Mula sa trip sa Dubai, lumapag ako sa Manila n’ung July 14 ng mga 4pm. Roughly, mga ganyang oras. Pinakiusapan ko na si manong taxi driver na pagkahatid sa akin sa apartment, baka pwedeng magpahintay na lang ako, magpapalit ng damit at salawal at kung ano pang qualified sa salitang “freshen up” at magpahatid na rin agad sa may Quirino Grandstand para sa 7:30pm show ng Cirque du Soleil na Varekai. Umabot naman kahit photo finish. Isang circus ang palabas at doon ako nakipag-flying trapeze sa jetlag. Cinemalaya na kasi kinabukasan.
Ilang linggo bago pa man ang film festival (na nasa ikapitong taon na), nagkaroon na ito ng ingay. Unang una, dahil sa sagot ni Rafa Santos, isang short filmmaker na may lahok sa festival, tungkol sa pag-arkila ng mga theater artist na pwedeng suklian ng cat food at Sky Flakes. Biro lang naman ito pero alam mo na, sa panahon ng Twitter at Facebook, parang lahat ay merong opinyon for the sake of giving an opinion. Lumobo ang isyu at pumutok lang ang bula nang mag-umpisa na ang event. Nagtaas din ang festival pass. Kung n’ung isang taon ay P1,500 ang all-access, ngayon ay umabot sa P5,000. Ang kuwenta ko noon ay pumatak ng P45.45 kada pelikula, ngayon ay P125 na. Isa ako sa umalma rito. Pero umalma naman ako na nang walang galit. Umalma ako sa mga social network site at nagpatawa at the same time. Pinukol ko ng kritisismo, primarily, ang aking sarili na kaya kong pag-ipunan ang ganitong halaga para lang sa isang bagay na interesado ako. ‘Yung natitirang banat-komedya ay para na lang sa kung sinumang nakaisip nito. At alam ko, hindi natawa ang tinamaan (kung meron man). Sana lang ay walang biglaan. Sisiw namang pag-ipunan ang ganitong halaga kung taunan din lang ang usapan. Sa Eraserheads reunion concert nga, nagawan ng paraan, sa Pinoy indie pa kaya?
O s’ya, heto na ang 40 pelikula (o higit pa dahil isa lang ang bilang ko sa koleksyon ng mga short film). Paki-control F na lang ‘yung hinahanap mong entry dahil pihado akong mababagot ka kung babasahin mo mula umpisa.
01. MASKARA (Laurice Guillen) Considered na ito ang unang indie film ni Ms. Guillen sa panahon ng pag-usbong ng Cinemanila, Cinemalaya, Cinema One Originals, atbp. Bumalik s’ya sa core ng genre, ang makapaglahad ng isang kuwento na personal sa kanya at walang bahid na kumpromiso mula sa isang studio. Kung tutuusin, ang kanyang anak na si Ina Feleo ang kinuha n’yang scriptwriter na pinag-workshop kay Bing Lao. Siguro ganito kaindependente ang vision n’ya. Ang resulta, bits and pieces ng direktor: ang pagiging acting coach, ang pagiging Kristiyano, ang pagmamahal sa kanyang asawang si Johnny Delgado at ilang anino ng mga kabit movies n’ya n’ung 80’s. Bagama’t ang main plot ay tungkol sa pagdiskubre ng asawang babae (Shamaine Centenera-Buencamino) sa buong pagkatao ng kanyang artistang asawa (Tirso Cruz III sa isang kontroladong pagganap sa kabila ng kokonting eksena), mayaman ang pelikula sa personal na paghahanap ng totoong aktor. Posibleng ang take ay nami-miss lang natin si Mr. Delgado pero sa ilalim nito, nand’un ang patuloy nating pagkilatis sa kung ano nga ba ang nasa likod ng maskara, actor ba o star? Sinagot ito ng mga mumunting monologo mula sa mga kaibigan ng mag-asawa, reel and real. Minsan ay masyadong indulging ang mga confession pero ginawa naman ng direktor na tapikin at ibalik ang manonood. Isang payo, ‘wag manood nang nakamaskara dahil mababasa lang ito ng luha.
02. BAHAY BATA (Eduardo Roy, Jr.) Ang unang unang mapapansin mo sa pelikula ay ang pagiging reminiscent nito sa ilang real time movies nitong mga huling nakaraang taon. Ang main character na si Sarah (na malamang ay may Biblical reference) ay isang nurse na sinusundan ng manonood sa kanyang palakad-lakad/palipat-lipat na pakikisalamuha sa mga tao sa isang maternity ward. Maliban sa mga lakad scenes (na hindi ko nakitang nakakapagod kumpara sa iba), maganda ang pagkaasul ng pelikula. Appealing ito sa mata. Wala rin akong nakitang problema sa delivery ni Diana Zubiri bilang lead character dito. Ayos din sa akin ang resolution sa dulo. Ang issue ko ay ang contradiction sa pagiging ultra realistic ng ilang eksena at sa pagiging peke ng pagpapaarte sa iba. Sobrang extreme para sa akin. Nariyang diretsahang kinukunan ng camera ang pagpapaanak samantalang ang ilan naman ay parang hinalukay sa soap opera (sampalan, hindi pulidong sequence kamukha ng pagbisita ng isang doktor na tila nakalimutan pa yata ang linya, atbp.). Very Bing Lao rin ito. ‘Yung eksenang namimigay ng regalo ang isang doktora, naalala ko ‘yung pamimigay ng panis na hopia sa “Pila-Balde”. Sa isang Facebook group ko, nabigyan ko yata ito ng 2.5/5, ang pinakamababang naibigay ko sa lahat ng kalahok sa New Breed. At tinatamad na akong bawiin.
03. ISDA (Adolf Alix, Jr.) Siguro ay fascinated lang talaga ang direktor sa tabloid story noong 90’s tungkol sa isang ginang na apparently ay nanganak ng isda. Ang natatandaan ko, ayon sa isang obserbasyon, lumalabas daw ang mga ganitong freak stories kapag malapit na ang eleksyon sa Pilipinas. Nariyang may nakakita raw ng aswang at kung anu-ano pa. Pero hindi ito ang tinahak ng pelikula. Naka-focus ito sa buhay ng mag-asawa (Bembol Roco at Cherry Pie Picache) at kung paano nila pagdadaaanan ang proseso ng mga ganitong pangyayari. Hindi man nagpakita ng science ang pelikula, malinaw naman ang gustong paratingin. Ang backdrop ng mag-asawa ay isang Smokey Mountain. Kabundok ang kahirapan. Ipinakita rin na nanggaling sila sa probinsya at naghahanap ng comfort sa Maynila, isang karaniwang kuwento ng kahirapan o anatomiya ng krimen. Paminsan-minsan ay nagsisingit din ng ilang news clip tungkol sa fish kill sa Batangas. Gusto lang nitong sabihin na minsan, deserving tayo na manganak ng isda sa dami ng dumi na nilalanghap ng isang pangkaraniwang Pinoy. Sabi nga sa isang computer class: “Garbage in, garbage out”. Gusto ko si Ms. Picache rito. Kahit wala s’yang masyadong ipinakitang bago, na-maintain naman n’ya ‘yung pagiging consistent sa delivery. Hindi n’ya nilagyan ng butas ang storytelling na maaaring kasingitan ng pagkutya mula sa audience. Natatawa ang manonood hindi dahil sa kanyang dilemma kundi sa irony ng kanyang sitwasyon.
