Total Pageviews

Thursday, November 22, 2012

Notes from Cine Europa 2012

The film festival on its 15th year was once again held at the Shang Cineplex. Pretty much the same ticketing system as before: release at 30 minutes prior to the film screening with a gap of more than an hour. I am not sure if it was the availability of the films over the net that kept its audience from flocking to the mall but it looked like a film marathon is now doable. This time around, I made an effort to catch the opening film from Norway called “Upperdog” which stars a Filipino-Norwegian actor named Hermann Sabado. I usually skip this part of the festival as I don’t know anybody from any of the participating embassies. On September 4, the day before the opening, I attempted to write an email to the organizer (Norwegian embassy) using the email address I got from a website that features the festival. I wasn’t sure if it will be read but I just asked them how I can watch the opening film. Surprisingly, I got a reply early in the morning. Attached is a PDF of the invite for the event in the same afternoon.

There were already a lot of dignitaries at the mall’s Grand Atrium when I arrived. There’s food, wine, some live music from the Manila String Quartet and some familiar faces. There was a raffle draw for a KLM trip anywhere in Europe (which I joined in but not lucky enough). Then the representatives from the embassies were called, made a toast and formally opened the event.

Below is the interesting mix of films that I caught for free during the 12-day festival:

Upperdog (Sara Johnsen, Norway) A modern-day drama as told from four intertwining characters in Oslo. Two of the four are Korean siblings who were adopted by two different couples and accidentally reunited after so many years. Though the musical score is sometimes distracting, the character study part is very affecting. There’s a statement somewhere about Norway being a very welcoming country to other races. The siblings, for instance, attend to other personal issues and do not concern much on being accepted to the society. The storytelling may not be that fresh but it got me involved in the first quarter as I can’t easily figure out what the film is all about. Hermann Sabado did really good as well as the rest of the cast.

The Goat (Georgi Djulgerov, Bulgaria) I totally enjoyed this Bulgarian film's absurdity of having the main POV from a goat. It is low budgeted and oftentimes stagey due to this limitation, but the film exudes an exotic wit and sensibility that highlights the whole viewing experience. What I liked best is that it doesn’t deal with social issues and it doesn’t attempt to preach on something.

Koko Flanel (Stijn Coninx, Belgium) This 1990 film from Belgium has all the elements of a Dolphy film, probably only a notch higher in terms of production value. It’s about a loser who suddenly became rich and famous when he was accidentally included in a photo shoot of expensive signature apparel. The struggle then is on how he can swim with the sharks and win the love of his life who happens to be the coordinator of the same agency who tapped him. There’s really nothing much in here but I sure appreciate the lavish costumes and the ambitious effort to mount the scenes involving the fashion industry.

The Rest is Silence (Nae Caranfil, Romania) This film about filmmaking has the feel of a telemovie at first but when it gets fired up, the content is really worth exploring. Sensibility looks too contemporary though. It’s about Grig who is the son of a famous actor who dreams of coming up with a moving picture during the early 1900’s to recreate a war. There are some road blocks along the way and this part of the film is probably the most interesting. It shows the challenges a filmmaker has to face during that time, pretty much the same issues that a contemporary filmmaker is facing.

Lidice (Petr Nikolaev, Czech Republic) Sometimes it gets emotionally tiring to watch a film about the Nazi and the genocide but I always admire its sense of history. I liked the parallel between the father who committed a crime and the killings he somehow avoided while he was in prison. According to the festival program, the burning of the village of Lidice “was Nazi Germany’s only officially admitted genocidal act during the war that shook the world”. This film tries to immortalize this historical account through the eyes of a father who first lost his family when he became a prisoner. The epilogue that enumerates people named Lidice has some shades of “Schindler’s List”.

Thursday, November 15, 2012

Namumutlang Halaw

Bona
Produksyon: PETA
Direksyon: Soxy Topacio
Mandudula: Layeta Bucoy (halaw mula sa pelikula ni Lino Brocka na isinulat ni Cenen Ramones)
Mga Nagsiganap: Eugene Domingo, Edgar Allan Guzman, atbp.

Ang iniisip ko habang pinapanood ang dula ay ‘yung hindi mahulog sa patibong na maikumpara ito sa film version nina Lino Brocka at Nora Aunor na parang isang imahe ng santo na nasa eskaparate. Pero nitong mga nakaraang araw ay nagkaroon ako ng pagkakataon na mapanood ang pelikula sa ikalawang beses at d’un ko napansin ang malaking puwang na ibinigay ng dula. Hinding hindi talaga kayang maiwasan ang paghahambing at ito ang aking mga napuna:

