Ped Xing: Tatawid ka ba Kahit Nakamamatay?
Produksyon: The UP Repertory Company
Direksyon: Justine Martinez
Mandudula: The UP Repertory Company Pool of Writers
Mga Nagsiganap: Serville James Soriano, Angelo Buligan, Lorenzo Valentino III, Chyrene Moncada, Lei Lois Azarcon, Maria Zarena Rivera, atbp.
Ang una kong impresyon ay napaka-discriminating ng dula. Nangangamoy iskwater (sa kawalan ng tamang salita) ang produksyon. Dugyot ang stage set na parang nasa isang tsipipay na beerhouse sa Cubao. Crowded din ang stage. Kulang na lang ay ang busina ng jeep at para ka nang na-transport sa isang lugar na tingin ko ay ayaw mong marating kung nasanay ka sa kaalwanan. Ang mga ginamit na awit ay mula sa mga Tagalized na bersyon ng mga pop songs bilang reference sa level ng music appreciation na hinihingi ng milieu.
Kung hindi ka sanay sa ganitong klase ng atmosphere, hindi ka talaga mangangahas na tumawid. Pero kapag nakuha mo ang wit, halimbawa ng spoof ng “Cell Block Tango” mula sa musical na “Chicago”, habang pinalitan ang lyrics ng “makina”, “lipstick” at iba pa, madali na itong masakyan. Sa katunayan, at some point, nakakalunod na ang pop culture reference dahil walang tigil na ipaparamdam ito ng dula. Nariyang naging interactive ito sa paglilitanya ng isang karakter sa mga cultic na pick-up line at nariyang tahasang inilagay ang isang mangkok ng pancit canton sa ulo ng isa sa mga bidang si Charice Pempera.
Lousy rin ang pagkaka-execute ng tula-dula (o ‘yung konsepto ng merong nagda-dub at merong naga-act out). Parang isang barkadang lasing ang nakaisip gumawa ng produksyon at ito ang kinahinatnan. Sa kabilang dako, bagama’t hindi deliberate at bagama’t laban sa nakasanayang disiplina ng teatro, natatanggal ang wall sa pagitan ng audience at performer. Gumagana ang mga ganitong devise kung merong agenda at nais masiguro na makakarating ito sa target audience.
Kapag hinubaran natin ito ng ingay at amoy, simple lang ang gustong tahakin ng dula. Gusto nitong patayin natin ang korupsyon. Hindi man sa paraan na naisip ng batang si Charice (Lei Lois Azarcon), ng iskolar na si Mackie Solido (Serville James Soriano na enigmatic sa kanyang nag-uumapaw na husay sa pagsayaw), ang trabahador na si Cesar Mongago (Angelo Buligan na napaniwala ako sa kanyang pagiging everyday Juan), ang bading na si Gardo Bersola (Lorenzo Valentino III) at ang nanay na si Yna Imbernabeh (Chyrene Moncada na gustong gusto ko ang timing) nang pangtangkaan nila ang buhay ng kurakot na city mayor (Maria Zarena Rivera na napaka-versatile at game), pero sa isang bagay na paglalaanan talaga natin ng effort kamukha ng pagtawid sa pedestrian crossing kahit na delikado ito. Sa dulo, wala naman tayong nais landasin sa pagpatay ng korupsyon kung hindi ang aandap-andap na idea na mawala ang kahirapan sa bansa.
At dito na nagme-make sense ang discrimination na naramdaman ko nang mapanood ito. Siguro, kung hindi ako naantig, ibig sabihin lang, wala ako sa boxing ring ng kahirapan. Ang punto ko, ang gusto talagang kausapin ng dula ay ‘yung mga taong nakaka-appreciate ng Tagalized version ng awit ni Lady Gaga o ng walang kamatayang dance moves ng Oppa Gangnam Style upang magkaroon sila ng giya sa tamang pagtawid kahit nakamamatay man ito. Kung tutuusin, mas delikado kung hindi ka tatawid, kung maghihintay ka lang sa isang bahagi ng kalye at hahayaan mong dumaan ang mga malalaking sasakyan. Sa totoo lang, para sa pedestrian talaga ang pedestrian crossing. Ang mga truck ay patuloy na dadaan dahil ito ang kanilang destiny. Bilang pedestrian, kailangan mong tumawid. Kailangan mong mapahinto ang mga pumapasada kahit sandali lang. At kung buhay ang nakataya sa pagtawid, siguraduhin lang na hihinto ang trapik para sa ‘yo at magbabago ito ng ruta.
No comments:
Post a Comment