04. KASAMBUHAY, HABAMBUHAY (Chris Martinez, Raul Jorolan, Jun Reyes, Sid Maderazo, A/F Benaza, Jeorge Agcoili, Stephen Ngo, Henry Frejas at Carlo Directo) Wala sana ito sa itinerary ko pero dahil nangako ang isang filmmaker na mapapanood ko ang pelikula n’ya, ito na lang ang pinili ko. Only to find out later na mapapako ang pangako. Hindi ko alam kung bakit. Baka busy lang. O baka mukha akong didiretso sa Quiapo. Pasensya na pero may bad aftertaste lang kapag hindi mo napanood ang gusto mo talagang mapanood. Oh well. Ang palabas na ito ay isang koleksyon ng mga short film na pinrodyus ng Nestlé Philippines. Ibig sabihin, magaganda ang camera na ginamit (pang-advertising), ginastusan pero may konting product placement. Kunsabagay, ang isang TVC ay isa rin namang short film. Kailangan mong makapagkuwento kung gaano kaganda ang produkto sa isang mabilis na paraan. May ilang entry rito na tumama sa puso kamukha ng “The Howl & the Fussyket” ni Chris Martinez. Simple lang naman ang kuwento ng isang batang may F defect na tinulungan ng inang si Eugene Domingo at ilang baso ng Bear Brand upang sumali sa declamation contest. Tried and tested na talaga kapag tungkol sa pagmamahal ng ina sa kanyang anak ang tema. Hindi ko na ie-specify lahat dahil available naman online for sure ang mga detalye pero ang mga pinakapaborito ko ay ang “Isang Tasang Pangarap” ni Sid Maderazo at ang “Tingala sa Baba” ni Henry Frejas. Ang una ay may parody sa “Himala” ni Nora Aunor pero na-pull off ang humor sa tulong na rin ni Ramon Bautista. May poesiya sa title ng pelikula ni G. Frejas (na s’ya ring nagdirek ng “Hanapbuhay” na kasali sa short film category ngayong taon kahit na naipalabas na ito n’ung “AmBisyon”). Ang pinakagusto ko ay hindi ko naramdaman na short film ang kanyang pelikula para sa koleksyon na ito. Hindi ko rin masyadong naramdaman ang product placement pero ramdam na ramdam ko ang irony sa pagitan ng batang mahirap at batang mayaman na nagkasundo sa paglalaro ng see-saw. All in all, wala naman akong masyadong napanood dito na hindi ko talaga nagustuhan. More of mas lumalamang lang minsan ang product placement part kesa sa challenge na makapagkuwento gamit ang mga produkto.
05. PAGLIPAD NG ANGHEL (Doy del Mundo, Jr.) Mataas ang expectation ko rito. Sa plot pa lang, parang marami nang gustong sabihin. Isang Good Samaritan (Sid Lucero) ang nagising na lang isang araw na tinutubuan ng pakpak. Isa sa kanyang kabutihan, halimbawa, ay ang pag-iwas sa mga gimik at pre-marital sex (kahit na si LJ Moreno pa ang nagpapa-cute sa ‘yo). Iniisip ko, ganito pala ang parusa for keeping your virginity, etc. Puwede rin namang rewarding ang pagtulong kung magagamit mo ang pakpak sa luho na makalipad. Gusto ko sanang pagmunian ‘yan kaso talagang nakakawala ng konsentrasyon ang pelikula. Maraming eksena sa opisina na halatang orchestrated. Pilit din ang humor. Hindi rin nakatulong ang biglaang pagsulpot ni Joel Torre bilang isa pang anghel. At lalong ‘wag na ‘wag nang pag-interesang titigan ang CGI rito dahil baka tubuan ka rin ng pakpak (sige ka). Supposedly, labor of love ito mula sa mga graduate ng La Salle (may cameo si Mike Enriquez at ang ilang parte ay sa university yata nag-shoot). Kaya lang, hindi ko alam kung well represented ang talent nila sa pelikulang ito. Kung meron mang sumalungat sa hangin dito, ito na siguro ang reliable na pagganap ni G. Lucero. Nakakahawa ang kanyang pagiging seryoso rito. Para s’yang si Charito Solis bilang Ina Magenta sa “OK Ka, Fairy Ko” series.
06. LAYANG BILANGGO (Michael Angelo Dagñalan) Parang mas na-appreciate ko na s’ya ngayong sinusubukan kong i-recall kung ano ang mga nagustuhan ko rito. Una, sure ako na iba ang level ng pagkukwento rito kumpara sa ibang Pinoy crime o action film. Kumbaga, hindi ito ‘yung mga klase ng pelikula na masyadong conscious sa rehistro ng mga imahe sa screen. Hindi rin loud ang pagkakadirek at lalong hindi lousy. Kahit na hitik ang mga arko ng kuwento, hindi ito naging alienating at hindi rin naging sell-out. Ang pinakamalaking risk siguro sa pelikulang ito ay ang aktor para sa lead character. Naitawid ni Pen Medina nang maayos ‘yung pinaka-critical na bentahe ng materyal. Kung pumalpak ang bida, papalpak din ang kabuuhan. Nagustuhan ko ‘to. It makes me wait for the director’s next film. Bonus na lang ang mahusay na rendition ni Johnoy Danao sa theme song ng pelikula.
07. SHORTS B – NEW BREED (Henry Frejas, Misha Balangue, Gio Puyat, Pamela Llanes Reyes at Mikhail Red) Kamukha n’ung ginawa ko sa unang koleksyon ng short film, ‘yun na lang mga stand-out sa akin ang babanggitin ko. I like Henry Frejas’ “Hanapbuhay” even before Cinemalaya. Para sa akin, ito ‘yung nakapagkabit ng humor kahit na pwersado itong tumalakay sa mga issue ng bansa. Nakapagkwento ito nang hindi idinaan lang sa speaking lines o limitadong location sa kabila ng maliit na budget. Ang “Immanuel” naman ang pinaka-eye candy. Lutang na lutang ang mayamang production design at nai-deliver naman ang kailangang i-deliver. Base sa output na ito, pwedeng pwede nang gumawa ng full length ang direktor at maaari nang pagkatiwalaan ng mga producer, indie man o mainstream.
08. SAWASDEE BANGKOK (Aditya Assarat, Kongdej Jaturanrasamee, Pen-Ek Ratanaruang at Wisit Sasanatieng) Hindi ko alam kung sino ang nagdirek ng anong episode pero isa rin itong koleksyon ng mga pelikula a la “Shake, Rattle and Roll”. Bagama’t ang title ay tila nagi-invite sa mga nakakabasa na pumunta sa Bangkok, hindi ito isang tourism booster. Sa katunayan, ang common sa apat na maliit na pelikula ay ilang display ng mga bagay na hindi mo nais makita sa isang vacation destination. Ang pulubi na natutulog sa ilalim ng tulay, ang building construction (nga ba o demolition?) sa kapit-bahay, ang laganap na prostitution at ang taong grasa. Sa kabila nito, na-overread ko na yata ang pelikula. Ang basa ko, tungkol din ito sa iba’t ibang sense ng ating katawan. Ang una ay tungkol sa mata na naglitanya ng pagkaganda ng Bangkok mula sa isang bulag na pulubi. Ang ikawala ay tungkol sa miscommunication at ang pag-highlight sa isang eksena ng kawalan ng kakayanang makinig (ito ang pinaka-artsy sa apat). Duda ko, sense of touch naman ang gustong tumbukin ng kuwento tungkol sa isang prostitute at sa kanyang parokyano (ang ikatlo at aking paborito). Tungkol naman sa prejudice sa isang mabahong taong-grasa ang tinalakay ng panghuli.
09. LIBERACION (Adolf Alix, Jr.) Tahimik ang pelikula at mahahaba ang cut. Nakakabato. Pero ganito ang gustong puntiryahin. Tungkol kasi ito sa isang Hapon noong panahon ng giyera na naiwan sa gubat ng mahabang panahon habang naghihintay ng kanyang sariling paglaya. Kung tutuusin, sa sobrang tagal, pwede na s’yang mag-harakiri pero hindi n’ya ito ginawa. May gusto sigurong sabihin sa human endurance o discipline. Bilang manonood, hindi naman ako tuluyang nabagot. Maganda sa mata ang mga gubat natin dito sa Pilipinas kahit na B&W pa. May dagdag din na charm ang pagiging visual ng pelikula at kawalan ng daldalan. Very Zen. Nakaka-relax.
