Musings on life from a (little red) backpacker who adores highschool language classes so much.
Total Pageviews
Sunday, September 16, 2012
Ilang Kamatayan sa Cinemalaya 2012
Sa totoo lang, naiinggit ako kapag nakakarinig ako ng ilang komento na kayang isakripisyo ang hindi pagdalo sa Cinemalaya o ang pagkawala ng festival mismo. Sana dumating ang araw na kaya ko na itong ipangalandakan nang punung puno ng kumpiyansa. Bagama’t may paunang batok ang pagsabog ng ingay tungkol sa pag-urong ng “MNL 143” dahil sa pangingialam ng committee sa casting, hindi pa rin ako nadala sa pag-asam na pumila para sa festival pass (P3,000 ngayong taon, mas mura ng P2,000 mula noong nakaraang taon). Nandoon pa rin ‘yung sugar rush kahit ilang beses ko na itong kinilatis at nanalamin. Parang may kaakibat na kamatayan ang pag-apak sa CCP sa kabila ng ilang protesta sa tingin kong maling practice kung ‘yung “malaya” sa Cinemalaya ang pag-uusapan. Pero ganoon talaga siguro.
Ilang linggo bago ako umuwi ng Pilipinas mula sa Uruguay, nag-declare ng bankruptcy ang national airline (Pluna) na maghahatid sa amin sa Sao Paulo, Brazil mula sa Montevideo. Hindi puwedeng mangyari na hindi maabutan ang connecting flight ng Emirates papuntang Dubai at Manila kung kaya’t halos isang linggo kaming hindi makatutok sa trabaho sa kakatawag ng mga opisina na kadalasan ay Spanish-speaking. At bago ma-flatline ang aming pag-asa, hayun at nagawan ng paraan na kliyente kahit na ang ibig sabihin nito ay tatambay kami nang mas matagal sa Sao Paulo at magkakaron kami ng isang stop-over sa Porto Alegre. Hindi na ako nagreklamo. Kahit papaano ay suhestiyon din ito para sa isang blog entry sa pagiging accidental tourist doon. Inuna ko lang itong isulat habang sariwa pa.
‘Yun nga lang, paglapat ng film festival mismo, hindi ko akalain na babrasuhin ako ng iba’t ibang hugis ng kamatayan mula sa mga entry nito.
Kamatayan sa Upper Class (The Animals, Gino M. Santos). Ang unang impresyon ko sa pelikula, malinaw ang authenticity nito sa paglalarawan ng isang buhay elitista. Semi-real time ang pagkukwento nito tungkol sa tatlong teenager (dalawa rito ay magkapatid) at kung paano nila binuno ang umaga sa eskwela at gabi sa isang fundraising party. Ang mala-kristal na buhay conyo ng mga karakter ay binasag ng ilang karahasan. Ang pinakabata sa tatlo na nais sumali sa fraternity ay na-trauma sa kanyang mga nasaksihan (Patrick Sugui) at ang kapatid nitong babae (Dawn Balagot) ay mas brutal ang hinantungan dulot ng abandon, na isa ring hugis ng violence, mula sa kapwa-teenager na kasintahan (Albie Casiño). Sinasabi lang ng pelikula walang sinisino ang kapalaran (o absence nito). Pero higit sa lahat, ito ay isang aquarium ng isang mukha ng society na madalas nating hindi maapuhap sa kalawakan ng Philippine cinema. Kung nakapaglaan lang ng angkop na planting sa umpisa, baka sobra ko itong nagustuhan.
Kamatayan ng Pangkaraniwang Balangkas ng Pamilya (Diablo, Mes de Guzman). Matapos ipakita ang pisikal na manifestation ng diablo sa isang tila sinapiang lalake, ipinakilala sa audience ang isang matandang babae na mag-isang naninirahan sa isang lumang sementadong bahay. Dito ay sinamahan natin s’ya sa kanyang pag-iisa mula paggising, hanggang sa kanyang pagbabantay sa isang maliit na puwesto sa bayan at ang pagtulog na ginaguwardiyahan ng isang anino. Ang una kong naisip, isa itong matandang dalaga pero nagulat ako na isa pala itong ina na maraming anak. Hindi masyadong matanggap ng sistema ko kung bakit ang isang matandang ina ay hinahayaang mabuhay nang mag-isa sa isang bahay ng kanyang mga anak. Given na maternal ang mga Pinoy, ang kalagayan ni Nana Lusing (Ama Quiambao) ay isang rarity. Sa mga sumunod na eksena, dito nalaman ng audience ang kadahilanan ng kanyang pag-iisa. Marahil ay gustong sundutin ng pelikula ang ilang ills natin sa structure na hindi masyadong conventional kamukha ng isang ina na ang pinapasan ay higit pa sa isang krus. Bonus na lang ang na ang manifestation ng “pagsanib” ay idinaan din sa ilang simbolismo: mga magnanakaw na itinuring na sariling mga anak at isang Kristiyanong anak na pumasok sa bahay na tila isang magnanakaw.
Kamatayan ng isang Ama (Intoy Syokoy ng Kalye Marino, Lem Lorca). Nang mamatay ang ama ni Intoy Syokoy (JM de Guzman), isang tahong diver, dito na nakita ang malaking alon na kanyang kakaharapin upang mabuhay nang mag-isa. Maganda sana itong parallel sa abandon na ginawa ng mga Amerikano sa Naval Station Sangley Point sa Cavite na s’ya ring komunidad ni Intoy ayon sa short story ni Eros Atalia. Ang social decay, bagama’t hindi masyadong malinaw ang pag-uugnay nito sa pag-alis ng mga Kano, ay patuloy na in-explore sa mumunting kuwento ng kahirapan. Nariyan ang mga kabarkada ni Intoy na nakikipaglaro sa ilang petty crime at ang kanyang object of desire na si Doray (LJ Reyes). Ang unang unang mapapansin sa pelikula ay well acted ang cast, mula kina JM at LJ at maging ang mga sumusuporta rito. Hindi ko lang masyadong nakapa ang vision o focus ng pelikula, kung ano ang gustong gawin dito. Coming of age ba ito para sa donselyang si Intoy o tungkol ito sa isang community na patuloy na nabubulok? Ano ang gustong sabihin na halos lahat ng love scene dito ay nakatalikod ang babae (maliban sa isang eksena)? Hindi ko rin masyadong masakyan ang tiyempo ng humor nito pero all in all, nakalangoy naman ito sa gustong puntahan.
