Sunday, February 05, 2012

Ilang Latak Mula sa MMFF 2011


Kinuha ang larawan mula sa blog na ito.

Wala lang mapagsidlan nitong ilang random thought mula sa Metro Manila Film Festival n’ung December. Pasintabi:

1. Mabuti’t naigapang nila ‘yung New Wave series ng mga indie films para sa ikalawang pagkakataon. This time around, meron na silang short films mula sa mga estudyante na tingin ko ay pinakamagandang ideya na pumasok sa isipan ng MMDA. Mas organized na ngayon. Meron na kasing nagi-spearhead, si Mark Meily. Open na sa public ang mga screening at meron pang ikalawa o ikatlong schedule. ‘Yun nga lang, gan’un pa rin. Hindi pa rin s’ya kasabay ng ibang naglalakihang pelikula. May discrimination pa rin sa indie. Mas masaya sana kung properly introduced ito sa publiko upang mas mabigyan sila ng healthy options;

2. Ang mahal na ng ticket para sa regular na MMFF! Kung hindi ako nagkakamali, sa Power Plant, umabot ng P210. For sure, mas malaki ang kinita nila ngayon;

3. Pinaalala sa akin ng “Segunda Mano” ni Bb. Joyce Bernal ang ilang massacre films ni Kris Aquino. ‘Yung mga huling eksena rito ay isang pagbabalik-tanaw sa nausong genre n’ung 90’s sa Pinoy cinema at wala nang ibang mas kukwela pa dahil ang reyna mismo sa ganitong mga bentahe ang bumida. Effort naman nang todo si Dingdong Dantes pero ang pinakaagaw-eksena ay walang iba kung hindi si Bangs Garcia;

4. Sa mga short films na nilikha ng mga estudyante para sa New Wave, pinakapaborito ko ang “Biyahe ni Barbie” ng College of St. Benilde School of Digital Arts. Bagama’t may pagka-artsy pa rin ‘yung ilang sequence, nakuha ko naman ang mahabang paglalakbay ng isang babaeng iniwan at natagpuan. Konting improvement pa at pwedeng pwede nang isabak sa feature length ang mga batang ito;

5. Nakakabuwisit panoorin ang “Panday 2”, kung hindi man nakakabuwisit talaga ang pelikula mismo. Ginastusan nga pero ito ang isang halimbawa ng proyektong nasayang ang pagkakagamit ng pondo. Noong una’y pinaasa tayo na tungkol ito sa pagsasadiyos ni Flavio sa kanyang espada pero ang mga sumunod na yugto ay tungkol pa rin sa mga usual suspects: partisipasyon ng superstar na si Marian Rivera, mga sahog na eksena para sa kilitiin ang mga bata, cameo ni Rhian Ramos at ang nakakalunod na CGI na hindi naman orig. Tawa nang tawa ang katabi ko sa sinehan sa mga eksena ni Rustica Carpio samantalang halos nahulog naman ako sa upuan nang ipakita na ang bagong rebond na si Lorna Tolentino na gumanap na witch;

6. Hindi raw maintindihan ni Yam Laranas kung bakit 4/5 stars ang “Shake, Rattle and Roll 13” sa clickthecity.com (samantalang ang kanyang “The Road” ay 3.5/5 lamang). Hmmm…;

7. Wala pa ring pinuntahan ang tambalan nina Enteng at Ina sa “Enteng ng Ina Mo” na isang allegedly dream project ng dalawang franchise. Pero kahit naman wala s’yang pinuntahan, alam naman ng mga gumawa nito na wala s’ya talagang pupuntahan. Kahit papaano, natawa ako r’un sa isang spoof kay April Boy Regino ng babaeng katulong;

8. Mukhang maganda naman sa script ang “Yesterday, Today, Tomorrow” ni Jun Lana na tumalakay sa tagni-tagning melodrama ng mga buhay ng magkakapatid na nagpapatakbo ng isang TV network. May audience ang ganitong iyakan at kahit papaano, meron itong mapapaiyak. Maliban siguro r’un sa isang eksena ni Jericho Rosales matapos matagpuang namatay ang anak na sanggol. Sisigaw s’ya, “Aaaah!”. Titingin sa kanan, “Aaaah!”. Titingin sa kaliwa, “Aaaah!”. Poorly directed. Nagtawanan tuloy ang mga tao;

9. Best Float ang “Panday 2” na ginawa ng production designer na walang iba kung hindi si Richard Somes. Noong pinalabas sa TV (sa hindi ko matandaang channel), merong ilang documentary style na interview sa mga gumawa ng karosa (Somes included) at pinaliwanag nila ang inspirasyon sa kanilang obra. Ito, para sa akin, ang isa sa mga shining moment ng festival;

10. Kasali ang pinsan kong artista na si Veyda sa pelikulang “Segunda Mano”. S’ya ‘yung batang Angelica Panganiban. Nilunod s’ya sa isang eksena. Proud cousin ako;

11. Sa mga feature length na kasali sa New Wave, two out of five lang ang stand-out sa akin. Nakakadenggoy ‘yung mga press release na world class daw ang mga kasali rito. Pero nice try;