1. Sa pelikula, nakakapukaw ng konsentrasyon ang opening scene nito na ipinakita si Bona sa pagsali sa kapistahan ng Nazareno. Pahapyaw na pinadaanan ng kamera ang karosa sa isang sinehan, cut sa isang eksena ay ipinakitang nanonood si Bona ng shooting ng kanyang iniidolong si Gardo. Sumunod agad ang isang montage na tila metamorphosis ng obsesyon ng isang fan. Sa dula, ipinakita lang ito sa pagiging deboto ni Bona sa Nazareno sa pagkakaroon ng isang maliit na imahe sa kaliwang bahagi ng stage. Sa umpisa ay nagsindi ng kandila si Bona rito at nagdasal. Hindi tinanggal ang imahe hanggang matapos ang dula. Tila coincidental naman ang pagkakahumaling ni Bona sa kanyang Gino Sanchez matapos mabalitaang ang kanyang dating kasintahan sa call center ay boyfriend na ng dating boss;

2. Maraming stagey na eksena sa pelikula. Palibhasa, nagsusumiksik minsan ang camera sa isang dampa at nakasalalay sa dalawang karakter ang daloy ng kuwento. Ang dula naman ay nagmukhang pilay nang maraming beses itong nagpakita ng video sa isang wall upang magkaroon ng extension ang kuwento. Nariyan ang acting piece ni Gino Gonzales (na redundant na dahil meron din itong talent portion sa stage mismo) nang i-recreate ang kanyang sariling madramang buhay at ‘yung mga eksena sa film shoot. Para sa akin, magagawan ng paraan sa dula na hindi na kailangang ipakita pa sa video ang mga nasabing eksena. Gusto ko lang ‘yung stage design ni Boni Juan dito. Maganda ‘yung mukhang 3D na installation ng neigborhood sa may likuran at ‘yung malaking billboard sa itaas ay ginagamit na video wall. Nakatulong din, para sa akin, ang musika ni Teresa Barrozo upang maging current ang atmosphere;

3. Wala namang halos ipinagkaiba ang pagkaka-characterize sa pelikula at sa dula. Parehong kumapit hanggang dulo si Bona at napuno. Sina Gardo at Gino Sanchez ay gan’un din. Hindi ko alam kung anong statement ang gustong palabasin pero ang parehong lalaking karakter ay madalas ipakitang nakahubad kahit na magkaiba ang sensibilidad noong 80’s at ngayon. Siguro ay gusto lang ipaunawa kung ano ang nagustuhan ng protagonist. Maaari rin itong suhestiyon ng kabalintunaan kung ano ang physical at internal beauty. Ang Nilo sa pelikula (Nanding Josef) at Bert sa dula (Juliene Mendoza) ay parehong ginamit bilang third party na nag-aasam ng pag-ibig ni Bona. Gan’un din na sa dulo ay nagpakasal ito sa iba. Ang kaibahan lang, si Bert ay nakakaalwan at s’ya ang may-ari ng inuupahang bahay nina Bona at Gino Sanchez (samantalang si Nilo ay isang tambay na tumutulong sa pag-igib ng tubig at nagsisilbing koneksyon sa nilayasang pamilya). Nagpapakita s’ya paminsan-minsan kung merong nais kumpunihin sa unit kamukha ng pintuan. Sa isang kaugnay (at memorable) na eksena sa pelikula, sinira ni Gardo ang pinto ng kapit-bahay at inuwi ito. Medyo nararamihan lang ako sa mga karakter sa dula. Parang hindi na rin masyadong kailangan na meron pang kapatid, pamangkin at matalik na kaibigan (na hindi ko alam kung sinasadya na lahat ng pangalan nila ay nagsisimula sa letter B: Binky, Bingo, Baldy at si Bert nga); at

4. Ang Bona ni Nora Aunor sa iconic na eksena ng pagbuhos ng kumukulong tubig sa kanyang diyos-diyosan ay binalutan ng pagkasukol. Bakas sa kanyang mukha na wala na s’yang ibang mapupuntahan. Ang atensyon na kanyang ginugol sa kanyang idolo ay kailanman ay hindi na masusuklian. Wala na s’yang pamilyang mababalikan at ang kanyang Gardo (Phillip Salvador) ay piniling sumama sa ibang babae na mayaman. Nag-freeze ang frame sa dulo ng pelikula na umiiyak si Bona habang nasa tabi nito ang larawan ni Gardo na nakadikit sa dingding. Ang Bona naman ni Eugene Domingo ay tila isang phase lang ng depresyon ang pagkahumaling kay Gino Sanchez (Edgar Allan Guzman na para sa isang hindi visible sa teatro ay mahusay ang interpretasyon) na kailangang panagutan ang babaeng nabuntis. Hindi nagkaroon ng inaasahang bigat ang huling eksena ng pagbuhos ng kumukulong tubig. Una, hinihintay ko na mas paiigtingin pa ni Layeta Bucoy ang karahasan sa dulo. ‘Yun na pala ‘yun. Ikalawa, banayad lang ang atake sa karakter. Maganda ‘yung ilang nakakatawang ad lib dahil nagkakaroon ng distinct touches pero ang epekto sa dulo ay mas matibay si Bona at maaari n’yang malampasan ang anumang marubdob na pagsubok. May suhestiyon ito na kaya n’yang mag-umpisa ulit. Kung statement man ito sa makabagong babae o sa gender equality, hindi ko alam.