Kamatayan ng Nakasanayang Storytelling (Kalayaan, Adolf Alix). Mabagal sa pangkaraniwang Pinoy film ang kuwento nito tungkol sa isang sundalo na si Juan (Thai actor na si Ananda Everingham) na naka-station sa isa sa mga isla sa municipality ng Kalayaan sa Palawan. Bagama’t walang giyera sa pinag-aagawang isla, merong pinaglalabanang unos ang sundalo mula sa kanyang nakalipas na nagbunsod sa kanya upang hindi magsalita at ang pakikisalamuha nito sa ilang engkanto sa nasabing pristine island. Sa puntong ito pa lang ay masasabi ko nang isa ito sa pinakahusay na war film sa local cinema. Ang pagkakasali ng isang Thai actor bilang isang Pinoy karakter ay isa nang statement ng teritoryo. Idagdag pa rito ang ilang realization na ang totoong kalaban sa giyera ay wala sa pisikal na aspeto kundi sikolohikal. Malaki ang naiambag ng cinematographer na si Albert Banzon upang mailatag ang kinakailangang espasyo ng sundalo sa kanyang trono ng dagat, white sand at mangroves habang nakikipagbuno sa mga elemento nitong nakikita at hindi nakikita. Hindi man nagawa ng pelikula na makapagkuwento sa paraang nakasanayan na (kamukha, halimbawa, ng “Harou” ni Adolf Alix), marami rin itong naipakita at naibahagi. Kung meron man akong nais punahin, kahit na napakaliit na bagay lang, ito na siguro ‘yung pagkaka-cast kina Zanjoe Marudo at Luis Alandy. Naisip ko na mas 2012 ang kanilang presence kesa sa hinihingi nitong era na panahon ni Erap. Baka mas epektibo rin kung sumugal na lang sa ilang non-actors.
Kamatayan sa Monasteryo (Aparisyon, Vincent Sandoval). Tahimik at mabagal subalit nananatiling reachable ang munting kuwento na ito ng mga madre sa isang liblib na monasteryo noong dekada ’70. Sa umpisa ay ipinakilala sa atin ang structure dito mula sa isang baguhan hanggang sa mother superior at kung paano nila pinapalipas ang isang araw. Isang trahedya ang nagpabago sa paulit-ulit na ritmo ng kanilang buhay nang magkaroon ng direktang pagharap sa karahasan ang dalawang madre. Nagsilbi itong pangitain sa isang bahagi ng kasaysayan sa Pilipinas na hanggang ngayon ay patuloy pa rin nating pinagsisikapang hindi na maulit. Maraming puwedeng purihin sa pelikula. Ang magkakasanib puwersa ng musical scorer (Teresa Barrozo), editor (Jerrold Tarog) at cinematographer (Jay Abello) ay halos effortless na nailatag sa manonood ang katahimikin na hinihingi ng espasyo at panahon. Nasabayan nito ang hinihinging feel ng materyal. Mahuhusay rin ang mga nagsiganap dito. Si Fides Cuyugan-Asensio ay napaghalo ang hinihinging command ng isang superior, ang guilt na kaakibat nito at ang maskara na kailangan n’yang isuot upang maitago ang niloloob. Si Raquel Villavicencio naman ay nakuhang ipamalas ang isang istriktong karakter na ang opposite pole ay isa palang marupok na kayang kayang lamunin ng takot. Si Mylene Dizon ay gamay na gamay ang kontrol sa hinihinging role mula sa kanya. Mula sa pagiging determinado ng karakter ni Ms. Dizon, si Jodie Sta. Maria naman ay isang kristal na napakadelikado. Sa dulo, nagkaroon ng shift (ang determinado ay naduwag at vice versa) at nagawa naman nila ito nang maayos. Gustung gusto ko kung paano tinapos ang pelikula. Bagama’t hindi ito tahasang tumalakay sa Martial Law, na-highlight nito ang isang bahagi ng ating pagka-Pilipino. Justified na ang pangitain ng isang paparating na madilim na bahagi ng ating kasaysayan ay naranasan ng mga taong relihiyoso at madasalin. Sana’y gumawa pa tayo ng mga ganitong pelikula upang magpaalala sa atin ng ating pinagdaanan at upang basagin ang hinala na wala tayong sense of time. Hindi sana tayo makalimot.
Kamatayan ng Isang Kabarkadang Babae (Mga Mumunting Lihim, Jose Javier Reyes). Maliban sa ideya na papatayin mo (at bibigyan ng medyo offbeat na role) sa isang pelikula ang isang Judy Ann Santos , wala naman akong nakitang agresibo sa sabak na ito ni Jose Javier Reyes sa Cinemalaya. Kung tutuusin, mas gusto ko ang indie spirit (kung meron mang ganitong term) ng direktor n’ung ginawa n’ya ang “Phone Sex” at mga kasabayan nitong pelikula. Pero, sige, granted na gusto n’ya talaga sigurong ikuwento ang isang deconstruction ng female bonding sa isang proyekto na makakatrabaho n’ya ang isang ensemble na pinapangarap n’ya, tingnan na lang ang pelikula sa kung ano ang nagawa o naisalba. Ang pinaka-reliable siguro na aspeto rito ay ‘yung cast. Halos walang ka-effort-effort ang interpretation nina Judy Ann Santos, Agot Isidro, Janice de Belen at Iza Calzado sa isang barkada na hinamon ng maling perception sa isang perpektong pagkakaibigan. Lumitaw rin ang individual na boses ng mga babaeng karakter: ang I-get-what-I-want, ang cynical, ang over achiever at ang mababa ang morale. ‘Yun nga lang, madalas akong napapako sa impresyon na ang role ni Janice ay tila isinulat mula ulo hanggang paa para kay Eugene Domingo (na umurong daw sa proyekto dahil sa mga commitment nito). Gamay na gamay ng writer-director ang likaw ng bituka ng kanyang mga babae sa pelikula habang nasasapawan at halos nilamon ang boses ng mga lalake rito partikular si Roeder na para sa akin ay miscast bilang asawa ni Judy Ann. Mukhang naitawid naman ang gustong paratingin at hindi nga lang ako masyadong nasagasaan. Sapat nang mapangiti ako nang makausap ko ang isang professional mother noong festival at sinabing “Ganyan naman talaga kaming mga babae, nagsasaksakan minsan nang patalikod.”