10. PATIKUL (Joel Lamangan) Tingin ko, ang mga contemporary ni Joel Lamangan sa paggawa ng mainstream na advocacy film ay napagod na. Sa puntong ito, commendable na nariyan pa rin s’ya at patuloy na gumagawa ng ganitong pelikula para sa audience na hindi masyadong mahilig sa indie film o mga pelikulang may maliit na budget at walang sikat na artista. Dahil d’yan, ang comparison ko sa “Patikul” ay sa mga lumang pelikula na lang n’ya na may tema rin ng opresyon. Para sa akin, mas nagustuhan ko ito kung ihahambing sa “Dukot”. Pero hanggang d’yan na lang ang kaya kong sabihin. N’ung pinanood ko ito, nakasabay ko sa sinehan ang grupo nina Arnel Mardoquio at Fe Hyde na nagbigay sa atin ng mas authentic na reality sa Mindanao. Sabi ni Ms. Hyde, maayos daw naman ang pelikula. May ilang detalye na hindi makatotohanan pero ang kabuuhan ay ayos naman daw.
11. TEORIYA (Zurich Chan) Appealing sa akin personally ang mga kuwentong may tema tungkol sa ama at anak. Siguro ay ganito rin kapersonal ang pelikula sa direktor. Engaging naman ‘yung pagdiskubre ng anak sa kanyang ama pero hindi ko alam kung gusto ko ‘yung road trip part, ‘yung pagkakaroon ng multiple character at ‘yung huling bahagi. May mangilan-ngilang mahusay na visual at ‘sakto lang ang effort ni Alfred Vargas dito. Consistent naman na mukha s’yang may galit sa mundo kahit na hindi natin alam ang dahilan. Siguro ay guessing game ito at wala akong teoriya kung bakit.
12. MATIMBANG ANG DUGO SA TUBIG (D’Lanor.) Ngayon ko lang nalaman na maliban sa alias na Ronwaldo Reyes ay gumamit din si FPJ ng “D’Lanor” bilang pangalan ng direktor. Kung hindi mo pa nafi-figure out, binaliktad lang ito na “Ronald”. Unang beses ko rin pala itong makanood ng pelikula na ginawa ni FPJ noong 60’s (1967, to be exact). Wala pa rito ang signature armalite punch at wala pa rin ang mga witty one-liner na nauso n’ung 90’s. Nakatutok lang talaga sa kwento at sa dream project kasama ang kanyang kapatid na si Andy Poe. Kung tutuusin, medyo trite na ang plot. Tungkol sa magkapatid na nagkahiwalay ng landas n’ung bata pa. Medyo predictable ang resolution pero very disciplined naman ang pagkakagawa. Ang mga eksena sa umpisa na nagpapakita ng giyera sa mga mata ng na-trauma na ina ng magkapatid ay mahirap makalimutan. Isa itong magandang entry para sa retrospective ni FPJ bilang direktor.
13. CHANTS OF LOTUS (PEREMPUAN PUNYA CERITA (Upi Avianto, Nia di Nata, Fatimah Rony at Lasja F. Susatyo) May concept din ang kolekyson ng mga pelikulang ito. Binubuo ng apat na babaeng filmmaker na tumalakay sa mga temang may kinalaman sa pagkababae o ang pagiging babae sa Malaysia. Hindi ko alam kung may direct reference ang hugis ng lotus sa ari ng babae kaya gan’un ang title. Merong tungkol sa rape (o disability with rape), AIDS, prostitution at maagang pagbubuntis. Wala akong nakitang bago, mula sa pagiging melodrama at sa pagtalakay ng mga issue sa makabagong panahon, pero malinaw naman kung ano ang statement dito.
14. NIÑO (Loy Arcenas) Ito siguro ang unang pelikula sa history ng Cinemalaya na hindi ako nag-atubiling lapitan ang direktor at usisain ang kanyang vision sa kanyang idinirehe. Ang pakiramdam ko kasi, isa itong love letter kay Nick Joaquin, particularly sa “A Portrait of the Artist as Filipino”. Maliban sa tertulla, may nakita pa akong parallel: ang pag-degrade ng isang bohemian family, ang pagpapahalaga sa nawawalang sining, ang bulag na pagharap sa modernisasyon, ang pag-asang gumaling ng isang patriarch at maging ang abandon ni Tony Javier sa karakter na si Mombic (Art Acuña). Sabi ni G. Arcenas (na pinapanood ko ang mga dulang pang-entablado sa loob ng halos isang dekada na rin mula “Flipzoid” hanggang “Tatlong Mariya”), wala raw itong koneksyon. Naisipan lang daw nila ni Rody Vera na sumali at sumali sila nang wala pa talagang iniisip na tema. Noong una, natakot ako sa sagot ni G. Arcenas. Pakiramdam ko, pinapagalitan ako. Sabihin ko rin daw sa iba ang kawalan ng connection sa “Portrait” dahil marami nga raw nakakapansin. Pero pinabulaanan naman ang impression kong ito nang makasabay ko s’yang muli sa cafeteria at nagyayang makipagkuwentuhan kahit saglit lang. Taga-teatro raw ba ako at anong ginagawa ko sa Uruguay (hindi ko pwedeng palampasin na sa lahat ng na-meet ko, s’ya lang ang tama ang pagkaka-pronounce ng local name ng bansa). Sa kabila ng pagkakadikit ng pangalan ng direktor at scriptwriter nito (o maging ang cast, Fides Cuyugan-Asensio, Shamaine Centenera-Buencamino, Joaquin Valdes, atbp.) sa mundo ng teatro, hindi ko nakita kahit kusing ang pagiging stagey. Matapang din ang produksyon sa pagkakaroon ng pelikula na tumalakay sa isang topic na hindi masyadong napapasadahan ng ibang filmmaker. Nalungkot ako nang hindi nakopo ang Best Picture award pero isang malaking bagay na rin ang Jury Prize. Sabi ko nga kay G. Arcenas sa cafeteria, maghanda na s’ya ng speech na sinagot lang n’ya ng “Let’s cross the bridge when we get there.”
15. BUSONG (Auraeus Solito) Nakalimutan ko na na meron nga palang salitang “busong” sa Quezon. Kapag napapadaan sa isang punso, sinasambit namin ang “Pwera-busong” na isang pangontra diumano sa engkanto. Naririnig ko rin ito kapag merong natatapong pagkain sa sahig nang hindi sinasadya. Sinasabi kasi na ang mga natirang ulam ay nilalantakan ng ilang elemento habang natutulog ang may-ari ng bahay. At bilang magkasama sa Region IV ang Quezon at Palawan, ganito rin ang concept ng pelikula. Isang babae (Alessandra de Rossi) ang may malubhang sakit sa balat na cursed tumapak sa lupa (isang interaction na elemental). Sa kanyang paghahanap ng lunas, nakasalubong n’ya ang ilang tao na may sari-sariling kwento ng busong. Ang asawa ng isang maybahay at nagkasakit matapos nitong putulin ang puno samantalang iniligtas naman sa kapahamakan ang mag-ama nang mabusong ng isang stone fish ang isang foreigner. Ang pagsulpot ng paruparo mula sa sugat ng babae ay isang pagpapatunay na hindi lahat ng busong ay pagpapariwara. Meron din itong mabuti at mapagpalayang epekto sa tao, isang deconstruction ng alam natin tungkol sa salitang karma. Kapag positibo ang interaction na ginawa natin, elemental man o hindi, positibo rin ang kahihinatnan. Syempre, hindi rito tumigil ang message ng pelikula tungkol sa interaction. Maaaring ang take ay tungkol sa respeto na generous kang ibigay sa mga bagay at tao sa paligid mo. Pwede ring ang take ay interaction mo naman sa iyong pinanggalingan (kamukha ng ginawa ng direktor sa kanyang Palawan), lugar man o nakaraan. Kung paano mo nirespeto ang interaction na ito, ganito rin ang isusukli sa ‘yo.
