Monday, November 14, 2011

Ang Epiphany ni Cory

(Ang larawan ay kinuha mula sa Facebook page ng Philippine Stagers Foundation)

Cory ng EDSA: A Filipino Musical
Produksyon: Philippine Stagers Foundation
Direksyon at Libretto: Vince Tañada
Musika: Pipo Cifra
Mga Nagsiganap: Cindy Liper, Vince Tañada, Adelle Ibarrientos-Lim, Jordan Ladra, Gabby Bautista, Kierwin Larena, Monique Azerreda, atbp.

ISTORYA

Inilahad ang buhay ng dating pangulo na si Corazon “Cory” Aquino (Cindy Liper) mula sa pagkamatay ni Ninoy hanggang sa kanyang sariling kamatayan. Kasabay ng piling timeline na ito ay ang pagdokumento ng reporter na si Peter (Vince Tañada) na nagsimbulong central character sa magkakadugtong na buhay ng batang si Edsa (Gabby Bautista) at ang kanyang tatay na si Rey (Jordan Ladra) na kapatid ni Elsie (Adelle Ibarrientos-Lim), isang software specialist, at ang magkasintahang sina Jason (Kierwin Larena), isang balik-bayan, at Anette (Monique Azerreda), isang folk singer sa mga rally.

ANG MAPAGPARAYANG SAKRIPISYO

Bagama’t ang ginamit na makinarya sa pagkukwento ay ayon sa ilang historical details (assassination ni Ninoy, walk-out ng 29 na “computer technician” sa Comelec, People Power, kudeta n’ung 90’s, atbp.), hindi ito tumutok sa figures. Ang intention ng musical ay makapaglilok ng history hindi sa pamamagitan ng mga petsa sa kalendaryo o mga pangalan ng mga tao at lugar na humubog sa bansa. Mas ini-highlight nito, kahit na one-sided, ang mapagparayang sakripisyo ni Cory sa paglabas sa kanyang comfort zone, partikular sa pagtakbo bilang pangulo hanggang sa mga panahon ng instability ng bansa na kailangan n’yang maging matatag. Mula sa kanyang pagiging simpleng maybahay at sa kawalan ng karanasan sa Philippine politics ay nagkaroon s’ya ng sariling epiphany upang harapin at isabuhay ang mga ideals na naiwan ng namayapang asawa.

Nagbunga naman ang sakripisyong ito sa tulong na rin marahil ng mga taong nakasalubong n’ya sa EDSA (o Epifanio delos Santos Avenue na tila may pahiwatig na kahit ang mga santo o ang Diyos ay may sariling epiphany para kay Cory). Sa katunayan, ang EDSA Revolution n’ung 1986 ay tinatawag na People Power dahil sa tulong ng maliliit na taong pinagbuklod para sa pag-aklas ng bansa laban sa diktadurya. Ang mga taong ito ang pumuno sa anumang kakulangan ng dating pangulo. Na-amplify ang koneksyon na ito ni Cory sa tao sa pagpapakilala ng ilang fictional character sa musical sa pangunguna ng reporter na si Peter.

Upang mas mapag-igting ang tema ng sakripisyo, inilatag ni Vince Tañada, bilang mandudula, ang parallel nito sa mga taong nakasalamuha ni Cory. Si Peter, halimbawa, ay nakikipagbuno sa sakit na Parkinson’s Disease at piniling isakripisyo ang asawa upang hindi ito maging pabigat. Ang buong storytelling ay nag-ugat sa kanya sa pangungulit na rin ng batang si Edsa (na may pagkakahawig sa batang character sa “Bertdey ni Guido” ni Rene O. Villanueva). Ang sakit ni Peter ay isa ring direct reference sa colon cancer ni Cory. Ang balik-bayan naman na si Jason ay nag-alay ng kanyang mga mata sa kasintahang si Anette. Wala mang ganitong eksaktong sakripisyo ang dating pangulo, pwede itong basahin bilang metaphor sa anumang blindness na kinaharap para sa bansa. Maging sa kanyang huling sandali, mas pinili n’yang magtiwala sa mga doktor sa Pilipinas na marahil ay matunog at napapanahon dahil sa pagkakalapit nito sa kalagayan ng dati ring pangulo na si Gloria Arroyo. Nararapat lang na maging fitting companion ang “Cory ng EDSA” sa “Ako si Ninoy” dahil halos magkapareho ang estilo ng dalawa at pareho namang epektibong nakapagbigay ng leksyon.