Saturday, November 10, 2012

Ang Patuloy na Pag-aabang sa Paghilom ng Sugat

Ang larawan ay kinuha mual sa website ng Broadway World - Philippines.

Walang Sugat
Produksyon: Tanghalang Pilipino
Direksyon: Carlos Siguion-Reyna
Libretto: Severino Reyes
Musika: Fulgencio Tolentino, Constancio de Guzman at Mike Velarde
Karagdagang Teksto: Nicanor Tiongson
Karagdagang Musika: Chino Toledo
Mga Nagsiganap: Cris Villonco, Noel Rayos, Noemi Manikan-Gomez, Lou Veloso, Gino Ramirez, atbp.

Napanood ko na ang sarswelang ito n’ung 90’s at ang natatandaan ko, nanindig ang balahibo ko n’ung unang beses kong marinig ang “Bayan Ko” ni Constancio de Guzman sa larangan ng teatro. Malaking bagay rin na hindi ko alam ang twist nito dahil mainam na kasali ito sa karanasang mapanood, considering na ang porma ng sarswela ay hindi madaling panoorin hanggang dulo.

Sa restaging na ito ng Tanghalang Pilipino, na-retain naman nang lubos ang core ng sarswela. Unang beses ko itong napanood na magdirek sa teatro si Carlos Siguion-Reyna na alam kong visual sa mga pelikulang kanyang ginawa. Maganda ‘yung nuances n’ung mga eksena sa dula na dadalawa ang karakter na kadalasang nagliligawan, nagtatampuhan o nag-iibigan. Hindi ko alam kung may kinalaman ito sa mga pagtatanghal ng “Aawitan Kita”, sa TV man o ‘yung mga live performances nito sa University of Makati. Siguro ay kailangan lang i-improve ‘yung blocking n’ung mga ensemble number at tingin ko ay isa na itong mahusay na musical revival.

Mapapansin din ang pagkamoderno ng Zen-like stage ni Tuxqs Rutaquio rito. Walang masyadong palamuti sa likod na iniilawan lang asul, puti o pula base sa mood. May ilang layer o nakaangat na platform ang gitna na nagsilbing main piece sa stage. Maganda itong statement sa social classes ng materyal kung saan ang mga prayle ay bumababa lamang hanggang sa ikalawang baytang samantang ang alalay at ang tagasilbi ay nagligawan sa pinakamababang bahagi nito. Kadalasan din na ang mga eksenang kabilang ang mga taong-bayan ay nasa ibaba rin at ang digmaan ay rumagasa mula sa unang layer pababa.

Mas gusto ko ngayon si Cris Villonco kumpara n’ung kabataan n’ya. Nagkaroon ng maturity ang kanyang boses at hindi ko napansin na ganito na pala kaganda ang kalidad ng kanyang boses panteatro. Ang kanyang Julia ay rebelde at punung puno ng pag-asa sa pag-ibig kahit na napapalamutian ito ng presensya ng kanyang konserbatibo at madaling mapayuko na inang si Juana (Noemi Manikan-Gomez sa bibihirang pagkakataon na mapanood ulit sa stage) sa mga pangako ni Tadeo (Lou Veloso) at ng anak nitong si Miguel (Gino Ramirez). Lumaki rin ang pagkahilig ko sa teatro sa pamamagitan ng ilang Repertory Philippines plays at mas madalas sa hindi na kasali rito si Noel Rayos. Maganda ang boses n’ya at akmang akma ang pagka-classical nito pero parang may hinihinging transition ‘yung karakter n’ya. Si Tenyong ay isang simpleng binata at mangingibig na nahubaran ng pagkainosente nang pinapaslang ng mga prayle ang kanyang ama at piniling maging Katipunero. Nakulangan lang ako sa dilim ng delivery ni G. Rayos bilang Tenyong sa ikalawang bahagi ng dula.

Tingin ko, mahirap nang ibenta ang sarswela ngayon sa labas ng intensyong pang-akademiko. Siguro ay mga estudyante at guro na lang ang maaaring kapukawan nito ng interes. Pero magandang suriin ang pagtatanghal bilang isang hugis ng sining na subersibong kumikilatis sa social ills. Kung tutuusin, hindi pa rin naman nawalala ang mga “prayle” ng makabagong panahon na hindi lang tumutukoy sa mga tao sa simbahan na nakaabito. Representasyon na ito ngayon ng kahit na sinong umaabuso sa kahinaan ng ibang kapwa Pilipino. Nakakalungkot lang na hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagagamot. Habang nag-aabang ang lahat sa paghilom ng sugat, hinihikayat tayo ng sarswela na maging tapat sa anumang nais at maging makabayan.

