Total Pageviews

Sunday, January 15, 2012

The SNNI Adventures (O Kung Paano Ko Natagpuan ang Mahiwagang Nunal ni Nora)


As of this writing, matagal nang wala sa ere ang “Sa Ngalan ng Ina” ng TV5, isa sa kino-consider na pinakamatinong soap opera of late. Kung hindi ako nagkakamali ay limang linggo lang talaga ang naka-allot na airing nito na nag-umpisa n’ung Oktubre n’ung nakaraang taon. Ang proyektong ito ng tambalang direktor-aktres nina Mario O’Hara at Nora Aunor, bagama’t hindi masyadong umarangkada sa ratings at madalas na hinihila pababa ng time slot ng Wil Time Bigtime, ay sinubaybayan ko. Sa katunayan, may utang pa akong ilang episode na tinitingi-tingi ko sa ilang website na nagko-compile ng mga Pinoy TV show.

Inabangan ko rin at naging groupie ako sa ilang pagkakataon n’ung sino-shoot pa ito. Nagkataon na nabiyayaan ako ng isang mole (pun intended) mula sa istasyon na ayaw magpakilala. S’ya ang taga-text ng location at schedule at taga-bigay na rin ng access kahit wala s’ya mismo sa set. Gusto ko kasing makita si Nora Aunor in person. Well, gusto kong makita s’ya ulit (ang unang pagkakataon ay sa isang event ng “Pelikula at Lipunan” ni Nick Deocampo n’ung late 90’s) at makapagpa-picture at autograph na rin. Hindi ako Noranian. Wala akong masyadong alam sa kanyang personal na buhay pero si Nora Aunor s’ya eh. Walang bisa ang husay ng mga aktres ngayon kung wala ang katulad n’yang “point of reference”. Gusto ko ring makita si Vilma Santos pero 'tsaka na lang s’ya. Ang isa pang dahilan ay napasubo ako r’un sa ilang tanong ni Noel Vera sa FB group na Cinephiles para kay direk Mario. Gusto ko ring mapanood in action si direk kasabay ng hiling na sana ay ‘sandamakmak na film project pa ang ilatag sa kanya. Bonus na lang ang isang kagustuhan na maka-chill out ang mga artista sa set. Gusto kong mapanood kung paano sila magtrabaho.



DAY 1. Ang alam ko, weekday ito. Meron pa ngang nag-last day sa office n’un at sobrang busog pa ako sa pancit na handa. Nasa may bukana raw ng Rizal ang location, sa isang bahay roon sa isang subdivision. Kumontak ako ng taxi mula sa 24/7 at nagpasundo sa opisina ng mga 7pm yata. Tutal, paumagahan naman madalas ang mga film shoot kaya hindi ako masyadong nagmadali. Wala raw si ate Guy dahil masama ang pakiramdam pero si direk Mario raw ang direktor n’un (dalawa kasi ang direktor, si Jon Red ‘yung isa). Ibinilin na lang ako ng mole sa young actor na si Alwyn Uytingco na nagsimula kong seryosohin bilang aktor n’ung ginawa n’ya ang Cinemalaya film na “The Leaving”. Tinext ng mole ko si Alwyn at sinabing may isang “film critic” na paparating (what the hell!). Nahiya naman ako at sumaglit sa Distillery upang umiskor ng deboteng regalo.

Malayo-layo ang b'yahe. Nakatulog nga ako n’un. Pupungat-pungat kong pinanood muna mula sa malayo ang crew bago ko inipon ang kapal ng apog. Nahihiya ako sa mga ganoong maraming tao lalo na’t abala. May isa pang show ng TV5 ang ginagawa roon.

