandang set ni Lex Marcos.
OROSMAN AT ZAFIRA (DUP, February 2011). Pinanood ko sa ikalawang pagkakataon ang dula dahil para sa akin, isa ito sa pinaimportanteng Pinoy musical noong 2010. Mga ganitong song selection ang masarap ulit-ulitin sa MP3 player habang inaalala ang choreography rito. Sa restaging, pinili ng producer na gawin ito sa mas malaking venue, (marahil na rin siguro sa demand ng unang nakanood n’ung nakaraang taon). Nand’un pa rin ang original na aura ng stage pero mas nakakahinga na ang mga performer. Hindi ko matandaan kung merong karagdagang piyesa pero wala halos hindi mo mapansin ang update sa blocking (kung meron man). Mahusay pa rin ang cast. Mahusay pa ring marinig nang live ang kanilang world music. Nakakadismaya lang na hindi ito masyadong pinanood (gala ‘yung ticket ko, ewan lang sa matinee na mas pang-estudyante ang rate). Sa ikalawang pagkakataon, hindi ito nahubaran ng reputasyon.
ZSAZSA ZATURNNAH, ZE MUZIKAL (TP, February 2011). To the rescue na naman ang musical na ito ni Vincent de Jesus na halaw sa pamosong graphic novel. Kamukha ng pagsalba dati sa hindi pagkakatuloy ng “Oro, Plata, Mata, the Rock Opera”, heto at muli na namang binuhay ang mabentang musical. Katulad ng inaasahan, may ilang add-on. Bago ang set sa tulong ni Gino Gonzales. Mas sleek ito at mas mukhang stagey, hindi kamukha ng dati na sinadyang magmukha itong kabaret dahil na rin sa liit ng venue n’un. Nand’un pa rin ang pole sa kaliwang bahagi at nasa kanan pa rin ang parlor pero mas mukha na itong malaki. Mas suwabe na rin ang kulay at may ilang bahagi ng wall na bumubukas at sumasara (walang ganito dati). Bago rin ang cast, kamukha ng Didi ni Gabe Mercado, Queen Femina ni Pinky Amador at Dodong nina Rocky Salumbides at Prince Stefan (na s’yang napanood namin). OK naman si Gabe. Medyo nangangapa sa kanyang role at mas mabirit ang version ni Nar Cabico, halimbawa, pero naka-deliver s’ya. Si Prince Stefan ay maraming handicap. Halata ang kanyang regional accent dito pero puwede namang palampasin dahil probinsya ang setting. Hindi rin yata masyadong nabantanyan ang kanyang singing. Maraming pagkakataon na kinakabahan ako na maaari s’yang mabasag o tuluyang mawala sa tono. Ang kanyang alas ay ang akting na hindi man kataas ang brilyo ay hindi na masama para sa isang baguhan. Si Pinky Amador ay halatang nag-enjoy sa kanyang mga ginawa. Malaking bagay na masaksihan s’ya sa entablado kung saan s’ya nagsimula. Sa kung ikailang ulit ng pagtatanghal ng dula, pinatunayan nitong muli ang dahilan kung bakit parati itong isinasadula.
No comments:
Post a Comment