16. ANG BABAE SA SEPTIC TANK (Marlon Rivera) Merong dalawang mahahalagang bagay na gustong sabihin ang movie. Una, ang indie filmmaking ay pwede mo rin palang araruhin ng pangungutya (o pagkilatis) sa paraang pinagtatawanan natin minsan ang mga pelikulang mainstream. Ikalawa, si Eugene Domingo ay si Eugene Domingo. Sa una, ang ikinakatakot ko lang, dahil sa sobrang lawig ng maaaring marating ng pelikula (napatunayan na ito ng box office success matapos ipalabas sa labas ng CCP), baka magkaroon ng impression ang mga hindi masyadong mahilig tumangkilik ng indie na gan’un ka-pretentiously ambitious ang ilang indie filmmaker o indie filmmaking in general. Para sa mga tumatangkilik naman ng indie, isa nang lumang joke ang pelikula. Pihadong meron nang humirit nito dati (katulad ni Lourd de Veyra). Siguro kung napanindigan nito ang dark comedy na sa dulo lang lumutang, baka mas seryosohin ko ang joke. Sa kaso ni Eugene Domingo, wala namang kokontra na s’ya lang ang maaaring maka-pull off ng ganitong materyal. Naalala ko ang trick na ginawa sa kanya sa short film ni Quark Henares na “A Date with Jao Mapa” (i-Google mo, available ito sa Youtube) na isa ring pagtalikod mula sa totoong pagkatao ng gumanap. All in all, maganda naman ang pagkakagawa ng pelikula. Irerespeto ko ang success nito. Minsan lang, gan’un talaga, gets mo na ang joke kahit hindi pa ibinabagsak ang punchline.
17. BOUNDARY (Benito Bautista) May coincidental akong kwento sa pelikulang ito. N’ung umaga sa screening day ng pelikula, sumugod ako sa Market! Market! para bumili ng Chinese longganisa na bilin ng nanay ko. Dumaan na rin ako sa Fully Booked para bumili naman ng ilang CD na pwede kong i-rip at baunin ko pabalik ng Montevideo. Mula Bonifacio High Street, kailangan ko nang mag-taxi para umabot sa unang Cinemalaya film sa araw na ‘yun. Nagulat ako nang makipagkwentuhan si manong driver na medyo nasa late-20’s yata. Isinikay raw n’ya ang direktor ng “Boundary” papuntang CCP n’ung isang araw. May kasama raw magandang chick at artista yata. Ayaw raw magpakilala at abangan na lang daw sa pelikula. Apparently, nag-invite daw si direk na manood ng kanilang premiere. Tungkol daw kasi sa mga taxi driver ang pelikula at masisiyahan daw s’ya. Isama raw ang misis at mag-date daw sila roon. Ayon sa itinakbo ng aming usapan, fascinated s’yang makapunta sa CCP. Minsan lang daw naman makapasok sa mga gan’un. Pinangakuan s’ya ng direktor na makakapagpapiktyur daw s’ya sa kanyang kuya Ronnie (Lazaro) at sa iba pa. Hindi ko nakita si manong during the screening pero roon ko unang nakasabay si Kidlat Tahimik na manood ng sine. Kokonti lang ang nanood. Wala kasi talagang masyadong buzz sa pelikulang ito. Ito ba ay gay themed? Ito ba ay porn? Ito ba ay pretentious? One of those? Walang nakakaalam at malaking kawalan ito para sa kanila. Isang malaking surpresa ang pelikula. Tungkol nga sa isang taxi driver (Ronnie Lazaro) at ang kanyang encounter sa isang pasaherong mukhang mayaman (Raymond Bagatsing). Talky s’ya pero crime/suspense movie rin. Nakuha pa rin n’yang mabuo ang terror na gusto nitong sabihin. Maliban sa visual, inalagaan din ang ibang aspeto kamukha ng tunog at musical score (na ilang distorted na violin piece). Under control ang direktor. Alam n’ya ang ginagawa n’ya at may taste s’ya sa pagkuha kay Coke Bolipata bilang musical scorer. I have nothing against kay manong driver pero may duda akong hindi n’ya ito maa-appreciate. Kakaiba ang sensibilidad. May balls ang materyal, isang welcoming treat para sa indie scene.
18. CHASSIS (Adolf Alix, Jr.) May pinagdaanan sa MTRCB ang pelikulang ito. Matapos maipalabas sa isang prestigious film festival sa Argentina, hindi nito makuhang magkaroon ng regular screening sa Pilipinas maliban sa censor-free zone kamukha ng CCP at UPFI. Matapos ko itong mapanood, hindi ko naisip na tungkol sa kalaswaan ang pelikula. Mas tungkol yata ito sa kahirapan na trite na tema na rin lalo na sa indie scene. Ang pagkakapili kay Jodi Sta. Maria bilang Nora ay isang indikasyon na bahid ng storytelling ang kokonting nudity sa pelikula at wala nang iba. Pero hindi ko masasabing nagustuhan ko ito. Maganda ang discipline ng movie na nagiging tatak na ni G. Alix sa kanyang mga huling nagawa: tahimik, underacting, walang eksena o punchline at minsan ay mahahaba ang cut. Hindi lang talaga konektado ang finale scene. Parang ibang pelikula ito.
19. SHORTS A – NEW BREED (Ana Carlyn Lim, Rafa Santos, Emerson Reyes, Gino Santos at Rommel Tolentino) Hindi masyadong mabigat para sa akin ang set na ito ng short film. Kung meron man akong nagustuhan, ito na siguro ‘yung “Walang Katapusang Kwarto” ni Emerson Reyes. Tungkol ito sa isang couple na ninanamnam ang masasayang sandali matapos nilang magtalik (baka nagpapahinga lang para sa susunod na round, hindi ko alam). Realistic ang mga linya. Na-capture ang reckless at intimate moment na ‘yun ng isang magkasintahan. Parang sila lang ang magkakampi sa mundo at kaharian nila ang kwarto na ‘yun habang ang mga tao sa labas nito ay isang eksena na kanilang pinapanood mula sa kanilang trono. Noon pa man, matapos kong mapanood bilang Insiang sa stage version ng pelikula ni Brocka, gusto ko na si Sheenly Gener. Pwede na rin pala ang “Niño Bonito” ni Rommel Tolentino. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, tawa ako nang tawa kapag nagfi-fliptap ang batang bida.
20. ASTRO MAYABANG (John Paul Laxamana) May kakaibang comfort ang strangeness ng pelikula. Maliban sa Kapampangan ang pangunahing speaking lines dito, may ilang eksena na sigurado akong hindi ko pa nakikita sa local cinema. Ang masaya lang, kontrolado ang pagka-weird ng movie. Alam mong sinasadya na para sa akin ay appealing naman. Kung tatanggalin ang layer na ito ng pelikula, simple lang naman ang kwento. Isang teenager na sagad ang nasyonalismo, si Astro (Arron Villaflor na dynamite rito sa kanyang delivery bilang bida), ang nahulog ang loob sa isang Fil-Am. Lahat ay magiging swak na sana hanggang dumating sa punto na nalaman ng manonood ang nag-iisang bagay na hindi n’ya kayang ipagyabang: ang kanyang pagkalalake (o kawalan ng command performance dito kung kinakailangan). Sa dulo, ibinigay sa manonood ang dalawang bersyon ng kayabangan. Inihain ang pagkakadikit, contrast at parallel, ng kayabangan ng ating pagka-Pinoy sa kayabangan na kayang tayuan ng pagkalalake. Talking about extremes. Parang gustong i-suggest na kailangan mo ng bayag upang mapanindigan ang iyong nasyonalismo. Kailangan ko lang ding banggitin na maganda pala ang OST nito.
21. LOCAL GIRLS (Ned Trespesces) Ang tingin ko sa kanya, parang storyboard. Parang reenactment ng script kung gagawin itong isang pelikula. Parang nagpi-pitch ka sa isang producer sa kung anong magiging final product ng script mo. I think the script will do. Tungkol sa dalawang “local girls” sa Davao (nga ba?) na nasangkot sa kalakalan ng droga roon matapos nilang madiskubre ang isang bag ng shabu sa isang hotel room na kanilang nililinis. Wala akong nakikitang masamang tinapay rito. Doable kumbaga bilang isang suspense movie na may pagka-indie at regional feel. At least isang pelikula mula sa ibaba na hindi opresyon ang tema. Nai-imagine ko kung ibang mas able na direktor ang gumawa, posible itong isang maging importanteng pelikula. Ayokong isipin na dahil ito sa kakulangan ng budget. Sana hindi na lang muna ginawa kung gan’un.
