Nasa pagdudulay-dulay ako ng ideya kung itutuloy ko ba ang pagsugod sa SM Megamall upang manood ng Korean Film Festival o hindi. Andami ko na rin kasing gustong isulat. Andaming nakatambak. Kailangan ko ng isang weekend na nasa kuwarto lang ako at walang ibang poproblemahin kung manonood ng musical variety show sa TV o hindi. Sa ilang palakad-lakad ko sa kuwarto (hindi ito exaggeration ha), nabangga ako sa isang tanong na nakuha ko sa Facebook: “lalake” ba o “lalaki” ang tamang baybay sa Filipino word ng “man” o “boy”?
Personally, ang giya ko ay ang TV show na “Palibhasa Lalake” na umere sa primetime sa loob ng higit 12 taon. Ang isa pa ay ang antonym nito na “babae” na nagtatapos din sa titik E. Pero ‘yun nga, hindi ako sigurado sa tamang ispeling kaya nagtanong ako sa Twitter. Nakakuha naman ako ng isang sagot na ang reference ay ang kanyang nanay na Bulakenya. Ang tamang baybay raw talaga ay “lalaki” n’ung Tagalog pa ang term para sa Filipino na wika. Nakakailang kasi itong gamitin. Parang “lalaki”, ‘yung inunlapiang kabaliktaran ng “liliit”.
O, sige, kung ang tamang baybay talaga ay “lalaki”, malaki pala ang kasalanan sa atin ng sit-com na “Palibhasa Lalake”. Imagine, 12 years tayong ginagago nito! Parang pelikula lang ni Pedro Almodovar na “La Mala Educacion”. Kunsabagay, mahirap talagang magtiwala sa mga pamagat ng TV shows bilang extension ng silid-aralan. Isang naghuhumindig na halimbawa nito ay ang MMK na wala man lang question mark sa dulo. Maalaala Mo Kaya. Hindi ba tanong ito. Este, hindi ba tanong ito? At biglang parang buhos ng ulan, pumatak sa akin ang ilang palabas sa telebisyon na tingin ko ay meron ding question mark.
Heto ang ilan:
Protege Kailangan ng question mark dahil hindi natin alam kung bakit meron ganitong palabas na nasa ikalawang season na kahit hindi natin alam ang nangyari sa nanalo sa una.
Artista Academy Ito dapat, merong tatlong question mark.
X Factor - Philippines Nawala na 'yung question mark mga two weekends ago kaya safe na 'to.
Sarah G Live Hindi kaya live 'yung isang episode na merong duet kasama is John Lloyd Cruz. Question mark!
Gandang Gabi Vice Minsan, hindi naman maganda kaya question mark din 'to.
Kapitan Awesome Wala dapat itong question mark dahil awesome naman s’ya talaga, wala nga lang masyadong nanonood.
24 Oras Parang minsan naman ay 24.5 oras ang ginamit na time frame sa paghahanap ng balita. So, dapat question mark din dapat ito.
Party Pilipinas Ang alam ko, malakas ito sa Mega Manila pero hindi masyado sa buong Pilipinas. So, kalahating question mark ito.
Walang Tulugan with the Master Showman Totoong totoo ito kaya dapat ay merong exclamation point. Sa katunayan, may radio program si kuya Germs na ang title ay Walang Siesta.
Kris TV At lahat ng shows ni Kris, meron dapat exclamation point at #@%#%$^$%^$%^%&^%&@#$@!#
Enchanted Garden Parang hindi naman garden este enchanting. So kalahating question mark lang ito.
Eat Bulaga! Meron nang exclamation point so hindi na kailangang i-analyze. Self-correcting ito.
It’s Showtime Well, generic masyado ang pamagat. Mukhang show naman at particular naman sa time dahil malakas ang palabas bago ito. So puwede na as it is.
Rated K Ayan, puwedeng blind item ang dating kaya hindi na kailangang lagyan ng ! o ? Puwedeng K for Kaning-Baboy. K for Kalokohan. K for Kapekean. Ikaw na ang bahala.
Walang Hanggan Question mark ito dahil naaamoy na nating lahat ang hangganan.
Ang Aso ni San Roque Hindi ko pa napapanood pero sure naman ako na may aso sa show kaya aprub ang title nito.
Unang Hirit Hindi kaya. May palabas kaya bago ito! So, question mark din.
Umagang Kay Ganda Hmm, depende kung araw ng suweldo. Question mark din s’ya.
Wala na akong maisip. Ikaw na lang ang bahalang mag-educate sa sarili mo. Wala na ring panahon para sa Korean film fest. Pero nasagot na ang tanong ko. Mas madali palang ispelingin ang mga babae.
No comments:
Post a Comment