Friday, November 09, 2012

Desusing Pagharap sa Karahasan

Battalia Royale Version 3.0
Produksyon: Sipat Lawin Ensemble
Direksyon: Jk Anicoche
Mandudula: Kolaborasyon nina David Finnigan, Jordan Prosser, Sam Burns-Warr, Georgie McAulye at Sipat Lawin Ensemble (hindi lisensyadong halaw mula sa nobela ni Koushun Takami na “Battle Royale” at pelikula mula sa Toei Company, LTD.)
Mga Nagsiganap: Bodgie Pascua, Thea Yrastorza, Isabelle Martinez, Ness Roque, Acey Aguilar, Kevin Vitug, Ross Pesigan, atbp.

Maraming nire-require sa manonood ang dula mula sa pagbili ng ticket hanggang sa pagtatanghal nito mismo. Hindi gan’un kadaling magkaroon ng ticket. Sa mga merong Facebook account, kinakailangan mong sundin ang nakatalagang instructions sa app. Hindi ko alam kung para sa Version 3.0 ay naglagay sila ng picture file n’ung instructions upang magkaroon ng option kung hindi masyadong user-friendly ‘yung app. Kapag nasa kamay mo na ang mga nais ipagawa, isa-isa mo na itong susundin kamukha ng paghihintay ng email kung naireserba ka nga, paghuhulog ng bayad sa bangko, pagpapadala ng screenshot ng deposit slip at ang optional na pag-reply sa email kasama ang detalye ng deposito. Nawalan ako ng gana sa unang attempt na bumili. Hindi ko kasi masyadong maintindihan kung bakit kailangang pahirapan ang manonood (na aminin natin na sa level ng purchase ay “customer” pa rin naman silang matatawag). Gan’un ba ka-insecure ang dula upang magkaroon ng ganitong nakakalunod na gimik?

Nagbago lang ang desisyon ko nang magkaroon ng communication sa isa sa cast nito. Apologetic s’ya (kamukha ng ilang tweet mula sa produksyon) at wala naman akong ibang dahilan upang magmatigas pa. Besides, hindi naman matatawaran ‘yung curiosity ko kung bakit nagkaroon ng cult following ang dula.

Dahil sa mga paalala sa confirmation email, nagdala ako ng mga dine-demand nitong bagay: extra t-shirt, running shoes at tubig. Marami nang tao sa Museo Pambata n’ung bandang 6:30pm pa lamang (maaga ako ng 30 minuto). Sa desk, d’un ko nakuha ang aking all-access pass na nagsilbing ticket para sa dula. Isa itong “pass” dahil supposedly ay isang remote venue ‘yung lugar kung saan kinidnap ang buong Class Hope ng Our Lady of Guadalupe High School. Hindi nag-umpisa sa takdang oras ang dula at halos punung-puno na rin ang harapan ng museum sa dami ng manonood (mukha na itong crowd ng isang concert). Sa kabilang table mula sa desk kung saan ko nakuha ang aking pass, nand’un naman ang mga merchandise. Merong playbill, t-shirt, ilang kit (na merong flashlight at mapa ng venue) at playing cards na kasing laki ng postcard kung saan nakaimprenta ang mga mukha ng mga players (cast). Hindi ko na matandaan kung magkano ito pero hindi naman gan’un kamahal. Bale ang benta ay magsisilbing boto kung sino ang deserving matira sa Class Hope. Hindi ito required pero dahil gusto kong makigulo, binili ko ang pares nina Jessica Adriano at Julius Francisco.

Mga 7:30pm na yata nang tawagin ang atensyon ng lahat. That time, nakapuslit na akong kumain ng noodles na binebenta sa labas ng gate. Nagpakita si Fraser Solomon (Bodgie Pascua na sa “Battle Royale” ay pinapelan ng magiting na si Takeshi Kitano bilang “Kitano”) at inanunsyo ang ilang paalala habang ginagawa ang dula. Nagkaroon din ng isang patay-patayan game na karamihan naman ay nakisali (kabilang na ako). Pagkatapos nito, hinati na sa apat na grupo ang buong audience (nakita ko ang direktor na si Marie Jamora at ang stage actor na si Nar Cabico na s’ya ring nanalo sa patay-patayan game). Ilang sandali pa at binigyang hudyat na ang lahat upang sumunod sa utos ng mga marshal. Basically, ang paghahati ng grupo ay para lang sa maayos na pagtatalaga ng puwesto sa bawat “pagtatanghal” o sa ilang intersection.

Sa umpisa ay medyo may konting adrenaline rush pa. Nakaka-excite kasing tumakbo kasama ang ilang hindi ko naman kilala. At sa dilim pa! Dinala kami sa unang tagpo kung saan nakatumpok na magkakapatong ang mga estudyante na kakagising lang mula sa puwersadong pagpapatulog sa kanila. Ipinaliwanag na rin na kinakailangan nilang magpatayan at isa lang dapat ang mabubuhay. Wala namang kapuna-puna rito maliban d’un sa kawalan ng konteksto kung bakit nila kailangang magpatayan. Hindi malinaw kung bakit nagkaroon ng ganitong “proyekto” at sa Pilipinas pa na demokratiko ang kamalayan. Sa pelikula, bahagya itong ikinuwento. Para sa akin, mas nakakatulong kasi ito upang makisimpatiya sa mga biktima.