22. BLEAK NIGHT (Yoon Sunghyun) Hands down, ito ang pinaka-affecting at pinaka-moving na pelikula na napanood ko sa Cinemalaya 2011. Bahagi ito ng Focus Asia series (na na-introduce this year) kasabay ng “Sawasdee Bangkok”, “Chants of Lotus” at iba pa. Muntik pang hindi maipalabas dahil sa technical problem nang unang beses itong isalang. Tungkol ito sa barkada. Tungkol sa mga teenager. Social issue. Ginawa siguro ito dahil malaki ang impact ng peer pressure sa mga kabataan upang mahubog ang kanilang views at lifestyle. Baka meron ding study about juvenile crime and suicide sa South Korea, hindi ko alam. Naka-focus ang pelikula sa pag-usisa ng ama sa barkada ng kanyang anak na nagpakamatay. Hindi masyadong eventful ang pelikula kung arko lang ng kwento ang pag-uusapan. Madalas na daldalan ito at nakaantabay ka lang sa kung ano ang bagay na madidiskubre ng tatay sa kanyang anak. Human emotion din naman ang tema kamukha ng ilang Koreanovela na napapanood natin sa local channel. Mas restricted lang ito, mas behave at mas intense. Sa katunayan, sa sobrang intense ng mga eksena lalo na ‘yung dulo, may ilang araw rin akong dinurog nito. Na-appreciate ko na mas normal (sa kawalan ng mas angkop na adjective) sa barkadang ‘yun ang mga naging barkada ko n’ung high school. Masaya ako na nalampasan ko ang bahagi na iyon ng pagbibinata na kokonti lang ang gasgas sa tuhod. Bata pa ang direktor nito. Present s’ya sa CCP upang i-introduce ang pelikula. Nakakatuwa nga na nagkukulitan pa sila ng kanyang interpreter tungkol sa mas eksaktong translation ng kanyang sinabi. Sabi n’ya, katulad daw ng hindi nila pagkakaunawaan ng interpreter ang tema ng pelikula.
23. SPONSOR (Shandii Bacolod) Experimental ang pelikula. Real time ang pagkakadirek at walang script. Ang kaibahan lang nito sa “Ang Damgo ni Eleuteria”, wala talagang rehearsal (sabi ng direktor). Siguro ay inilatag lang sa mga artista ang plot at sequence at hinayaan na lang silang mag-improvise mula rito. May ganito kaming kamukhang exercise sa acting workshop dati. Ang tawag nila ay “tableux”. Sasabihin ng acting coach halimbawa ang tagpo at sa loob ng sampung segundo ay magbubuo kami ng eksena a la Last Supper at biglang magfe-freeze. Kapag tinapik ng tungkod ang isang participant, gagalaw s’ya at magi-improvise ng linya. At hihinto muli. Ang susunod na papagalawin ay magi-improvise din ng sariling linya base sa mga nauna nang ibinagsak na linya. Sa “Sponsor”, ang tagpo ay isang neighborhood na may kanya-kanyang issue sa droga, prostitution, incest, sexuality at kung anu-ano pa. Maganda ang challenge na ito lalo na’t ang mga key player dito ay sina Marife Necesito, Mailes Kanapi, Xeno Alejandro, Abner Delina at Alchris Galura. Maliban sa malaking chance na makakita ng raw emotion, nakakaaliw ring bantayan kung paano nila haharapin ang challenge. May ilang balakid din syempre. Halimbawa, walang idea ang player kung kelan tatapusin ang eksena at kung kelan dapat bumabad pa. Sa isang sequence halimbawa, paulit-ulit na ang sinasabi ng karakter ni Xeno sa karakter ni Mailes. Just to make fun of the skit or probably to make it more difficult, Mailes retaliated “Paulit-ulit. Paulit-ulit.” At tumatak ito sa mga manonood. Kapag merong eksena na nagmumukhang endless loop, nagsasalita na rin sila (at least ang katabi ko) ng “Paulit-ulit. Paulit-ulit.” May ilang pagkakataon na ibang level din ang challenge kamukha n’ung mga love scene. Paano nga ba umarte at mag-simulate ng love scene at the same time? Kinakailangan bang maitago ng direktor sa anggulo ang hugis ng pagkalibog? Hanggang saang punto natatapos ang improvisation at hanggang saang punto nag-uumpisa ang totoong eksena? Sa isang post-credit scene, halimbawa, ay merong cum shot. Paano ba ito pwedeng ma-improvise? Sa totoo lang, very indie spirit ang pagka-experimental dito. Kung naging mas kontrolado siguro ang pagkakagawa, ibig sabihin, medyo praktisado, baka mas promising. ‘Yun nga lang, mababawasan ng pagka-raw.
24. ANG SAYAW NG DALAWANG KALIWANG PAA (Alvin Yapan) Unang una, na-solve nito ang challenge dati na magkaroon ng isang gay film na walang hubaran at halikan. Madalas nating sabihin na, kapag hindi tayo marunong sumayaw, parehong kaliwa ang ating mga paa. At madalas nating i-equate na kapag inlab ang tao, madalas itong walang dunong o nagiging foolish. Ganito ang kwento ng pelikula. Ang unang kaliwang paa ay mula kay Marlon (Paulo Avelino) na ini-stalk ang kanyang Literature teacher na si Karen (Jean Garcia). Ang ikalawang kaliwang paa naman ay mula kay Dennis (Rocco Nacino na para sa akin ay stand-out sa pelikulang ito) na nagkakasya na lang sa pagsulyap-sulyap sa kanyang classmate na si Marlon na walang kaalam-alam. Ang dalawang kaliwang paang ito ay nagsama sa isang sayaw nang naisin ni Marlon na magpa-impress kay Karen (na isa ring dance instructor) at upang mapalapit naman si Dennis (na isang mahusay na student sa dance class at nagpasyang maging tutor) kay Marlon. Napaka-subtle ng pagkaka-execute ng mga eksena. Sumakto ang pagiging makata ng mga tagpo sa mga tula na dini-discuss sa klase ni Karen na n’ung una ay hindi naiintindihan ni Marlon. Maging ang leksyon sa poetry ay itinuro ng guro sa kanyang dalawang estudyante hanggang sa labas ng classroom. Sa dulo ng pagtatanghal ng isang sayaw ni Marlon, pumatak ang kanyang luha. Epiphany ito ng lahat. Naiintindihan na n’ya ang mga tula ni Karen. Naiintindihan na n’ya ang pakiramdam kung ikaw naman ang nasa sapatos ng iba at maging object ng isang lihim na pag-ibig. Para sa akin, hindi na mahalaga kung ano ang kinahinatnan ng tatlong “mananayaw”. Ang mahalaga ay naiintindihan na nila ang mga tula sa paraang sila lang ang nakakaalam. Kung bibigyang tuldok ang kanilang kinahantungan, para mo na ring ipinabasa at ipinaintindi ang tula sa iba. Hindi mo na binigyan ang sarili ng kakayanang mag-interpret nito at magkaroon ng sariling bersyon ng paglaya.
25. I-LIBINGS (Rommel Sales) Topical ang pelikula. Ibig sabihin, nakatutok ang kwento sa isang subject, particularly ang pagkakaroon ng isang klase ng business sa Pilipinas na nagseserbisyo ng online funeral at libing. Wala naman akong issue sa pagkakagawa ng pelikula o sa topic nito. ‘Yun nga lang, nahulaan ko ang magiging problema sa dulo at nahulaan ko rin kung ano ang magiging eksena ng videographer na si Isabel (Glaiza de Castro).
