Total Pageviews

Saturday, September 29, 2012

Ang Hapdi na Dulot ng Pagsisiyasat

Ang larawan ay kinuha mula sa clickthecity.com

Joe: A Filipino Rockssical
Produksyon: Philippine Stagers Foundation
Direksyon at Libretto: Vincent Tañada
Musika: Pipo Cifra
Mga Nagsiganap: Patrick Libao, Vincent Tañada, Cindy Liper, Jordan Ladra, Kierwin Larena, Adelle Ibarrientos, Chris Lim, Gabby Bautista, Monique Azerreda, atbp.

Nabitbit ako ng dula sa unang eksena pa lang. Walang malaking number, walang overture at walang matayog na sayawan. Isang Josephine Bracken (Monique Azerreda) ang tila ligaw na kaluluwa ang umaawit ng chant mula sa kawalan. Multo ba s’ya? Hindi natin alam. Siguro s’ya ay nangungulila sa isang oblivion o sadyang hindi lang mapanatag. Para sa akin, dito pa lang, naipinta na ng rockssical (pinagsamang rock at classical, na akala ko n’ung una ay rock at musical na dalawa ang “s”) ang hinihinging pagsisiyasat mula sa mga manonood.

At hindi ito banayad na pagsisiyasat. Complex ang mga punto na inilatag ng dula at ang ilan dito ay kailanman hindi na yata sasayad sa mga kanto ng silid-aralan. Ang unang bahagi ay naganap sa isang elementary school na nakapangalan sa ating National Hero (Rizal Integrated School). Upang mas maliwanag ang argumento, binigyan ng isang proyekto ang mga bata upang magtanghal ng dula ayon sa buhay ni Jose Rizal mismo. Dito natin nakilala ang mga pangunahing karakter na sina Joecas (Vincent Tañada), Joanne (Cindy Liper), Hunter (Jordan Ladra), Bimbo (Kierwin Larena), Julia (Adelle Ibarrientos) at Ambo(Chris Lim) na lahat inartehan (at binihisan) na parang bata ng mga Stagers.

Walang masyadong laman ang dulang nabuo ng mga bata (considering na sila ang mga pambato ng klase). Sa unang puntong ito, nagbigay na agad ng statement tungkol sa kung gaano kababaw o ka-trivial ang ating pang-unawa sa ating Pambansang Bayani. Marami tayong eskuwelahan na nakapangalan kay Rizal pero nasa-saturate na tayo sa dami nito upang silipin at siliping muli ang nagawa n’ya at kung bakit tayo nakarating sa kasalukuyang estado ng bansa, progresibo man o hindi. Kamukha ng komentaryo ni Mike de Leon sa “Bayaning Third World”, nasa barya rin si Rizal, nasa posporo, nasa mga kalye at hindi ako magugulat na magkakaroon ng condom na nakapangalan sa kanya. Ang tanong na lang ay kung gaano kaepektibo ang mga ganitong reminder upang tayo ay maging mabuting Pilipino.

Ang pagtatanghal ng dulang nabuo ng mga bata ang nagdikta sa kung ano ang kinahinatnan nila nang tumanda. Ang central character na si Joecas, na isa nang tanyag na mandudula at kasintahan ng historian na ngayon na si Joanne (na naagaw mula kay Hunter n’ung bata pa sila) ang naatasang gumawa ng dula para sa ika-150 na kaarawan ni Rizal. Mula rito ay in-assemble muli ang dating grupo upang maglaan ng panahon at talent para sa isa na namang dula. Sa loob ng isang bahay, na paminsan-minsan ay merong touches ng Pinoy Big Brother, dito itinahi ang pagkilala ng mga karakter sa kanilang sarili at ang mga naunsyaming isyu n’ung sila ay mga bata pa. Sa pagitan ng mga talastasan sa loob ng bahay, nagpapakita ang multo ni Rizal (Patrick Libao) sa batang ampon ni Hunter na si Turing (Gabby Bautista). Sa tulong ng devise na ito ng pagsasadula, ibinalik sa audience ang iba’t ibang igting ng tanong, mula sa sexuality ni Rizal hanggang sa maugong na usapin ng kanyang retraction.

