Produksyon: Dulaang UP
Direksyon: Alexander Cortez
Libretto: Guillermo Tolentino (halaw mula sa “Noli Me Tangere” ni Jose Rizal)
Musika: Felipe Padilla de Leon
Mga Nagsiganap: Ivan Niccolo Nery, Myramae Meneses, Jean Judith Javier, atbp.
Kanser
Produksyon: Gantimpala Theater Foundation
Direksyon: Adriana Agcaoili and Jheyar Caguimbal
Mandudula: Jomar Fleras (halaw mula sa “Noli Me Tangere” ni Jose Rizal)
Mga Nagsiganap: Jay Gonzaga, Cris Pastor, Marj Lorico, atbp.
Ang larawan ay kinuha mula sa clickthecity.com
Ang unang unang malaking ambag ng pagsasadulang muli ng opera version ng Noli Me Tangere ng DUP ay ‘yung pagpupugay na binigay nito sa National Artist for Music na si Felipe Padilla de Leon. Aaminin ko na wala s’ya sa aking limitadong bokabularyo. Sa tulong ng playbill, d’un ko lang nalaman na s’ya pala ang kompositor ng mga traditional na Christmas song kamukha ng “Pasko Na Naman”, “Noche Buena” at “Payapang Daigdig”, maliban sa ilang arias at harana pieces na sa pagdaluyong ng panahon ay tuluyang matatambakan ng alikabok. D’un ko rin nalaman na s’ya pala ang founding president ng Filipino Society of Composers, Authors and Publishers (FILSCAP) na hanggang ngayon ay tumutulong sa pagprotekta ng legal rights. Ang librettist nito, si Guillermo Tolentino, ay isa ring National Artist para naman sa Visual Arts. S’ya lang naman ang gumawa ng seal ng ating republika at s’ya lang din naman ang lumilok ng oblation sa UP. Ang pagsasateksto ng Noli Me Tangere para sa operang ito ay isa lang pagsasalarawan ng kanyang versatility.
Hindi rin ako masyadong well versed sa opera. Bilang pa sa mga daliri ang aking napapanood kaya’t may kasabay na prosesong matuto ang panonood nito. Maliban sa matataas na nota at ang kakaibang display ng pagkanta nito, ang pinaka-glaring na kakaibang experience dito ay ‘yung panonood ng pagtatanghal na kontrolado sa bawat paghampas ng baton ng maestrang si Camille Lopez-Molina na nakaupo sa front row ng Wilfrido Ma. Guerrero Theater. Napansin ko rin na dahil nga siguro opera ito, naka-highlight ang mga solo number ng mga karakter kung saan nagsisiwalat sila ng kani-kanilang agony. Nakabalangkas pa rin naman sa daloy ng mga chapter ng libro ni Jose Rizal ang obra pero mapapansin ang pagbibigay-diin sa mga pasakit na naranasan at naramdaman ng ilang key characters dito kamukha nina Maria Clara at Sisa.
Naniniwala ako na ang dalawang nobela ng ating pambasang bayani ay pawang nasa anyo ng aktibismo. Gusto nitong magising ang sinumang babasa at hindi para ma-enjoy lang ang literary composition nito. N’ung una, ang naisip ko sa adaptation sa isang opera, mas mababahiran ito ng conceit ng pagkasining at matatabunan ang nais nitong ipamulat sa audience. Kung tutuusin, parang walang katapusan ang pagpapagising na gustong gawin ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo dahil naririyan pa rin ang mga ulupong na gusto nitong kitilin. Natakot lang ako na baka hindi maantig ang audience at mag-focus ito sa pagka-opera ng materyal. Nagkamali ako. Si Sisa na pinakamalungkot na representasyon ng social ill sa libro ay may kaangkop na vindication na sa mga aria n’ya lumabas ang lahat ng himutok ng bayan. Litaw na litaw ito sa huling bahagi ng opera. Gusto lang sabihin na kasing baliw ni Sisa ang audience o taong bayan, kasing paralitiko n’ya at kasing rupok na basta na lang hinayaang magahasa ng pagmamaltrato.
