Total Pageviews

Sunday, September 30, 2012

Mga Laru-Larong Bata

4Play
Produksyon: Tanghalang Ateneo
Direksyon at Mandudula: Jandee Chua (“Manos”), Zye Carlos (“The Void”), Charles Yee (“Penitensya”) at Christopher Aronson (“Untitled”)
Mga Nagsiganap: Tanghalang Ateneo trainees

Curiosity ang nagtulak sa akin upang galugarin ang Fine Arts Annex sa Ateneo kahit maulan n’ung araw na ‘yun. Dalawang manong guard ang napagtanungan ko at tila pareho silang naliligaw sa pagbibigay ng instructions. N’ung nakita ko ang lugar, naisip ko, sana sinabi na lang nila na malapit sa Manang’s at mas madali ko siguro itong natagpuan. At kamukha ng paghahanap ng theater venue na una ko pa lang mapapanooran, ang mga dulang itinanghal ay kasing donselya ng experience.

Halata at nangingibabaw ang pagkabagito ng mga ipinalabas. Nakakatuwa lang na sa pagkahilaw ng mga ito ay makikitaan mo na ng ibubuga. Sa apat, pinakagusto ko ang “The Void” na hinalaw mula sa “The Silence” ni Haruki Murakami. Para sa akin, na-optimize ng mandudula ang naka-allot na 30 minuto para makapagkuwento sa pinakamadulang paraan. Gusto ko ‘yung pagkakagamit ng espasyo, ang blocking nito, ang eksakto at kontroladong pagganap, ang mga hinihinging katahimikan at ilang estilong Noh. Lumutang ang limitation ng short story material dahil hindi masyadong natahi ang resolution nito, o baka hindi lang masyadong maliwanag ang nangyaring transition. Ganoon pa man, nakuha pa rin ako nito.

May konting kalabit din ang huling akto ng “Manos”. Naiingayan lang ako sa umpisa at ang pag-arte ay medyo nag-uumapaw kesa sa inaasahan. Nakakaaliw ‘yung breather n’ung dalawang karakter na medyo discriminating dahil sila lang ang nagsasalita sa Filipino. May gusto kayang sabihin ang dula tungkol sa social classes o sa pagitan ng mga elitistang mandudula at mga maliliit na trabahador?

Para sa hapong iyon, wala akong masyadong pasensya (at hihingi ako ng paumanhin dito) sa mga dulang masyadong abstract. Ang take ko, kapag maiksi ang running time, may tendency na “dayain” ng mandudula ang oras at daanin na lang sa mga bagay na hindi konkreto upang maitawid ito. Ganito ang impresyon ko sa “Penitensya” at “Untitled”. Physically at emotionally draining man ang “Penitensya” at masasabi kong mahusay ang ilan sa mga nagsiganap dito, nawala ako sa context nito. Maliban sa paulit-ulit na pagyayabang na artista ang isang karakter, ni hindi ito nagbigay ng karagdagang clue kung nasaan sila. Masyadong exhibitionist ito na idinaan sa mga pag-arte na bumibirit pero parang wala namang natirang relevance o value. Kung teknikal ang pag-uusapan, ‘yung “Untitled” na siguro ang pinakamakinang sa apat. Meron itong precision at mataas ang antas ng stage design. ‘Yun nga lang, wala rin akong napulot na wisyo mula rito.

Bibigyan ko lang ng diin na handa ako sa mga laru-larong bata nang mapanood ko ang 4Play. Umaasa ako sa mga karupukan nito at umaasa rin ako na may ilang aspeto akong magugustuhan at aabangan kapag sumabak na ang mga trainees sa Tanghalang Ateneo. Kung papatulan ko ang gimik sa titulong ito ng koleksyon ng mga dula, puwedeng puwede na silang tumuloy sa sex proper (kung meron mang ganitong kataga).

2 comments:

Anonymous said...

Ang pangalan po ng direktor ng Manos ay JANDEE Chua at hindi po Chandee.

Maraming salamat!

Manuel Pangaruy, Jr. said...

Salamat po sa koreksyon. Itinama ko na ho. Nakuha ko lang yata ang detalye sa playbill pero baka nagkamali talaga ako. Sorry at salamat muli.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...