Nasa dressing room daw ng mga lalake si Alwyn. Pinatawag ko na lang at lumabas naman agad. Nakilala ako. Kinabahan daw s’ya r’un sa “film critic” thingy. Sabi ko na lang, I wish na film critic talaga ako. Alam ko namang hindi s’ya matutuwa na meron akong bitbit na whiskey pero iniabot ko pa rin. Kumustahan. Tinanong ko kung babalik pa s’ya sa Dos. Sure daw na hindi sa loob ng tatlong taon. Laki raw talaga ng package ng TV5, something na hindi n’ya nakuha sa kabila (‘yan ang eksakto n’yang sinabi). Pero wala akong nakikitang pait sa kanyang pagkakasabi. Mukhang na-overshadow ito ng pagka-busy n’ya sa bagong tahanan. Kinumusta ko kung anong pinagkakaabalahan. May cameo raw s’ya sa pelikula ni Lilia Cuntapay. Sabi ko, “Ah, ‘yung parang “Six Degrees of Separation” na film ni Will Smith.” May gan’un daw pala. Hahanapin daw n’ya para-download. Ginagawa rin daw n’ya ‘yung “Enteng ng Ina Mo” kaya papalit-palit s’ya sa baddy at bading role.

Pinanood lang namin nang konti n’ung ginawa ni Osang ‘yung challenge para r’un sa isa pang TV show na nagte-taping sa hindi kalayuan tapos nagyaya na s’ya r’un sa tolda. Nasa loob din si Edgar Allan Guzman na napakakulit pala in person. Ang lakas nilang mag-asaran ni Pong na PA ni Alwyn. Medyo busy nang konti sa hindi kalakihang tolda na ‘yun kaya nakatameme lang ako r’un sa Monobloc. Para akong phantom, nakikiobserba. Merong papasok para silipin ang mga isusuot, merong nagpaplantsa at merong nagde-deliver ng in-update na script. Kumain si Alwyn n’ung food na naka-styro. Nag-alok pero busog pa nga ako. Si Edgar, abala sa kanyang iPad at panaka-nakang nagpapatugtog ng Dougie dance. Minsan ay ibibida ang kanyang Vans na nabili raw n’ya on sale at minsan ay magbabasa ng script.

Pagkatapos ng dinner, tinanong ako ni Alwyn kung gusto ko ng hot chocolate. Umoo na ako rito. Kumuha s’ya ng styro cup at inilabas ang isang sachet ng Swiss Miss mula sa kanyang backpack. Umayuda si Pong, lumabas at bumalik na may laman nang mainit na tubig ang baso.



Ilang sandali pa ay pinaakyat na sa itaas ng bahay sina Alwyn at Edgar. Naka-Francis M shirt si Alwyn at nakapang-pulis naman si Edgar. Medyo mainit d’un sa area sa itaas dahil sa mga ilaw. Pansamantalang kinansela dahil umeera na ang “Sa Ngalan ng Ina” sa TV. Lahat sila pumasok sa master bedroom at sabay-sabay na tumutok habang ang may-ari ay nakahilata sa kanyang kama at nakinood. Sumunod na rin ako.

Wala pala si direk Mario. Unit daw ni direk Jon Red ang kumukuha ng eksena. Pinanood ko na rin. Tinanong ko dati si Alwyn kung anong distinct na pagkakaiba ng dalawang direktor. Si direk Mario raw ay basta realistic, good na. Bahala na ka minsan sa take mo. Pinapabago rin daw ang script primarily upang maging mas realistic. Si direk Jon naman ay mas detalyado raw ang instructions, mula sa kung kelan itataas ang boses at kung kelan mababa.

Madali lang naman ‘yung eksena nina Alwyn at Edgar. Ito ‘yung parte na into hiding ang karakter ni Alwyn at bumisita ang kapatid na karakter ni Edgar. Sinundan ito ng isang mas matinding eksena para kay Alwyn kung saan kinakailangang mag-breakdown para sa pagkawala ng kanyang Tiya Pacita (Eugene Domingo). Nagpalaam na n’yan si Edgar. Kumamay naman bago umalis. Nand’un din si Regine Angeles na gumanap bilang girlfriend ng karakter ni Alwyn. Sa pagitan n’ung mga take, pinapirmahan ko pala ‘yung Rekrut shirt ko kay Alwyn. Bumisita rin sa set si Carlo Aquino kasama ang ilang barkada. Usapang laptop, kung hindi ako nagkakamali.Matapos kunan ang sigawan, nagpa-picture na lang ako at umalis na rin. May ilang ebidensya rito.