26. RICE: NINE COUNTRIES, NINE STORIES, ONE THEME (Indonesia – Robby Ertanto, Laos - Dethakhone Luangmovihane, Malaysia – Pang Pui, Myanmar – Zaw Ko Ko, Philippines – Mae Urtal Caralde, Singapore – Swee Wee Keong, South Korea – Hyuk-in Kwon, Thailand – Samavee Pummuang at Vietnam – Phan Duy Linh) Koleksyon ulit ito ng mga short film na tumalakay sa bigas mula sa iba’t ibang perspektibo ng ilang piling bansa sa Asia. May ilang tumalakay sa opresyon (kumukha n’ung sa Pilipinas at Indonesia) at may ilang nagpatunay naman na ang bigas ay may malaking kontribusyon sa society (Laos at Malaysia). Sa lahat ng mga entry, ang short film lang mula sa South Korea ang very light ang conflict. Tungkol ito sa magkakaibigan na nagpapagalingang magluto habang ang isa ay competitive sa pagnanakaw ng nilutong kanin. Nagva-vary ang produksyon, mula sa tila amateur na pagkakagawa, na sa ilang pagkakataon ay nagmimistulang mumurahing TVC mula sa gobyerno, hanggang sa ilang halatang polished na.
27. GERMAN PLUS RAIN (Satoko Yokohama) Well represented ang uncanny sense of humor ng mga Hapon sa pelikulang ito. Character study ito ng isang teenage girl na may kakaibang trip sa buhay. Wrong audience ako sa mga ganitong storytelling pero naaliw ako na isang eksena involving a hole. Isang matamis na rendition ng pagkalaho.
28. THE NATURAL PHENOMENON OF MADNESS (Bebs Gohetia) Ang couple sa pelikula ay may pinagdadaanang proseso. Nabuo ang kanilang pagtitinginan sa isang rape at mula rito ay ipinakita sa audience ang dalawang bersyon ng kanilang agony. Ang unang bahagi ng running time, halimbawa, ay inilaan para sa babae (Opaline Santos) at ang kalahati ay sa lalake (Jess Mendoza na malaki ang improvement mula sa “Ben & Sam”) naman. Maganda, sa totoo lang, ang rehistro sa screen ng mga nagsiganap. Klaro rin ang depiction ng depression dito. Kung tutuusin, ngayon na lang ako ulit nakakita ng ganitong melancholia sa pelikulang Pinoy. Siguro kung tinanggal ang gimik ng dalawang bersyon at ng twist sa dulo, mas maa-appreciate ko ito. Ewan ko pero hindi ko talaga nakitang naging artsy ang mga hugis ng depression.
29. TAKSIKAB (Archie del Mundo) Nabasa ko ang script nito noong short film pa lamang. Ibang iba man ang storyline, iisang dilim lang ang gusto nitong tumbukin. Ang pelikula ay inumpisahan sa pagdyadyakol ng taxi driver na si David (Kristofer King). Maganda ang opening sequence. Mula sa pagkakagising ng bida na tila galing sa isang panaginip hanggang sa kanyang climax, habang ang camera ay mabilis na dumuduyan mula sa subject at sa reflection nito sa salamin. Mula rito ay nakasalamuha n’ya ang iba’t ibang tao sa kanyang paligid na nakasalamuha rin ng ibang karakter hanggang bumalik ang focus sa bida. Granted na trivial ang mga taong nakakasalubong ni David (minsan ganito naman talaga ang totoong buhay), may naisip akong isang concept nang biglang ipakita ang eksena ng isang matandang bading sa loob ng pipitsuging sinehan. Matapos ang isang “transaksyon” sa isang callboy, natulala ito at sumigaw na natagpuan na raw n’ya ang perpektong tite. Naisip ko, pwede sanang deconstruction ang pelikulang ito na parang naghahanap ng isang perpektong pink movie. Sa isang eksena, halimbawa, parang nagpapatungkol ito kay Coco Martin, sa labas man o sa loob ng tabing. Pero hindi ganito ang packaging at straightforward lang talaga ang storytelling. Hit and miss sa acting department. Ang mga reliable na ay pinatunayang reliable talaga sila samantalang ang mga baguhan ay halata lalong baguhan.
30. CUCHERA (Joseph Laban) Kamukha ng “I-Libings”, topical din ang pelikulang ito. Tungkol naman ito sa ilang kababayan nating tumatawid ng bansa na may itinatagong ilang pakete ng droga sa tiyan. Ang cuchera rito ay si Isabel (Maria Isabel Lopez). S’ya ang nagbuo ng kanyang grupo ng mga drug mules na nagtagpo sa isang maliit na hotel upang isagawa ang “pagtatago” sa tiyan. Multiple character ito at ang lahat ay may kanya-kanyang dilemma kung paano maiitawid ang kanilang produkto. Magkahalong awa at lungkot ang pwede mong ibigay sa mga karakter dito kung sila ay isa sa mga kapit-bahay mo. May gumagawa talaga ng gan’un kaagresibong paraan para lang kumita ng pera. Nakakatakot isipin na ipapasok mo sa tiyan mo ang mga paketeng nakaplastic sa tulong ng okra. Kung hindi naman kaya ng sikmura (ako, for instance, ay nasusuka sa mental image), sa puwet mo naman ito ipapasok kamukha ng isang lalakeng karakter dito. Chilling ang pag-assemble ni Isabel sa kanyang mga kinukutsero. Gusto ko ‘yung pakonti-konting ipinapakilala ang mga karakter at sa parteng gitna mo lang mafi-figure out kung ano ang nangyayari. Hindi man sold sa akin ang aktingan dito, gusto ko ‘yung warning na gustong ipahatid nito. Kamukha ng “Serbis”, hindi ito meant to be liked.
31. ANIMATION 1: KAPITAN TORPE (Antonio Jose H. Cadiz) Nagkamali yata ang humahawak ng projector at ‘yung Animation 1 ang ipinalabas sa halip na Animation 2 na koleksyon ng ilang animated shorts. Pero hindi ako nagreklamo. Mas exciting panoorin ang feature length dahil bihirang bihira tayong mabiyayaan ng ganitong finished product. Ang pelikula ay walang ipinagkaiba sa ilang superhero movie. Animation nga lang at Pinoy pop culture ang reference. Patok sa akin ang humor dito. Halimbawa, ang pangalan sana ng bida ay Kapitan Torpedo pero sa isang blooper ay natanggal ang huling dalawang letra. Not to mention syempre na torpe rin in real life ang bida. Marami pang hirit dito na natawa ako kahit na medyo green. May attention din sa details ang pagkakasulat. Kumbaga, hindi ‘yung basta lang makalikha ng isang superhero movie for the sake of just making one. The creator tends to mock his own creation. Hindi man sobrang pulido ang pagkakagawa dahil sa kakulangan sa budget, kitang kita naman ang passion ng animator dito. Ang vioice character, halimbawa, ay s’ya rin halos lahat ang naglapat. Napakagandang treat ng pelikulang ito sa kabila ng mga nag-uumpugang competition films at special screenings.
32. SAN LAZARO (Wincy Ong) In a gist, isa itong pinagsamahang exorcism movie at road film. Imagine, nasa trunk lang ng kotse mo ang taong possessed? Siguro ay nagtatawanan sina Wincy Ong at Ramon Bautista rito habang kino-conceptualize nila ang pelikula. O baka nakainom sila nang mapagkasunduan nila na mismong si Ramon Bautista ang gaganap sa isa sa mga lead character dito. Horror at comedy, bakit hindi? Sinubukan naman ito ng “Bulong” ni Chito Roño pero hindi gan’un ka-successful. Medyo nakakapanibago ang genre sa umpisa pero para sa akin, na-pull off naman na pagsamahin ito. Maganda ang visual na hindi ko inaasahan at ang signature humor ng mga bida ay hindi naging sell out.
33. NONO (Rommel Tolentino) Kung consistency lang sa tema, lamang na lamang na si Rommel “Milo” Tolentino sa kapwa n’ya direktor sa NETPAC. Ang subject n’ya ngayon ay isang bata na may diperensya sa pagsasalita o isang ngongo. Tungkol ito sa kanyang struggle sa school at tungkol din ito sa relasyon n’ya sa kanyang ina kahit na may bago na itong asawa. Kumpara sa unang feature length ng direktor na kalahok sa Cinema One Originals, mas nagustuhan ko ito. ‘Yun nga lang, kailangan ko muna sigurong magpahinga sa panonood ng kanyang mga pelikula bago ako tuluyang magsawa. Kumbaga sa college, graduate na ako sa ganitong leksyon: mga karapatang pambata, karampatang atensyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, atbp. Mas exciting (muli, sa kawalan ng ibang adjective) siguro kung ‘yung mga bata naman sa upper class ang kanyang bigyan ng spotlight. For sure, meron din itong sariling problemang nasu-suppress sa kabila ng kaalwanan sa buhay.
