Sunday, June 17, 2012

Ang Broadway Bible

Forbidden Broadway
Produksyon: Upstart Production
Direksyon: Joel Trinidad
Mandudula: Gerard Alessandrini
Mga Nagsiganap: Liesl Batucan, Caisa Borromeo, OJ Mariano at Lorenz Martinez

Upang makalampas at makarating sa dulo nang maayos ang isang spoof, kinakailangan nitong usisain nang may matalas na conviction ang kanyang subject. Kung hindi, para saan pa ang isang humor kung hindi nito matatalupan nang ganap ang kanyang musa na nais pukulin ng kritisismo. Sa maikling salita, ang spoof ay pinaghalong komentaryo at papuri.

Sa kaso ng “Forbidden Broadway” ng Upstart Productions, maraming himpilan ang narating nito. Una, ang materyal mismo ay may sariling buhay. Makakatayo ito sa sariling paa kung spoof lang ang pag-uusapan. Ang isang mandudulang kamukha ni Gerard Alessandrini, isang insider sa Broadway, ay may eksakto, kung hindi man nag-uumapaw, na credentials upang makapaglatag ng angkop na parodiya. Sinisiguro ko na ang playlist sa Greatest Hits na basahen ng itinanghal ng Upstart ay kayang maglabas-pasok sa mga lungga ng maliliit na venue kamukha ng bar o campus auditorium nang walang bahid ng pangungunsensya, isang bagay na limitado para sa totoong Broadway production.

Ikalawa, at tingin ko ay isang mahalagang aspeto, ay ang pagkaka-devise ni Joel Trinidad sa dula. Bagama’t meaty ang repertoire mismo at kahit hindi plot oriented, naisikaturapan ng direktor ang isang sariwang approach upang lumitaw ang dynamics ng pagpapalit-palit na karakter mula sa apat na performer. Ang huli kong nakita sa ganitong anyo ay ang “The Mystery of Irma Vep” (dalawang aktor para sa paulit-ulit at pabalik-balik na walong karakter) ng Repertory Philippines n’ung ito ay nasa sa William J. Shaw Theater pa lang sa Shangri-la Mall. Ang isang maling hakbang, halimbawa, ay kayang dumurog sa kabuuan.

Ikatlo, malinaw ang pagkakalapat ng ‘sangkaterbang karakter sa apat na aktor nito. Walang paraan upang matunton ang hangganan ng ambag ng direktor at ambag ng mga performer. Sabihin na lang natin na isa itong collective effort upang mabigyan ng anyo at karampatang layer sina Liza Minnelli, Rita Moreno, Barbara Streisand o maging ang mga iconic na awit mismo mula sa Les Mieserables, Wicked, Annie, Phantom of the Opera at iba pa na tila may sarili ring persona at pagmamay-ari.

Ikaapat, si Liesl Batucan. Wala na yatang hindi kayang gawin ang musical artist na ito na tila minamani na lamang ang bawat hamon ng pagtatanghal. Importante para sa akin na kinalakihan s’ya sa Repertory Philippines noong college days at hanggang ngayon ay namamalas pa rin ang presensya sa ilang lokal na produksyon. Kung tutuusin, may sarili na dapat pedestal si Bb. Batucan (kamukha ng kanyang underrated na pagganap sa “Emir” at iba pang pagsasanay sa labas ng entablado) pero nanatili itong abot na abot (at hindi ako magrereklamo). Gusto ko lang gawing selyado ang experience ng panonood ng “Forbidden Broadway” sa isang pagsusumamo na sana’y manganak pa s’ya ng mas maraming karakter at proyekto.

Ang dulo ng produksyon sa spoof na ito ay hindi naman masyadong demanding mula sa mga manonood. May ilan pa ring number dito na hindi ako familiar at siguradong may ilan na nangangapa sa dilim upang hagilapin ang wit pero nag-enjoy ako sa bawat assault. Bonus na lang na ang ilang tunes ay pamilyar para sa Broadway Bible na ito. Tingin ko, aware naman ang producer na hindi lahat ng nagtangkang manood ay makukuha ang bawat punchline kung kaya’t sinahugan nila ng cameo mula sa piling local artist ang pagtatanghal (sa napanood ko, si Rachel Alejandro para sa “On My Phone”). Sa price range na P600 hanggang P1,100, para sa akin, sulit na ang ilang piraso ng kamuwangan sa Broadway na napulot ko.

No comments:

Post a Comment