Total Pageviews

Friday, November 25, 2011

Alamat Questor


Tatlong Tabing: Three Plays by Tony Perez
Produksyon: Tanghalang Pilipino
Direksyon: Tess Jamias (“Sierra Lakes”), Dennis Marasigan (“Bombita”) at Tuxqs Rutaquio (“Nobyembre... Noong Akala Ko’y Mahal Kita”)
Mandudula: Tony Perez
Mga Nagsiganap: Irene Vergara, Bodie Cruz, Ian Lomongo, Rayna Reyes, Marco Viaña, Jonathan Tadioan, Mayen Estañero, Marjorie Lorico, atbp.

ISTORYA

Hinati sa dalawang set ang retrospective. Ang una ay ang pinagsamang “Sierra Lakes” at “Bombita” at sa ikalawa naman ay ang “Nobyembre... Noong Akala Ko’y Mahal Kita”. Tungkol sa apat na magkakaiba at magkakaibigang karakter ang “Sierra Lakes”. Si Girlie (Ienne Vergara) ay may gusto kay Carlos (Ian Lomongo) na may gusto naman kay Arlene (Rayna Reyes) na ang gusto naman ay si Jusel (Bodie Cruz) na ang habol naman ay si Girlie. Isang road play naman ang “Bombita” kung saan isang grupo ng mga sundalo, isa na rito si Bombita (Marco Viaña), ang naatasang maghatid ng isang espesyal na baul sa isang lugar. Ang “Nobyembre... Noong Akala Ko’y Mahal Kita” ay tumalakay sa masculinity ng isang lalake (Jonathan Tadioan) at sa mga babaeng (palit-palitang ginampanan nina Mayen Estañero at Marjorie Lorico) dumaan sa kanyang buhay.

ISANG PAGPUPUGAY NA NOON PA SANA GINAWA

Sa isang culminating activity noon sa aming maliit na theater group sa highschool, ang “Bombita” ni Tony Perez ang naibigay sa aming proyekto. Samantalang ang iba ay naatasan ng ilang graduate play ng PETA kamukha ng “June Bride” (isang lighthearted na pananalamin sa dalawang klase ng mag-asawa, isang mayaman at isang salat) at “Mariang Aliw” (tungkol sa iba’t ibang uri at hugis ng mga pokpok), isinakay kami sa isang mahabang road play na kinakailangang magpatawa at maging seryoso. Kung hindi ako nagkakamali, ang iyaking si De Lara ang karakter na ibinigay sa akin. Natatandaan ko pa na nakasulat mismo sa script (hindi ko alam kung note lang ito ng direktor namin o talagang isinulat ng mandududla) na habang ginagawa ang isang monologo ay pinapatugtog ang “Mr. Lonely” ni Buddy Greco. Pero mahigit sa lahat ng hamong iyan sa issue ng role playing, ang hindi ko talaga makalimutan ay ‘yung pagkaka-inject sa akin ng dark comedy sa murang edad. Sa kabila ng masaya at makulit na paglalakbay ng mga sundalo sa Kabisayaan, isang oppression play rin ito. Sinusubukan nitong imulat ang kamalayan ng mga manonood (at para sa akin, ng mga aktor) ang konsepto ng maling paggamit ng kapangyarihan at pag-abuso sa mga kahinaan.

Medyo may pagka-guerilla ang pagkaka-stage ng tatlong dula sa Tanghalang Huseng Batute. Payak lang ang mga set design dahil na rin sa tatlong play ang maghahati rito. Ang mold ay parang Virgin Labfest at, para sa akin, isa naman itong plus factor bilang contrast sa kabi-kabila at naglalakihang Broadway show sa local scene. Sa “Bombita”, halimbawa, umaasa akong mapapanood ito sa mas enggrandeng pagtatanghal (mas enggrande sa aming highschool production, kahit papaano) pero nagkasya naman ako sa optimized na blocking ng kanilang “military jeep”. Ang “Sierra Lakes” ay nabasa ko n’ung college bilang bahagi ng isang libro sa Cubao series at sumakto ang inaasahan kong magiging hitsura ng stage. Maging ang kasimplehan ng mga pagtatanghal ay reflective sa kung anong personality meron si Tony Perez ayon sa impression ko nang makita ko s’ya sa personal (at makapagpa-autograph at makapagpa-picture).

Sa tatlong dulang kasali sa retrospective, lutang ang mensahe na maging mindful tayo sa anumang ating ginagawa. Sa “Sierra Lakes”, halimbawa, tila gustong sabihin na maging matalas ang pakiramdam natin sa mga taong nasa paligid natin na palihim na nagmamahal. Ang “Bombita” ay isang advocacy na maging vigilant tayo sa anumang pang-aabuso ng isang institusyon. Kung hindi naitulak ng isang pokpok na buksan ang mahiwagang baul, hindi malalaman ni Bombita ang kanyang halaga (o kawalan nito). Ewan pero para sa akin, ‘yung baul pa lang ay isa nang representation ng pag-iisip. Sa “Nobyembre...”, bagama’t ambisyoso ang mala-epiko nitong pagkukwento, gusto pa ring ipaalala na ang mga bagay na ginagawa natin sa sarili at sa ibang tao ay nagkakaroon ng epekto. Maaari tayong makasira at maaari rin tayong makabuo.