12. Napanood ko ang “Shake, Rattle and Roll 13” n’ung premiere. Na-score ko ‘yung ticket sa pang-eepal sa Twitter kay Jerrold Tarog. Unang verdict: wala akong nakitang weak sa mga kasali kung hindi man lahat sila strong. Isa itong treat kumpara sa mga recent na franchise. Minsan merong dalawang bulok at may isang stand-out. Dito, walang gan’un. Lahat sila palaban. Since production design ang forte ni Richard Somes, angat ito sa episode na “Tamawo”. OK naman sa akin as a whole. Ayoko lang n’ung babad na melodrama sa dulo. “Parola” ni Jerrold Tarog ang pinaka-edge of your seat sa tatlo. Ito ang pinaka-up for the challenge para sa serye. Meron ding teaser kung ano ang magiging output kapag gumawa si Jerrold ng period movie. Ang ganda n’ung back story sa black and white. Ang ikatlo naman, ang “Rain, Rain, Go Away” ni Chris Martinez ang pinaka-relax sa pagkukwento. Merong charm ang bagal nito. Ang pinakagusto ko sa SRR na ito, na balitang pinakahuli na, merong maliliit na tribute sa pinakauna sa series. Ang mga Tamawo ay very Peque Gallaga. ‘Yung flashback ng “Parola” ay parang ‘yung flashback sa “Spirit of the Glass”. May eksena sa episode ni Chris Martinez na naghuhugas ng repolyo si Eugene Domingo na isang paalala ng “Pridyider” episode kasama si Charito Solis;

13. Mahusay si JM de Guzman sa “Pintakasi” ni Lee Meily. His best work so far as a film actor. Mataba pa s’ya rito, patunay lang na matagal bago natapos ang pelikula. Ang balita, tumutok daw kasi sa animation ng pelikula at sulit ang paghihintay. Ang taas ng pangarap ng pelikula. Maganda ang animation. At na-pull off ang vision. Well acted din ng isang grupo ng mga young actor na hanggang ngayon ay magkakaibigan pa rin;

14. Gusto ko rin ang “Haruo” ni Adolf Alix. Isa itong pagpapatuloy ng mga “quiet films” n’ya at isa itong magandang promise. ‘Yung attempt ng action sequence sa dulo ay tasteful naman. Naalala ko ang “Ghost Dog” ni Jim Jarmusch. Nakaka-off lang ‘yung isang eksena na biglang sumulpot sa finale scene ang isang character. Para sa akin, illogical na hindi ito na-realize ng protagonist. Gumuho ang pagkagusto ko sa buong pelikula pero mahusay pa rin naman. Jackie Woo is also a good actor. Mas talentado pa s’ya sa ilang action star natin ngayon;

15. Sumikat ang dalawang walang alam na blogger, sina Tilda at Benign0, na walang patumanggang binira ang MMFF at Pinoy cinema in general kahit wala pang napapanood na kahit isang entry sa festival. Poor kids. They need some spanking;

16. Sa totoo lang, maraming promising sa mga shorts mula sa mga estudyante. ‘Yung pinaka-polished na “Oras” mula sa International Academy of Film and Television sa Cebu, bagama’t napaka-ambitious story-wise para sa isang short film ay parang gawa na ng bihasang filmmaker. Magaling din ‘yung aktor sa “Payaso” at ang pagkakagawa nito pero sana wala na lang twist. Gusto ko rin ang kasimplehan ng “I See Everything” mula Southville International School at ang pagka-personal ng “Speechless” ng Miriam College;

17. Good sa akin ang “My Househusband”. Kaya lang, parang nagawa na ito lahat. Wit, execution, acting. May isa palang bago: Eugene Domingo’s best performance for 2011;

18. Wala akong napulot sa “HIV” (Si Heidi, Si Ivy at si V) ni Neal Tan. Si Wanggo Gallaga pa naman ang sumulat. Sana gumawa na lang talaga ng totoong documentary. Kailangan ni Jake Cuenca ng magpapayo na may mali sa kanyang version ng pag-arte. Ang “Ritwal” naman ni Yeng Grande ay mukhang naligaw rin. Natuwa lang ako na kahit papano, si Maria Isabel Lopez naman ang nangatay rito. Ang pinaka-promising sa bottom three ay ‘yung “Dyagwar” ni Sid Pascua. Maganda sana ‘yung bagot factor n’ung dalawang sekyu na nagpapalitan ng relyebo kaya lang kinapos sa discipline. ‘Yung breakdown scene halimbawa ni Marissa Sanchez, mukhang naaliw ang direktor at bumabad talaga. Pati ‘yung outwitting ng bading at ni Boom Labrusca, mukhang mataas ang investment. Sayang, it could have been a good film;

19. Pero hindi naman latak talaga lahat. Ang “Manila Kingpin: The Untold Story of Asiong Salonga” ang pinakaguwapo sa lahat ng entry ngayong taon. Isa itong tribute sa mga action films natin na matagal na nawala pero hindi ito ginawa sa dating hulma. Matinik ang cinematography, exciting ang mga fight scenes at focused ang pagkakagawa. Maging si ER Ejercito na hindi ko naa-appreciate dati ay mahusay rito. Ang tendency na may pagka-OA ni Phillip Salvador ay hindi rin nakita rito pero ang pinaka-stand out talaga ay si John Regala sa isang role na pinakapamilyar na sa kanya pero epektibo pa rin. Gusto ko ang kawalan ng drama at hindi ito nagsermon tungkol sa pagiging mabuti o masamang tao; at

20. Sobrang satisfying na hindi blockbuster ang nanalong Best Picture ngayong taong ito. Sana lang ay maipalabas na ang version ni Tikoy Aguiluz.

No comments:

Post a Comment