DAY 2. Medyo biglaan ang pagpunta ko sa shoot. Last minute na kasi ako nakabalita sa aking mole at may lakad sana yata ako n’un na hindi natuloy. Mabibigat daw ang mga eksena dahil n’ung time na ‘yan, ‘yung panghuling linggo na ng airing ang sinu-shoot. Nand’un daw sina Nora at unit daw ito ni direk Mario. Excited ako kahit mga 10pm na ako nakaalis mula sa Makati at ang drawback eh sa Victoneta Avenue sa Caloocan pa ang location.

Pasado hatinggabi na yata ako n’ung nakarating sa isang simbahan ng isang subdivision. Nagpahintay na lang ako sa taxi dahil tingin ko, hindi naman magtatagal at mukhang hassle mag-abang ng masasakyan mula roon. Pinakiusap naman ako ng aking mole sa isang staff ng art department. Nakaalis na raw si Nora. Sayang nga raw kung napaaga ako dahil kinunan na ‘yung eksena na iminudmod ni Osang si Nora sa putik. May kadobol daw naman kahit na payag naman si Nora na wala. Isang eksena na lang ang natitira. Medyo tight shot at nasa loob ng sasakyan si Christopher de Leon na may kausap sa phone. Si direk Mario ang nag-motivate pero walang masyadong instructions. Mas inayos lang n’ya ang blocking and that’s it. Pinanood ko pa rin. Nakadalawang take at idineklara na uwian na. Buhay na buhay pa ang dugo ni direk Mario at nagtatawanan sila nang nagpaalam si Boyet. Umalis na rin ako agad. Meron pa raw shoot kinabukasan sa Correctional sabi ng bago kong kakilala na taga-art department.

DAY 3. Fail. Kinansela pala ‘yung shoot pero hindi ako nasabihan. Pero ayos na rin. At least, napasok ko na ang Correctional. Meron pala s’yang mahabang daan at bago makarating dito ay meron munang inspection. Mainit n’yan dahil tanghaling tapat. Hindi ko man napasok ang mismong gusali, nakita ko naman mula sa malapit.

DAY 4. Ito na talaga. Mga tanghali rin ako pumunta. Ang location naman ay sa isang bahay sa New Manila. Medyo malapit lang s’ya sa E. Rodriguez kaya madaling hagilapin ang bahay. Nakakahiya pa ring pumasok agad at lampasan ang mga maliliit na van at ilang crew roon na naghihintay ng tawag. Nakita ko si Thirdy na una kong nakita sa Day 1 na labas-pasok at nakikipag-asaran kina Alwyn at Edgar. Malamang ay hindi na n’ya ako namukhaan pero kahit papaano, nakakatanggal ng hiya n’ung may nakita akong pamilyar. Hinanap ko ‘yung contact ko sa art department. Nasa loob lang daw, naka-pekpek shorts sabi ng tinanungan ko. Sinubukan kong pumasok sa isang parang hall/kuwarto at nakita ko nga ang contact ko roon na nagpapahinga kasama nina direk Mario. Minabuti kong maghintay sa may bukana. Kinausap ko na lang ‘yung mga bodyguard ni Nora na maghahatid sa kanya para sa isang funeral scene shoot sa Marikina. Natutong makipaghiritan ang lady guard. Bawal daw i-approach si Nora sabay ngiti. Nagpapa-cute sa kanyang pagiging istrikto. Ang isa pang guard ay nakakwentuhan ko na rin. Matagal na raw silang kinukuha ng TV5 at madalas daw na mga artista ang kanilang binabantayan. Hintayin ko na lang daw si Nora. Natutulog lang daw.