Kamatayan ng Boses (Ang Nawawala, Marie Jamora). Umuwi si Gibson (Dominic Roco) sa kanyang nakaaalwang pamilya (Boboy Garrovillo at Dawn Zulueta bilang mga magulang) sa Pilipinas upang harapin ang kanyang nakaraan at hanapin ang sinasadyang pagkawala ng boses. Kung tutuusin, manipis lang naman ang premise pero napakapal ito ng makukulay na moment at bagsakan ng linya sa pelikula sa saliw ng pinakanapapanahong pagkahilig ng mga kabataan sa musika. Hindi ko kailanman nakita na isa itong mahabang music video pero malaking bagay ang pagka-at home ng direktor na si Marie Jamora sa ganitong devise ng storytelling. Interesante para sa akin ang take ng bidang si Dominic Roco bilang isang young adult na maraming angst sa dibdib pero hindi n’ya maibulalas sa mga salita. Interesting din sa akin ang conflict ng anak sa kanyang ina na ang tanging takbuhan ay ang kanyang kakambal na matagal nang namayapa. Interesting din sa akin ang mala-Last American Virgin na love angle nina Gibson at Enid (ang luminous na si Annicka Dolonius). Maliban sa mga ganitong initial na kinang ng pelikula, hinikayat nito ang audience, na kamukha ni Gibson, ay usisain ang nakaraan. Ang pinaka-obvious siguro sa subtlety na ito ay ang costume design na parang nahukay pa sa lumang baul. Madalas din tayong bentahan ng fascination ng mga batang karakter sa mga Kundiman at long-playing records. Maging ang isang party ay nakatema sa 80’s na sinahugan pa ng association ng isang lumang pelikula ni David Lynch. Ang lahat ng ‘yan ay charming para sa akin kahit na sobrang manipulative nito upang suriin natin kung maging tayo man ay may boses din na nawawala.
Kamatayan ng Seguridad (Posas, Lawrence Fajardo). Isang munting edukasyon sa hustisya sa Pinas ang ipinakita ng pelikulang ito. Kung tutuusin, walang bida rito. Lahat merong itinatagong kasansangan. Isang babae ang ninakawan ng celfone na naglalaman ng isang maselang video kasama ang boyfriend na meron nang sabit. Ang snatcher, bagama’t ipinakitang isang mabuting anak, ay walang moral issue sa kanyang ginagawang pagnanakaw. Kung tutuusin, nakuha pa n’yang bigyan ng hustisya ang pang-iisnats dahil, ayon sa kanya, ito ang inaasahan ng tao. Ang mga pulis, ang naatasang bantay ng seguridad ng bayan, ang nagmukhang pinakamalansa sa lahat. Mula sa mga player na ito, pinaglaruan na parang basketball ang gamunggo at aandap-andap na Philippine justice system. Wala naman akong makitang pangit o mali sa pagkakagawa. Hindi lang nito napukaw ang atensyon ko. Parang pakiramdam ko kasi, deserving silang lahat sa mga sinapit nila at malayo ito sa aking hinagap. Siguro, makaka-relate ako hanggang sa pagdala ng celfone sa isang mataong lugar kamukha ng Quiapo pero kasama na sa ganitong risk ang manakawan. O, baka ultra idealistic pa rin ako na habang wala kang ginagawang masama, wala rin dapat masamang mangyayari sa ‘yo. Hindi ako masyadong nahila ng mga aktor dito maliban sa ilang eksena. Una, ‘yung eksena sa may dulo na kabilang ang mga manok na walang tigil sa kakaputak. Napaka-intense noon at nakakakilabot. Gusto ko rin ‘yung huling stare ni Art Acuña mula sa glass door ng presinto. Ang pinaka-bonus ko na lang ay ‘yung chase scene sa may umpisa na napakasuwabe ng pagkaka-edit.
Kamatayan ng Pagka-Pilipino (Mga Dayo, Julius Cena). Walang inuwi kahit isang award ang pelikulang ito noong nakaraang Cinemalaya pero parang marami akong naiuwi pagkatapos ko itong mapanood. Medyo gasgas na ang tema tungkol sa mga OFW at Fil-Am sa Guam at ang intertwining na storytelling ng tatlong karakter ay maraming beses na ring nailatag. Pero sa kabila nito, gustung gusto ko ang pagkakadirek at malagong ang boses na gusto nitong isatinig. Noong nakita ko ang US noong 2008, alam ko na may kakambal na depression ang lugar. Hindi ko alam kung bakit pero parang isa itong malaking painting ni Edward Hopper. Malalaki ang bahay pero minsan ay magkakalayo at nakakadurog ng puso ang distansya (ito ay ayon lamang sa mga lugar doon na napuntahan ko). Kaya maraming mall, maraming shopping center at sinehan upang maibsan ang ganitong level ng pagka-remote. Nasundot ng pelikula ang pagkabalisang ito. Kahit na malaya at minsan ay maalwan ang pamumuhay ng tatlong Pinay, mababasa pa rin sa kanilang mukha ang hinaing na hindi naman talaga sila nabibilang sa isang foreign land. Ang inang si Ella (Olga Natividad) ay sumasagwan sa pagiging ina, pagiging anak at isang trabahador sa gitna ng mga pating, kababayan man o hindi. Si Alex (Sue Prado) ay nagse-seesaw sa pangamba na baka ang desisyon ng kanyang utak ay baka hindi matimbang sa desisyon ng kanyang puso. Ang Fil-Am naman na si Miriam (Janela Buhain) ay tumutulay sa alambre matapos ang isang divorce. Lahat ng ito ay pinaikot na parang puppet ng isang gintong pangako na kung tawagin ay Green Card o American citizenship. Sa dulo, nakarating sa akin ang lungkot ng mga karakter at hindi maiikailang malaki ang naiambag dito nina Sue Prado at Olga Natividad. Sa katunayan, kapag naaalala ko ang mga eksena nila, nakukurot pa rin ako. Para sa akin, naibigay nila ang pinakamahusay na pagganap sa buong festival.