Sa ikalawang punto namang ito, nagkaroon ng breather tungkol sa totoong subject. Nag-focus ang dula sa growth (o pagkabansot, sa kaso ni Joecas na nilamon na ng sistema) na maaaring magawa ng panahon sa atin. Kung tutuusin, ang mga ideyalismo n’ung grade school ay hindi na masyadong evident kapag naging adult na. Tinulay rin nito ang ilang values tungkol sa pakikisama, maling panghuhusga ng kapwa at ang tila walang katapusang espasyo para sa pagbabago at pagtanggap. On the side, napaka-personal ng bahaging ito ng dula para sa direktor-mandudula nito na si Vincent Tañada. Halimbawa, medyo unusual ‘yung pagkakataon na titira sa isang bahay ang lahat ng think tank, mula sa choreographer hanggang sa costume designer, para lang makabuo ng dula. Magkakaroon lang ito ng bendisyon kapag nakarating ka na sa PSF Studio sa Sta. Mesa at makikita mo ang ilang palapag ng gusali na nakalaan para sa mga Stagers. May ilang komentaryo rin dito tungkol sa practice ng ilang theater group sa bansa, kung hindi pa man sapat ang hardhitting na Director’s Note sa playbill.

Ang ikatlo at huling punto ay tinalakay sa direktang pagkakadikit ng kapalaran nina Joecas at ni Rizal. Signature na sa mga produksyon ng PSF ang mga ganitong ensayo at sa tingin ko ay nanatili itong relevant. Kinakailangang isakripisyo ni Joecas ang kasintahang si Joanne upang lubos na makahulagpos mula sa sistema samantalang si Rizal, ayon sa stand ng dula, ay kinakailangan ding pakawalan ang pagkakaugnay kay Josephine Bracken para sa kasarinlan ng bayan.

Ito ‘yung pagkakataon na hinihiling ko na sana ay nakatutok ang mga batang manonood dahil una, humahaba na ang dula at ikalawa, ang tema ay sensitibo at kinakailangan ng isang bukas na diwa. Kung ang pelikula ni Mike de Leon ay nagbagsak ng isang malaking tanong na tila isang troso na humarang sa kalye, nagbigay naman ng sagot ang dula tungkol sa retraction ni Rizal. Mahalaga ito dahil ito ang sangkap na bubuo sa ambisyosong pagtingin natin sa pagkabayani, sa malawakang scope man o maging sa pansarili at sa pang-araw-araw. Sana’y magkaroon ng ekstensibong diskusyon ang mga bata pagbalik sa kanilang classroom at sana’y maigiya sila ng kanilang guro sa obhetibong talakayan kahit na medyo taboo ang topic.

Kailangan kong aminin na nakaka-nosebleed ang mga layer na tinahak ng dula. Marami itong gustong sabihin. At some point, parang tubig na lang sa ilog ang entertainment factor nito na hahayaan mong dumaloy dahil may ilang mas importanteng elemento ang kailangang pagtuunan ng pansin. Ganoon pa man, hindi ko makakalimutan ‘yung “Why, Love, Why” dahil pinandigan nito ang “rock” sa “rockssical”. Napaka-campy pa n’ung number dahil ito ‘yung sa isang iglap ay may bitbit na gitara ang mga bida. Mas mainam sana kung mas marami pang kanta ang nasa ganitong klase ng areglo dahil hiyang dito, halimbawa, ang boses ni Vincent Tañada. Gusto ko rin ‘yung kapirasong choreography na tila isang taong binaril sa likod kapag nasasambit si Rizal. Tulad ng inaasahan, wala pa rin akong masabi sa dedikasyon ng cast at production staff nito upang makapaghatid ng dulang madaling maabot.

Sana ay humaba pa ang run ng rockssical na ito. Mas marami pa sana ang makanood at lumabas ng teatro na may kadikit na tanong at karampatang pagsisiyasat sa utak. Sa dulo, mahirap mabuhay na nakalatag lang parati ang mga bagay-bagay. Kailangan nating magtanong at kailangan nating maging mas vigilant. Kamukha ni Rizal, nag-ugat lang din naman ang lahat sa kanyang pagtatanong kung bakit naiipit ang bayan sa mababang uri ng pamamalakad. At sana’y katulad n’ya, handa tayong isakripisyo ang sarili upang makarating sa sagot kahit na gaano pa ito kahapdi, kamukha ng gamugamong handang matupok ang pakpak sa apoy upang masilayan ang liwanag.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...