Competent naman ang tatlong direktor na kasali rito. Gusto ko lang i-single out ang effort na ibinigay ni Tuxqs Rutaquio sa “Nobyembre...” at panindigan na rin ang sinabi ko sa nakaraang blog na dapat s’yang abangan. Hindi madaling idirek ang dula. Marami itong timeline at madalas na isa o dalawang linya lang ang nakalaan para sa isang panahon. Mas umigting ang challenge dahil tatatlo lang ang aktor sa napakaraming karakter. Ang Lalake, halimbawa, ay kailangang magkaroon ng transition mula sa pagiging binatilyo hanggang sa tuluyang maging binata at ganap na matanda. Ang Babae 1 at Babae 2 naman ay nagpapalitan sa lahat ng karakter na babae (unang girlfriend, nanay, lola, kapatid, officemate, asawa at iba pa) at mas marami at mas mabilis ang kanilang transition. Pinadali ng direktor ang lahat nang gumamit s’ya ng chimes upang maipakita ang hudyat ng transition. Tumutunog ito sa tuwing tatawid ang isang timeline sa panibago. Mas pinagaan nito ang suhestiyon na ang dula ay kailangang namnamin sa kabuuan at hindi sa mumunting sequence nito. May kakaiba rin itong dating na tila ang lahat ng mga pangyayari ay nagaganap sa loob ng maraming pagtibok.

Ang huli kong napanood na Tony Perez ay ang “Saan Ba Tayo Ihahatid ng Disyembre?” mula sa PETA na idinirek ni Nonon Padilla mga dalawang taon na ang nakakalipas. Hindi ko alam kung bakit ngayon lang nagkaroon ng tribute para sa kanya. O kung bakit hindi tayo madalas magkaroon ng staging ng kanyang mga dula. Ang “Bombita”, halimbawa, ay kaya namang i-market bilang isang full length play at pwedeng pagkagastusan kung kinakailangan (parati kong iniisip na darating ang araw na isasapelikula ang dulang ito). May humor din naman ito pero siguro, limitado lang talaga ang theater audience niya. Sumusulat din s’ya ng mga libro. Sa katunayan, ang kanyang Cubao series ay naging malaki ang bahagi n’ung nasa college ako. Isa itong reliable na companion sa pagitan ng exam at machine problem. Nitong mga huling taon ay mas lumitaw ang pangalan n’ya sa pagiging involved sa ilang paranormal activity. Partikular dito ang para sa pamosong Spirit Questors na nangangalakal sa mga multo o anumang elemento. Isang episode pa nga dati sa "Shake, Rattle and Roll" ng Regal ang kanyang ginawan ng script. Tungkol ito sa isang tulay na pinupugaran ng multo, isang pagsang-ayon sa urban legend na ang mga ganitong structure ay inaalayan ng dugo ng mga paslit. N’ung naghahanap ako ng kanyang libro sa National Book Store para mapapirmahan, ang kanyang “Mga Panibagong Kulam” na ang aking naabutan. Koleksyon ito ng ilang simple at praktikal na pangungulam na ang intention naman ay para sa ikabubuti ng tao. Hindi ako bumili nito n’ung unang nalathala pero wala na akong ibang option para mapapirmahan. Wala na sa mga tindahang natanungan ko ang kanyang Cubao series. Wala akong ideya sa mga pinagkakaabalahan n’ya ngayon pero naaliw ako n’ung nagpa-picture sa kanya dahil kumuha s’ya ng isang wand mula sa kanyang bag. Inisip ko na lang na isa itong mabuting basbas.

KONKLUSYON

Sa pagsibol ng Facebook at Twitter, parang mabilis na lang ma-immortalize ang mga bagay-bagay. Mas mayaman na tayo sa preservation technique at mas sagana sa archive tools. Ito na siguro ang pagkakataon para maidamay sa ganitong tawag ng panahon ang mga akdang pandula ni Tony Perez, na para sa akin ay isang alamat ng sining, sa teatro man o iba pang medium. Ang retrospective para sa kanya ay isa lamang sa mahaba-haba pang prusisyon sa pagtuklas natin ng mga artist na sa ilang iglap ay maaari nang kainin ng alikabok ng makabagong ihip ng hangin. Hindi nag-iisa si Tony Perez dito. Marami pa tayong dapat kilalanin at malayo-layo pa ang ating paghahanap.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...