Friday, June 10, 2011

Alaala ng mga Pelikula Mula sa Ibaba


Ang mga larawan ay kinuha mula sa mga fan page sa Facebook at sa mubi.com.

Mukhang ang layag ng Pinoy cinema ay palabas ng Metro Manila. Patunay rito ang katatapos lamang na Gawad Urian kung saan ang sumunggab ng karamihan, kung hindi man ng lahat, sa mga parangal ay mga pelikulang iniluwal mula o para sa probinsya. Indikasyon lang ito ng maraming bagay. Una, ang hamon ng naglipanang mainstream cinema ay hindi tumahan sa metropolis. Ibig sabihin, maliban siguro sa ekonomikal na kadahilanan, mas masidhi ang pagnanasang makapagkuwento sa paraang hindi nababahiran ng anumang kumpromiso. Ikalawa, nang naghagis ng talento ang Diyos ng husay sa filmmaking, hindi n’ya ito inipon sa iisang lugar. Nang una kong mapanood ang mga short film ni Remton Zuasola sa Cinema Rehiyon sa CCP noong 2009, alam ko na ang kinang na kayang gawin ng mga pelikula mula sa ibaba. Hindi maiikaila na ang filmmaking sa labas ng Metro Manila ay buhay at kayang makipagbunong-braso nang matikas. Ikatlo, epektibo ang storytelling mula sa ibang bahagi ng Pilipinas upang makapagpalaganap ng awareness, politikal man o kultural. Nagkakaroon na ng boses ang dating bulong lamang.

Ilan sa mga tumatak na alaala mula sa regional cinema ay ang alinlangan ni Eleuteria sa “Mga Damgo ni Eleuteria” ni Remton Zuasola. Tinalakay nito sa estilong real time ang nagsasalpukang bato sa isipan ng bida kung susundin n’ya ang ninanais ng kanyang mga magulang na mas maginhawang buhay o isang buhay na bagama’t sinunod ang puso ay hindi ganap na maliwanag. Ang see-saw ay sa pagitan ng pag-aasawa sa isang foreigner sa Germany o sa pananatili sa Pilipinas kapiling ang pamilya at kasintahan nito. Sa loob ng isang oras at kalahati, mula sa isang isla sa labas ng Cebu City hanggang sa pantalan nito, nailitanya ang agam-agam ng isang Pinoy tungkol sa kahungkagan ng kaalwanan sa ating bansa.

Opresyon sa Mindanao ang tinalakay ng “Hospital Boat” ni Arnel Mardoquio. Bagama’t gasgas at minsan ay stereotypical na ang mga ganitong tema sa ibabang bahagi ng bansa (o sa mga pelikula ng tambalang Joel Lamangan at Bonifacio Ilagan), hindi ko rin mabilis makakalimutan ang mga imaheng napanood ko rito. Bumaybay ang kuwento ng isang grupong inalon ng tadhana upang magpalaganap ng medical mission sa malalayo at liblib na bahagi ng Mindanao. Ang boluntaryong proyekto ay pinangunahan nina Dr. Sittie at Sr. Claire, dalawang babaeng matapang na binuno ang sigalot kabalikat ang pagnanasang makapaglingkod sa nangangailangan. Pero hindi rito nag-umpisa ang pelikula. Inumpisahan ito sa pagkaanod sa kawalan ng pag-asa ng batang si Nikol (bunga s’ya ng internal conflict sa Mindanao). Si Nikol ang nagsilbing alalay ng dalawang misyonero, sa tulong ng paring si Fr. Allan at ang batang babaeng si Lensha, upang harapin ang iba pang giyera, partikular ang laban sa isang political clan (Congresswoman Fatmawatti, ang kapatid nitong si Muktar at ang kanilang ina).

Nakarating naman sa Negros Occidental ang tema ni Monster Jimenez sa kanyang documentary na “Kano: An American and His Harem”. Ang subject dito ay ang dating US soldier na si Victor Pearson. Matapos ang kanyang serbisyo, pinili n’yang magretiro sa Pilipinas. Naging mabunga ang kanyang pananatili nang mag-umpisang makahanap ng unang asawang Pinay na nasundan nang nasaundan nang nasundan. Sa huling tala, umabot ito ng halos 100 at ang ilan dito ay may sariling kuwento ng magkahalong abuso, pera at pag-ibig. Puwedeng isipin na prostitusyon ang nais tumbukin ng pelikula. Kasing linaw ng sikat ng araw na ang pension ni Victor Pearson ang ilan sa mga dahilan kung bakit nagkasya ang napakaraming babae sa isang harem (na iginawa talaga ng isang “kaharian”). May ilang pagkakataon na ang mga babaeng menor de edad, matapos magreklamo ng rape, ay nagbabago ang debosyon marahil dahil sa pinansiyal na kadahilanan. Ginawa ring salamin ng documentary ang kalagayan ng mga kababayan nating mahihirap, na wala nang ibang mabilis na paraan upang makaahon sa buhay. Kung ang kahirapan ay kakambal ng kawalan ng tamang edukasyon, maaga itong nasumpungan ng isa sa mga asawa ni Pearson na piniling mag-aral at makapagtrabaho. Lutang na lutang ang personalidad ng babaeng ito na walang sinayang na sandali sa maikling interview upang ipagyabang ang kanyang pagiging sibilisado.

Kung susumahin, marami-rami na ring pelikula ang tumalakay sa social ill na isiniwalat ng tatlong pelikula. Ang pelikulang “’Merika” ay nagkuwento ng isang malungkot at paulit-ulit na buhay-OFW sa US. Maging ang ilang mainstream films kamukha ng “Sana Maulit Muli” at “Milan” ay tumalakay rin, bagama’t pahapyaw lang, sa buhay ng mga Pinoy sa ibang bansa. Kamakailan lang ay binigyan tayo (at patuloy na binibigyan) ng mga political film ni Joel Lamangan na walang ibang tinutumbok kung hindi ang opresyon at korupsyon sa gobyerno. Ang prostitusyon na siguro ang isa sa paboritong tema ng ilang filmmaker dahil kahit saan man paikutin, meron itong karagdagang commercial value (“White Slavery”, “Prosti”, “Masahista” at iba pa).

Pero kakaiba ang atake ng “Ang Damgo ni Eleuteria”. Pinandigan nito ang pagiging real time dahil walang putol ang buong pelikula mula sa pagkakaahon ni Eleuteria sa dagat hanggang sa kanyang huling desisyon. Ibig sabihin, hindi puwedeng magkamali ang sinuman, ang mga artista, ang direktor at kung sinumang nasa likod ng camera rito, upang maitawid ito nang maayos. At nagampanan naman ni Remton Zuasola ang hinihinging vision ng proyekto. Tila nais ipagmalaki ng pelikula na ito ang totoong real time, na nakapagkuwento ito sa pinakamabilis at pinakamakatotohanang paraan. Para sa akin, magbubukas ito ng pinto sa kung ano pang hamon ang puwedeng ibigay ng mga materyal na nangangailangan din ng real time. Sa ngayon, wala pa akong maisip kung paano ito mauungusan. At kung merong magkakaroon ng lakas ng loob.

Maraming ebidensya ang “Hospital Boat” na maaari rin itong makipagsabayan sa mainstream cinema kung arko lang ng pagkukuwento ang papansinin. Tungkol kasi ito sa struggle ng mga underdog laban sa mga ganid na sektor ng lipunan. Puwede tayong makisimpatiya sa paraang nakikisimpatiya tayo sa mga bida sa telenobela. May ilang eksenang makapigil-hininga dahil lahat tayo, kahit na mukhang imposible, ay nangangarap na malampasan ng mga api ang mga parusang ibinibigay ng mga nang-aapi. May panaka-nakang paggamit din ng musika sa ilang montage na nagiging tatak na yata ng ilang rom-com mula sa Star Cinema. Ang pagkakaiba, hindi nagmamadali ang “Hospital Boat”. Ninanamnam nito ang bawat sandali ng pagkukwento na tila kahit ang direktor o manunulat ay nakikinig sa kanilang sariling kuwento bilang paalala sa kanilang pinagdadaanan. Maging ang mga aktor ay hindi mo maramdaman na mga aktor. Hindi ko nakita ang mga Tirso Cruz III at Zsazsa Padilla (“Sigwa”) rito o sina Iza Calzado at Allen Dizon (“Dukot”). Ang lahat ay tila isang recreation ng mga karanasan mula sa mga nagsiganap.

Hindi biro ang katapangan na ipinakita ng dokumentarista sa “Kano: An American and His Harem” dahil naisiwalat nang buo ang lahat ng anggulo. Nakuha pa nitong pumunta sa US upang magsagawa ng ilang interview sa mga kamag-anak at kaibigan ni Victor Pearson. Dito siguro nagkaroon ng kakaibang hugis ang pelikula. Pinilit nitong gawing tao ang nauna na sanang impresyon na demonyo si Pearson. Mas nakita ng manonood ang ugat (kung ito nga ba ang ugat) ng motibasyon sa likod ng pagkakaroon ng maraming asawa at ang mga abusong tinamasa nila, pisikal man o sikolohikal.

Hanggang ngayon, hindi ko makakalimutan ang pag-ahon ni Eleuteria mula sa dagat. Parang panaginip ang lahat. O parang isang Greek goddess na nagising sa kanyang bangungot upang harapin ang totoong bangungot. O isang makata na handa nang talikuran ang poesiya. Gan’un din ang pagkakahawig ng mga aktor na gumanap bilang Fr. Allan (anghel) at Muktar (demonyo). Hindi ko alam kung sinadya ito ng filmmaker upang sumimbolo sa yin-yang o balanse ng kabutihan at kasamaan. May kakaibang kurot ang eksenang magkakasamang sumakay sa roller coaster ang mga asawa ni Pearson sa isang perya sa probinsya. Habang sila ay tumitili sa excitement, naririnig mo ang pait na kanilang pinagdadaanan.

Kung hanggang saan liliparin ang Pinoy cinema ng mga imaheng ito, hindi ko alam. Ang sigurado ako, malayo-layo ang mararating ng ating kamalayan kung susubukang tangkilikin ang ganitong mga pelikulang may kaluluwa.

No comments:

Post a Comment