Habang naghihintay, nakasalubong ko si Edgar. Papalabas na, papunta ring Marikina. Nagulat ako na nilapitan ako at nakipag, hmm, ano bang tawag d’un? ‘Yung parang pag-uuntugin n’yo ang mga kamao habang nakatikom ito? Natuwa ako sa idea. Ibig sabihin, nakilala n’ya ako. Nakita ko ring lumabas si Nadine Samonte na may yakap na unan. Iisang van yata ang nagdala sa kanila sa Marikina. Dumaan din si Lilia Cuntapay sa harapan ko. Inaalalayan s’ya ng isang babae na kasa-kasama n’ya. Hinalikan ako ni Miss Lilia. Nakipagpalitan din ng number. Kunin ko raw s’ya kung meron akong proyekto. Napalunok ako at ginudlak na lang s’ya sa kanyang ‘Six Degrees” film. Bakit daw alam ko? Sabi ko, pinapag-usapan na ho sa internet. Napaka-surreal lang n’ung pagkakataon na ‘yun. Hindi ko talaga pinalampas na hindi makapagpa-picture.



Nang lumabas si Nora mula sa pinto na nakaitim at handang handa na sa shoot sa Marikina, parang tumigil sandali ang mundo. Hindi ko alam kung anong uunahin ko, ang magpa-picture ba o magpa-autograph. Kung anong nakita mong pagka-blush n’ya sa TV, gan’un din sa personal. Parang hindi na s’ya nasanay na merong lalapit at magpapaka-fan. Hindi ko na matandaan kung anong mga sinabi ko pero sure ako na nakapagsalita naman ako at sure ako na sumagot s’ya. For the books ang experience na ‘to. Parang matagal na palang pumapatak ang ulan n’yan pero hindi ko napapansin.

Ginugol ko ‘yung mga huling sandali sa pakikipagkwentuhan kay direk Mario. Nagkalakas na rin ako ng loob na istorbohin ‘yung taga-art department. Sa kanya ko nalaman na kapag nagpapalipas daw ng oras sa set si direk, lumalabas daw ito, nagkakape at naglalakad-lakad. Dahil nga may mga baon akong tanong n’un mula kay Noel Vera, ginamit ko itong susi para makapag-set up ng conversation para kay direk. Nasabi na lang n’ya, “Hay, naku, si Noel!”. Medyo nahihiya rin naman ako s’yempre. Alam kong matalino ang kausap ko at alam kong binabasa n’ya ako habang tinatahi ang mga tanong at follow-up question. Mukhang na-pull off ko naman. Wala namang sandaling nanlambot, lahat matikas ang palitan ng tanong at sagot. Hindi ko na matandaan lahat pero ang mga nagmarkang sagot ay ‘yung tungkol sa pagkakaroon ng political drama sa primetime, ‘yung role ni Nora na hindi lang basta kawawa o katulong at ang susunod nitong proyekto na indie film tungkol sa isang sarswela actress na nagtatanghal sa mga palabas sa plaza. Hindi ko rin makakalimutan ‘yung sinabing tatalikuran na ni direk ang pag-arte sa entablado. Hindi na raw kasi s’ya nakaka-memorize nang todo. Hindi ko lang daw alam, kung saan-saan na raw nakakakabit ang mga script bilang kodigo. Nariyang nasa damit ng kawal at nariyang nasa sahig. In fairness sa kanya, hindi ko ito nahalata sa ilang pagtatanghal na napanood ko. Ang American Hwangap na raw ang kanyang huling dula (na napalampas ko dahil wala ako sa Pinas n’ung ipinalabas). In-offer daw sa kanya ang Haring Lear ng PETA pero tinanggihan na raw n’ya.

Umuulan pa rin nang nilisan ko ang location. Kumain ako ng isang stick ng bananacue at bumalik sa aking lungga na busog na busog na busog.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...