Wednesday, June 06, 2012

Paalam, Edgardo M. Reyes


Sa Cinephiles, isang Facebook group, ko unang nasagap ang balita na namayapa na ang manunulat na si Edgardo M. Reyes noong May 15. Sa unang hinagap, ang kanyang nobela na “Sa Mga Kuko ng Liwanag” ang mabilis na maaalala at malamang sa hindi, iisipin nating naghuhuntahan na sila ni Lino Brocka ngayon.

Ang pinakaunang pagkakataon na naapuhap ko ang akda n’ya ay noong nasa highschool ako. Kabilang sa pampublikong textbook sa Filipino ng unang batch ng SEPD, isang curriculum ng DECS, ang kanyang short story na “Lugmok na ang Nayon”. Hindi ko na matandaan ang detalye nito pero klaro pa sa akin na tungkol ito sa deconstruction ng isang maliit na representasyon ng Pilipinas, kung paano ito gumuho mula sa isang kristal na pedestal patungo sa bumubulusok na pagkalimot. Nasa ganitong estado rin siguro ng pagkalugmok ang nayon na pinaggalingan nina Julio Madiaga at Ligaya Paraiso bago harapin ang Maynila sa mga kuko ng liwanag.

Dito na ako na-introduce sa iba pang obra ni G. Reyes. Kung hindi ako nagkakamali, nakabili ako noon ng isang koleksyon ng kanyang short story kabilang ang “Lugmok…”. Isa sa mga short story roon ay nagbigay-pugay sa isang karakter mula sa Lopez, Quezon, na aking kinalakihan at kinahubugan ng kamalayan. May isa pang koleksyon ng mga love story naman na “Rosas” ang pamagat, na nabili ko rin at kasalukuyang nakatago sa baul. Ang kanyang erotic novel na “Sa Iyong Paanan” ay may pagkakahawig ang ritmo sa kanyang isa pang pamosong akda na “Laro sa Baga” (na isinapelikula naman ni Chito Roño noong dekada ‘90). Mas tumuon lang ang huli sa komentaryo ng aspetong sikolohikal ng machismo. Sa katunayan, meron kaming kabarkada noong highschool na tinatawag naming Ding dahil kamukha ng lead character, mahilig din itong maglaro ng kung anu-anong baga.

Noong January 29, 2000, nagkaroon ako ng pagkakataon na makaharap ng personal si G. Reyes. Nasa kasagsagan ng promotion noon para sa film adaptation ng “Laro sa Baga”. Isa sa mga gimik ng Regal ay book signing ng bagong edition ng nobela na may kasamang ilang larawan mula sa pelikula. Sa harap ng National Book Store ito sa Megamall ginanap. Kung tama pa ang alaala ko, isang mahabang table ang nakahanay sa ilalim ng escalator kung saan nakaupo sina Ara Mina at Carlos Morales, mga bida sa pelikula, at si G. Reyes. Walang masyadong tao noon. Mabilis pinirmahan ng mga artista ang sipi ko ng nobela. Sa harap ni G. Reyes, nagkalakas naman ako ng loob na pahabain panandali ang pagkakataon upang makipagkuwentuhan. Mababa ang boses ng aking kausap, kung hindi man isa itong ganap na larawan ng pagpapakumbaba. Ipinaalala ko ang kanyang kaibigan mula sa Lopez, Quezon, at nailarawan naman n’ya ito nang punung puno ng buhay.

Dahil sa pangkaraniwang siste sa mga book signing, marami pa akong hindi nasabi. O, baka merong oras pero hindi na ako nagkalakas ng loob katulad noong sinabi ko kay Rene Villanueva na laking Batibot ako o kay Nonon Padilla na utang ko sa kanya ang appreciation ko sa teatro. Gusto ko sanang sabihin na malaking bahagi ng libog at hubog ng aking pananagalog ay hiniram ko mula kay G. Reyes. Kung nasaan man s’ya, gusto kong iparating ang pasasalamat para sa maraming nabuong Maynila sa aking paglalakbay mula sa kalugmukan ng kanyang nayon.

P.S. May ilang aklat si G. Reyes sa National Library sa may Luneta. Merong giya rito para sa card catalog.

No comments:

Post a Comment