Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Friday, August 31, 2012
Ilang Pretensyosong Pananaw Tungkol sa Ilang Pretensyosong Argumento at Pretensyosong Reaksyon na Nakalap Nito
Pagbigyan n’yo na ang pagsawsaw ko sa high pitch na usapin tungkol sa OPM at kung ded na nga ba ito o humihinga pa. May kinalaman ito sa ilang article na na-publish sa dyaryo o maging sa internet na sa awa ni Batman ay huwag na nating ilagay rito para lang masabi na factual at impartial. Para sa isang katulad ko na at some point ay na-appreciate ang “Crush na Crush” ni Isabel Granada o ang isang song ni Roeder na hindi ko na maalala ang pamagat, heto ang aking masasabi:
1. Wala akong masyadong na-digest na sustansya sa unang article (at ang isa o dalawang sumunod dito) na bumasag sa katahimikan. Para sa akin, puwede itong pagkasyahin sa isang tweet. Wala rin akong nakitang masama sa pagsasapubliko ng opinyon pero upang maging kasing revolutionary ni Christopher Nolan (for the lack of example), kailangan ng mabigat na ammunition sa paratang na OPM is dead. Ang isang article ay naghamon pa ng demanda kahit alam nating lahat na hindi mo puwedeng i-sue ang ang isang opinyon, crappy man o sobrang crappy;
2. Ang punto ng unang article ay ang komentaryo na ang pinakamabentang music album so far ngayong 2012 ay mula sa tweenstar na si Daniel Padilla. Pinapaigting ng article na tapos na ang maliligayang araw natin na ang mga naghaharing uri sa OPM ay totoong mga OPM: Original Pilipino Music. Tingin ko, walang kasalanan si Daniel Padilla rito. In the same manner na walang kasalanan si Judy Ann Santos nang minsan ay nag-platinum ang kanyang album. Eh ‘tangina, paano pa si Vilma Santos noon na nagso-song and dance ng “Sixteen” at “My Boy Lollipop”? Namatay ba ang OPM dahil dito? Tingin ko, hindi. Walang kasalanan si Daniel Padilla (na sa panonood ko nang ilang “Princess and I” episode ay swag naman sa TV at merong ibubuga). Wala ring kasalanan ang mga nag-produce ng album at ang mga bumili nito. Showbiz ito, business. Merong demand kaya gumawa ng supply in the form of a music album. Not a noble idea at all pero hindi rin naman ito krimen. My gulay, kahit i-vacuum seal mo ang utot ni Daniel Padilla sa isang botelya, marami pa ring bibili nito. At siguradong sigurado ako, walang mahilig sa pabango ang magrereklamo na patay na ang Original Perfume Maksyet;
3. Kaya hindi ako nagbigay agad ng stand ko kung ded na nga ba o hindi ang OPM ay simple lang: wala naman talagang argumento. Of course, OPM is alive and kicking. Sobrang glaring ito. Hindi ito kamukha n’ung naparatangan din noon na Pinoy Cinema is dead. Ramdam na ramdam mo ang tibok ng OPM. Pumunta ka ng Saguijo. Pumunta ka ng 70’s Bistro. Sa local iTunes Music recently, halimbawa, nag-top ang album ni Julie Anne San Jose na merong magkahalong orig at revival. With that, parang wala sa hinagap ko na nag-flatline ang musikang Pinoy. Ibig sabihin kasi n’ung patay, hindi na humihinga at wala nang evidence of movement. Para sa akin, ni hindi ito naghihingalo;
4. Naiintindihan ko ang violent reaction dito lalo na mula sa mga musikero. It’s a healthy reaction lalo na kung aktibo ka sa panganganak ng bagong komposisyon. Sabi nga dati ng isang katoto, parang aso ‘yan na bagong panganak, bawal hawakan ang mga tuta. Pero naman, ‘wag sobrang violent to a point na sabihing “whore” ang sumulat ng article. Remember, it takes one to know one; at
5. Tingin ko, ang article ay hindi talaga isinulat upang mag-post ng debate. Well, napaka-abnoy naman na bumukal ang heated argument mula rito. Let’s read between the notes este lines. Ang basa ko, gusto lang sabihin na we should support the local music industry. That’s golden naman. I-download nang legal, bumili ng orig CDs, lumabas ng bahay at manood ng gig at concert. Pero s’yempre, hindi na hipster kung ganyan lang ang content ng article. Unang una, panawagan din ito sa gobyerno upang ma-address ang pagkapilay ng suporta nito sa OPM. Sa katunayan, naaawa ako sa organisasyon sa tuwing binabalewala sila ng gobyerno kapag meron silang protesta laban sa mga Broadway musical na lumalanding sa ating bansa. Parang langaw lang na pinapalabas sa bintana ang kanilang mga sopistikadong hinaing. Sa perspektibong ito, I swear, marami pa talagang puwedeng isulat na mas mataas ang nutritional content. Halimbawa, bakit nga ba na-disband ang Apo Hiking Society? Bakit nga ba gumawa ulit ng all-revival album si Noel Cabangon matapos nitong bumalik sa all-original pagkatapos ng unang all-revival? Bakit nga ba hindi na kinukuha si Basil Valdes para umawit ng bagong movie theme song? At ano ang motibasyon ng kumuha sa kanya para sa teleserye na “Sa Ngalan ng Ina” ng TV5? Bakit nawala ang Metropop at bakit lukewarm ang reaction ng tao sa kakatapos lang na Philippine Pop Music Festival? Paano na-conceptualize ang collaboration ng Team Manila at ni Dong Abay? Ano ang staying power ni Rico Blanco? Nasaan na si Lito Camo at ano nang ginagawa ng Aegis? Hipster din naman ang mga tanong na ‘yan. At mas subtle.
Kung tinatamad kang basahin lahat ang mga pretensyosong comment na ‘yan, ito lang ang gusto kong sabihin tungkol sa OPM: i-download nang legal, bumili ng orig CDs, lumabas ng bahay at manood ng gig at concert.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment