Total Pageviews

Sunday, February 12, 2012

Apatan


4C3
Produksyon: Philippine Stagers Foundation (PSF)
Direksyon: Vince Tañada
Mga Mandudula: Jomar Bautista (Kari-Bal), Patrick Libao (Lahug), Glory Ann Nacional (True/Wagas) at Alex Dorola Yasuda (O.L.A.H.)
Mga Nagsiganap: PSF ensemble

ISTORYA

Kamukha ng mga nauna sa seryeng ito, binuo ang staging ng apat na maiikling dula. Ang “Kari-Bal” ay tungkol sa mga tsikiting na sina Kari at Bal na madalas magkulitan at mag-away. Sila ay sinubukang pagbatiin ng kanilang ama na isang single dad (o biyudo, hindi ko na matandaan). Ang “Lahug” naman ay isang horror story tungkol sa struggle ng isang aswang na gusto nang magbagong-buhay. Tinalakay naman ng “True/Wagas” ang konsepto ng magpakailanman sa dalawang ligaw na mangingibig. Bilang panghuli, ang “O.L.A.H.” ay isang makulay na alitan ng tatlong magkakapatid na bading (Olgah, Lykah at Asiah Hasang-Hasang) na pawang mga cultural performer sa Japan.

HATI

Kung sa pag-arte lang, ambitious ang “Kari-Bal”. Competent naman ang tatlong protagonist dito (Regie Caranyagan, Jerie Sanchez at JP Lopez). Nakakaaliw ‘yung dalawang batang nagpapakabibo sa harap ng kanilang ama (kung ilang taon na ba sila, hindi ko alam). Ang concern ko ay ‘yung paggamit ng sekswalidad ng ama bilang isang peacemaker. Hindi ko alam kung ano ang take dito ng isang batang manonood. Baka isipin nila na ang pag-come out o ang paglabas sa closet ay isang bagay na dapat kaawaan o isang bagay ng pagdadalamhati. Dahil kasi rito, tumahimik ang dalawang bata, niyakap ang ama at nag-iyakan. Maaari namang ang take ay isang agony ang pagtatago at parusa para sa ama ang makukulit na mga bata samantalang ang pag-out ay isang bagay na mapagparaya (mula sa katigasan ng ulo nina Kari at Bal). Hindi lang siguro ito masyadong natumbok ng dula. O, baka merong sikolohikal na statement na nakatago, hindi ko lang agad nakuha.

Kung nagustuhan ko ang horror play n’ung “4C2”, ito naman para sa akin ang weakest para sa “4C3”. Unang una, mas pampelikula ang materyal tungkol sa isang aswang na nais magbagong-buhay. Ang ilagay ito sa isang dula, at sa one-act pa, masyado itong challenging at minsan ay limiting. Maliban d’un sa pagdating ng asawang mortal na isang buntis, na para sa akin ay nagmukhang pinilit (malapit nang manganak pero sumunod pa nang patago sa asawa na umuwi sa probinsya), ayos naman ang plot n’ya. Hindi ko lang talaga ito nakitang pandula. Ang mas malaking chunk, at base sa napanood ko na nagmukhang pinakaimportanteng bahagi ng dula, ay ginugol na sa pananakot sa audience (habulan sa pagitan ng batang aswang at ng kanyang ama). Maganda naman ang execution nito kung ang tili ng mga manonood ang gagawing metro. Ang sa akin lang, mas epektibo ang isang dulang pang-entablado kung hindi idinadaan sa mga ganitong short cut.

Napaka-traditional naman ng execution ng “True/Wagas”. Ganito ‘yung ilang one-act play na nabasa ko n’ung nasa high school ako. Simple, focused at pangdalawahan lang. Gustung gusto ko ang pagka-restrained nito, isang indikasyon na coherent ito sa mga iniisip at nararamdaman ng dalawang karakter na bagama’t pinaglumaan na ng panahon ay nananatiling wagas sa pag-ibig. Medyo may pagka-manipulative ‘yung pagkakaroon ng twist sa dulo, at tingin ko ay gan’un pa rin ang impact sa akin kahit wala ito o kahit sinabi na agad sa umpisa pa lang, pero na-pull off naman. Mahusay ang dalawang lead dito (Vince Tañada at Glory Ann Nacional). Commendable din ang paggamit ng Ilocano language dahil nakadagdag ito ng ilang misteryo o strangeness sa isang bagay na pamilyar na tayo katulad ng pagmamahal na walang kondisyon at walang kamatayan. Ito na siguro ang pinakapaborito kong dula sa dalawang 4C na napanood ko.

At first glance, tila isang workshop exercise para kina Kierwin Larena, Jordan Ladra at Kevin Posadas ang kanilang gay role sa huling dula. Ang requirement ko lang, bago ito mapanood, ay hindi sana matabunan ng “exercise” na ito ang substance ng materyal. Hindi masyadong kwela ang tarayan ng tatlong magkakapatid pero naaliw ako sa content ng mga linya nila na sumundot nang konti sa kalagayan ng Pilipinas. Pwede itong mapagkamaliang iskrip ni Jose Javier Reyes para sa “Abangan ang Susunod na Kabanata”. Nakadagdag din ng charm na ang set para sa dulang ito ay merong tatlong malalaking salamin bilang trono ng tatlong bida sa backstage sa isang bar sa Japan. Habang nakaharap ang mga aktor sa audience, tila ang kanilang mga linya ay direktang pananalamin sa estado ng bansa, isang suhestiyon ng pagsipat sa loob mula sa labas.

KONKLUSYON

Hindi pa rin ako sobrang solb sa 4C na ito pero mas superior at edgy ito sa akin kumpara sa una kong napanood. Sa katunayan, sobrang natangay ako ng “True/Wagas” at ang “O.L.A.H.” ay nakapagbukas naman ng ‘sandosenang surpresa. Pakiramdam ko, mas at ease ang PSF sa malalaki at mas challenging na produksyon kamukha ng kanilang musical (kabilang ang paparating na “Joe, the Musical” sa July). Gan’un pa man, isa itong breather at isang pandayan ng versatility dahil nahahasa ang mga Stagers hindi lang sa pagganap kundi pati na rin sa pagsusulat ng dula.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...