Ang larawan ay hinugot mula sa Broadwayworld.com
God of Carnage
Produksyon: Atlantis Productions at The Singapore Repertory Theatre
Direksyon: Bobby Garcia
Mandudula: Christopher Hampton (isinalin mula sa “Lay Waste To England for Me” ni Yasmina Reza)
Mga Nagsiganap: Lea Salonga, Adrian Pang, Menchu Lauchengco-Yulo at Art Acuña
Ang unang unang mapapansin mo sa dula ay ang malaking set piece ni Lawyn Cruz sa dingding ng living room. Kulay pula ito, moderno at fabuloso, kung hindi man nag-uumapaw dahil halos sakupin nito mula sahig hanggang kisame. Sinabi minsan ng isang katoto na ang pula ay mainam na pangdekorasyon sa bahay dahil nakakapag-initiate ito ng conversation. At ganito nga ang itinakbo ng dula. Ang away ng mga bata ay halos walang katapusang pinag-usapan, pinagdebatehan at pinagkalasingan ng dalawang mag-asawa.
Ang may-ari ng bahay na sina Michael at Veronica (Adrian Pang at Lea Salonga) ay binisita nina Alan at Anette (Art Acuña at Menchu Lauchengco-Yulo) upang pagkasunduan ang maiksing insidente ng pisikal na away ng mga anak. Lulan na rin ng pagkakaiba ng mga personality, ang unang mag-asawa ay medyo homey at artsy samantalang ang ikalawa naman ay cosmopolitan at cold, hindi sila magkasundo. Ang tinuldukan na sanang usapan ay lumayo nang lumayo.
Napanood ko ang film adaptation ni Roman Polanski pero mas na-appreciate ko lalo ang script nang mapaanood ko ito sa entablado. May kaakibat na pagkabagot at exhaustion ang dula, na tingin ko ay intensyonal, isang bagay na hindi ko naramdaman nang malayang nakakagalaw ang camera sa buong bahay at malayang nahahati ang frame para sa dalawang mag-asawa. Hanggang sa dulo ng dula, hindi natin alam kung na-settle nga ba ang issue o napagod lang talaga kakadakdak ang dalawang couple.
Pula rin ang kulay ng dugo. Nagbibigay ito ng karampatang adrenaline rush kapag ating nakikita. Hindi man tahasang nagsapakan ang dalawang mag-asawa, nagpalitan naman sila ng wit at grace o ng kawalan nito. Sa kabilang dako, baka nga mas mainam na nagsapakan na lang sila para tapos na ang mahabang boksing. Kung ang mga bata ay mabilis na na-settle ang kanilang argumento sa pamamagitan ng isang sapak, mas malala pa ang mga adult dahil hindi nila ito magawa bunsod ng pressure ng social grace at batas.
Sa apat na nagsiganap, pinakagusto ko si Adrian Pang dahil inangkin n’ya ang character sa pinaka-sitcom na paraan na kanyang nalalaman. Napanood ko sa Singapore noon ang ilang episode ng Phua Chu Kang. Bitbit n’ya sa nasabing palabas ang atake na kanyang ipinakita bilang Michael. Tingin ko, may ilang ad lib s’yang ginawa upang mapagaan ang intense na tema ng dula kahit na comedy naman talaga ito. Hindi ganito ang ginawa ni John C. Reilly sa pelikula. Nasurpresa lang ako at gusto ko ang ginawa ni Mr. Pang. Sa kaso naman ng karakter ni Veronica, tingin ko, mabigat ang hinihingi nito mula sa gaganap. Katunayan, kahit ‘yung take ni Jodie Foster sa pelikula ay hindi ko nagustuhan. Gan’un din sa ginawa ni Lea Salonga rito. Kung sumobra ang delivery ni Ms. Foster, parang na-underestimate naman ni Ms. Salonga ang pagka-praning ng karakter. Hindi ako masyadong natakot kay Art Acuña rito at eksakto naman para sa akin ang ipinakita ni Menchu Lauchengco-Yulo.
No comments:
Post a Comment