34. BISPERAS (Jeffrey Jeturian) Wala naman sigurong hindi naka-miss sa mga pelikula ni G. Jeturian. Isa s’ya sa nagtulak ng indie filmmaking industry sa bansa at nakakasabik mapanood ang kanyang entry sa Director’s Showcase matapos ang ilang taon ng pananahimik. Well, not exactly pala. Gumawa s’ya rati ng isang short film para sa AmBisyon (ang controversial na entry na may eksena sa tae) at paminsan-minsan ay sumusulpot ang kanyang pangalan sa mga soap opera sa Dos. Family drama ang kanyang pagbabalik-indie. Real time din. Ikinuwento ang pinagdadaanan ng pamilya sa isang noche buena. Maaari itong isang deconstruction ng pamilya na ideally ay masaya at taimtim na sinasalubong ang Pasko nang magkakasama. Tama siguro ang sinasabi ng dulang “Sa Ngalan ng Ama” na sa dalawang okasyon daw nagiging sentimental ang isang tao, sa kanyang birthday at tuwing Pasko. Nang hindi makita ang dokumento sa bahay at lupa matapos malooban ang pamilya, dito na sumambulat ang mga natatagong emosyon. Hindi ako scriptwriter at humahanga ako kay Paul Sta. Ana pero para sa akin, masyadong jampacked ang pagkakasulat. Halos wala nang espasyo para huminga. Ang fridge magnet ng Canada ay nagasa-suggest na galing dito ang balik-bayang anak. Pero baka naman napapagkamalian ko lang ito na attention to details. Baka mali ako. Sa mga nagsiganap, lahat naman ay halos magagaling (kabilang ang Ateneo jacket at cap) pero si Julia Clarete ang pinakaumangat sa akin dito.
35. LIGO NA U, LAPIT NA ME (Erick Salud) Hindi masyadong mayaman ang local scene sa sex comedy o ang variation nito na sex rom-com kaya malaking bagay na ginawa ang film adaptation na ito ng libro ni Eros S. Atalia. May tendency kasi siguro tayong kumiling sa pagiging erotic kesa sa pagkiliti sa utak. Mabuti na lang at hindi ganito ang pagkakagawa ng pelikula. Mas character driven at side dish na lang ang hubaran, hindi main dish. Si Intoy (Edgar Allan Guzman) ay isang college student na nahumaling sa kaklaseng si Jenny (Mercedes Cabral) na isang pantasya ng bayan. Hindi traditional ang kanilang relasyon. Sexual ito at hindi ang inaasahang merong commitment. May commentary sa puntong ito, kung paano nagiging fascinating pumasok sa relasyong hindi mo kailangang magpakita ng emotion dahil nga hindi ka naman commited. Ibig sabihin, maaari kang umalpas o bitawan kahit anong oras. May ilan akong kakilala na nasa ganitong limbo at hindi ko sila masisisi kung uuwing bigo matapos ma-detach. Ang pelikula ay mula sa perspektibo ng lalake sa relasyon. Bilang nakapantalon, dobleng pagtatago ang kanyang ginagawa upang hindi mahalata na sa kanyang niloloob ay nag-uumpisa na s’yang mahalin ang babae. Convincing ang dalawang lead. Halos solo nilang dinala ang pelikula pero dahil nga mula ito sa boses ng lalake, mas nangibabaw ang karakter ni Intoy. Makulay ang mga eksena, mabilis din ang cut para sa merong short attention disorder at streetsmart ang mga linya na siguradong makaka-relate ang mga kabataang nasa ganitong relasyon. Sa mga entry sa New Breed, dito ko hindi naramdaman ang pressure ng competition. Kamukha ni Intoy, easy lang s’ya.
36. AMOK (Lawrence Fajardo) Itong pelikula, para sa akin, ang pinaka-cutthroat ang vision. Gusto nitong magtanim ng terror sa isang pamilyar na lugar sa Metro Manila sa kasikatan ng araw. Ipinakilala nang mabagal (mahahaba ang cut at boring ang mga linya) ng mga karakter: isang ama (Nonie Buencamino) na kausap ang kanyang anak na nasa college, isang bading sa taxi (Tuxqs Rutaquio) at ang kanyang ka-EB, ang magtiyo sa walkway (Roli Inocencio at Acey Aguilar), ang dating action star (Mark Gil) at ang nakatalik nitong transvestite at marami pang iba. Pinaramdam muna ng direktor na hindi interesante ang mga conversation sa kalye, in the same manner na hindi natin ito pinaglalaanan ng panahon sa busy na intersection kamukha ng EDSA at Taft Avenue sa Pasay. Siguro ay mas mindful tayo kung paano makakalabas sa gan’ung area upang makarating agad sa paroroonan nang ligtas at walang wallet o kuwintas na nadudukot. Nagkaroon ng koneksyon ang lahat nang mag-umpisa ang isang pag-aamok. Dito bumilis ang pacing. Kahit ‘yung cut ay mas mabilis na rin. Mas nakikita na natin ang pagkakadikit-dikit ng mga karakter at mula sa malayo ay nakikita natin kung gaano ka-frail ang kanilang buhay. Dito ko na naisip na it could be me. What if magkaroon nga ng gulo habang tumatawid ako sa walkway roon? Hindi man sobrang realistic ng aktingan dito, naiwan pa rin ang core ng pelikula hindi lang upang magbadya kung hindi manakot.
37. DUMAGUETE: AN ARTIST’S HAVEN (Carmen del Prado), UNDO (DRUGS, ART AND FATE: AN ARTIST’S CONFESSION (Cierlito Tabay at Moreno Benigno), AGUSAN MARSH DIARIES (Jerrold Tarog)) Hindi ko matandaan kung anong term ang ginamit sa collection na ito ng short docus. Parang “Documentary Premieres” yata. Wala rin kasing common denominator sa tatlo maliban sa ang lahat ay may subject sa southern part ng bansa. Ang una ay parang primer na naglista ng mga sikat na artist ng Dumaguete. Noong awarding kinabukasan, nang tawagin ang national artist na si Eddie Romero, na-remind ako na “Ah, taga-Dumaguete ‘yan.” Ang ikalawa ay isang advocacy docu tungkol sa epekto ng droga, na sa isang iglap ay maaari nitong ma-shatter ang artistry ng tao. Totoo naman ito at hindi ko nakitang naging preachy ang docu. ‘Yun nga lang, hindi masyadong na-document kung anong nangyari sa subject. Open-ended ba ito upang tayo na lang ang mag-isip? Ang ikatlo, at malamang ay highlight ng collection, ay isang short travel docu mula kay Jerrold Tarog. Kinuha n’ya si Gaby dela Merced bilang first hand explorer ng lugar. Ayos lang naman. Nothing much nga lang. Siguro masyadong short ang stay ng produksyon para ganap na maramdaman kung paano mabuhay roon. Sa isang banda, kahit papaano, nagawa nitong maging interesante ang Agusan Marsh at mapasali sa mga dapat mabisita (at mapangalagaan) sa bansa.
38. RAKENROL (Quark Henares) Sabi ng isang katoto, tuwing ika-sampung taon lang daw nagbo-boom ang rock scene sa Pilipinas. Sa mga naabutan ko, ang una raw ay ‘yung panahon ng The Dawn. Sinundan ito ng panahon ng Eraserheads na sinundan naman ng era kung kelan nauso ang Pogi Rock. Ang pelikulang ito ay ginawa n’ung huling nag-boom ang Pinoy rock. Bagama’t halata na mukhang bata pa rito sina Jason Abalos, Glaiza de Castro, Alwyn Uytingco at Ketchup Eusebio, nagkaroon ito ng kakaibang charm bilang representasyon ng nasabing panahon. Ito rin ang mundo ng direktor, ito ang kanyang circle of friends, ang kanyang musika at ang kanyang buhay. Kung ang kwento ay tumibok sa lihim na pag-ibig ng gitarista sa kanyang bokalista, ang pelikula naman ay nagpadala ng love letter sa rock scene. True to the taste, wala namang seryosong tinahak ang pelikula. Hindi rin ito nagpaka-socially relevant o kung anuman. Kumbaga, chill lang. Kumbaga, rakenrol lang.
