Ang Tagak
Produksyon: Dulaang UP
Direksyon: Tony Mabesa
Mandudula: Rolando Tinio (halaw mula sa “The Seagull” ni Anton Chekhov)
Mga Nagsiganap: Frances Makil-Ignacio, Carlo Tarobal, Nadine Samonte, Menggie Cobarrubias, atbp.
Matapos ko itong mapanood, nagkaroon ako ng impression na galit sa probinsya si Chekhov. Hindi ko masyadong matandaan kung ilang dula na n’ya ang napanood ko pero ang huling dalawang malinaw pa sa hinagap ko (“Three Sisters” ‘yung isa) ay parehong nagtanim ng komentaryo sa desolation na bugso ng pagkakalayo sa siyudad. O, baka nangangailang hukayin ang historical background n’ung panahong isinulat ito upang lubos na maintindihan ang punto. Para sa akin na lumaki sa probinsya at unang nanirahan sa siyudad n’ung nakatapak lang sa college, hindi ko masyadong maisiping ang sarili sa melancholia na nais nitong ibulalas. Ang iniisip ko sa probinsya ay pamilya, tahanan, kaibigan, kamuwangan at ilang mumunting alaala ng paglago at pagkabigo.
Maraming karakter ang dula pero halos umiinog ito sa apat na pangunahing tauhan. Ang artistang si Irina Arkadina (Frances Makil-Ignacio) ay ina ni Konstantin Treplev (Carlo Tarobal) na ang kasintahang si Nina (Nadine Samonte) ay umiibig sa nobelistang si Boris Tagurin (Menggie Cobarrubias) na kasintahan naman ni Irina Arkadina. Bagama’t madaling susugin ang apat na karakter sa isang larong musical chairs, hindi ito nakahimpil dito. Tungkol din ito sa mga taong namumuhay (o nagbabakasyon) sa probinsya, tungkol sa iba’t ibang porma ng sining, tungkol sa end of era at tungkol sa pagkalugmok bunga ng pagkasawi sa pag-ibig.
Merong apat na akto ang dula at kung susuriin, ang lahat ng mga importanteng kaganapan dito ay nangyari na hindi pinapakita sa audience: ang pamumulaklak ng pagsasama nina Irina Arkadina at Boris Tagurin, ang pagkabuntis ni Nina at ang pag-iwan sa kanya ng nobelista at ang ilang pagsuko ni Konstantin sa depresyon. Ang kahusayan ni Chekhov (na sinang-ayunan ng translation ni Rolando Tinio), hindi n’ya ito lahat ipinapakuwento sa kanyang mga tauhan. Idinadaan n’ya ito sa mga reaksyon at metaphor na parang wala naman talagang nawala sa mensahe nito sa mga manonood. Nandoon pero wala naman talaga. Hindi makita pero merong nakakarating.
Ang pagkamatay ng tagak sa ikalawang akto, halimbawa, ay napakarami nang gustong sabihin. Inalay ni Konstantin ang hayop kay Nina. Maaari itong tumukoy sa isang panatag at magandang bagay kamukha ng pag-ibig na hindi na kailanman masusuklian. Puwede rin na ang gustong sabihin ay ang pagkamatay ng sining sa pagdating ng bagong era. Puwede ring pagkamatay ng moralidad sa kabila ng nirerespetong pagtingin sa kahusayan sa pagsusulat ng nobelistang si Boris Tagurin.
Napaka-classic ng pagkaka-envision ni Tony Mabesa sa materyal. Hinubaran ito ng kung anu-anong palabok at palamuti. Wala itong audio-visual gimmick, walang deconstruction at walang anumang bahid ng kanyang opinyon sa content nito. Maging ang blocking ay napaka-old school. Kalkulado at balanse ang focus ng sinumang nagsasalita at ang stage design ay kailanman hindi naging agaw-atensyon. Sa mundo ng Philippine theater na sagana sa reimagining ng kung sinu-sinong Ponsyo Pilato, ang produksyong ito ng DUP ay maihahanay sa mga endangered species. Isang paalala lang din na ang staging ng kahit anupamang inaagiw nang materyal ay nananatiling sariwa sa mundo ng teatro.
Wala akong masabi sa cast dito. Umasa talaga ako na wala akong masasabi sa kanila dahil Tony Mabesa ito. Nang matapos ang dula, tinanong ko si Miss Frances kung nacha-challenge pa ba s’ya sa mga gan’ung role (diva, artista, nanay). Mabilis s’yang sumagot ng “Oo naman!” Sinabi n’yang mahirap daw sabihin sa sarili ‘yung maging sariwa at batang bata. Napangiti ako. Matagal-tagal bago ko makalimutan ‘yung kanyang reaction sa isang eksena bago magwakas. Naka-deliver din para sa akin si Nadine Samonte. May hinihinging pagka-newby ang mga unang eksena ni Nina na n’ung una ay nahihirapan akong basahin kung nangangapa lang ba talaga ang TV actress o deliberate. Nasagot ang tanong ko r’un sa eksenang tila nilamon na s’ya ng panahon sa may parteng dulo. Gusto ko rin ‘yung pagka-unpredictability sa linya ni Carlo Tarobal (ngayon ko lang yata s’ya napanood). Meron akong pakiramdam na parang makakalimutan n’ya ang linya pero mukhang gan’un lang talaga ang kanyang estilo. Nakamalas ako ng ganitong delivery kay Jao Mapa n’ung ginawa n’ya ang “Kanser” para sa Gantimpala Theater Foundation.
Kung meron pang pagkakataon, panoorin n’yo ang “Ang Tagak” sa dalawang dahilan. Una, para sa akademikong rason, upang maintindihan ang tinta ni Chekhov at upang masilip ang bahagi ng kanyang sensibilidad. Ikalawa at tingin ko ay kasing importante ng nauna, darating ang araw na mawawala na ang mga ganitong disiplina ng pagtatanghal. Kamukha ng pagpanaw ng ibon sa dula, baka lumisan na rin ang puting puting kagandahan nito. Hindi man natin lubusang masagip, kahit papaano ay nabiyayaan tayo ng pagkakataon na mamalas ang mapayapang pamamasyal nito sa lawa.
No comments:
Post a Comment