Bagama’t nagmukhang masikip ang entablado sa stage design ni Gino Gonzales na punung puno ng kawayan, hindi naman ito naging sagabal. Nararapat lang ito sa isang pagtatanghal na hindi naman nangangailangan ng marangyang choreography at ensemble singing. Masarap sa mata ‘yung set, Pinoy na Pinoy ang ambience at hindi kailanman naging agaw-atensyon. Nagamit din nang maayos ang mangilan-ngilang video ni Winter David upang makadagdag ng kinang. Tingin ko, kung meron mang theater group na maingat sa eksaktong paggamit ng audio-visual sa dula, DUP na siguro ‘yun. Hindi ko man mabibigyan ng hustisya ang galing ng mga nagsiganap na Crisostomo Ibarra (Ivan Niccolo Nery), Maria Clara (Myramae Meneses) at Sisa (Jean Judith Javier) dahil wala akong masyadong alam sa opera pero nakarating naman sa akin ang mga pasakit na kanilang pinapasan.
Ang larawan ay kinuha mula sa website na ito
Ang atake naman ng Gantimpala Theater sa straight play adaptation ng Noli Me Tangere ay mas academic at mas konserbatibo ang pagkakabalangkas. Napanood ko na ito noon ng dalawa o tatlong beses (Neil Ryan Sese at Jao Mapa bilang Crisostomo Ibarra) at base sa aking napanood, wala namang binago na madaling mapansin. Na-challenge lang ako sa ideya na panoorin ito sa isang libre at pampublikong tanghalan kamukha ng Concert at the Park Open Air Auditorium sa Luneta. Naisip ko, baka mas angkop itong medium para sa isang akdang umaapila ng aktibismo mula sa mga manonood.
Magkahalo ang likaw ng audience nang ipalabas ang dula. May ilang pamilyang nagpi-picnic na may dala-dalang hapunan na nakaplastik at may ilan ding guro na may bitbit na bag. Nakita ko ring dumaan ang pamosong curator at pro-RH Bill personality na si Carlos Celdran na hila-hila ang dalawa o tatlong aso. Ang ilan naman ay magbabarkada na nais lang masilayan ang mga artistang kasali. Hindi maiiwasang makarinig ng diskusyon at daldalan sa gitna ng palabas. At kahit ako, hindi ko napigilang lumantak ng tsitsirya at softdrink dahil alam kong kasali ito sa experience at baka hindi ko na maranasan sa ibang pagtatanghal. Medyo malamok ang lugar dahil malapit ito sa Chinese Garden (kung hindi ako nagkakamali) pero naghanda naman ako rito sa pagbili ng tigbebenteng Off lotion sa pinakamalapit na tindahan doon. Sa kalaunan ng dula, biglang bumuhos ang ulan at ang karamihan sa mga manonood ay humangos mismo sa stage dahil meron itong bubong samantalang ako ay nanatili sa sementadong upuan ko gamit ang isang maliit na payong. Tuluy-tuloy lang lang palabas.
Sigurado akong nakatawid naman ang nobela ni Jose Rizal at matutuwa ako kung makakapasok ito sa kamalayan ng isang out-of-school youth na hindi man lang umabot ng third year highschool (kung kailan pinag-aaralan ang nobela). May ilang pagkakataon na ‘yung nanay sa likuran ko ay nagbibigay ng konting background sa kanyang mga anak at ito ay isang magandang bagay. May hinala pa rin ako na mahaharang ng pagka-escapist na experience na makapanood ng isang dula (ang kakaibang paggamit ng ilaw, ang magagarbong costume, ang karupukan ni Cris Pastor bilang Maria Clara, ang stage presence ni Jay Gonzaga bilang Crisostomo Ibarra, ang mga hikbi ni Marj Lorico bilang Sisa at ang malaking buwaya) ang panggigising na gustong gawin ng obra pero mabisa na itong simula. ‘Paglabas ng auditorium, makikita ang kumpul-kumpol na taong naglilibang at nagpapalipas ng oras sa tagiliran ng pond na merong laser show. Marami pang puwedeng pukawin si Jose Rizal na sa hindi kalayuan ay nakahimlay at ginaguwardiyahan.
No comments:
Post a Comment