Marami akong inaabangan sa bawat pagtatanghal ang PSF. Isa na rito ang pagkausap sa mga high school students tungkol sa kahalagahan ng theater etiquette bago mag-umpisa ang dula. Minsan ay stressful ang pagkakasabi ng sinumang naatasang gumawa nito at minsan naman ay panatag. Sila lang yata ang theater group na gumagawa ng ganitong hakbang upang maturuan ng leksyon ang mga bata pagdating sa social grace. Ang mga pagkakataong ito ang nagpapaalala sa akin ng mga high school teachers ko at natutuwa ako na rumeresponde ang mga bata nang naaayon sa buong palabas. Madalas din kesa hindi ay makakarinig tayo ng nakakalibang na ad lib mula sa mandudula/aktor/direktor. Sa kaso ng “Cory ng EDSA” na inumpisahan ng mabigat na eksena (turmoil at kamatayan ni Ninoy), hindi agad lumabas ang hiritan. Nagpakita lang ito sa unang pagkakataon na nagkasama sa isang eksena sina Peter, Rey at Jason. Sa kabilang banda, karapatan naman ng creator na paglaruan ang kanyang sariling creation. Bagama’t pwedeng ituring ito ng iba na kawalan ng disiplina, malaki naman ang naiiambag nito upang panatilihin ang atensyon ng mga batang manonood. Nababawasan kahit papaano ang pagkakataon na bumigay sila sa tukso na makipagdaldalan o mag-text na lang.

Bilang musical, ang pagtatanghal na ito ay isa sa mga patunay ng patuloy na commitment ng PSF upang makapagbigay ng dulang madaling maabot ng mga manonood. Radio-friendly ang mga kanta rito (salamat kay Pipo Cifra). Sa katunayan, at marahil ay sa unang pagkakataaon, naglabas sila ng OST mula sa Viva Records. Ang tagal na yata nang huli tayong makarinig ng mga kanta mula sa musical na maaaring makipagsabayan sa Top 40, kung mabibigyan lang ng tamang exposure, kamukha ng “Naaalala Kita”. Wala akong masabi sa mga aktor dito. Hinog na hinog silang lahat sa bawat number at halata mong kahit sila ay naaaliw sa kanilang ginagawa. Mula sa powerful na boses ni Vince Tañada, sa character singing ni Cindy Liper (mapanood sana s’ya ng mga Aquino), sa father role ni Jordan Ladra hanggang sa timing sa comedy at pagpapakilig nina Kierwin Larena at Monique Azerreda, walang itulak-kabigin. Ang mahusay na koro ay nand’un pa rin (ito pa lang ay sapat nang panoorin ang dula), gan’un din ang magarbong costume changes at ensemble number. Ilan lang ito sa mga dahilan upang mapanatiling nakatutok ang isang high school student at lumabas ng teatro na may napulot na aral at karagdagang appreciation sa performing arts.

Sa aking personal na enjoyment, hinding hindi ko makalimutan ang pagsingit ng isang Broadway-style (tuxedo number a la “That’s Entertainment”) habang kumakanta ang ilan ng “Snap, snap, snap election”. Hindi lang sa nakaka-LSS ito kundi mahusay rin ‘yung ideya na magpasok ng mockery o satire sa gitna ng kaguluhan n’ung Marcos era. Posible na ang ganitong distraction ay statement mismo ng Stagers sa kabi-kabilang local adaptation ng mga Broadway musical na hindi gan’un kadaling maabot para sa isang karaniwang high school student.

KONKLUSYON

Ang “Cory ng EDSA” ay nararapat lang na maabot pa ng mas maraming audience. Kalimutan na muna natin ang political color nito at pansinin ang kakayanan ng dula na makapagbahagi tungkol sa sakripisyo. Nakakalungkot ang isang realization dito na kinakailangan pang masadlak sa Parkinson’s Disease ang storyteller upang tuluyang maliwanagan. Sikat tayong mga Pinoy sa kawalan ng sense of history. Ang pasakit na naranasan sa nakaraan ay mabilis na kinakalimutan na parang kagat lang ito ng langgam. May kinalaman yata ito sa pagkakaroon natin ng Filipino Time, na balewala para sa ilan ang mga nasayang na oras. Nawa’y hindi natin kailanganing magkasakit para lang magkaroon ng sariling epiphany.

2 comments:

  1. VINCE TANADA9:25 AM

    Maraming Salamat Manuel sa isinulat mong review. Sa totoo lang, hindi ko inakalang magiging positibo ang pagturing mo sa aking dula, hindi naman natin napag-usapan ang tungkol doon. Kadalasan kasi kapag hindi ako nakakarinig ng papuri, gumagawa ako ng konklusyon sa isip ko na ah, mukhang hindi niya nagustuhan. Bumilib ako sa pagbasa mo ng utak ko,hindi kasi madalas na makita ng spectator ang mga obhetibo ng isang manlilikha, kahit kadalasan ay hayag na hayag na ito. Thank you also for appreciating our efforts in educating our audience not only with the historical substance and artistic merits of our plays but also in teaching our young ones theater etiquette and social graces. Maraming salamat muli. Alam kong busy ka, pero ginawa mo ito.

    ReplyDelete
  2. Walang anuman, sir. Bumibwelo lang talaga. Mahina rin kasi ako sa oral recitation kaya hindi ako masyadong nagkukwento kapag personal. Mas tinamaan ako sa "Ako sa Ninoy" (siguro dahil dula ito tungkol sa opresyon) pero matindi ang maturity ng "Cory ng EDSA" kumpara sa iba n'yong nagawang musical. Pero no pressure. Have fun pa rin sa mga susunod n'yong dula. Isa lang akong hamak na manonood sa third row. Kudos sa lahat ng Stagers.

    At salamat sa comment. :)

    ReplyDelete