R.I.P.
Produksyon: ENTerteynment Para sa TAo, Bayan, LAnsangan at DiyOs (ENTABLADO)
Direksyon: Alvin Yapan
Mandudula: Alvin Yapan (mula sa orihinal na teksto ni Severino Reyes at ilang paningit na eksena mula sa “La India Elegante” ni El Negrito Amante” ni Francisco Balagtas Balthazar)
Mga Nagsiganap: ENTABLADO ensemble
ISTORYA
Isang grupo ng mga performer ng isang komedya sa pangunguna ng direktor na si Colas (Kalil Almonte) ang nag-eensayo, nagmumuni at nagdidiskusyon ng mga bagay-bagay tungkol sa pagtatanghal, pag-ibig at sa paparating na era ng sarswela. Pasulpot-sulpot sa pagitan ang pag-iibigan nina Toming (Tyrone Casumpang) at Menangge/Uban (Mark Legaspi). Ang huling akto ay isang contemporary reimagining ng mga nilatag na usapin mula sa unang akto.
PERSONAL
Maraming pwedeng masabi sa dula. Maraming pwedeng magustuhan dito. Una, isang welcoming treat ang mabigyang-buhay sa stage ang ilang dula nina Severino Reyes at Francisco Balthazar. Napaka-rare ng pagkakataon sa lifetime na ito at sa kalakaran ng teatro sa Pinas ang pondohan ang mga ganitong malapit nang mapabilang sa endangered species. Baka nga sa sobrang rare ay halos hindi na natin makuha ang orihinal na hugis nito. Baka meron nang nawala sa paglipas ng panahon.
Ikalawa, may sundot ang aktibong sigaw nito tungkol sa mga bagay na nawawala, ang end of era, ang dulo, ang katapusan ng sining. Ang dalamhati ng direktor sa pagdating ng sarswela, isang uri ng pagtatanghal na mas mabenta sa manonood, ay isang agam-agam na pamilyar sa ating lahat kahit wala sa industriya ng sining. Mga relasyong natatapos, mga mahal sa buhay na pumapanaw, mga end of contract na trabaho, mga kaibigang nangingibang bansa at marami pang ibang pagtatapos na nangangapa sa lungkot. Bagama’t universal ang ganitong tema, may komentaryo rin ito sa local scene, partikular sa pagkitil ng Pinoy teleserye sa cinema. Ini-highlight ito ng kaisipang kahit na ang pelikulang may hubaran na madalas bumebenta sa manonood ay may hangganan din at kaya ring lamunin ng telebisyon.
At ikatlo, napakapersonal ng dula para sa direktor. Or at least, nagmukhang ganito. Hindi ko pa masyadong makuha ang direktang koneksyon ng pagsingit ng mga tauhang sina Menangge/Uban at Toming sa kabuuang statement ng dula pero mukhang may gustong sabihin ang direktor sa pag-ibig at identity. Ang ikatlong akto, na wala na sa realm ng mga literal na teksto ng mga akda nina Reyes ay Balthazar, ay isang matibay na pagpapalawig sa gustong sundutin ng orihinal na may akda. Bilang isang filmmaker din si Alvin Yapan, kitang kita ang kanyang vision at pangamba sa pagmartsa ng buong crew sa isang libingan.
Sa kabilang banda, hindi gan’un kaperpekto ang dula. Baka birthing pains ito para sa isang first time stage play director. Ang wire na nagdudugtong sa video camera at projector, halimbawa, ay hindi gumana. Nabawasan ng konting indayog nang walang lumabas na imahe sa malaking screen pero nakuha ko naman ang pag-simulate sa cinema na hinihingi ng akto. Ang ilang blocking din sa karamihan ng ensemble scene ay medyo sabog. Bumawi na lang sa kahusayan ng cast. Sigurado akong ang mga estudyanteng kasali rito ang susunod na huhubog sa Pinoy theater scene. Tingin ko, pwede nang isabak si Kalil Almonte sa naglalakihang produksyon. Naaliw naman ako sa timing at mga kalkuladong pagkembot ni Jai Jalasco bilang Ichay, gan’un din sa mga gumanap ng Menangge/Uban at Toming. At ang costume na ginamit dito (credited kina Erine David at Yel Devela at sa kanilang deputy na sina Stacey Militante at Therese Tuason), sobrang commendable. Bigyan na ng trabaho ang mga batang ito!
KONKLUSYON
Litaw pa rin ang paggapang ng pagtatanghal pero natabunan naman ito ng malaking komentaryo ng dula tungkol sa kamatayan ng komedya, pelikula o ng sining sa kabuuhan. Paano nga kung tuluyan itong mawala dahil sa taas ng epekto ng konsumerismo? Ano’ng pwedeng pumalit? Ang panonood ng “R.I.P.” ay tila isang pagsilip sa isang kapalaran ng pagkawala, isang suhestiyon ng paggunaw ng mundo kung didiligan at palalaguin. Hindi pa man ito nahahaplos nang ganap, darating ang araw na ang artista, manlilikha o maging ang mga manonood ay dadalo sa isang burol.
No comments:
Post a Comment