39. ZOMBADINGS 1: PATAYIN SA SHOKOT SI REMINGTON (Jade Castro) May namumuong tension sa pagtatapat ng regular screening sa August 31 ng pelikulang ito at isang Epal movie galing sa producer na kinalakihan din ng mga tao sa likod ng Zombadings. Dahil dito, uunahan ko na: piliin n’yo ang pelikulang ito at hinding hindi kayo magsisisi. Maraming dahilan. Una, pwedeng pwede itong zombie film. Sa katunayan, may natatandaan ba kayong zombie film na nagpaliwanag pa kung bakit muling nabuhay ang mga patay? Dito, merong back story. Ikalawa, pwedeng magpaka-artsy ang take mo. Panoorin ito dahil napakahusay ni Mart Escudero rito. Sigurado ako, s’ya ang mananalong Best Actor in a Comedy or Musical ng Entertainment Press. Sa ibang race, marami rin s’yang patataubin. Hindi ako magugulat kung papakyawin n’ya ang lahat ng tropeyo. Ikatlo, pure entertainment. Kelan n’yo ba huling nakita si Roderick Paulate sa mga ganitong role? Nakita mo na ba ang bagong talent ni Eugene Domingo rito? Eh ‘yung sa trailer pa lang ay natatawa ka na? Ikaapat, star-studded ito: Maliban sa mga nabanggit, may cameo pa ang primetime queen (daw) na si Marian Rivera. May Lauren Young din at Mailes Kanapi, Janice de Belen at John Regala. Saan ka pa? At panglima, ang pinakaimportante, si Jade Castro ang direktor, Raymond Lee, Michiko Yamamoto at Jade ulit ang sumulat tapos Teresa Barrozo pa ang musical direktor. Sabi nga ng slogan nito, “Awaaaaaard!”
40. LANGIT AT LUPA (D’Lanor.) Ipinalabas ang pelikulang ito noong 1967. May konting musical pa nga rito na siguro ay nag-uumpisang umusbong (o matapos?) noong panahong ‘yun. Love story ito na may pagka-epic. Tungkol sa isang minero (FPJ) na nakatagpo ang landas ng isang madre (Susan Roces) matapos ang isang aksidente. Ang gitna ng pelikula ay tungkol sa giyera at kung paano nabuo ang naunsyaming pagtitinginan ng dalawang bida. Hindi masyadong maaksyon ang pelikula pero nakakakilig ang dulo. Pruweba rito ay ang tilian mula sa audience. Marami pa akong kakaining bigas pero sa ngayon, ito ang paborito kong pelikula na idinirehe ni Da King. Ang mga thumbnail poster nga pala ng "Matimbang ang Dugo sa Tubig" at "Langit at Lupa" ay hinalukay mula rito.
.......................................................................................................................................
Pagkahaba-haba man ng blog na ito, kung ito ay isang prusisyon, gusto kong maging simbahan ang isang wish ni Alexis Tioseco para sa Philippine cinema. Sinabi n’ya:
"I wish Cinemalaya, which, thanks to the media and the government’s press mileage behind it, has a great festive excitement, would actually put their efforts in the service of Philippine cinema, and not their own self-involved attempt to start a micro-industry."Bagama’t halos dalawang taon na ang nakakalipas nang s’ya at ang kanyang Nika ay inagaw sa atin, may umaandap namang pag-asa na matupad ang kanyang hiling (at least isa sa mahabang listahan). Hindi ko alam kung kaya kong makapagsalita on behalf of Cinamalaya attendees, pero naha-high ako kapag nasa CCP. Maraming tao, maraming nakikita. Hindi magkamayaw ang ilang estudyante na kahit kay Joel Lamangan ay nagpapapirma at nagpapa-picture, isang bagay na marahil kahit para sa direktor ay alienating minsan. Hindi ko na na-consider, syempre, na ni-require lang sila ng kanilang school para manood. Sigurado akong maraming entry sa taong ito ang nagpaandar sa kanilang motivation upang maging mabuting estudyante. May kakilala akong ilan (kabilang na ako) na nagfa-file talaga ng vacation leave para lang makapag-marathon ng pelikula. Ang karamihan dito ay handang sunugin ang P5,000 ng kanilang ipon para lang makakuha ng all-access na festival pass.
Ganito na rin naman halos sa mga nakalipas na festival pero siguro, sa panahon ng Twitter at Facebook (na partly na lang siguro naabutan ni Alexis), mas umigting ang curiosity ng tao. Maliban sa mga nasa academe o ‘yung mula sa circle ng mga film buff, binuksan din ang pintuan ngayong 2011 na mapanood ang mga entry sa labas ng CCP. May dalawang ginamit na sinehan sa Greenbelt 3 na sa aking pagkakaalam ay halos ubos ang ticket sa mga screening. Ibig sabihin, may space ang Pinoy indie sa mga nag-oopisina sa Makati o ‘yung mga simpleng namamasyal sa mall.
Sa ilang argumento sa nabanggit na wish ni Alexis, wala na yata ako sa posisyon para i-validate kung natupad nga ito. ‘Yung sinabi n’yang “not their own self-involved attempt to start a micro-industry” ay medyo contrasting. Tingin ko, hindi naman talaga mapapalawig ang Pinoy indie na kasing lawig ng mainstream, self-involved man o hindi. Malabo ito lalo na sa socio-economic na estado ng bansa. Sa dulo, walang common Pinoy ang gagastos sa sine na walang masyadong artistang sikat, hindi nakakatawa at may shaky camera work ang susugal kumalam ang tiyan. Mahirap isubo sa iba ang mga palabas na sigurado naman tayong iluluwa nila. Hindi na rin kailangang banggitin na ang art ay isang bagay na malaya at hindi dapat puwersadong nguyain. Mahaba-habang proseso ng edukasyon sa bansa ang kinakailangan at sana ay may Cinemalaya pa kapag dumating tayo riyan. Ang tingin ko, isang optimized na hakbang na ang pagkakaroon ng screening sa Greenbelt 3 (na ang balita ko pa ay madaragdagan sa susunod na taon).
Doon sa “in the service of Philippine cinema”, gusto ko na lang maging optimistic dito. Wala rin naman akong mahihilang talangka dahil wala ako sa loob ng basket. Isa lang din akong consumer. Baka ang mga tao (organizer, festival director, New Breed director, writer, producer, atbp.) sa likod ng Cinemalaya ang may karapatang sumagot nito. Hindi rin ganap na malinaw kung ano bang serbisyo ang inaasahan ni Alexis. Kung sigla para sa industriya, pwede na. Bumabaha man ng piracy, kapag may festival na kamukha nito, kahit papaano ay nagkakaroon ng trabaho ang ilan. At nabibigyan sila ng angkop na recognition na walang kinukumpromiso. Kung ang serbisyo naman ay recognition ng Philippine cinema sa labas, na-address na rin naman ito. Ang ilang Cinemalaya filmmaker o producer ay nabibigyan ng mas challenging na trabaho sa tuwing ini-exhibit ang kanilang pelikula sa mga festival abroad. Kung tutuusin, halos lahat ng nagbabalik ng Pilipinas sa mapa ng mundo ay gawang indie.
Marahil ay hanggang d’yan lang muna ang limitation ng Cinemalaya pagdating sa serbisyo. Marami pa namang puwedeng tumulong kung Philippine cinema lang din ang batayan. For now, uumpisahan ko na lang munang ipunin ‘yung pambayad para sa festival pass sa susunod na taon.
May ilang pictures dito at dalawang video rito at dito.
No comments:
Post a Comment