Total Pageviews

Sunday, November 27, 2011

Si Joanna Ampil, Bago ang Lahat


The Sound of Music
Produksyon: Resorts World Manila
Direksyon: Roxanne Lapus
Mandudula: Howard Lindsay at Russel Crouse (halaw mula sa librong “The Trapp Family Singers” ni Maria August Trapp)
Titik at Musika: Oscar Hammerstein III at Richard Rodgers
Mga Nagsiganap: Joanna Ampil, Audie Gemora, Pinky Amador, Sheila Francisco, Tanya Manalang, Paolo Ocampo, Danielle Sianghio, Justin Sian, Thea Zamesa, Atasha Muhlach, Alexa Villaroel, Marvin Ong, atbp.

ISTORYA

Dahil sa dulang ito nanggaling ang pamosong pelikula ni Robert Wise, gan’un din ang kwento at listahan ng mga kanta rito. Sa bansang Austria, isang nagmamadreng si Maria (Joanna Ampil) ang nabigyan ng isang special task ng mother superior (Sheila Francisco) na maging nanny sa ulila na sa inang mga anak ng istriktong si Captain Von Trapp (Audie Germora). Dito ay nakagiliwan s’ya ng magkakapatid na sina Liesl (Tanya Manalang) na kasintahan ng binatang si Rolf Gruber (Marvin Ong), Friedrich (Paolo Ocampo), Loiusa (Danielle Sianghio), Kurt (Justin Sian), Marta (Thea Zamesa), Brigitta (Atasha Muhlach) at Gretl (Alexa Villaroel) sa tulong na rin ng musika. Ganap na naging bahagi ng pamilya si Maria kahit na nakatakda pang ikasal sana ang kapitan kay Elsa Shraeder (Pinky Amador). Ang special task ni Maria ay hinamon at pinatibay nang dumating ang World War II sa bansa.

PAGPUPUGAY SA KAYUMANGGING MARIA

Ang dasal ko talaga ay si Joanna Ampil ang gumanap ng Maria sa mapapanood kong staging nito sa Resorts World. Kaya ko nga pinatulan ang opening night dahil mas malaki ang tsansa. Hindi naman sa iniiwasan ko si Cris Villonco na mahusay rin sa ilang play na napanood ko dati pero si Joanna Ampil ‘yun. Graduate s’ya ng “Miss Saigon” at malamang, sa mga gumanap ng Kim, isa s’ya sa malayo rin ang narating (kasunod syempre ni Lea Salonga). Sa katunayan, ang isang OST recording ng “Jesus Christ Superstar” ay s’ya mismo ang bumoses kay Mary Magdalene. Pero higit pa r’yan, napanood ko s’ya bilang Fantine sa isang pagtatanghal ng “Les Miserables” sa West End noong 2005. Hinintay ko s’ya sa labas noon at nagpapirma. Tinanong ko kung marunong pa s’yang mag-Tagalog (Filipino) at sumagot lang s’ya ng “Syempre naman!” na may kasamang ngiti.

Noong pinapanood ko s’ya sa kanyang Fantine stint, maraming beses akong tinayuan ng balahibo sa tuwing dumadagundong ang palakpak para sa kanya. Nakaka-proud lalo na’t ang audience noon ay mga Caucasian. Bagama’t lutang na lutang ang pagiging Asyano ng kanyang frame lalo na’t nakikipagdikitan ito sa mga kapwa actor na mas matatangkad sa kanya, hindi s’ya nagpasapaw sa kantahan at aktingan.

Naulit ang pagpapa-autograph ko sa kanya n’ung mga 2008 siguro sa isang mini-dance concert sa Glorietta (nabanggit ko sa blog na ito). Bitbit ko naman noon ang isang CD niya na koleksyon ng mga Broadway hits. Hindi ko matandaan kung paano kami nagkapalitan ng email address pero may isa o dalawang reply yata akong nakuha mula sa kanya.

Bilang Maria sa “The Sound of Music” (naging Maria na rin s’ya sa “West Side Story” noong 2008 pero si Karylle ang naabutan ko), nand’un pa rin naman ‘yung mga nagustuhan ko n’ung una ko s’yang napanood sa London. Ang experience ng panonood kong ito sa isang local production ng isang Broadway show ay binuod lang sa pagtutok sa kanyang paglipad bilang bida, kung paano s’ya bumirit nang walang kahirap-hirap, kung paano s’ya makipagbalitaktakan sa mga kapwa Pinoy na theater artist at kung paano s’ya magiging “nanay” sa pitong bata.

Tungkol sa produksyon, tanggap ko naman ang magarbong paggamit ng set at visual dito. Malaki masyado ang stage ng Newport Performing Arts Theater kumpara sa ibang venue kaya’t inaasahan ko na na pagkakagastusan ang pag-recreate ng bahay ng mga Von Trapp o maging ang kumbento (salamat kay Mio Infante). Ang mga video na nagfa-flash sa malaking screen sa likod (kamukha ng mga ginagamit sa musical variety show sa TV tulad ng ASAP Rocks) ay inihanda ng filmmaker ng si Paul Soriano. May karagdagan itong mala-Vegas na pang-akit sa mga manonood pero hindi ko alam kung malaki talaga ang naitulong upang dalhin ang mga manonood sa Salzburg, Austria (isa sa mga paborito kong city). Para sa akin, boses pa lang ni Joanna Ampil at ang blending ng mga batang Von Trapp ay sapat na upang masabing “the hills are alive”.

KONKLUSYON

Pwede namang pag-ipunan ang ticket ng dulang ito na ang tanging interes ay maka-experience ng Broadway o West End (kahit na ang ilang teatro roon ay hindi rin naman malalaki). Ganito, unang una, ang vision ng produksyon para sa Resorts World na isang pinagsamang casino, mall, hotel at restaurant. Pwede ring manonood ka nito dahil nami-miss mo lang ang mga awit ng tambalang Rodgers at Hammerstein. Sa kaso ko, pinag-ipunan ko ito para kay Joanna Ampil at wala nang iba.

................................................................................................................................................

SIDE TRIP. Napanood ko na rin sa wakas ang “Stomp” n’ung sumaglit sila sa Pinas para sa isang limited run. At ang masasabi ko: precision. Nakakabilib isipin kung paano nila nagawan ng ritmo at tiyempo ang mga pangkaraniwang tunog. Ito siguro ang ultimate na musicality. Naaliw ako r’un sa ilang number na ginawa nilang instant stomper ang audience. Ang kailangan mo lang ay focus at attention sa anumang napakahinang tunog. Ang pinakamalapit ko na sigurong skill sa ganito ay ang paglalaro ng larong bata dati na merong chant na “Nanay, tatay, gusto ko’ng tinapay. Gusto ko’ng kape. Lahat ay gusto ko....” Natuwa rin ako sa isang tsikiting sa harapan ko. Duda ko, hindi masyadong interesante para sa kanya ang palabas. Nang magpakita sa stage ang isang player na may dalang walis at nakabihis janitor, nagtanong ang bata: “Is that the show already?”

1 comment:

Reymos said...

I had the chance to watch this on the day prior to its official staging. I got the ticket from my sister working at Resorts World. Overall, it is an enjoyable production, particularly the backdraft. The downside is the venue which is quite huge for such production! I watched this first time in the UK in 2010.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...