Total Pageviews

Wednesday, August 24, 2011

Si Rizal sa Isang Musical Variety Show


Rizal X
Produksyon: Dulaang UP
Direksyon: Dexter Santos
Mandudula: Katte Sabate at Chic San Agustin
Musika: Happy Days Ahead
Mga Nagsiganap: Reuben Uy, Bea Garcia, Red Concepcion, Maita Ponce, Alchris Galura, atbp.

ISTORYA

Wala talagang iisang istorya ang dula. Isa itong koleksyon ng mga alaala, buhay, pag-ibig at aspirasyon ni Jose Rizal na inilahad sa iba’t ibang production number (sayaw, awit, sayawit, tula, short film at iba pa).

NO COMMERCIAL BREAK

N’ung binigyan ko ng pangalawang tingin ang logo ng dula na naka-project sa telon, d’un ko lang napansin na kamukha ito ng font ng ASAP XV. Kaya pala ang stage design ay mukha ring hinugot sa musical variety show tuwing Linggo ng tanghali na dinidirek ni Johnny Manahan sa ABS-CBN. Sa buong pagtatanghal, parang TV show rin ang daloy. May kakanta (o sasayaw), lalabas ang gumanap at may papalit na bago. Matapos ang costume change at ilang number, babalik muli ang naunang gumanap.

Kung ang basehan ay ang bawat produksyon, wala akong masasabi. Radio-friendly ang mga awit mula sa Happy Days Ahead (na una kong napanood sa thesis play na “Cyrano”) at entertaining ang mga performer. Ganito ang mga concept na maaaring kay Dexter Santos lang puwedeng manggaling. Nate-test dito ang kanyang versatility bilang choreographer. Kinakailangan kasing hindi mag-overlap ang mga number upang hindi mabato ang mga manonood. At sa aspetong ito, nakakaaliw makita ang kanyang kahusayan. Ang kapalit nga lang, hindi masyadong mahuhubog ang kanyang pagiging dramatista o storyteller na isang limitasyon ng mga ganitong concept.

O, siguro, merong kolektibong storytelling dito. Sa halip na ikuwento nang linear ang buhay ni Rizal, ginawa na lang sa maliliit na installment, sa paraang mas madaling maabot ng target audience nito na mga estudyante (na kadalasan ay maiksi ang atensyon). May kakaibang appeal nga naman minsan ang panonood ng musical variety show. At kung ang mga number dito ay hitik sa panitikan at kasaysayan, eh ‘di masustanya itong panonood. Napagbigyan na ang luho natin, may natutunan pa tayo. Ang ikinakaba ko lang, baka hindi makuha ng mga batang manonood ang mga mensahe sa bawat number. Ito ang sa tingin kong weak sa production. Baka mas maalala nila kung gaano ka-glam ang isang pagsayaw o pag-awit kesa ang totoong sinasabi nito kay Rizal. Kahit ako minsan, hinahayaan ko na lang lumampas sa kabilang tenga ang mga gustong sabihin ng dula at manood lang upang ma-entertain. Nakakatakot kung lalabas ang mga estudyante ng tanghalan na wala silang napulot. Baka hindi sila na-move dito. Baka pag-uwi nila sa bahay, ang sasabihin lang nila ay nanood ng parang ASAP at wala nang iba.

Maliban sa TV show na devise, mainam din sigurong hindi makalimutan na, unang una, isa itong kolaborasyon ng mga akda. Hindi sila masyadong credited sa pagtatanghal maliban na lang kung bibili ka ng program. Hindi ko lahat mapapangalanan dito pero lahat sila ay merong iniambag: Dong Abay, Layeta Bucoy, Winter David, JM de Guzman, Floy Quintos, Joaquin Valdes at Rene Villanueva (sumalangit nawa).

KONKLUSYON

Wala ako sa posisyon para humusga kung ano ang tamang paraan ng pagtuturo para sa mga estudyante. Siguro nga ay kinakailangan mong pumantay sa kanilang level upang mas madaling maunawaan ang isang bagay. Old soul lang ako. Lumaki ako at natuto sa pagiging istrikto ng ilan kong naging guro. Meron din yatang biblical reference ito na ang umpisa ng dunong ay pagkatakot. Pakiramdam ko, sa “Rizal X”, masyadong na-pamper ang mga estudyante sa kanilang luho. Ang hiling ko ay may natisod man lang sana sila kahit konting kabayanihan. Kung hindi, maeekis lang ang dahilan kung bakit natin ipinagdiriwang ang ika-150 taong anibersaryo ng ating pambansang bayani.

SIDE TRIP: Natuwa ako na sa unang beses ay nakapagtanghal ang Cirque du Soleil sa Pilipinas sa pamamagitan ng “Varekai”. Na-test nito ang market lalo na’t sadyang mahal ang mga ticket dito. Kahit papaano ay nakatikim ang mga Pinoy ng ganito kataas ang kalibre na musical circus. Mas naaliw ako sa kanilang “Alegria” na napanood ko noong 2006 pero definitive naman ang pagkaka-stage ng ipinalabas nila sa Quirino Grandstand. May jetlag pa dapat ako n’ung pinanood ko ito pero napaglabanan ko dahil na rin sa thrill ng mga act dito.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...