Kamatayan ng Isang Alagang Aso (Bwakaw, Jun Lana). Ang unang impresyon ko sa pelikula ay malinis at maayos naman ang pagkakagawa nito. Sa katunayan, natawa ako sa isang eksena na may konting bahid ng black comedy (eksena ni Luz Valdez). Wala rin naman akong nakitang kapuna-puna rito maliban sa isang pagkakahawig ng execution sa huling sequence ng “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros”. Bading din ang bida sa pelikulang pero isang matandang bading (Eddie Garcia) na hinaharap ang buhay-solitaryo sa isang maliit na bayan sa probinsya. Noong una ay iniisip ko kung bakit masungit ang bida rito. Baka may kinalaman ito sa kinikimkim n’yang sekswalidad pero wala namang direktang statement paukol dito. Mas tinumbok nito ‘yung kawalan ng totoong minamahal sa buhay. Pinaigting lang nang hindi ito masuklian ng tricycle driver (Rez Cortez) na kanyang inibig at pinabulaklak ng pagpanaw ng kanyang alagang aso. Sa parteng ito ay naging malinaw na ang lahat. Malaking bagay sa isang tao ang umibig pero ang may pinakamalaking pitak sa pag-ibig na ito ay ang pagmamahal sa sarili. Bago ipakita ang kredito sa dulo, nabanggit na ang pelikula ay inialay para sa manunulat na si Rene O. Villanueva. Mas nagkaroon sa akin ng ibang dimensyon ang pelikula dahil dito.
Kamatayan ng Anak (Sta. Niña, Manny Palo). Naalala ko ang kamukhang insidente mula sa pelikula na nangyari sa bayan ng Calauag sa Quezon n’ung bata pa ako. Isang namayapang matandang babae ang hindi sinasadyang lumuwa ang kabaong sa sementeryo roon at napansin nga ng mga tao na hindi ito naaagnas. Nagkaroon ng instant celebrity status at inilagay ito sa pedestal na parang isang santo. Sa katunayan, binuksan pa ang isang bahagi ng simbahan upang masilip ng mga usyosero kabilang na ako at kung sinumang kasama ko noon na hindi ko na matandaan. Pagdating ng ilang araw ay inilibing din ito. Ganito rin ang premise ng pelikula tungkol sa isang lalakeng (Coco Martin) natagpuan sa lahar ang namayapang anak na hindi naaagnas. Kasabay ng pagkakadiskubre na ito ay ang paghukay sa isang nabubulok na nakaraan. Sa totoo lang, nag-enjoy ako sa pelikula sa level na nae-enjoy ko ang isang teleserye o sa kawalan ng tamang salita, mainstream drama. Mukhang klaro naman ang intention nito at ang mga eksena ay naitawid nang maayos kung hindi man sobrang maayos. ‘Yung eksena ni Coco Martin sa umpisa na naglalakad sa isang lugar na nalahar habang bitbit ang maliit na kabaong ay memorable para sa akin. Gusto ko rin ang mga eksenang nand’un sina Alessandra de Rossi at Irma Adlawan. At ang pinakagusto ko, ‘yung wala itong pakialam kung magmukhang mainstream ang finished product para sa isang film festival na mas associated sa indie. Medyo pinapatingkad nito ang gray area ng discrimination kung ano ang indie at kung ano ang mainstream. Kung tutuusin, wala naman talaga dapat na magkabilang-panig.
Kamatayan ng Moralidad (Oros, Paul Sta. Ana). Ang pinakamatinding kalaban lang ng panonood ng pelikulang ito ay ang pagkaumay ng audience sa mga real time na treatment at ang mga sequence na sumusunod na parang aso ang kamera. Kapag tinuklap na ang layer na ‘yan, isa ito sa maraming makabuluhang pelikula na naipalabas sa Cinemalaya ngayong taon. Tungkol ito partly sa saklaan at sa paggamit sa patay bilang taya sa isang klase ng pasugal sa Pilipinas. Pero tungkol ito talaga sa magkapatid na sina Makoy (Kristoffer King) at Abet (Kristoffer Martin) na nakilala natin bilang mga representasyon ng kamurahan, kung hindi man kawalan, ng halaga ng buhay sa Pilipinas. Totoong dahil sa kahirapan ay nagiging sabaw ang solidong moralidad ng isang Pinoy na pamoso sa Asya bilang mga Kristiyano. Lahat ay kayang gawin, lunukin at isuka para lang sa kumakalam na tiyan. One sided nga lang ang pelikula. Hindi ito nagpakita ng balanse para sa mga mabubuti at masasama pero ipinakita naman nito na ang core ng tao, kahit na basag ang moral, ay marunong pa ring magdalamhati lalo na’t itoy isang kadugo. Mahusay si Kristoffer King dito. Gustung gusto ko ‘yung pagiging unpredictable ng pagde-deliver n’ya ng linya at napakahirap maging kumportable sa mga emotion na lumalabas mula sa kanya. Si Kristoffer Martin, para sa akin, ay mahusay rin bilang nakababatang kapatid. Naipakita n’ya ‘yung pagiging free spirited na hinihingi ng karakter. Gusto ko rin ang napiling location at ang pagkaka-photograph dito. Napaka-visual. May kakaibang charm ‘yung isang eksenang napapaligiran ng usok ang lugar. Tingin ko, kung “Oros” ang basis, isa nang competent na writer-director si Paul Sta. Ana.