Mula rito ay tuluy-tuloy na ang daloy ng pagtatanghal. Minsan ay hahatiin ang mga grupo para sa mga eksenang kanilang mapapanood at minsan naman ay magkakasabay na manonood. Visible ang direktor dito dahil kailangan n’yang idirek ang mga tao kung saan tatakbo at kung paano patatakbuhin ang dula base (yata) sa mga biniling playing cards. Bago sa akin ang ganitong experience dahil nagmistulang isang pagtatanghal ito ng audience at hindi ng mga artista ng dula mismo. Minsan ay vocal ang mga manonood sa kanilang komento tungkol sa mga kaganapan at natutuwa ako kung paano sila mag-react. Buhay na buhay ang performance sa mata pa lang (at takbo) ng mga manonood.

Wala akong ideya kung gaano ka-unique ang plot sa ibang version (mula zero hanggang 3.0) o sa ibang pagtatanghal. Posibleng ang Kakai (Thea Yrastorza), Isidora (Isabelle Martinez), Sanya (Ness Roque), Julius (Acey Aguilar), Sebastian (Kevin Vitug) at Victor (Ross Pesigan) ay may ibang angst at subplot sa napanood ko. Kung tatanggalin ang lahat ng devise (takbuhan, interaction, choose-your-own-adventure, atbp.), mayroon pa rin namang mapupulot na sustansya sa pagkakasulat. Gusto ko ‘yung maikling kuwento tungkol sa dalawang babaeng sinubukang magtalik sa unang pagkakataon o ‘yung magkasintahan na piniling magpakamatay nang sabay. Medyo uneven ang impact ng mga kuwento pero pisikal na ring nakakapagod kung lahat ay pagtutuunan pa ng pansin. Sa mga gumanap, para sa akin, walang stand-out (na tingin ko ay ito ang inaasahan) at wala rin namang naiwan. Maganda ring imahe ang huling eksena para mag-reflect kung hindi pa man hinihingal na ang lahat at wala nang ginawa kung hindi uminom nang malamig na tubig.

Hindi ko alam kung nagustuhan ko ang buong dula. Sigurado ako na may napanood na akong ibang pagtatanghal na mas marahas at mas napapahawak ako sa sa aking sarili sa takot na matapunan ng dugo, literal man o figurative. Kahit ‘yung hinihinging contemplation sa dulo, parang may napanood na rin akong mas nakatagos na parang espada ang mensahe. Ang alam ko lang, hinding hindi ko makakalimutan ang experience na ito, ang experience na makita ang mga manonood bilang artista sa isang desusing pagharap sa karahasan. Para sa akin, mas mainam na dito mag-reflect at makita ang sarili sa iba kung paano nila kaawaan, pagtawanan at maliitin ang mga estudyanteng nakikipagbuno para sa sariling kaligtasan.

Thursday, November 08, 2012

Si Shakespeare sa Apat na Sulok ng Classroom

Ang larawan ay kinuha mula sa website ng PETA

William
Produksyon: PETA
Direksyon: Maribel Legarda
Mandudula: Ron Capinding
Musika: Jeff Hernandez
Karagdagang Titik: Rody Vera, Anj Heruela at Rico del Rosario
Karagdagang Eksena: Rody Vera
Mga Nagsiganap: Norbs Portales, Anj Heruela, Jmee Katanyag, John Emmanoel Moran, Ian Segarra, atbp.

Dahil siguro sa target audience nito, simple lang ang daloy ng kuwento. Limang magkakaklase sa high school ang binigyan ng assignment ng kanilang teacher upang isadula bilang monologo ang kanilang napiling tagpo mula sa kahit anong akda ni William Shakespeare. May mga personal na isyu ang mga bata. Si Estela (Anj Heruela) ay malapit sa ama pero malayo sa inang OFW. Si TJ (Norbs Portales) na kanyang lihim na iniibig ay matindi ang pressure sa amang konserbatibo. Ang kasintahan ni TJ na si Sophia (Jmee Katanyag) ay maalwan sa buhay subalit may sariling tinik sa identity dahil ang magulang ay dating mahirap. Ang mahiyaing si Erwin (Ian Segarra) ay lihim na hinahangaan ni Sophia samantang ang bading na si Richard (John Emmanoel Moran) naman ay may sarili ring struggle upang matanggap ng kanyang mga kaibigan bilang siya.

