Sunday, November 20, 2011

Orgasm ng Dugo

Titus Andronicus (Tinarantadong Asintado)
Produksyon: Dulaang UP
Direksyon: Tuxqs Rutaquio
Mandudula: Layeta Bucoy (halaw mula sa “Titus Andronicus” ni William Shakespeare)
Mga Nagsiganap: Bembol Roco, Shamaine Centenera-Buencamino, Nicco Manalo, atbp.

ISTORYA

Nasa kasalukuyang panahon ng eleksyon sa Pilipinas ang dula. Isang assassin, si Carding (Bembol Roco), ang naatasang kumandidato sa kabila ng papalit-palit na pagpaslang sa dalawang magkalaban at naghaharing pamilya. Mas pinili n’yang hindi pumasok sa pulitika pero may ibang plano ang matrona na si Clarissa (Shamaine Centenera-Buencamino) mula sa kalabang partido. Ang kabi-kabilang pagpatay ay sinasayawan ng isang payaso (Nicco Manalo).

DINUGUAN

Pagbukas na pagbukas pa lang ng telon, parang laway nang dumikit ang dula sa akin. Mula sa dilim ay lumabas si Nicco Manalo bilang payaso habang isang desafinadong piyesa mula sa orchestra ang kanyang kinukumpasan. Ang bawat tono o paglakas ng tunog ay tila kanyang kontrolado habang nanggigigil s’yang diktahan ang patutunguhan nito. Fade out. At nanikit ang imahen ng payaso sa isip ko.

Ang pinaka-tangible sa adaptation ni Layeta Bucoy, maliban sa swak na swak na pagkaka-localize sa Philippine backdrop, ay ang paggamit ng payaso bilang Kamatayan. Siguro ay nasa mindset na n’ya na ang orihinal na akda ni Shakespeare ang pinakamarahas at pinakabayolente at nais n’yang ilagay rin sa utak ng mga manonood na ang buong pinagdaanan ni Titus Andronicus o ni Carding ay hawak ng isang Tagasundo. Ang bawat trahedya sa dula ay papasukin ng payaso, isasayaw ang napaslang at ipapasyal palabas ng entablado. Pinakakritikal sa pagsundo na ito ay sa dulo, kay Carding, na sinubukang i-outwit ang payaso sa pamamaril sa audience. Para sa akin, isa ito sa mga hindi ko makakalimutang eksena mula sa isang straight play para sa taong ito.

Marami pang ibang consistency ng karahasan ang dula. Ang challenge siguro para sa direktor nitong si Tuxqs Rutaquio ay makapanggulat sa paraang nagulat din ang mga naunang audience ng obra ni Shakespeare. Sa ilang madugong eksena, naglaan ang produksyon ng effort sa pagsirit ng dugo mula sa katawan ng mga walang kalaban-labang biktima. Hindi ito gumawa ng quicky at literal na tumalsik ang dugo patungo sa isang piling bahagi ng audience (kawawa ang ilang nakasuot ng puti). Kahit alam ng lahat na ang eksenang nabanggit ay palabas lamang, nakabuntis pa rin ito ng takot.

Sa puntong ito, pwede ko nang sabihin na isa si Tuxqs Rutaquio sa mga direktor na dapat abangan sa larangan ng teatro. Marahil ay pinaghugutan n’ya rin ang kanyang experience bilang set designer dahil lutang na lutang ang puhunan dito. Isa pang halimbawa, maliban sa theatrics ng mga dugong sumisirit, ay ang paggamit ng tricycle sa umpisa ng dula. Kung tutuusin, pwede naman itong hindi na ilagay pero nakadagdag kahit papaano sa Philippine atmosphere (kamukha ng isang bangka sa tagiliran ng stage noon para sa isa pang tambalan nila ni Layeta Bucoy, ang “Doc Resureccion: Gagamutin ang Bayan” para sa Virgin Labfest).

Mahusay ang buong ensemble at lahat ay lumutang sa kani-kanilang pagganap. Kung napanood mo na si Bembol Roco sa ibang pagtatanghal, madali mong makikilatis kung nakakalimutan n’ya ang kanyang mga linya. Sa kaso n’ya bilang Carding, wala namang mapapansin na ganito. Parating isang karangalan na mapanood s’ya sa mga ganitong klaseng dula. Si Shamaine Centenera-Buencamino ay wala na yatang hindi kayang gawin at pakiramdam ko, malayo-layo na rin ang kanyang napapatunayan. Minsan ay may ideya na ako sa kanyang posibleng maging atake bilang Clarissa pero patuloy pa rin n’ya akong sinusurpresa. Ang contribution ng iba ay hindi rin matatawaran. Si Olive Nieto bilang Salve (Lavinia) ay marupok mula simula at dulo ng dula. Si Paolo O’Hara bilang Chua (Aaron) ay nasa ilalim ang kulo samantalang si Cris Pasturan bilang Nomer (Demetrius) ay pinaghalo ang yabang at pagkaduwag. Maging ang take ni Skyzx Labastilla bilang guro, kahit na iisang eksena, ay gripping at kaawa-awa.

KONKLUSYON

Ang argumento lang naman kadalasan sa mga adaptation ay kung nabigyan ba ng sapat na karugtong na buhay ang pinaggalingan nitong akda. Hindi lang basta maisulat ito sa Filipino kundi makarating din sa contemporary audience ang punla nito. Hindi ako scholar sa mga obra ni Shakespeare at umaasa lang din ako sa ilang palabas bilang point of reference. Ayon sa pelikulang “Titus” ni Julie Taymor na pinagbidahan ni Anthony Hopkins, isinalarawan dito na synonymous sa giyera ang pumatay ng kapwa tao. Mas marahas dito ang lutuin ang karne ng tao at ipakain sa gutom na kaaway. Wala na sigurong mas brutal pa sa ganitong estado ng pag-iisip dahil maging ang aso nga na isang hayop ay tumatanggi sa karne ng kapwa aso. May nais sigurong sabihin si Shakespeare dito tungkol sa “paglamon” ng ibang tao, na ang karahasan ay isang display ng kahayupan. Nasa ganitong libog naman ang adaptation. Sapat ang paglatag ng terror sa foreplay ng dula hanggang umabot ito sa isang madugong rurok.

3 comments:

  1. Anonymous1:36 AM

    I stumbled upon your review just now and I would to thank you for watching and having the to write this. Maraming salamat!

    Tuxqs Rutaquio

    ReplyDelete
  2. Isang karangalan, Sir Tuxqs. Salamat din sa pagbabasa.

    ReplyDelete
  3. Anonymous8:04 AM

    salamat sa pagreview ng Tinarantadong Asintado! :)

    Olive Nieto

    ReplyDelete