(Ang larawan ay kinuha mula sa website ng Repertory Philippines)
Peter Pan: A Musical Adventure
Produksyon: Repertory Philippines at Stages Production Specialists, Inc.
Direksyon: Jaime del Mundo at Menchu Lauchengco-Yulo
Libretto: Willis Hall (halaw mula sa dulang “Peter Pan” ni J.M. Barrie)
Musika at Titik: George Stiles at Anthony Drewe
Mga Nagsiganap: Sam Concepcion, Michael Williams, Cara Barredo, Joy Virata, atbp.
ISTORYA
Isang batang ayaw tumanda, si Peter Pan (Sam Concepcion), ang bumisita sa isang silid ng Pamilya Darling sa London. Mula rito ay tinuruang lumipad ni Peter sina Wendy (Cara Barredo) at mga kapatid nito papuntang Never Land. Sa isang panibagong mundo na kanilang kinasuungan, isang kakaibang adventure ang kanilang tinahak kasama ang mga Lost Boys laban sa mga piratang pinamumunuan ni Captain Hook (Michael Williams). Ang buong pakikipagsapalaran ay ikinuwento ng storyteller (Joy Virata) mula sa kanyang perspektibo.
"FLYING DIRECTORS"
Ang unang una kong napansin sa credit ng production ay ‘yung para sa dalawang “Flying Directors” na sina Brad Allen at Jaime Wilson (na napanood kong main puppeteer dati sa isang staging ng “Little Shop of Horrors” sa Repertory Philippines n’ung nasa William J. Shaw Theater pa ito sa Shangri-la Mall). Naisip ko, napaka-espesyal naman ng pagtatanghal na ito dahil dalawa pa ang nakatalaga para sa pagdidirek ng mga eksenang nasa ere si Peter Pan. Kung tutuusin, ang mga flying scene talaga ang pangunahing bentahe ng dula base sa mga press release nito (na kesyo imported pa ang ilang makinaryang ginamit para maisagawa ito). ‘Yun nga lang, napaka-underwhelming sa akin n’ung experience n’ung nakita ko nang lumilipad ang mga bida. Parang may sinusunod lang itong isa o dalawang linya at sa rutang ito ay pumaparoon-parito ang mga aktor. At sa kasimplehang ito ay nagawa naman nila nang tama, kahit papaano.
Hindi ko matandaan kung merong ibang produksyon na naka-harness ang mas elaborative kesa rito. ‘Yung ambisyosong realization ng Darna dati ng Ballet Philippines sa CCP, nakasalalay rin ito sa harness. Mas marami nga lang gimik kamukha ng transformation mula sa simpleng si Narda hanggang sa superhero at ‘yung ballet mismo sa ere. ‘Yung “Little Mermaid” ng Trumpets dati, may ganito ring bentahe upang i-simulate naman ang ilang underwater scene. Mas na-appreciate ko yata ‘yung effort doon dahil mas maraming direksyon ang pinagdalhan ng harness.
Iniisip ko na lang, tumatanda na siguro ako para sa mga eksenang lumilipad. Hindi na ito appealing sa akin matapos ang ilang segundong nakita kong kumakanta ang bida nang nakalutang. Siguradong hindi ganito ang pananaw ng isang batang viewer (bata, ibig sabihin, pre-schooler). At hindi lang batang viewer, kundi batang viewer na hindi natin kailanman makikita sa pagtatanghal ng isang all-original Filipino musical. Ewan ko pero parang damang dama sa karamihan ng mga nanood ‘yung pagkakaroon ng target audience sa mga ganitong pagtatanghal na “nakalutang sa ere”. Ang sa akin lang, sana makita ko rin ang ganitong crowd sa mga dulang mas reflective bilang Pinoy.
Kunsabagay, ang problema sa pagtanda ay kadalasang problema lang ng mga taong sagana na sa ibang aspeto ng buhay: edukasyon, health at maging wealth o career. ‘Yung pagtanda na lang talaga ang hindi maiiwasan. Sa ganitong paghahanap ng fountain of youth, naikwento naman ng musical adaptation nang maayos ang premise.
Sa kabila ng mga ganitong pagmumuni tungkol sa harness, nagustuhan ko naman ang set design ni Gino Gonzales lalo na n’ung nag-transform ito sa pagiging isang malaking barko sa dulo. Magara rin ang mga costume. Pero kung meron mang isang scene stealer dito, siguro ay wala nang iba kung hindi ang bida mismo na si Sam Concepcion. Para s’yang dinamita rito. Well optmized ang kanyang talent sa musical theater, kitang kita ang gilas n’ya at napakakumportable n’ya sa kanyang pagkanta at pagsayaw. Kung minsan nga, tingin ko, mas lumutang s’ya sa mga kasamahan n’yang aktor. Tama lang na ang kanyang katapat bilang Captain Hook ay kasing competent ni Michael Williams. Tingin ko, sila lang dalawa ang nakarating talaga sa Never Land at ang iba ay naiwan sa kani-kanilang London.
KONKLUSYON
Hindi ako masyadong nilipad ng pagtatanghal na ito ng Peter Pan. Kapag ganito, sinasabi ko na lang sa sarili ko na nasa maling audience ako (totoo rin naman kung edad lang ang pag-uusapan). Mas lumutang sa akin ‘yung discrimination sa pagitan ng mga nakakaangat at ang mga bagay na nakaangkla sa lupa. At sa mga ganitong pagkakataaon, mas napapaalala sa akin na kailangang mas ma-appreciate ang mga bagay na abot-kamay.
No comments:
Post a Comment