Extensive naman ang pagkakasulat ng dula. Basta Shakespeare, maaasahan si Ron Capinding na malalim ang research na kanyang ginagawa kung hindi man nasa ulo na n’ya ang literatura nito. Kapanipaniwala rin ‘yung konteksto na ginawang pagtatanghal ng mga bata sa dulo at kung paano naidikit ang dakilang mandudula sa indibidwal na buhay. ‘Yun nga lang, hindi ako masyadong nakuha na nakakulong sa apat na silid ng classroom ang dula, na ang mismong pagkakatuklas sa galing ni Shakespeare ay nakasalalay sa paraan ng pagtuturo at motibasyon ng kanilang guro. Nakuha ko naman ang punto nito na kinakailangan nating mag-aral hindi para sa grado kundi para sa buhay. Nakuha ko rin na ang kalidad ng edukasyon ay nasa kamay ng isang mapag-arugang guro. Nawala lang siguro ako sa ideya na maaaring makarating ang dula kahit na sa audience na wala (o wala na) sa classroom. Napakalimitado lang ‘yung suhestiyon na si Shakespeare ay nakakulong sa isang eskuwelahan at maaari lang makakonek sa kanya sa pamamagitan ng isang pormal na edukasyon para sa mga bata.

Sa Tanghalang Aurelio Tolentino sa CCP ko na ito napanood. Medyo nalalakihan ako sa venue para sa blocking at stage design n’ung dula. Siguro ay mas nakakaaliw itong panoorin sa isang mas maliit na lugar kamukha ng PETA Theater Center. Sa performance, wala akong itulak-kabigin sa mga bidang bata. Walang nagsapawan at wala ring naghilahan pababa. Naitawid nila ‘yung angst na gustong bitbitin at engaging ang bawat monologo sa dulo. Aliw na aliw rin ako sa mga musical number na nakatahi sa rap music. Puwede naman palang magawa ang ganitong concoction kahit na hindi pa ito masyadong hardcore.

May ilang pag-aalinlangan ako sa dula tungkol sa limitasyon nito ng audience pero para sa mga nasa loob ng maaari nitong maabot, isa itong variety sa mga homegrown na musical. Klaro ang punto na ang bawat isa sa atin ay may isang Shakesperean character. Kailangan lang buksan, pag-aralan at tanggapin.

Tuesday, November 06, 2012

Ang Babaeng Nawawala sa Dilim

The Woman in Black
Produksyon: Dulaang Kalay
Direksyon: William Elvin Manzado
Mandudula: Stephen Mallatratt (halaw mula sa libro ni Susan Hill)
Mga Nagsiganap: Jeremy Domingo at Reb Atadero

Ang interior ng Teatrino sa Greenhills ay umakma sa panonood ng dula lalo na’t nakaupo ka r’un sa unang bahagi ng venue na malapit sa stage. Meron kasing isang espasyo sa pagitan ng una at huling bahagi ng teatro na ginagamit upang lakaran ng audience. Elevated ang area sa parteng likuran at pantay lang sa harapan. Pinili kong umupo na malapit sa stage at pinili ko na lang ang upuan na walang masyadong nakaharang sa harapan ko. ‘Yun pala, gagamitin ang espasyo upang gumala ang babaeng multong nakaitim na pasulput-sulpot habang tumatakbo ang dula. Para sa katulad kong nakaupo sa may harapan, nakakapraning isipin na ang babaeng nawawala sa dilim ay maaaring nasa likuran ko na pala.

Actor’s piece ang materyal. Tungkol ito sa dalawang tauhan na sina Arthur Kipps bilang matanda (Jeremy Domingo) na nais magtanghal ng kanyang kuwento at ang actor na gaganap bilang batang Arthur Kipps (Reb Atadero). Inumpisahan ito sa kanilang pagkikita sa isang teatro at tumahak ang dula sa isang nakakapanindig-balahibong retelling ng isang misyeryosong pangyayari sa Crythin Gifford. Ang lahat ng mga karakter (Sam Daily, Horatio Jerome, Keckwick) na nakasalamuha ng batang Arthur Kipps sa kanyang kuwento ay pawang ginanapan ng aktor na gumaganap bilang matandang Arthur Kipps.

Hindi ko nabasa ang libro ni Susan Hill at hindi ko rin napanood ang film version na pinagbidahan ni Daniel Radcliffe pero ayon sa mga nabasa ko, pareho itong tumalakay sa nakakatakot na chapter ng batang si Arthur Kipps. Palabok na lang sa stage adaptation ang mga prologue at epilogue nito pero hindi naman ito naging pabigat. Sa katunayan, nagkaroon ng panibagong perspektibo ang curse ng babaeng nakaitim sa munting surpresa ng dula sa dulo. May kakaiba ring nginig ang ideya na ang babaeng nakaitim ay kasama lang din sa entablado at pagala-gala. May isang tila montage sa dula ang nagpakinang sa set design ni Nissi Gatan na umangkop sa ilaw ni Meliton Roxas, Jr. Kung mabilis lang siguro akong matakot, baka napanaginipan ko na ito.

Sa kabila ng kahubaran ng stage, nagawa naman nitong mag-inject ng hinihingi nitong ambience. Nakatulong ang physique ng babaeng nakaitim at walang sabit ang atake ng mga artistang sina Jeremy Domingo at Reb Atadero. Ito ‘yung mga pagkakataon na madaling maramdaman kung ang pagganap ay walang kumpiyansa dahil maraming karakter ang papalit-palit na ginagampanan. Hindi man ito kasing bilis ng “The Mystery of Irma Vep” ni Charles Ludlam, ang ilang tagpo naman ay masyadong emotionally taxing para sa mga aktor at malaya itong naitawid. Ang blocking ni William Elvin Manzano (na nasaksihan ko sa ilang pagtatanghal hindi bilang direktor kundi bilang musikero) na gumamit sa bawat kanto at limitasyon ng venue ay naging epektibo upang hindi magmukhang payak ang pagtatanghal.