Kamatayan ng Isang Presidente (Ang Katiwala, Aloy Adlawan). Sumasang-ayon naman ako na napaka-promising ng premise ng pelikula. ‘Yung bahay ni Manuel L. Quezon na gusto nang ibenta nang may-ari, ay may konting sahog ng “Summer Hours” tungkol sa kawalan natin ng sense of history. Ang panggagaya ng katiwalang si Ruben (Dennis Trillo) sa nasirang presidente ay merong bahid ng ilang psychological thriller. Pero sa dulo, medyo nawindang ako sa gusto talagang sabihin ng pelikula. Base sa mala-Amorsolo na shot sa dulo (isang karitela lulan ang isang pamilya ang bumabagtas sa isang bukid), ang gusto yatang tukuyin ay ang pagkakakonek ng mga salita ni Quezon tungkol sa gobyerno at kahirapan sa pangkasalukuyang sitwasyon ng bansa. Ipinakita sa pelikula, sa pinaka-celluloid na paraan, na overpopulated ang karahasan sa Pilipinas, maging sa Metro Manila man o sa probinsya (na ironically ay Quezon City at Quezon Province ang ginamit na geographical peg). Ang mabubuti (pamilya ni Ruben) ay parang mga dagang nasusukol at kailangang tumakas. Pero kung ito ang gusto talagang sundutin, mawawalan na ng saysay ang reference kay Quezon. Kumbaga, hindi magiging eksklusibo ang ganitong mga inspirasyon dahil marami tayong paghuhugutan. Kung propaganda man ito sa awareness ng kadakilaan ng dating pangulo, hindi ko masyadong mabigyan ng sapat ng kredibilidad. Tingin ko, meron pang ibang treatment na puwedeng gawin at mas epektibo. Kung pinili naman ng direktor ang ruta ng psychological thriller, na isa ring mainam na suhestiyon tungkol sa nakakabaliw na kahirapan sa totoo lang, baka magkaroon pa ng ilang kinang. Gusto ko ‘yung ginawa n’yang “Signos” noon at naisip ko lang na hindi magiging mahirap kung nasa ganitong direksyon ang kuwento. Hindi pa nakatulong ang pagsingit sa gitna ng isang animation na tila hinugot mula sa palabas sa telebisyon na pambata. Cute ito pero hindi nakatulong sa kabuuang bisyon kung meron man.
Kamatayan ng Pagkatao (Requieme!, Loy Arcenas). Sa mga napanood ko ngayong taon sa Cinemalaya, ito na siguro ang merong pinamabusisi, kung hindi man pinakapalaban at pinakapinag-isipang script. Sa unang act, mahirap kapain kung saan pupunta ang pelikula at kung tungkol ba ito sa anong tema. Dalawang insidente ng kamatayan ang parallel na kuwento ang sinundan. Isang ginang, si Swanie (Shamaine Buencamino), ang nais gatasan ang pagkamatay ng isang Fil-Am na may direktang reference sa pagkamatay noon ng fashion designer na si Gianni Versace. Isa namang fashion designer din, si Joanna (Anthony Falcon), ang dumaan sa pagkahaba-habang proseso ng pagpapalibing ng patay na hindi kamag-anak. Magkadikit na magkadikit ang dugtong ng kuwento nila at nalaman ng audience ang dahilan bago matapos ang pelikula. Pero pakiramdam ko, hindi sa ganitong level lang puwedeng basahin ang materyal. Tungkol ito sa kamatayan ng pagkatao, partikular si Joanna, na piniling isara ang isang pinto ng kanyang buhay upang ipaglaban ang kanyang sekswalidad at mabuhay nang matiwasay, nang walang kinukutya at walang inaapakang tao. Kung tutuusin, napakadalisay ng personification sa kanya na isang bading na nais tumulong sa pumanaw na tagaayos ng bag. Handa itong isakripisyo ang pansariling libog para lang makapagpalibing. Ang karakter na ito ay binaliktad naman ng ingay na ginawa ng pinaslang na pamosong fashion designer, isang selyadong suhestiyon ng hindi pantay na tingin ng lipunan sa homosexuality. At nakakalungkot isipin na ang killer nito na namatay rin at hindi siguradong kamag-anak ay mas nais ipalibing ni Swanie kesa hanapin at arugain ang sariling anak. Kinakailangang masabayan ng direktor ang effort na binigay ng script at naka-deliver naman s’ya nang maayos kung hindi man labis. ‘Yun nga lang, wala itong sipa at kurot sa akin kamukha ng entry n’ya n’ung nakaraang taon.
Kamatayan ng Kulay at Salita (Kamera Obskura, Raymond Red). Dalawang bagay ang naisip ko sa pelikula. Una, isa itong concept film. Suntok sa buwan makaranas ang contemporary Pinoy audience ng isang silent film at nasa black-and-white format pa. Challenging din ito sa aspeto ng pagkukwento pero nailatag naman nang maayos ang premise tungkol sa isang bilanggo na nakakita ng nakakabulag na liwanag. Kabi-kabila at nag-uumapaw ang poetry rito kung masinop lang talaga ang pagbabasa sa mga imahe. Minsan ay iniisip ko na isa itong stretched na short film pero mukhang justified naman ang haba ng pagkakalahad. Ikalawa, isa rin itong advocacy film tungkol sa kahinaan ng film archiving sa Pilipinas. Base sa nabasa ko, may ilang silent films tayo na na-produce pero hindi na na-preserve. Dito pa lang ay bugbog-sarado na ang ating sense of time at history. Naa-appreciate ko ang vision na ito ng pelikula pero masyadong given ito sa paglalagay ng prologue at epilogue kasama ang mga totoong film archivist sa bansa. Parang masyado lang kasing isinubo sa tao. Parang hindi masyadong nagtiwala na kahit wala na ang mga eksenang ito ay makukuha pa rin ng audience ang point. Mahusay si Pen Medina sa pelikula. Considering na wala s’yang speaking lines, nagawa n’yang i-materialize sa screen ang kanyang pagka-naive sa ilaw na nakakabulag.
Marami ring kamatayan sa short films na in competition ngayong taon sa Cinemalaya. Ang pinakapaborito ko sa lahat, ‘yung Ang Paghihintay sa Bulong (Sigrid Bernardo), ay tumalakay sa isang urban legend nating mga Pinoy tungkol sa pagbibigay-hiling sa isang kamag-anak na kakamatay lamang. Gusto ko ‘yung materyal at execution. Parang hindi pa ito masyadong nae-explore at binigyan ako nito ng mga imahe na hindi ko makakalimutan. Gusto ko rin ang Bohe (Nadjoua Bansil) na nagbigay ng isang magandang komentaryo tungkol sa mga Badjao na tinanggalan ng sariling lupa at sinubukang i-resurrect ang identity sa isang foreign land. Sa Ulian (Chuck Gutierrez), binigyan ng leksyon ng kanyang lola ang isang apo matapos bumisita sa isang namatayan sa sementeryo. Sobrang heartwarming.
