Wednesday, January 25, 2012

Ang Trip Na Trip

Buenas Noches, España
Direksyon/Iskrip: Raya Martin
Mga Nagsiganap: Pilar López de Ayala at Andrés Getrúdix

May ilang biyaheng suwabe. At sa puntong ito ay kailangan kong maglitanya. Pasintabi.

‘Yung trip namin, halimbawa, sa Peru ay walang lugar para sa flight delay o kung ano pa man na kamalasan. Kailangang umalis ng ganitong oras at kailangang dumating ng ganitong oras. Kailangang makarating sa ganitong lugar dahil kailangan mong puntahan sa susunod ang isang pang lugar. Isang palpak lang at sabog na ang buong plano.

Gan’un din ‘yung sa Dubai dati. Nanggagalaiti pa nga n’un ang isang bulkan sa Chile at nanganganib na hindi ako makarating sa Sao Paulo nang sakto sa plano. Kung hindi, mapipingas nang munti ang araw na ilalagi at malaki ang tyansa na bumukol sa hindi paghabol sa opening night ng Cinemalaya.

May flight din dati sa Athens na muntik na naming hindi maabutan dahil 30 minuto pala ang interval ng mga train na naghahatid sa airport. Sa kabutihang palad, delayed din ang flight kaya’t umabot kami. Isa sana itong padamdam sa isang bakasyon na halos perpekto ang sayad at liyad.

Madugo sa senses ang trip ng “Buenas Noches, España” ni Raya Martin. Wala itong kanto o eksaktong hugis kamukha ng isang suwabeng biyahe. Dalawang magkasintahan ang bumabaybay sa hilagang bahagi ng Spain na halos kaututang-dila na ng France, sa Bilbao, lulan ng isang kotse. Bagama’t ang mga paulit-ulit na imahe (isang playlist na naka-loop) ay larawan ng romansa, ang tunog at ilang splash ng psychedelic color ay tila hinorno mula sa isang mabangong bangungot.

May kakaibang kiliti nang makita ko ang isang paghimpil sa isang musuem doon ng magkasintahan. Una, trip ko ang museum. Hindi ako masyadong bumababad pero parating nasa listahan ko ito. Maganda rin kasing introduction ito minsan ng siyudad, ng mga local at amoy ng paligid. Ikalawa, may ilang painting si Juan Luna roon. Dito pa lang ay na-plant na ang magaganap na time travel sa dulo. At ikatlo, ang pagiging playful ng dalawang lead sa loob ng museum ay may pagka-Godard.

Sa totoo lang, ‘yung museum lang siguro sa Bilbao ang pinaka-travelogue sa road film na ito. Ibig sabihin, kung nakarating ka sa sinehan na merong expectation na makita ang Spain na parang isang postcard, ang pagbisita lang sa museum ang pinaka-appealing. Sa labas nito ay may ibang trip. Nakakairita ang tunog, nakakabagot ang paulit-ulit na eksena at ang ilang location ay hindi naman interesante (at least para sa akin). Nangyayari rin ito sa totoong buhay. Pasintabi ulit sa paglilitanya.

Bago umakyat sa Wayna Picchu, wala akong masyadong inihanda physically. Ang buong pag-akyat matapos ang unang oras ay isang struggle para sa akin. Wala ring almusal na matino, walang laman masyado ang tiyan. Nakakairita na hindi ko ito masyadong napaghandaan pero kung hindi ko ito pinilit tapusin, hindi ko makikita kung gaano kaganda ang view mula sa itaas.

Summer naman n’ung nakita ko ang Dubai. Nakakabagot, kung hindi man nakakapanghina, ang tirik at init ng araw noon. Pero kailangang indahin. Kung hindi, hindi ko sana na-experience nang todo ‘yung desert safari at ang idea na makapagmando ng isang camel.

Maliban sa ruins, may ilang lugar sa Athens na hindi rin naman interesante. Sa katunayan, nagawa namin sa loob ng isang araw ang mahahalaga at paboritong pasyalan ng mga turista. Hindi na kailangang idagdag na ang taxi driver na aming napara noon na maghahatid sa hotel ay nandadaya sa metro.

Bagama’t lumabas ako sa sinehan (para sa taunang Spanish Film Festival sa Greenbelt 3) na nagpaalala sa akin ng ilang masasayang sandali sa ilang tsamba na pleasure trip sa ibang bansa, may ilan pa akong excess baggage mula sa pelikula. Pakiramdam ko, maling audience pa rin ako sa “Buenas Noches, España”. Sa kabilang dako, nakita ko naman ‘yung pagiging conquistador ni Raya Martin dito. Hindi ko naramdaman na na-colonize tayo at some point ng Spain habang nanonood. Tingin ko, ang direktor ang Magellan dito at ang Pilipinas ay ang Spain. Hawak ng kanyang camera ang kalayaan ng mga imahe, ng mga artistang Espanyol at ng mga lugar na kanilang pinasadahan. Isa itong antidote, kung hindi man isang malamig na sago’t gulaman sa mga naglipanang pelikula tungkol sa korupsyon at opresyon. Kahit sa loob ng isang oras at kalahati, narating ko ang ilang terminal at nabisita ko ang ilang sensasyong mapaglaro, mayaman at malaya.

No comments:

Post a Comment