Kung meron pang pagkakataon, magandang karanasan sanang mapanood ang “The Woman in Black” ng Dulaang Kalay (ng Kalayaan College sa Quezon City) na halos nag-uumpisa pa lamang sa larangan ng stage production. Para sa akin, na-exhaust nito ang lahat ng hangganan (maliit na budget, kawalan ng maturity sa larangan at iba pa) upang magmungkahi ng konting takot. Siguro ay mas literary ang appreciation kung napanood ko ang film version o kung nabasa ko ang libro pero sapat na ‘yung discomfort na ibinigay nito habang pinapakiramdaman ko kung katabi ko na ang babaeng nawawala sa dilim.

Sunday, November 04, 2012

Nag-uumapaw na Galak Mula sa Isang Trahedya

Ang larawan ay kinuha mula sa website ni Gibbs Cadiz

Sintang Dalisay
Produksyon: Tanghalang Ateneo
Direksyon: Ricardo Abad
Mandudula: G.D. Roke (pagbabalangkas mula sa kanyang awit na “Ang Sintang Dalisay ni Julieta at Romeo” na halaw mula sa “Romeo and Juliet” ni William Shakespeare)
Mga Nagsiganap: Kalil Almonte, Tasha Tañada, Brian Sy, atbp.

Uunahin ko na, sa mga napanood kong lokal na produksyon ngayong taon, ito na siguro ang naghatid sa akin sa maraming pedestal ng pagkasining at pagkalibang, akademiko man o pamatay-oras lang. Ito ‘yung lumabas ako ng Rizal Mini-Theater sa Ateneo na halos mayakap ko ang cast na naghihintay sa labas at nagte-Thank you for watching, at ipaalala sa kanila kung gaano kadakila ang galak na ibinigay nila sa akin sa hapong ‘yun. Bumalik ako sa Katipunan at hinarap ang Metro Manila na may baong ngiti at pagmumuni na ito ang isa sa maraming dahilan ng pananatili rito.

Kung sa aspetong pang-akademiko lang, maraming inilatag ang dula. Ang pinakanangibabaw na siguro rito ay ang walang sawang paglalahad ng “Romeo and Juliet” ni Shakespeare. Walang binago sa pagkakasunod ng tagpo at napakarelihiyoso nito sa orihinal na obra. Ikalawa, nabigyan tayo ng pagkakataon upang mapagtuunan ng pansin ang pagkakahalaw sa trahedya bilang isang awit (ang “Florante at Laura” ni Francisco Balagtas ay isang halimbawa nito, ayon sa playbill) na isinulat ng isang nagngangalang G.D. Roke n’ung 1901. Kung sino man s’ya, ang kanyang nalathalang halaw na lang ang aandap-andap na pruweba ng kanyang pagkamanunulat. May ilang website na nagsasabing kumuha rin ng teksto ang dula mula sa pagkakasalin ng National Artist for Theater and Literature na si Rolando Tinio sa “Romeo and Juliet” pero hindi naman ito nabanggit sa playbill. Kung totoo man ito at bagama’t hindi klaro ang pagkakahati ng ambag, malaking bagay ang pinagsamang puwersa ng pagkakapreserba ng akda ng isang halos malapit nang makalimutan at isang pinagpipitaganan sa industriya. Na-localize din ang trahedya sa isang imaginary community sa Mindanao kung kaya’t si Romeo ay naging si Rashiddin (Kalil Almonte) at si Juliet naman ay naging si Jamila (Tasha Tañada) mula sa magkalabang angkan ng mga Mustapha at mga Kalimuddin. Ang kapalaran ng dalawang mangingibig ay pilit pinag-ugnay ng isang imam (Brian Sy) na katumbas ng isang pari sa Kamindanawan. Nakatutok lang ang pagkaka-localize sa core ni Shakespeare at hindi ito kailanman nahulog sa bitag ng pagkalihis ng tema o conceit na magpaka-socially relevant (maliban siguro sa ilang pagpupugay ng stand ng theater group sa RH Bill). Tungkol lang talaga ito sa pag-ibig at sa pagkadalisay nito.