Malinis din ang pagkaka-execute ng As He Sleeps (Sheron Dayoc). Kapag ihahanay mo ang pelikulang ito tungkol sa babae na bedridden ang asawa, ito ang pinakalutang na finished product. Muntik ko nang magustuhan ang Manenaya (Richard Legaspi) kung hindi nito ipinakita ‘yung frame na meron naman palang sementadong daan pabalik ng bahay. Gan’un din ang Sarong Aldaw (Marianito Dio, Jr.). Napaka-poetic ng images n’ya pero hindi ko masyadong maintindihan kung bakit kailangang lisanin ng estudyante ang kanyang inspirasyon (tatay at environment) at bakit kailangang sa Maynila? Wala bang mahusay na university sa Bicol na nago-offer ng Creative Writing?
Technically above average din para sa akin ang Ruweda (Hanna Espia) pero hindi ako masyadong na-hook ng mga karakter dito. Parang mas nag-umapaw ‘yung estilo kesa sa gusto talaga nitong ikwento. Naaliw rin ako sa Pasahero (Mario Celada) pero hindi ako masyadong sold sa idea na meron pa itong maliit na twist sa dulo. Para sa akin, kahit ‘yung conversations lang at ang mahusay na pagganap ni Madeleine Nicolas, kaya nang mabuhay n’ung short film. Ang Victor (Jarrel Serencio) naman ay hindi masyadong visual feast pero malutong ang social commentary nito. Hindi ko naman naintindihan ang point ng Balintuna (Emmanual Escalona, Jr.) na ironically ay merong English title na “Irony”. Sabihin na lang natin ang short film na ito ang nagtulak sa akin upang siyasatin kung meron mang pagkakahawig ang nag-uumapaw na tema ng kamatayan sa napipinto (raw) na pagpanaw ng Cinemalaya.
Kabalintunaan.
Sa mga special screening, pinakanapako ang attention ko sa experience na mapanood ang documentary na Give Up Tomorrow (Michael Collins at Marty Syjuco). Bagama’t naabisuhan na ako ng mga unang nakanood na partial ito at ipinakita naman sa may dulo ng docu kung bakit, hindi matatawaran ang naging impact nito sa akin. Napaniwala ako sa gusto nitong sabihin tungkol sa madugong kaso ng Chiong sisters sa Cebu laban sa isa sa mga akusadong si Paco Larrañaga (isang Filipino – Spanish at kung kanino nakapanig ang docu). Sa totoo lang, masakit itong panoorin dahil ang bawal minuto ay ginugol sa kakulangan ng hustisya sa bansa at kung gaano kalalim ang hukay na ginawa nito sa ating pagka-Pilipino (media frenzy, palakasan, corruption, incompetence ng kapulisan, atbp.). Pero ang lahat ng ito ay nagkaroon ng ibang likaw nang ipakita ang bahagi ng docu kung saan ang nasasakdal ay nalipat sa ibang kamay at doon ay nakaranas man ng comfort, patuloy pa rin s’yang sinusundan ng injustice.
Meron pang dalawang docu sa festival na tingin ko ay mahalagang mapanood ng bawat Pinoy. Ang Pureza: The Story of Negros Sugar (Jay Abello) ay, unang una, isang warning para sa nalalapit na kumbensyon na maaaring kumitil sa industriya ng asukal. Pero bago makarating dito, ikinuwento muna ang puno’t dulo ng sugarcane industry sa bansa at kung bakit tayo nakarating sa kilala nating social divide nito sa pagitan ng mga haciendero at mga magsasaka. Ang Isang Litrong Liwanag (Joy Aquino) ay hindi man kasing igting ng content pero lutang na lutang ang enthusiasm nitong makatulong at magkapagbahagi para sa environment. Gusto ko rin ‘yung mga choices sa photography at direction. Mas naging visual ang vibes na gusto nitong mahuli.
Ilang docus din ang naipalabas na may nakadikit sa pangalan ng ilang personality sa local industry. Ang Dance of my Life (Lyca Benitez-Brown) ay nagbigay spotlight kay Bessie Badilla na isang sikat na model bago ito pumasok sa larangan ng showbiz (at ngayon ay isa nang producer). Interesting naman ‘yung background n’ya at malinaw ‘yung motivation n’ya kung paano s’ya nakarating sa kinalalagyan. Mas maganda sana kung medyo nailapat nang parallel ang sayaw ng kanyang buhay sa kanyang participation bilang Carnival queen sa Brazil. Binigyan naman tayo nang konting pagsilip sa disiplina at prinsipyo ng ilan sa kokonting babaeng direktor ng bansa sa Marilou Diaz-Abaya: Filmmaker on a Voyage (Lisa Yuchengco). Hindi ko alam kung anong kulang dito pero lumabas ako ng venue na parang hindi ko pa rin s’ya lubos na kilala bilang isang filmmaker. Sino ba ang inspirasyon n’ya? Paano s’ya eksaktong magdirehe ng isang eksena? Ang isa pang docu na konektado sa nasabing direktor ay ang Reefs of Paradise: A Divine Gallery (Marilou Diaz-Abaya) na isang produkto ng kanyang pagkahilig sa scuba diving. Maganda naman ang mga imahe rito na sinalihan ng Zen music at ilang narration na may kinalaman sa spirituality ng direktor. ‘Yun nga lang, medyo masakit panoorin ‘yung mga eksenang kumakaway s’ya mula sa ilalim ng dagat.
Merong shock value ang Front Row: Ang Pinakabata (Joseph Laban) na unang ipinalabas sa GMA News TV tungkol sa mga batang inabuso ng kanilang sariling ama. Isa sa mga batang ito ay naging ina sa gulang na 10 taon. Mahirap din itong panoorin pero character study ‘yung isang batang matalino. Sana ay malampasan n’ya ang trauma na kumain sa kanyang kabataan. Hindi ko naman masyadong nakuha kung bakit kasali sa line-up ang Side by Side (Chris Kenneally) na ipinakita nang pagkahaba-haba ang parallel ng digital at old school filmmaking. Si Keanu Reeves ang host nito at ‘sangkaterbang filmmaker sa Hollywood ang mga in-interview rito. Sa dulo, ang gusto lang palang sabihin ay case to case basis ang lahat. Pinaka-weak naman sa akin sa lahat ng napanood ko sa Cinemalaya ang docu na God, Church, Pills and Condoms (Fritz Kohle at Arlene Cuevas). Para sa akin, lalo lang akong naguluhan sa pagsiyasat kung kailangan o hindi ang RH Bill. Wala itong stand, walang gustong tumbukin at walang gustong puntahan.
