Wednesday, October 03, 2012

Ang SONA ng Philippine Theater

Le Praning Du Sining
Produksyon: AB Production Design and AB Technical Theater Programs (DLSU/CSB)
Direksyon: George de Jesus III
Mandudula: George de Jesus III (halaw mula sa “Le Malade Imaginaire” ni Moliere)
Mga Nagsiganap: Joel Saracho, Reuben Uy, Stella Cañete, Martha Comia, Issa Litton, atbp.

Dalawang dula ang nagpapalitan ng schedule para sa produksyon na ito. Una, ang orihinal na “Le Malade Imaginaire” ni Moliere na isinalin ni Charles Heron Wall sa Ingles. Ang ikalawa ay deconstruction naman ng materyal na isinulat ng direktor-mandudula na si George de Jesus III. Ang una, ayon sa program, ay nasa klasikong porma samantalang ang ikalawa, ang napanood ko, ay isang ekstensibong opinyon sa kung ano talaga ang gist ng imaginary invalid.

Hindi ko pa (yata) napapanood ang kahit na anong bersyon ng obrang ito ni Moliere. At hindi masyadong nakatulong na ang ang halaw ni G. de Jesus ay iba ang piniling direksyon. Kung ang orihinal na teksto, ayon pa rin sa program, ay tungkol sa isang matandang maysakit (Argan) na ikinumpromiso ang sariling anak na babae (Angelique) sa isang nakababagot na doktor (Thomas Diafoirus), ang adaptation naman ay nagkuwento ng dilemma ng isang artistic director na si Arman (Joel Saracho) na kumbinsido sa sarili sa pagkuha ng isang pamosong showbiz personality at indie actor para sa ikaiingay ng isang nalalapit na produksyon.

Malinaw naman ang koneksyon: integrity. Isa itong sundot sa kahinaan bilang tao, partikular sa mabilisang pagbulusok ng paniniwala (moral o kung anuman) para lang maisalba ang sarili o ang majority. Nagkataon na nasa ibang pedestal kapag sining na ang nakataya, kumpara sa, halimbawa, kahit anong propesyon na merong eksakto at siyentipikong panukat. Sinasabi natin na ang art ay expression ng sarili at kaluluwa, hindi ng sarili na namuhunan lang sa isang pagkakadalubhasa. Ibang usapan kung isang traffic enforcer ang nakipagkumpromiso sa isang violator o isang government official ang nagmamaniobra pailalim at kung isang artistic director ang bulag na luluhod sa demand ng takilya.

Mabuti na lang at ang kaluluwa ni Arman ay pinagtulungang isalba ng kanyang stage manager na si Toni (Stella Cañete), ang playwright na si Angeli (Martha Comia) at ang dramaturg na si Ver (Reuben Uy). ‘Yun nga lang, mahirap talagang kalabanin ang kalam ng sikmura. Hindi rin nakatulong na ang isang flamboyant at beteranong aktress (Issa Litton) ay patuloy na nagpapaalala na ang integrity ay matagal nang pilay dahil patuloy pa rin itong gumaganap sa mga papel na hindi na naaayon sa edad nito.

Nang naisalang na ang balangkas, marami pang sinambit na komentaryo ang dula bilang pagpapalawig ng tema nitong artistic integrity. At dito ako nag-umpisang magandahan sa adaptation. Lahat ay nakatago sa speaking lines na pumupukol sa ills ng Philippine theater. Madaling mawala sa range ng panahon at content nito pero siguradong ang bawat isa sa audience na merong malasakit sa teatro ay madali lang itong makukuha. Maliban sa kumpromiso sa paggamit ng mga sikat na artista (na hindi natin alam kung para sa takilya o para magsilbing awareness sa art o training sa isang baguhan), bumanggit din ito ng ilang award-giving body sa teatro na barometro ng pagkasining at ilang mga pangalan sa industriya na huwaran sa ideyalismo. Minsan ay halos hindi magkamayaw ang mga suhestiyon at opinyon sa dula habang si G. de Jesus ay nakaupo lang kasama ng audience at nakikitawa sa bawat kibot ng eksena.

Si Salvador Dali ang naisip kong inspirasyon ng stage design. Makulay ito, abstract at halos hindi gumagalaw maliban sa pagsingit-singit ng ilang maliliit na props. Ang costume ay wala ring kasing loud na tila karagdagang suporta sa isang mahabang editorial na ipinamalas ng dula. All in all, masarap tingnan ang set. Sa mga gumanap, banayad ang atake ni Joel Saracho sa karakter. Wala itong pasabog pero alam mong nasa crossfire s’ya ng mga nag-uumpugang prinsipyo. Mahusay naman ang mga suporta pero walang masyadong moment para sa kanila dahil malinaw na ang focus ay nasa statement. May ilang breather na song and dance number na medyo nakaka-turn off dahil sa pagka-amateur nito pero naiintindihan ko na ang palabas ay isang student project.

Nakakalungkot na aalog-alog kami sa teatro ng De La Salle-College of Saint Benilde School of Design Arts nang ipalabas ito. Marami itong gustong ibahagi na obserbasyon sa kalagayan ng theater scene. Nangangailangan ito ng mas maraming audience. Pero ‘yun nga, ang absence pa lang ng mga manonood ay isa nang statement mismo.

No comments:

Post a Comment