Total Pageviews

Sunday, October 30, 2011

Aswang Po

(Ang larawan ay kinuha mula sa Facebook fan page ng "Aswang")

Aswang (2011)
Produksyon: Regal Films
Direksyon: Jerrold Tarog
Iskrip: Aloy Adlawan at Jerrold Tarog
Sinematograpiya: Mackie Galvez
Editor: Aleks Castañeda
Musika: Jerrold Tarog
Mga Nagsiganap: Lovi Poe, Paulo Avelino, Albie Casiño, Jillian Ward, Marc Abaya, Niña Jose, Bembol Roco, Precious Lara Quigaman, Joem Bascon, atbp.

ISTORYA

Isang krimen sa Metro Manila ang nasaksihan at natakasan ng magkapatid na Gabriel (Albie Casiño) at Ahnia (Jillian Ward) mula sa kamay ng mga killer for hire na sina Guido (Marc Abaya), Queenie (Niña Jose) at Daniel (Paulo Avelino). Sa kanilang pagtatago sa Pampanga, nag-umpisa namang sumalanta ang mga abwak (mga aswang na may kakayanang sumalakay sa ilalim ng lupa at magkatawang-uwak). Isang maganda at misteryosang binibini, si Hasmin (Lovi Poe), ang sinubukang tumulong sa kanila.

PAGKILALA KINA PEQUE AT LORE

Ang plot, unang una, ay halaw sa feature length film na “Aswang” na ginawa nina Peque Gallaga at Lore Reyes noong 1992. Ganoon din ang gustong i-point out: na may parallel ang terror, ang mga krimen sa siyudad at ang horror mula sa mga mythical creature sa probinsya. Binigyan ito lalo ng highlight sa bagong bersyon. Mapapansin ang mga eksenang madikit na sinusundan ng dalawang uri ng monster ang mga kaawa-awang target na batang magkapatid. Ang gumanap na aswang noon ay si Alma Moreno samantalang ang batang naulila naman ay si Aiza Seguerra na sinamahan ng kanilang maid na si Manilyn Reynes upang makatakas at makapagtago. Sa katunayan, hindi lang ito basta hinalaw nina Jerrold Tarog at Aloy Adlawan, inilagay pa nila sa mga unang bahagi ng pelikula ang malinaw na pagkakakambal ng dalawang horror film. May isang tagpo sa 1992 film kung saan sinundan ng reporter na si Leo Martinez ang nagmamadaling umuwi na si Alma Moreno sa kanyang kubo. Habang nagpa-pan ang camera sa pagitan ng mga puno, pasulpot-sulpot si Alma Moreno at sa isang iglap ay biglang mawawala. Maganda at faithful ang naging atake ni Jerrold Tarog dito.

Nang mag-umpisang mawala ang tribute para sa mga naunang lumikha ng “Aswang”, dito na naging mas exciting ang storytelling. Maliban sa parallel ng terror na ipinakita, may isa pang parallel sa dalawang mundo na ginagalawan ng mortal na si Daniel at ang imortal na si Hasmin. Kung tutuusin, ito ang suhestiyon sa prologue ng pelikula, na ang dalawang nilalang ay trapped sa kani-kanilang lambat at gustong makatakas pabalik sa dagat. Bagama’t merong reference sa popular na pelikulang “Twilight”, partikular sa isang slow-mo na eksenang tumatakbo sa gubat ang dalawa, hindi naman ito nahulog sa pagpapakilig. Marami itong iniwasang patibong, sa totoo lang. Iniwasan din nito ang manggulat na madalas na pangunahing bentahe ng ibang horror film. Sa ilang parte, maliban sa sangkaterbang madugong eksena, hindi rin ito nakapag-inject ng chill (at least para sa akin). Halatang ang gustong tutukan ng pelikula sa loob ng isang oras at 50 minuto ay ang kwento nito at sa pagiging universal ng tema tungkol sa pagkakaiba, pagkakapareho at pagtanggap.

Ito ang kauna-unahang feature length film na mainstream ni Jerrold Tarog. Mula sa critical success ng kanyang episode sa “Shake, Rattle and Roll 12” noong nakaraang taon, ‘yung “Punerarya”, ay heto’t lumusong na nga s’ya sa baha. May ilang eksena na litaw ang kumpromiso ng direktor sa producer nito (‘yung dream sequence, halimbawa) pero ang mabilis mag-isip ay mabilis ding magpatawad sa mga ganitong kalakalan ng malalaking film production. Nakaka-pressure lang ang mga huling sequence ng pelikula (na malalaman n’yo rin kapag napanood n’yo na). Pero mukhang sinunod naman ng direktor ang payo ni Ricky Lee na panatilihin ang core. Maraming eksena, kung hindi man lahat, na alam mong under control at nag-iisip ang direktor. Paborito ko rito ‘yung unang atake ng terror sa bahay ng magkapatid na Gabriel at Ahnia. Napakasuwabe ng pagsunod ng camera rito.

Sa acting department, na tingin ko ay pinaka-weak na aspeto sa pelikula, ang pinakanagustuhan ko ay ‘yung mga gumanap sa karakter na hindi sagaran ang kasamaan o kabutihan. Si Marc Abaya, halimbawa, ay gumanap sa karakter na isinulat upang maging masama mula ulo hanggang paa. Nakaka-distract ‘yung ibang conceit n’ya na may pagka-neurotic na Johnny Depp ang atake. Good try pero baka merong ibang mas makaka-pull off nito. Mas naaliw ako sa presence ni Nonie Buencamino at sa take n’ya ng pagiging evil. Si Jillian Ward na nakakairita sa mga TV show ay hindi naman sobrang nakakainis dito. Nakakatuwa nga actually ‘yung ilang deadpan na bagsak n’ya ng linya. ‘Yun nga lang, hindi ko masyadong nakita sa kanya ‘yung trauma ng naulila. Gan’un din si Albie Casiño. Nakuha n’ya ‘yung pagiging frail pero hindi pa sapat ang terror sa kanyang mukha. Tama lang na kay Lovi Poe napunta ang title role dahil dinala n’ya ang pelikula ng walang bakas ng extra effort. Lutang ang kanyang senswalidad sa bawat frame bilang barrio lass at naibigay n’ya ‘yung pinaghalong kainosentahan at pagiging mapaghigante. Ang moment ni Paulo Avelino ay nasa may dulo. Mahusay ‘yung emotional transition na ipinakita n’ya roon.

KONKLUSYON

Walang bahid ng malisya ang naisip kong pamagat ng blog na ito sa serye ng “Mano Po” ng Regal. Natatandaan ko lang ‘yung pinag-ugatan dati ng katagang “Tao po.” Ito, ayon sa aking nabasa, ay sinasambit ng tao sa harapan ng isang bahay upang ideklara na ang nasa labas ng bahay ay tao at hindi ibang nilalang. Ang aswang daw ay walang kakayanang magsabi ng ganito. Kung hindi ako nagkakamali, ang Swedish vampire film na “Let The Right One In” ay may ganitong konsepto rin na tinahak, na kinakailangang ma-establish ang koneksyon, kahit ano ka pa mang uri, sa pagitan ng nasa loob at nasa labas ng bahay. ‘Yung respeto sa ganitong koneksyon ang gustong tumbukin ng makabagong “Aswang” ng walang halong pagbibintang kung alin sa pagitan ng nasa loob at labas ng bahay ang masama o mabuti.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...