Sa Ani Section naman ng festival, bagama’t hindi kasing breathtaking ang line-up dahil may ilang kulang at dahil na rin sa conflict sa ibang screening, napunuan naman nito ‘yung ilang absence ko n’ung nakaraang taon. Mula sa Cinema One Originals, ang pinaka-cultic dito ay ang Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay (Antoinette Jadoane). Unang una, nararapat lang na bigyan ng pugay ang dakilang extra na si Lilia Cuntapay sa pamamagitan ng pagbibida sa ganitong pelikula. Gusto ko ‘yung mala-Maverick & Ariel na humor nito pero nahihirapan ako kapag nagde-deliver minsan si Miss Lilia ng mga linya. Medyo nakakawala ng momentum. Naaliw rin ako sa effort ng think tank at produksyon sa may dulo upang i-stage ang isang mock awards night. Mas na-entertain ako sa aburdity ng My Paranormal Romance (Victor Villanueva) na isang Cebuano film. Wala itong tigil sa kanyang wit at napaka-consistent sa pagiging silly mula umpisa hanggang dulo. Bihira sa Philippine cinema ang ganitong self-aware na sensibility at sana ay gumawa pa sila ng ganitong kalibre ng pelikula. Hindi ako magugulat na ang Ka Oryang (Sari Dalena) ang nanalong Best Picture. Napakalinaw ng bisyon ng direktor nito sa kung ano talaga ang gusto n’yang komentaryo tungkol sa mga kababayan nating nabubuhay nang underground para sa aktibismo nito sa pambansang reporma. Gusto ko rin ang disiplina, ang mabagal na daloy ng isang character study at ang kawalan nito ng kanto ng pagkukwento. Bagama’t na-romanticize ng black-and-white na estilo, alam naman natin ang mas mapait at mas madugong katotohanan sa likod nito. Para sa akin, litaw na litaw ang tingkad ng pula sa bawat eksena sa kabila ng pagiging monochromatic. Sa kulay pa lang, marami na itong gustong iwelga.
Mula naman sa Sineng Pambansa ng FDCP, una kong napanood sa line-up ang Mga Kidnaper ni Ronnie Lazaro (Sig Sanchez) na nakitaaan ko ng sensibilidad ng ilang early indies. Interesante actually ‘yung materyal. Hindi lang na-sustain hanggang dulo at dumating pa sa pagkakataon na naging preachy ito. Nakitaan ko rin ng promise ‘yung isang part na in-spoof ang mga Pinoy action movies pero hindi na ito inulit. Ang sigurado ako, wala akong naramdaman kahit isang kumpromiso habang pinapanood ito. Ang black-and-white na QWERTY (Ed Lejano) naman ay film noirish ang estilo tungkol sa isang pulis na nasa huling linggo ng kanyang serbisyo bago ito mag-migrate sa Middle East. Interesting ‘yung premise at maganda ang pagkaka-visualize dito. Mahusay rin ang cast sa pangunguna ni Joem Bascon (na tingin ko ay humuhulma sa mga kamukhang karakter na isinulat para kay Matt Damon). Ang hindi lang talaga satisfying ay ‘yung resolusyon. Parang masyadong malabnaw ang pagkaka-execute at hindi masyadong natapatan ang mga isinalang na paunang promise. Black-and-white din ang Qiyamah (Gutierez Mangansakan II) pero napaka-powerful ng mga images na ipinakita nito tungkol sa isang fictionalized na pagdating ng delubyo. Refreshing din sa akin ang materyal dahil hindi ito tumalakay ng anumang hugis ng opresyon sa Mindanao. Siguro partly, meron itong statement sa kung ano ang kahihinatnan pero hindi ito kailanman nag-impose ng pananaw o opinyon.
Ang una kong naisip matapos mapanood ang Madaling Araw, Mahabang Gabi (Dante Nico Garcia) ay ‘yung rare na pagkakataon na nagkasama sa isang pelikula ang magkapatid na Glaiza de Castro at Alchris Galura bilang magkapatid. Hindi lang basta magkapatid kundi mula sa isang sektor ng lipunan na hindi masyadong nae-explore sa Pinoy cinema: ang mga refugee. Biglang bumalik sa akin ‘yung maliit na pagkakataon na nakasalamuha ang mga katulad nila sa isang jamboree sa Palawan. Pero hindi naman ito ang main premise ng pelikula kundi isang segment lang ito sa ‘sangkaterbang kuwento na nag-ugat matapos ang isang pustahan sa gabi ng pangangaluluwa. Eksperimental ang atake at halos ginugol ang bawat sub-plot sa daldalan. Ngayon ko lang nakita ito sa Pinoy cinema at gusto ko ‘yung pagiging uncompromised n’ya. Labor of love din s’ya dahil mga kaibigan lahat ng direktor ang nasa cast, kung hindi man napaka-personal ng mga linya. May duda akong hindi pa handa ang kalakhan ng mga manonood sa ganitong bentahe pero exciting ito kung magkakaroon ng audience.
Satisfying naman bilang panghimagas ang ilang short films na ipinalabas bilang koleksyon mula sa ilang sektor at university. Sa isang screening na tinawag na “Documentary Genre”, nagkaroon ng pagkakaataon na maipalabas ang excerpt mula sa mga early films ni Nick Deocampo (na salamat sa kanya para sa “Pelikula at Lipunan” film festival noon na hindi na naulit) kamukha ng Oliver at iba pa. Gusto ko rin ang ang Red Saga (Kiri Dalena) ng pulang pula ang kulay, literally at figuratively, sa bawat bagsak ng ritmo at Sa Maynila (Mike Alcazaren, Jo Atienza at Ricky Orellana) na eksperimental na pagsilip sa Maynila mula sa, hindi ako sigurado, POV ng isang daga.
Mula sa FEU, pinaka-appealing sa akin ang Milalaban na nagkuwento ng isang pangamba ng magkaibigang Aeta na hinati sa pamamagitan ng iba’t ibang katutubong sayaw. Hindi nga lang ito well credited kung ‘yung festival program ang pagbabasehan. May promise din ang mga shorts ni Pedro Sicat na Across Almagamante at Binhi pero kailangan lang hasain ang bahagi ng storytelling. Gusto ko ‘yung tula sa Denouement at kung paano ito binibigkas sa pelikula pero masyado itong mahaba upang tumumbok sa gustong ikuwento. May ilang moment din ang In Between kung dramatic tension lang ang pag-uusapan pero hindi ko matanggap na ang magkasintahan ay umabot pa ng limang taon para sa kanilang glaring na indifference.
