Sunday, January 29, 2012

Okatokat!

Hindi natapos ang Oktubre ko n’ung isang taon na walang Halloween event. Dalawa pa, for the record. ‘Yung isa ay pinawisan ako samantalang nanginig naman ako r’un sa isa, among other things (namangha, nalasing, dumaldal, naaliw).

Office Trick or Treat



Una, merong Trick or Treat gimik sa office n’ung October 27 (Huwebes). Kadalasan, isinasabay na rin ng social club ang Halloween costume contest mula sa magkakalabang grupo (‘yung sa amin, H.o.R.N.Y ang pangalan). Tatlong category this year: (1) manager na naka-costume, (2) Amy Winehouse at (3) Azkals. Hindi ko alam kung politically insensitive na i-consider si Amy kahit napayapa na para sa sa ganitong takutan event pero kahit ano pa man, challenging s’ya sa creative mind. Kunsabagay, si Elvis nga, madalas ding gawing caricature. ‘Yung Azkals, yeah, matunog din pero sobrang challenging.

Prior to the event, nag-back out na ‘yung manager namin sa team. Meron daw meeting. Eh since naka-ready na ang kanyang ever reliable Chewbacca costume at ako raw naman ay pwedeng Manny-ger, ako na lang daw. I understand na punishment ito sa pagiging onsite ko for a time pero sige lang. Besides, pwedeng thing to do before you die ang magsuot ng mascot costume. Sa Amy Winehouse, naisip naming lalake ang damitan nito. May nakareto na rin na make-up artist para rito. Sa Azkals, since ang hirap mamilit ng sasali, magsuot na lang daw ng black shorts and shirt and long socks then perong owner n’ung mga ginupit na maskara mula sa totoong Azkals. Ang isa ay nag-volunteer din na damitan na a la fairy to represent, err, Angel Locsin (na maskara lang din).

Alam ko na na mainit ang mga mascot costume pero hindi ko inaasahan na gan’un kainit. Hyper ventilation ba’yung inabot ko? As in in-Ondoy ko ng pawis ang costume na parang plastic ang texture sa loob. Not to mention na hindi gan’un ka-convenient ‘yung mga butas sa mata. At some point, gumamit pa ako ng shades as advised by the owner kaso nagmo-moist lang s’ya kaya tinanggal ko na rin. On top sa pagkakataon na sinisipon pa ako at medyo mahirap huminga mula sa loob. Ang tagal ng mga bata para sa sa trick or treat!

‘Yun nga lang, minsan, sinuswerte ka. We bagged the top prize for Amy Winehouse (more of Amy Beerhouse, they said) and the Azkals (akalain mo ‘yun?).

The PSF Halloween Party

‘Yung kinasabaduhan n’ung week na ‘yun, naimbitahan naman ako bilang jury sa ilang Halloween contest ng Stagers sa kanilang studio sa may Balic-Balic. ‘Sakto naman ako sa oras nang dumating pero marami nang tao noon. Medyo crowded, actually, at sa crowd na ‘yun, si Kierwin pa lang ang medyo kakilala ko na. May inaayos pa yata si direk Vince na hindi ko pa rin talaga nakakausap nang matagal sa personal. Nevertheless, napaka-accommodating ng mga sumalubong sa akin doon. Ako na lang talaga ang nahiyang kumain.



Mga 10pm, nag-umpisa na ang ilang contest. Hinati sa apat na competing teams ang mga Stagers at sa dalawang contest, meron silang bet. Ang unang contest ay parang monologue ng ilang karanasan na nakakatakot. Isang representative ang pupunta sa gitna, bibigyan ng spotlight at sa tatlo o limang minuto, susubukan nilang patayuin ang balahibo ng mga manonood (at mga judges). Naaliw ako sa idea. Na-optimize din kasi ‘yung kakayanan nilang makapag-deliver ng isang theater piece kahit na mas confessional ang dating kesa animated. Personally, na-appreciate ko ‘yung pagiging natural ng delivery ni Glory Ann Nacional. Para lang kasing nagkukwento ng isang karanasan mula sa isang kaibigan na na-possess at kung paano ito nalampasan. Ayos lang para sa akin ‘yung iba kahit na merong ilang road block sa limitasyon ng oras, sa structure ng kuwento o dahil kulang sa preparasyon.



Ang ikalawang contest ay mala-Showtime na presentation ng apat na grupo (may separate judging para sa kanilang costume). Impressive, sa totoo lang. Pinaghandaan nila ‘yung mga costume at nag-effort talaga sa production value nito. Ang unang grupo ay tungkol sa isang babae na napadpad sa isang tila museum ng mga puppet. It turned out na ang mga piyesa pala rito ay mga tao na pinarusan o isinumpa at ginawang puppet (isa na rito ang kababata ng babae). Medyo trite na ang kwento pero gusto ko ‘yung pagiging grotesque ng mga costume nila na meron pang tali a la music video ng ‘N Sync na “Bye Bye Bye”. Ang ikalawa naman ang pinaka-common sa apat. Tungkol ito sa isang possessed na babae na dinaan sa ilang scare tactics (na occasionally effective).



‘Yung take ng ikatlong grupo tungkol sa retelling ng Spoliarium ni Juan Luna ang pinakapaborito ko. Inumpisahan ito ng isang quote ni Seneca tungkol sa madness mula sa isang projected video at sinundan ng pagpasok sa performance space ng isang lifesize na empty frame. Pumasok dito ang grupo na suot ang skimpy get-up na tila canvass. At pinatugtog ang Spoliarium ng Eraserheads. At ipinakita ang isang aktor na dala ang baril (isang reimagining ng suicide ni Juan Luna). At bumuhos ang pulang pintura sa katawan ng grupo, isang intersection ng pagdanak ng dugo at pagsasabuhay ng painting. Genius! Gusto kong pumalakpak. Bravo!

Bagama’t na overshadow na ng adrenaline rush ko sa ikatlong grupo ang huling pagtatanghal, sila naman ang pinakamayaman sa arko ng pagkukwento. Tungkol ito sa mga voodoo doll na sinubukang magrebolusyon laban sa kanilang bruha/mangkukulam. I can imagine na pwede ito sa mga “Shake, Rattle and Roll” o pwede ring isang Pixar storyline. Naaliw lang ako sa pagka-dark at pagka-cute n’ung plot.

Akala ko ay chill na lang ako matapos ang mga contest. Merong isang parlor game na kahit ako ay nasundot ng takot. Pakiramdam ko, sinindikato na talaga ang mga judges at bisita para maglaro nito (na kunyari ay dumaan sa draw lots, mga artista nga itong Stagers). Hinati sa tatlong team ang mga natawag na pangalan. Bawat isa ay gumawa ng pila habang merong mystery box sa harapan nila. Ang siste, bubunot ka ng play money mula sa butas ng box na talop na talop ng kung ano. At a given time and interval, magpaparamihan ang mga team ng nakuhang pera. Ang catch, meron ding mystery animal sa loob. ‘Tang ina, nanlamig ako sa takot. Mabuti na lang at dagang costa lang ang pinalad na napunta sa amin. ‘Yung sa kabila, balita ko, ahas daw at palaka. That was Halloween to me.

Nahimasmasan naman ako sa ilang alak (at kwento) na bumaha habang nagpapalipas ng gabi. Masayang kasama ang mga Stagers (salamat). Kung ano ‘yung team work na nakikita mo sa stage, gan’ung gan’un din sila sa likod ng tabing. Sana Halloween na ulit.

No comments:

Post a Comment