Maliban sa script, ipinakilala rin ng dula ang sayaw na “igal” na ayon sa playbill ay mula sa Sama o mas kilalang Bajau o Bajo. Hindi lang ito pamatid-uhaw sa panonood na isinisingit bilang breather kundi kasali talaga ito bilang paraan ng pagkukwento. Minsan ay sinasabayan ito ng mga tauhan at minsan naman ay nangungusap itong mag-isa (sigalot ng dalawang angkan, ang pagniniig ng dalawang bida at maging ang kanilang kamatayan). May ilang eksena na kahit blangko sa speaking lines at gumagalaw lamang ang mga tauhan sa saliw ng live music mula Konta-GaPi at Tanghalang Ateneo Music Ensemble na idinesenyo ng nag-iisang si Edru Abraham, abot na abot ang mga emosyon na nais nitong iparating sa mga manonood. Dito naman sa puntong ito, napapatingkad ang kontribusyon ng sayaw bilang form of expression at bilang bahagi ng kalinangan ng sining. Hindi lang basta sayaw kundi pagpupugay na rin sa kultura ng mga kapatid nating Muslim kung saan ang sayaw ay isang matatawag na way of life. Sa isang kritikal na intersection ng mga elemento ng sayaw (o kawalan nito) at drama, hindi matatawaran 'yung eksenang pilit isinasayaw ni Rashiddin ang walang buhay na si Jamila.

Sa kabila ng ‘sandamakmak na pagbabahagi ng dula bilang educational material (na tingin ko ay gawin sanang isang essential viewing para sa mga estudyante), hindi naman nito nakalimutan ang audience na pumunta lang sa tanghalan upang maglibang. Naaliw ako sa huling stage design ng isa pang National Artist for Theater and Design na si Salvador Bernal na pumanaw noong isang taon matapos maitawid ang unang serye ng staging ng dula. Ang ilang appreciation ko sa teatro noong early 90’s ay bunga ng kanyang disenyo bilang kolaborasyon sa mga TP plays na idinirehe ni Nonon Padilla. Para sa “Sintang Dalisay”, walang masyadong palabok sa entablado. Isang platform ang nasa dulo kung saan nakaupo ang mga musikero at isang simpleng sculptural piece sa itaas nito. Sa ganitong asta, malinaw na ang totoong bida sa pagtatanghal ay ang musika at ang igal na nakakaaliw mabigyang-buhay mula sa ensemble ng Tanghalang Ateneo. Napunan ng direktor ang mga inaasahang paggamit ng isang payak na espasyo upang magkapagkuwento ng isang trahedya na hitik sa character at plot development. Naipakita n'ya nang maayos ang transition at nagamit ang katahimikan kung kinakailangan. Gusto ko rin ang coda na ginawa ng starcrossed lovers sa dulo matapos ang curtain call. Ang choreography naman ni Matthew Santamaria ay mainam sa mata. Nakakahawa ang mga sayaw kung saan ang mga mangingibig ay nag-uumapaw sa kanilang kaligayahan at nakakadurog ang suhestiyon sa dulo na walang espasyo sa marahas na mundong ito ang pagsintang dalisay nina Rashiddin at Jamila.

N’ung una kong napanood si Kalil Almonte sa “R.I.P” ni Alvin Yapan para sa ENTABLADO (narito ang kaugnay na blog), nasabi ko na nasa ibang liga na ang aktor na ito. At hindi ako nagkamali nang napanood ko s’ya bilang Rashiddin para sa Tanghalang Ateneo. Ang kanyang Romeo ay inosente, magilas, mapangahas at nag-uumapaw sa pag-asam na mapasakanya ang pag-ibig na pilit n’yang sinungkit at nabigo. Nakasabay s’ya sa hamon na magsabuhay ng isang role na kinakailangan ng pisikalidad at hinihinging indak. Hindi lang isang ganap na aktor ang aking nasaksihan kundi isang performer na napapalamutian ng versatility sa kanyang balikat. Nakuha naman ni TashaTañada ang hinihinging fragility ng karakter at ang kanyang Juliet ay nakasabay sa demand ng kanyang Romeo.

Walang masyadong pagsidlan ang nag-uumapaw na karanasan kong mapanood ang ganitong dula (sa estilong trahedya) na naigapang ang dalawang mahirap na layunin sa pagtatanghal: to educate at to entertain. Andami kong napulot para sa isip at marami itong naipunla sa dibdib kahit na makailang beses ko nang napanood ang "Romeo and Juliet" sa iba't ibang hugis at pagkabuhay. Ang imahe nina Rashiddin at Jamila na umiindak sa saliw hindi lang sa igal kundi sa kanilang pag-iibigan ay hindi ko makalimutan kahit na noong Agosto ko pa ito napanood (at papanooring muli sa darating na national theater festival sa CCP sa Linggo, November 11). Maliban sa ideya na kaya palang pagsabayin sina Shakespeare, G.D. Roke (at Rolando Tinio) at ang igal, pinaalalahanan din ako nitong tanggapin ang kapalit ng pagsugal sa kaligayahang magmahal. Isa na rin itong babala na ang pinakapurong uri ng pagmamahal ay walang lugar dito, na baka ito ay isang ilusyon lang. Dalawang mukha ng lason ang gusto nitong sabihin. Una ay 'yung pangaraping maging dalisay ang isang relasyon o, sa baliktad na pananaw, panatilihin itong merong bahid upang magtagal.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...