Saturday, February 04, 2012

Ilang Mumunting Alon

The Little Mermaid
Produksyon: Atlantis Productions
Direksyon: Bobby Garcia at Chari Arespacochaga
Libretto: Doug Wright (halaw mula sa fairy tale ni Hans Christian Andersen at pelikula ng Disney)
Musika: Alan Menken
Mga Nagsiganap: Rachel Ann Go, Erik Santos, Calvin Millado, Jinky Llamanzares, atbp.

ISTORYA

Ang structure ng plot ay kamukha rin ng film version ng Disney. Isang sirena (Ariel) ang sumuway sa kanyang amang si King Triton (Calvin Millado) upang ipagpalit ang kanyang boses sa dalawang pares ng paa sa tulong ni Ursula (Jinky Llamanzares). Ginawa n'ya ito upang sundin ang dahilan ng pagtibok ng kanyang puso, si Prince Eric (Erik Santos). Manunumbalik ang lahat sa pamamagitan ng isang halik sa itinakdang panahon.

ILANG PERLAS

Of late, hindi ako masyadong nafa-fascinate sa mga produksyong pambata na hinalaw mula sa isang Broadway show. Ewan ko. Parang merong tinik sa lalamunan ang mga ganitong palabas na ang mas malaking isla ng target na market ay mga elitistang batang nag-aaral sa mga exclusive school. Pakiramdam ko lang, mas risky sana tayong gumawa ng dulang pambata na tumutumbok sa araling makabayan at makasining, kung hindi man isang pagbibihasa sa kamalayan ng Filipino language.

Sa kabilang dako, kahit hindi ako sold sa konsepto ng proyekto, masasabi ko namang may ilang narating ang ambisyosong pagtatanghal na ito na unang sumikat sa film version ng Disney. Nand’un pa rin ang ilang pamosong kanta at nadagdagan pa. Gusto ko rin ‘yung pagkaka-eye candy ng mga set ni Lex Marcos dito. Disney na Disney. Kumbaga, up for the challenge, dahil ito na siguro ang pinaka-sell out na design n’ya, at nakapasa naman. Kaaya-aya ang mga kulay at parang nasa theme park ang mood nito.

Sa expectation mula sa film adaptation ng materyal, naka-deliver din naman. Nag-uumapaw sa sensibilidad ang mga malalaking eksena kamukha ng “Under the Sea” at “Kiss the Girl” (na magkahalong magical at romantic). Medyo off minsan at nakakabawas ng momentum ang shadow play pero karagdagang aliw na rin kahit papaano. Kahit ang mga costume ng designer na si Eric Pineda ay hindi nakalunod sa kung sinumang character o kung anumang eksena.

Hands down, para kay Rachel Ann Go talaga ang role ni Ariel. Maganda ang quality ng kanyang boses at kapani-paniwala na sa boses n’ya naakit ang kanyang prinsipe. Nakatulong din ang kanyang take sa pagiging fragile at inosente. Problema ko si Erik Santos dito. Mahusay naman ang kanyang pagkakakanta, mataas ang vocal range as expected, pero halatang nangangapa sa character singing lalo na kung may mga kaeksena. Strong ang support nina Calvin Millado at Jinky Llamanzares (at sa ibang pagkakataon, ni OJ Mariano bilang Sebastian).

KONKLUSYON

Curious ako kung ano ang take ng mga batang audience sa dula (naisama ko sana ang mga pamangkin ko kung hindi sila agad umalis ng bansa). Sa kabila ng spectable ng set, costume at mga kanta, makuha pa rin sana nila ang lesson tungkol sa mga dagat na dapat languyin upang maipaglaban lang ang sariling boses. Kung tutuusin, hindi naman talaga love story lang ang dula. Hindi ito isang paligsahan lang ng mabuti at mali. Ang alon na nilikha nito ay isang suhestiyon sa mga bata o sa mga magulang tungkol sa kabutihan ng puso, sa pagtibok nito na ipaglaban ang anumang ninanais at pagtantiya kung kelan ito hindi dapat pinapakinggan.

No comments:

Post a Comment