Pinakagusto ko ang Paglaom (Janus Nunez) sa koleksyon ng UP VISCOM. Tungkol ito sa social divide, specifically kung paano nakarating sa isang marangyang plato ang isang isda na hinuli ng mga mangingisda sa isang malayong probinsya. Kitang kita ang vision at naikuwento nang maayos ang punto. Sabi sa program, iisang direktor daw ang gumawa ng Paglaom at Askal pero ibang genre naman ito. Kung kasali si Ricky Davao sa una, si Ronnie Lazaro naman ang pangunahing aktor dito. Medyo real time ang atake at hindi ko masyadong nagustuhan ‘yung pagkaka-execute ng eksena sa dulo kahit na napaka-epektibo ng pangunahing aktor nito. May promise sana ang Personal Effects (Jessica Lapena) pero hindi masyadong interesante ang mga karakter o ‘yung interpretation dito ng mga nagsiganap. Ang Apex Predator (Al Alarilla) naman ang isang example na mataas ang shock value pero gamunggo ang sustansya. Wala akong nakitang metaphor at mas lalong wala akong nakitang punto.
Maraming mahuhusay sa koleksyon ng “23rd Gawad CCP Winners”. Well, medyo inaasahan ko naman ito. Hindi pa kasing linis ang ilan sa animation pero lutang na lutang ang creativity at kiliti sa mga sumusunod: Paano Hulihin ang Araw (Jane Mariel Almoneda), Sanayan Lang ang Pagpatay (Gil Joseph Sanchez) na napanaood ko na sa Indie New Wave ng MMFF, Ay Bulate (Daryl Layson), Himig (Edlaine Ann Mercado) at Kalaro (Girlie Pal). Sa pinakainteresanteng kategorya naman na experimental (Class Picture (Timmy Harn and Gym Lumbera), Bangungot (Gino M. Santos) at Kumpisalang Bayan (Bago ang Lahat) (Caloy Soliongco)), nagbigay ito ng inaasahang binhi upang mahikayat ang karamihan sa mga baguhang filmmaker natin na tuklasin ang kawalan ng nakasanayan nang hugis. Pero ang short feature na Awit ni Maria (Nica Santiago) at ang docu na Agos (Samantha Lee) ang pinaka-memorable sa akin sa listahan. Ang una ay isang kuwento ng magkakadikit na espasyo at unrequited na pag-ibig sa pagitan ng isang mang-aawit at isang puta. Trite na ang parehong tema at alam ko na ang magiging dulo nito pero gusto ko ang mood na ibinigay nito. Nadala ako sa konsepto ng pagkasikip ng espasyo na humihinga lamang sa romantisismong nakakalat dito: tula, awit, ungol, ligaw-liham sa post-it at iba pa. Ang ikalawa naman ay isang sincere na character study ng isang babaeng surfer (Mocha Eduzma) sa Bicol. Kahit hindi tahasang sinasabi, gusto ko ‘yung pagkakadugtong ng malalaking agos sa dagat at ang agos na kanyang pinagdaanan. Hindi rin ito nilagyan ng tuldok kahit na dinala tayo sa isang surfing competition na nagmukhang isa sa mga highlight ng docu. Intention siguro nitong panindigan na ang buhay ay isang dynamic na bagay kamukha ng dagat. Maliban sa ilang poesiyang ito, kung technical lang ang pag-uusapan, able ang filmmaker sa paghuli ng mga mailap na eksena sa dagat, ang matatayog na alon, ang paglubog ng araw at ang buhay na nangungusap mula sa puso at kaluluwa ng main subject nito.
Nagsara ang kurtina ng festival sa isang tribute sa Comedy King na si Dolphy. Ang Jack en Jill (Mar S. Torres) ay isang typical na comedy ng tambalang bakla at tomboy na ating kinahiligan hanggang 90’s. Wala ako sa position para ideklarang hindi ito politically correct, halimbawa, dahil ang bakla sa pelikula, si Dolphy, ay talagang bakla samantalang ang tomboy rito, si Lolita Rodriguez, ay babae naman pala talaga na kilos-lalake lang. Ganito rin ang mga clone ng pelikulang ito (Roderick Paulate at Maricel Soriano, Herbert Bautista at Sharon Cuneta at iba pa) at walang sapat na paliwanag kung bakit ang tomboy ay hindi talaga lesbian. Pero sa kabila nito, nakakatawa naman talaga si Dolphy sa mga ganitong papel na nagkaroon naman ng evolution ng gumawa s’ya ng pelikula kay Lino Brocka na ganito rin ang timpla. Kung hindi man naging sensitive ang pagpili sa mga ganitong uri ng komedya, meron naman itong itinirang kaunting mensahe na walang sinuman ang makakapagpabago sa anumang makakapagpasaya sa atin. Sa katunayan, ang lalakeng trainor ng karakter ni Dolphy rito ay naging bakla sa dulo dahil hindi n’ya marahil nakayanang pasukuin ang sekswalidad ng nasabing bida.
***
Pagkatapos na pagkatapos ng awarding n’ung July 29, bumulusok ang umpisa ng malakas na hangin at pagbaha dahil sa habagat. Nakailang brown-out din sa harapan ng Main Theater at sa bawat pagdilim, merong isang gagong sisigaw ng “Diablo! Diablo!” bilang pagpupugay sa nanalong Best Picture ng gabing iyon. Hudyat din ito ng mga haka-haka na ito na ang huling Cinemalaya. Malinaw nga raw ang kamatayang ito sa tema ng mga kalahok na pelikula. Gumising ako sa kinalunesan noon sa isang malagim na balita na ang aking classmate na babae noong high school ay pinaslang ng kanyang kinakasama sa kanilang bahay sa Lopez. Nadamay rin ang nakababatang kapatid nitong lalake. Ang ugat daw ay isang hindi pakakaunawaan na nabahiran ng ispiritu ng alak. Mga kalahating oras yata akong pinahinto noong umagang ‘yun.
Nasa link na ito ang lahat ng pictures at nandito naman sa link na ito ang isang koleksyon ng mga video na aking tinahi.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment